Lazada

Saturday, March 4, 2017

Agos Ni Ailyn Angub

Agos
Ni Ailyn Angub

Noong una ay wala lang
 Walang luha, walang lungkot
 Kakaiba ang pagbanggit niya ng paalam noon
 Walang muwang kung bakit

Bilang bata na sa laruan lamang ang pansin
 Ilang araw na wala siya'y hindi batid
 Nagtanong lamang ng mapansin
 Sagot naman niya'y pagsisinungaling

Ang galing ng siyang naiwan,
 Wala man lang kaming naramdamang pangungulila,
 Kung minsan ay hahanapin,
 Bibigyan ng palusot na paniniwalaan ko rin

Naging mabilis lamang ang pagikot, sa tingin ko
 Dahil nang magbalik ang akala ko'y nawala lamang ng isang linggo
 Ang pagyakap ng nangiwan ay may hatid na pagbabalik
 Ang siyang naiwan ay may naguumapaw na saya sa kanyang ngiti

Ang dami niyang pasalubong
 Pero wala ang paborito kong ponkan
 Pakiramdam ko'y malayo ako sa kanya
 Pakiramdam ko'y hindi ko siya kilala

Nagbukas ang bintana ng isipan
 Unti unti ng naiintindihan
 Natuto na ring umiyak bilang isa sa mga naiwan
 Yayakapin ang pinakanasaktan

 Hahalikan ang noo namin
 Sasabihan na magpakabait hanggang siya ay magbalik
 Masakit sa parte ng naiwan
 Ngunit hindi ko naisip ang lungkot ng siyang lumisan

Ang galing niya
 Wala man lang akong pagpapahalaga
 Binalewala ko ang oras na sana'y napangiti ko siya
 Pinalagpas ko ang mga pagkakataon na sana

Salamat at may panahon pa
 Maari pa kong magpadama
 Maari pa kong magpasiya
 May pagkakataon pa para magpasalamat

5 comments:

  1. Magandang tula, litaw na litaw ang emosyon na dulot ng pagkalayo sa minamahal. Malungkot isipin pero hindi tumatakbo ang mundo kung walang sakripisyo. Pero kasiyahan ang nag aabang na katumbas ng sakripisyo.

    ReplyDelete
  2. Nailarawan ng maayos ng may-akda kung ano ang totoong nangyayari at nararamdaman ng mga bata na naiiwan ng mga magulang na kinakailangan maghanap-buhay sa malalayong lugar lalo na sa mga OFW's na may mga iniwan na anak o pamilya. Nakakasakit ng puso ang mga ganitong tagpo lalo na kung makakakita ka ng mga bata na may sapat ng muwang at di magkanda mayaw ang iyak dahil ayaw mawalay ang magulang kahit na kung minsan ay nadadala tayo sa mga materyal na bagay
    - Arcilla, Alliah Gayle B.

    ReplyDelete
  3. Sa akin palagay, may katotohanan ang bawat salitang sinabi sa tula. Nakakabahala ang ganitong mga pangyayari sa ating bansa, maari nitong unti-unting baguhin ang istruktura ng pamilya mula sa kakulangan sa pangangailangan habang lumalaki ang isang bata at sabayan pa ng kawalan ng presensya ng magulang. Magkakaroon ito ng matinding epekto sa pag-iisip ng bata na sa una pa lamang dapat ipinamulat na hindi madali ang magtrabaho malayo sa pamilya at dapat naipakita ang kahalagahan ng presensya ng magulang sa bawat kabanata ng buhay ng kanilang anak. Maituturing ko ring hindi solusyon ang paglayo dahil mali ang kadalasan nilang dahilan na "para sa kinabukasan mo ito anak" na sa pagkabata pa lamang pinaranas na ang pangungulila hindi man nila batid, pero hindi rin natin tiyak kung nagampanan ng isang magulang ang responsibilidad, di lamang pinansyal maging personal sa pamamagitan ng paglayo upang maghanapbuhay.

    ReplyDelete
  4. Sa murang edad ay di pa hiyang ang bata kung san pupunta ang kanyang magulang. Magagalit ito dahil para sa kanya ay iniwan na siya ng mga magulang niya. Magtatampo dahil laging walang oras, walang magulang na maprepresenta tuwing may pagpupulong sa klase. Pagbalik ng magulang ay bbigyan ito ng mga materyal na bagay dahil sa tingin niya ito lang ang tanging paraan para makabawi sa matagal na pagkakahiwalay neto sa anak. Pero pagdating ng panahon at pagtanda ng bata ay mapagtatanto rin niya na lahat ng pag-alis ng magulang niya ay para lang sa ikakaganda ng buhay niya. Mapapatawad ang magulang at hihiling na sana'y kahit sa anong paraan man lang ay makatulong siya at makapiling ang nawalay na magulang

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama ang iyong tunuran kaibigan nakaisa ka na naman

      Delete