Lazada

Saturday, March 4, 2017

SALAMAT ni April Pauline Tayoni

SALAMAT
ni April Pauline Tayoni

Mga lambingan
na sirang plaka sa isipan
kay sarap balikan
pero ayoko nang masaktan

Mga salita mong makapangyarihan
ay kailangan kong labanan
Pangako mong tayo'y walang hanggan
ay hindi mo nga napatunayan

Hindi ikaw yung tipong iniiyakan
mapanakit ng nararamdaman
ngayon puso ko ay sugatan
kaya dapat sayo ay nilalayuan

Ang hirap mong kalimutan
nakaukit sa puso ko iyong pangalan
pero kailangang gumawa ng paraan

Ako eto ngayon sinusubukan
na alisin ang kalungkutan
Nananalangin na patnubayan
at nangangakong sarili ko'y aalagaan

NGITI ni April Pauline Tayoni

NGITI
ni April Pauline Tayoni

O sinta'y ang hirap mo mahagilap
Ngunit pag andyan ka naman ay parang nasa alapaap
Ako ito'y palihim na sumusulyap
Napapaisip kung mananatili ka na lang bang pangarap?

Ano nga ba iyong pangalan?
Hindi mawala mga ngiti mo sa aking isipan
Tibok sa 'king puso ay naghahabulan
Lalong nagwawala ang buong sistema ko sa tuwing ikaw ay masisilayan

Walang akong lakas ng loob ika'y lapitan
Ewan ko ba, okay na ko kahit sa malayo ka lang titigan
Basta buo araw ko kapag nakikita ang mukha mo.

KAYAMAni ni April Pauline Tayoni

KAYAMAni
ni April Pauline Tayoni

Bansang Pilipinas
Sagana sa likas na yaman
Kaya lubos na nagpapasalamat sa poong maykapal
Na mabiyayaan ng paraisong walang katulad

Turista'y galing iba't-ibang bansa ay patuloy na tinatangkalik ang bansa
Bohol, Palawan, Cebu, Ilocos, Batanes
Iilan sa mga tanawing walang kupas ang kagandahan

Pagtapak mo pa lamang sa lupa ay mapapanganga sa gandang natural ng kalikasan
Sabayan mo pa ng mga taong wagas ang ngiti kung salubungin ka
Napaka presko ng hangin, pag nahampas sa aking balat ay hindi maipaliwanag ang damdamin
Tingnan lang ang ulap at mawawala ang problema

Talagang wala kong masabi sa gandang anyo nito
Ika nga nila It's more fun in the Philippines
Kaya pag nagkatrabaho ako, uunahin ko muna ang Pilipinas bago ang iba
Nandito na nga tayo maghahanap pa ba tayo ng iba?

Kaya dapat lubos nating paka ingatan ang mga ito
Tayo ang dapat mag alaga dito at huwag na huwag sirain

BUHAY SA SINTANG PAARALAN Nel Azaña

BUHAY SA SINTANG PAARALAN
Nel Azaña

Marami ang nagtataka
Bawat isa ay bakas sa mukha
Ang katanungang mahahalata
Na bakit sa pup gustong mag-aral ng madla?

Bakit nga ba?
Hayaan niyong isiwalat ko ang sikreto
Kung bakit dito gusto ng mga tao
Dahil dito mo mararanasan kakaibang tagpo
Kakaibang tuwa na walang halong biro
Mga kaibigang mapangbuyo
Pero taglay ang malambot na puso
Dito mo makikita ang mga dalubhasang guro
Mga kaalamang bago at makakatulong sayo
Kahit na mahirap ang bawat asiganatura
Di mo masasabi sa iyong sarili na ika'y suko na
Dahil andyan ang kaibigang patatawanin ka
Tutulong sa oras ng problema.

Mga karanasan sa loob at labas ng sintang paaralan
Ay sadyang walang hangganan
Ituturing mo talagang isang yaman
Na kailan man ay hindi mapapatanyan
Iyan ang dahilan
Kung bakit sila gumawagawa ng paraan
Makapasok lang sa sintang paaralan.

