Ikaimang Utos
Ni Jizelle P. Juntayas
"Stop Extra-Judicial Killings!" Ano nga ba ang EJK? Ang Extra-Judicial Killings ay ang pagpatay ng mga opisyal ng gobyerno nang walang legal na proseso. Makatarungan nga ba ang pagpatay o ginagawa lamang nila ito upang masabi nilang nagawa nila ang kanilang trabaho? Ayon sa ika-limang utos ng Diyos na nakasaad sa bibliya,"Huwag kang papatay." Ngunit sa nangyayari ngayon sa ating paligid, mukhang nawaglit na sa isipan ng karamihan sa atin ang utos na ito.
Mula nang maupo si Pangulong Duterte sa kaniyang pwesto ay puro tungkol sa Extra-Judicial Killings ang aking nababasa sa internet. Kung ako ang tatanungin, hindi ako sang-ayon sa mga pagpatay, gumagamit man ng bawal na gamot o hindi. Bakit? Una sa lahat, hindi sigurado ang mga pulis kung tama ba ang kanilang sinusugod dahil puro "di umano" lamang. Ikalawa, ang ibang kanilang pinapatay ay nagbabago na o tumigil nang gumamit ng droga. Isa pa, naniniwala akong lahat ng tao ay kayang magbago. Ikatlo, maraming nadadamay na mga sibilyan dito na wala namang kinalaman sa operasyon. Mahirap para sa kanilang naiwan na pamilya ang tanggapin ito sapagkat wala namang ginagawang masama ang kanilang kaanak ngunit nadamay pa rin. Paano na ang maliliit pang anak na kailangan pang buhayin? Mababayaran ba ng pera ang pagkawala ng kanilang ama o ina? Hindi. Marahil ay kahirapan ang pinakaunang dahilan kung bakit nae-engganyo ang isang tao na gumamit ng ipinagbabawal na gamot upang makalimutan ang kanilang mga dala-dalang problema. Hindi ba't ito muna dapat ang solusyonan ng gobyerno upang matigil na ang iligal na kalakalan sa droga? Siguro nga ay isa pa lamang ito sa mga malalang problema ng Pilipinas ngunit hindi pagpatay ang solusyon dito.
Para sa akin, hindi lang dapat problema sa droga ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno. Mas dapat muna nilang unahin ang mga nasalanta ng Yolanda o ang kahirapan sa bansa. Hindi matutuwa ang Diyos kung puro patayan lamang ang nangyayari sa ating bansa. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad.
Isang mahusay na akda na talaga nga namang bumabatikos sa walang tigil na pagsuway sa ika-limang utos ng ating panginoon. Ang walang katapusang pagpatay, ang paghuli sa mga inosente, ang pagpapakulong sa mga walang sala, at ang mga pamilya na nadadamay. Dala nang sunuod-sunod na mga balita nababalot ng takot ang bawat isa. Tama nga naman ang huling sinabi ng may akda sa dulo ng sanaysay. Hindi dapat natin pagtuunan ng pansin ang iisang problema, dahil; mas marami pa rin ang mga problemang hanggang ngayon wala pa rin solusyon.
ReplyDeleteTama ang awtor, hindi parin magandang solusyon ang pagpatay. Hindi din kasi magandang dahilan ang "anong hihintayin mo, ikaw o ang pamilya mo ang patayin nila?" Ang EJK kasi sa aking pananaw ay hindi lang pagkitil ng buhay, kundi pagkitil nadin ng kanilang oras para magbago. Mga taong pinagkakaitan ng panahon paano maging mabuting tao. Lalong lalo na ang mga nadadawit o nadadamay lamang.
ReplyDelete