Lazada

Saturday, March 4, 2017

ALAALA NG AKING PAGKABATA ni Michael Bermundo

ALAALA NG AKING PAGKABATA
ni Michael Bermundo

 Naaalala ko noong ako`y musmos
Masayang Masaya akong nakikipaghabulan
At nakikipaglaro sa aking mga kaibigan
Kay sarap bumalik ng pagiging bata
Sapagkat wala kang iisiping problema
Bagkus puro kasiyahan at laro ang inaatupag
Kasama ang mga kaibigan
Masayang magkaroon ng kaibigan
Dahil sila ang dahilan kung ba`t makulay ang aking pagkabata
Karama`y ko sila sa kasiyaha`t mga kalokohan
Sila ang nagturo sakin ng maraming bagay
At sila rin ang mga una kong kaaway
Di mapawi sayang aking nadarama
Sa tuwing naaalala ko
Mga magagandang pangyayari
Na nagbigay ngiti sa aking mga labi
Maraming karanasan na sa akin ay nangyari
Pangyayari na parte na ng aking buhay
Mga pangyayaring nagbigay leksyon
At naging tulay ng aking pagkatuto
Upang maunawaan aking pagkakamali
Natutong bumangon mula sa pagkakadapa
Kahit mga sugat ay namamaga
Pinilit tumayo sa sariling mga paa
Oh kay gandang mga ala-ala
Mula sa aking pagkabata
Mga karanasang ito`y maituturing kong kayamanan
Kahit na sa kuwento nalang mabibigyang buhay
Dahil parte to ng aking pagkatao
Na di na maiaalis kailanman

12 comments:

  1. Masarap balikan ang ating mga alaala lalo na noong tayo'y mga bata pa. Ang mga bata ay larawan ng isang inosente at malayang mamamayan. Sa ating pagkabata, doon nagsisimula ang ating pagkatuto at natuto rin tayong tumayo mula sa pagkakadapa na mas nagpapatibay sa atin bilang isang indibidwal.

    ReplyDelete
  2. Talaga nga namang napakasayang balikan ang mga alaala ng ating pagkabata. Ang mga araw na walang iniindang mga problema. Walang sawa sa laro at tawa. Ganito tayo noong tayo ay mga bata. Sa ating pagkabata rin nahubog ang ating pagkatao kaya naman hindi natin maiiwasan maalala ang mga ito.

    ReplyDelete
  3. Tila napakasarap sa pakiramdam balikan ang ating pagkabata kung saan wala pa tayong pinoproblema at puro laro lang ang nasa isip natin. Naalala din natin ang ating mga naging kalaro na nagpapasaya sa atin. Noong pagkabata natin tila may natutunan na tayo sa buhay na kapag nadapa ka kailangan mong bumangon kahit masakit dahil ito ang nagpapatapang sa atin para harapin pa ang mga pagsubok.

    ReplyDelete
  4. Ang kabataan natin ay isa sa mga karanasan na gusto nating balikan ng paulit-ulit dahil kay sarap sa pakiramdam. Ang mga alaala ng ating kabataan ay nagpapaalala sa atin na tayo ay tumatanda. Makikita sa ating alaala sa pagkabata ang mga bagay na hindi na natin magagawa pa kaya kay sarap balikan nito.

    ReplyDelete
  5. Ang akdang ito ay tila binabalik tayo sa ating magandang nakaraan. Kay gandang isipin kung gaano tayo kasaya noon na walang iniindang problema. walang pakiaalam sa mga dumi na kumakapit sa ating katawan ngunit naging simbolo pa na may maganda tayong ala-ala. Kung ano tayo noong bata ay naging malaking parte sa kung ano tayo ngayon.

    ReplyDelete
  6. Tila walang makakapantay sa nakaraang puno ng pagkatuto, mula sa pagkakadapa hanggang sa pag bangon di malilimutan ang saya ng pagkabata. Maituturing na may gatas pa labi noon ngunit di matutumbasan ang ganitong karanasan

    ReplyDelete
  7. Ang akdang ito ang siyang nagpapatunay na masaya ang maging isang bata at maranasan ang mga pangyayaring hindi mo malilimutan kasama ang iyong mga kaibigan. Kulang ang iyong buhay kapag di mo naranasang maglaro sa labas ng inyong tahanan na punong-puno ng pawis at kung minsan ay amo’y araw na . Ipinakita ng akda na sa ating pagkabata ay natututo tayo ng iba’t ibang bagay. Katulad na lamang ng pagharap sa pagsubok na kahit mahirap at naiisip mong hindi mo na kaya ay kailangan mo pa ring bumangon at matuto sa iyong pagkakamali. Mahusay ang pagkakasulat ng akda. Lubos akong natuwa at tila sa sandaling ito ay naalala ko ang aking pagkabata .

    ReplyDelete
  8. Ang pagkabata ay isa sa pinakamasayang yugto ng ating pagkatao. Dito nagsisimula ang ating pakikihalubilo sa ating kapwa at pinagtitibay ng mga karanasan. Natututo rin tayo ng mga bagay na kailangan natin sa ating paglaki habang tayo ay anagsasaya at walang iniisip na kahit anong problema. Ang mga alaala natin mula sa ating pagkabata ay isa sa mga mahalagang alaala na dapat hindi natin kalimutan. May mga masasaya at malungkot na mga alaala na nagbibigay sa atin ng leksyon at aral na pwede nating gamitin upang gabay sa pagharap sa mga bagay-bagay.

    ReplyDelete
  9. Nakakamiss talaga tanawin anq ating pagkabata . Wala pang kaalaman kunq ano ang problems nq bayan . Di Alam ang salitang nobya /nobyo dahil anq Alam lng nantin ay maglaro maging msaya at sarli lnq anq iniintndi

    Kyla Mendoza

    ReplyDelete
  10. Dahil sa akdang ito, naaalala ko ang mga naganap sa akin noong musmos pa lamang ako. Walang ibang ginagawa kungdi magsaya at magtuklas ng mga hindi pa natin alam. Kung maari nga lang sana ay naging bata na lamang ako ngunit nandyan ang pagbabago na nagpapalit anyo sa atin upang mas gumanda ang ating pamumuhay

    ReplyDelete
  11. Ramdam ko ang sayang nararamdaman ng may akda, lubhang naging masaya at tiyak ngang hindi malilimutan ang mga ganoong alaala. Pero lubha akong nakaramdam ng lungkot para sa aking naging kalagayan noong ako'y musmos pa lamang, pero ako man ay nagpapasalamat parin sa aking mga magulang dahil kahit na akoy hindi nabigyan ng pagkakataong makisalamuha sa ibang batang gaya ko ay naging masaya naman ako kasama sila. At lumaking malapit at masunuring bata.

    ReplyDelete
  12. Hindi man natin tanungin ang sarili natin, alam naman natin na nakakamis talaga ang maging bata. maging bata kung saan napakababaw lang ng mga pinoproblema natin. na kung dati umiiyak lang tayo kapag inaaway ng mga kaibigan, kapag nadadapa at napapalo ng nanay. ngunit ngayong malaki na mas maraming problema na tayong hinharap. ngunit ang maganda sa atin ngayong malaki na tayo kaya na natin gawin ang mga bagy na hindi natin magawa noong tayo ay bata pa. hindi rin naman natin pwedeng balewalain ang alaala ng ating pagkabata dahil ito ay may malaking parte sa ating pagkatao.

    ReplyDelete