KAGANAPANG DI MALILIMUTAN Nel Azaña

KAGANAPANG DI MALILIMUTAN
Nel Azaña

 Nanay, tatay gusto ko tinapay lahat ng gusto ko ay susundin niyo ang magkamali ay pipingutin ko
Tumakbo, nagtago, humiyaw
Anong naganap?
Anong nangyari?
Wala akong makita
Ikaw! Alam mo ba?
Dinuro,pinunit, nilamutak
Huwag, Masama ito
Ayoko na, tama na
Di ko na kaya
Wag kang maingay
Maririnig nila
Haaaaaaaaah!
Bakit ako pa?
Takbo, takbo
Kahit saan ka magtungo
Wala ka nang takas
Sa kamay kung marahas
Hinagupit, Hinataw, binitin
Lasug lasug ang katawan
Kamay walang madantayan
Humahangos, nakahiga
At wala ng lakas
Haaaaaaaaah!
Walang magawa
Kusang nagpaubaya
Ang sakit di ko na kaya
Parang awa mo na
Itigil mo na to!
Manahimik ka!
Ang ingay mo!!
Ayaaaaaan na!
Haaaaaaaaah!!!!
Nanghihina, nakalatay
Luhang kusang umagos
Sa mukhang di makaraos
Nagtatangis, nanlalambot
Humiyaw ng malakas
Humahangos
Bumangon
Pinunasan ang luha
Ayoko, ayokong mangyari...
Nagpasalamat..

SAWI ni Nel Azaña

SAWI
ni Nel Azaña

Katotohanang kinukubli
Kasinungalingang sinasabi
Katahimikan siya'y nagwagi
Pag-iibigang tinali
Pagsuko ay mabilis na nangyari
Pagkatakot ay namutawi
Pagsisisi ay naganap sa huli.

Lungkot ay makikita
Sa matang lumuluha
Nagtatanong "bakit kaya?"
Puso ay nangungulila
Sa pagmamahal na dakila
Hinahanap-hanap ang pagkalinga
Sa miserable niyang diwa.

Pighati ay hagkan-hagkan
Luha ay tuluyan
Sakit ay nariyan
Sa bisig niyang lulan.

REYALIDAD ni Nel Azaña

REYALIDAD
ni Nel Azaña

Nakapiring ang mata ng katarungan
Nakabusal ang bibig ng katotohanan
Pilit na sinisiwalat ang kasinungalingan
Nagtataengang kawali ang kapayapaan
Naaapakan ang dignidad ng mamamayan
Nayuyurakan ang karapatan ng taong bayan
Sinasakal ang magsisiwalat ng kawalang hiyaan
Nilulumpo upang di makalakad ang kalayaan
Binibitin patiwarik ang katahimikan
Upang umibabaw sa huli ang kaguluhan.

Ikaw! Oo ikaw!
Kailan ka aaksyon?
Kailan susulusyonan
ang dagok sa lipunan?
Hanggang kailan mo babaliwalain
 ang kaganapang ito sa atin?
Kailan bibigyang sagot
ang sakit at takot?

Sila! Oo sila!
Ang dahilan ng pagdurusa.
Sakit sa bansa na gawa nila,
Pagkagahaman sa pera
Dulot ay kasamaan sa bawat isa.

Tayo! Oo tayo!
Huwag magpaapekto
Sa kaguluhan dito,
Tuloy ang laban walang susuko hanggang sa dulo.

KAGUSTUHAN ni Nel Azaña

KAGUSTUHAN
ni Nel Azaña

Pag-aaral ay susi sa tagumpay
Dito nakasalalay
Ang kinabukasang may latay
Dahil sa kahirapan sa buhay.

Namimiligrong maabot ang pangarap
Dahil sa mga nagaganap
At pasakit na paghihirap
Gutom na kinakaharap.

Sana'y may pag-asa pang magbago
Mga nagaganap dito sa mundo
Upang makuha ang mga gusto
Nang bawat Pilipino.

KASALANANG DI MATATAKASAN ni Nel Azaña

KASALANANG DI MATATAKASAN
ni Nel Azaña

Kurakot sa bayan ay pagbayarin
Sa kaparusahang di niya nanaisin
Dahil sa kanya tayo'y nabibitin
Sa kahirapang sa bansa'y sumasalamin.

Pondo ng bayan
Wag gamitin sa kasakiman
Dahil dito'y nararanasan kahirapan
Nang mga mamamayan.

Kahirapan sa pilipinas
Ating bigyang lunas
Upang sa darating na bukas
Ating pakpak ay ipapagaspas.

TULONG NA IBINULONG ni Jesmar Dantes Roque

TULONG NA IBINULONG
ni Jesmar Dantes Roque

Sa ating modernong panahon
Bansa raw ay umaahon.
Mga kababayan sa dako paroon
Hirap sa buhay, 'di makabangon.

Magandang ekonomiya sa mayaman lamang bumabati,
Sa buhay ng mahirap ay humahati.
Bayang mayroong mayayamang kaunti
Mga mahihirap na maraming minimithi.

