Lazada

Saturday, March 4, 2017

ANATOMIYA NG PILIPINAS ni Jesmar Dantes Roque

ANATOMIYA NG PILIPINAS
ni Jesmar Dantes Roque

Kung ating mapapansin at susuriing mabuti ang kapuluan ng Pilipinas ay makikita ang hugis tao nitong porma at anyo ng isang katawang nakapamaluktot ang posisyon.

Simulan natin sa mga kapuluan sa dulong hilaga; Batanes na nagsisilbing buhok, ang kapuluan ito ay kakikitaan ng mga kabahayang gawa sa matitibay na bato at mga mamamayang sanay na sa mga bagyo katulad ng matibay na buhok hindi basta ito mabubunot at matitinag.

Ang mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan at Cordillera ang utak na naglalaman ng mga alaala ng nakaraan na hinubog ng mga tribo na siyang unang nanirahan sa bansa at ang impluwensiya na iniwan ng mga mananakop sa ating kultura.

Ang Gitnang Luzon naman ang sumasagisag sa ilong at dila, dahil kilala ang mga lalawigan dito sa mga masasarap na pagkain at putahe na nagmumula sa mga kapatagang sagana ang lupain at mga mababangong bukirin ng palay.

Sa baba naman nito ang rehiyon ng pambansang kabisera; Ang Kalakhang Maynila na siyang bibig at boses ng bayan dahil narito ang mga naglalakihang industriya pagdating sa pamamahayag sa telebisyon, radyo, pahayagan at social medya, dagdag pa rito ang mga pangunahing institusyon at sangay ng gobyerno.

Ang rehiyon naman ng CALABARZON ay sumisimbolo sa leeg at lalamunan na katuwang sa pagpapadaloy ng dugo papunta sa utak at pagkain papunta sa sikmura. Ito kasi ang malimit daanan ng transportasyon mapalupa o mapatubig papunta sa mga kalapit na lalawigan at pabalik ng Maynila na nagpapaayos ng daloy sa panloob na kalakarang pang ekonomiya.

Ang rehiyon naman ng MIMAROPA ang bisig, kamay at balikat na handang umakay at mabigay suporta, nariyan ang Palawan na sagana sa likas na yaman at ang pinakamabuting pagkuhanan ng enerhiya at langis, ito ang rehiyong bukas palad na nagiimbita at humahaplos sa mga dayuhang turista.

Ang rehiyon ng Bicol at Silangang Kabisayaan ang likod na siyang masasandalan ng ating ekonomiya dahil ito sa mga produktong pang agrikultura na nagdadala ng hilaw na materyales at pangunahing pinagkukunan ng lakas ng kalusugan ng mga mamamayan upang maging matindig ang postura ng ating ekonomiya.

Sa kabilang dako, ang Kanlurang Visayas at Negros ang sumasagisag sa malambot na puso ng bansa. Dito makikita ang isla ng boracay na nang-aakit ng mga turista dahil sa dalisay at puting mga buhangin nito. Isama pa ang mga magigiliw at malalambing na tao gaya ng mga Illonggo.

Ang Gitnang Kabisayaan naman ang nagsisilbing tiyan at sikmura ng bansa na dumaan sa kagutuman sa kalayaan, kirot ng pananakop, hilab ng pang-aapi at pagkabusog sa kulturang Espanyol na nagpabago sa ating pananampalataya at kultura na siyang pinaghuhugutan ng ating lakas.

Ang nalalabing rehiyon naman sa Mindanao ang nagsisilbing ibabang parte ng katawan na siyang mahalaga sa pagunlad at kaunlaran. Marami itong natatagong likas na yaman at mga lupain na nagtataglay ng yamang mineral, kagubatang hitik sa puno at mga natatanging hayop na dito lamang nakikita.

Ang rehiyon naman ng Davao ang maituturing na maselang parte ng katawan na kung saan nagluluwas ng mga pagkaing may masangsang na amoy na tinatawag nilang mga produktong mula sa prutas na Durian na tiyak na umaabot ang amoy sa ibang bansa na mahalaga sa eksportasyon.

Ang Peninsula naman ng Zamboanga at ang rehiyon ng mga Moro ang binti at paa na handang lumakad tungo sa kapayapaan at pakikipag-ayos, patunay na kaya nating maging iisang lahi sa iisang bansa.

Sa ganito ko nais ilarawan ang aking bansang maraming natatanging katangian na dapat lamang ipagmalaki.

4 comments:

  1. Mahusay na ipinakilala ng manunulat ang ating bansa sa akda na ito. Gamit ang iba't ibang bahagi ng katawan ng tao mas naipaliwanag kung ano nga ba ang naiaambag ng bawat rehiyo o probinsya sa ating bansa. Tunay nga namang hugis tao ang ating bansa at ngayon lang ako nakabasa na sa pamamagitan ng mga parte ng tao at ang lokasyon ng isang probinsya ay mahusay itong maipaguugnay.

    ReplyDelete
  2. Mahusay ang pagkakabuo ng akda. Naipakita niya ang sistema at parte ng buong Pilipinas na nagiging dahilan sa kasaganahan at pagiging kakaiba ng ating bansa. Naipakita ng manunulat ang kasaysayan, kagandahan at kayamanan ng ating bansa na dapat ipagmalaki ng mga Pilipino.

    ReplyDelete
  3. Malikot ang imahinasyon ng may akda nakatutuwa ang kaalaman na ibinahagi na ang hugis pala ng kapuluan ng pilipinas ay maihahalintulad sa isang katawan na nakapamaluktot. Nakatutuwa rin ang paraang kaniyang ginamit sa pagsasalarawan ng mga natatanging lugar sa Pilipinas. Nakawiwili ang paraan ng pagkukwento ng may akda. Ang mga ganitong akda ay nakakatulong sa pag papasidhi ng pagiging makabayan.

    ReplyDelete
  4. Napakagaling at nakakatuto ito dahil nakikita natin ang bawat sulok Ng ating bansa . Ngunit SA isang Banda nakakalunqkt dahil napapansin ang bawat paqlukulanq Ng bawat relihiyon .

    Kyla Mendoza

    ReplyDelete