ANG TAMIS AY SIYANG PAIT
Ni Stephanie Caronongan Malinao
Ang sarap ng simoy ng hangin. Kitang-kita mula rito ang ilaw na nagmumula sa mga kabahayan sa ibaba. Kasabay ng paghampas ng hangin sa aking mukha ay siya ring sampal sa aking memorya ng mga pangyayaring ayaw ko na sanag maalala. Ngunit kahit anong pilit ay naaalala ko pa rin ang araw na iyon dito mismo, mahal. Sa lugar na ito mismo. Ang araw na sinagot kita. Ang pinakamasayang araw ng buhay, at siguro'y buhay ko na rin.
Ngunit dito rin mismo, tinapos mo ang lahat. Ang unang beses na umiyak ako, at iyon ay dahil sa 'yo.
Napangiti na lamang ako ng malungkot nang maalala ang mapait na alaalang iyon kasama ka.
Napalingon ako sa pintuan dahil tumunong ito. Naaninag ko ang maamo mong mukha. Mapupungay na mga mata, matangos na ilong, manipis na labi, ang iyong panga, at ang medyo magulo mong buhok.
Humahanap ka ng maaaring maupuan sapagkat puno na ang lahat ng mesa maliban sa mesa ko. Lumakad ka papalapit sa aking mesa ngunit natigilan ng makita ako. Lumapit ka pa rin at binati ako. Maya-maya'y nagtanong ka ng mga bagay-bagay tungkol sa akin.
Pinaalala ko sa akin ang mga pangakong binitiwan ng labi mo noong araw na sagutin kita. Ang alagaan ang puso ko. Ang walang ibang ookupa ng puso mo kung 'di ako lamang,
Tinitigan kita na para bang nagbibiro ka. Marahil nga'y biro na lamang na maituturing ang mga iyon, mahal. May ipinaalala ka sa akin, hindi ba? Kung gayon, may nais rin akong ipaalala.
Naaalala mo pa ba ang mga gabing dinadala mo ako sa inyong tahanan? Mga gabing wala akong ibang narinig kung 'di panlalait at panghuhusga? Naaalala mo pa ba, mahal ko, ang pagsasabi mo ng, "walang kabuluhan at patutunguhan ang mga pangarap ko sa kanya"? Bakit lubos ang pagtutol mo? Dahil ba nalaman mong malayong-malayo ang estado ng pamilya ko sa pamilya mo?
Masakit na marinig ang mga iyon mula sa iyo, mahal, ngunit tiniis ko sapagkat mahal kita.
Ngayon, ipaalala mo sa akin ang mga pangakong minsan nang nabali nang dahil sa pag-ibig. Nais kong ipaalala sa iyo, mahal, na habang inaalagaan ang minamahal ko ang puso mo, ay siyang pagkasira't pagkawasak ng buong pagkatao ko.
No comments:
Post a Comment