Silangang Kabisayaan, sagana sa agrikultura,
Palay na kayrami, nagtatayugang copra,
Mga yamang-dagat, mineral at enerhiya.
Rehiyong nakamamangha, labis na pinagpala.

Parating ang sakunang nagngangalit,
Kabuhayang itinigil, hindi na rin magagamit.
Mamamayan tuloy ang magigipit.
Inaasahang tulong mula sa may posisyong nakamit.

Tumama sa lupa ang bagyong Haiyan,
Sinabayan ng bugso ng hanging Amihan.
Mga bahay, istruktura hinagupit, nagtumbahan
Sumunod ang daluyong, malakas na ulan.

Kinabukasan, mga bangkay nakaharang sa daan,
Mga punong nabuwal, sirang pananim sa sakahan,
Piraso ng mga bangkang nilamon ng dalampasigan,
At ang madilim, malamig, matamlay na kalungsuran.

Mabagal na tulong mula sa gobyerno,
Mga kahong may pangalan ng kung sino,
Mga donasyong naimbak sa bangko,
Mga pansamantalang tirahang madaling maabo.

Paghihirap ng mamamayan, hindi natatapos,
Binabantayan ng militar na tila nakagapos,
Nilalabanan ang sakit at sikmurang naghihikaos.
Ito nga ay lubhang mahirap pa sa unos.

Tulong na pinagkakitaan ng mga kapitalista,
Mga pakitang-tao sa harap ng medya,
Opisyales na maagang nangampanya,
Mga politikong mandarambong ng pera.

Sa kasalukuyan, mga tulong panawagang ihandog,
Kasabay ng reklamong sama-samang idinulog,
Upang kalampagin gobyernong natutulog
Sa tulong ng Diyos, Kabisayaan tindog!

ANATOMIYA NG PILIPINAS ni Jesmar Dantes Roque

ANATOMIYA NG PILIPINAS
ni Jesmar Dantes Roque

Kung ating mapapansin at susuriing mabuti ang kapuluan ng Pilipinas ay makikita ang hugis tao nitong porma at anyo ng isang katawang nakapamaluktot ang posisyon.

Simulan natin sa mga kapuluan sa dulong hilaga; Batanes na nagsisilbing buhok, ang kapuluan ito ay kakikitaan ng mga kabahayang gawa sa matitibay na bato at mga mamamayang sanay na sa mga bagyo katulad ng matibay na buhok hindi basta ito mabubunot at matitinag.

Ang mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan at Cordillera ang utak na naglalaman ng mga alaala ng nakaraan na hinubog ng mga tribo na siyang unang nanirahan sa bansa at ang impluwensiya na iniwan ng mga mananakop sa ating kultura.

Ang Gitnang Luzon naman ang sumasagisag sa ilong at dila, dahil kilala ang mga lalawigan dito sa mga masasarap na pagkain at putahe na nagmumula sa mga kapatagang sagana ang lupain at mga mababangong bukirin ng palay.

Sa baba naman nito ang rehiyon ng pambansang kabisera; Ang Kalakhang Maynila na siyang bibig at boses ng bayan dahil narito ang mga naglalakihang industriya pagdating sa pamamahayag sa telebisyon, radyo, pahayagan at social medya, dagdag pa rito ang mga pangunahing institusyon at sangay ng gobyerno.

Ang rehiyon naman ng CALABARZON ay sumisimbolo sa leeg at lalamunan na katuwang sa pagpapadaloy ng dugo papunta sa utak at pagkain papunta sa sikmura. Ito kasi ang malimit daanan ng transportasyon mapalupa o mapatubig papunta sa mga kalapit na lalawigan at pabalik ng Maynila na nagpapaayos ng daloy sa panloob na kalakarang pang ekonomiya.

Ang rehiyon naman ng MIMAROPA ang bisig, kamay at balikat na handang umakay at mabigay suporta, nariyan ang Palawan na sagana sa likas na yaman at ang pinakamabuting pagkuhanan ng enerhiya at langis, ito ang rehiyong bukas palad na nagiimbita at humahaplos sa mga dayuhang turista.

Ang rehiyon ng Bicol at Silangang Kabisayaan ang likod na siyang masasandalan ng ating ekonomiya dahil ito sa mga produktong pang agrikultura na nagdadala ng hilaw na materyales at pangunahing pinagkukunan ng lakas ng kalusugan ng mga mamamayan upang maging matindig ang postura ng ating ekonomiya.

Sa kabilang dako, ang Kanlurang Visayas at Negros ang sumasagisag sa malambot na puso ng bansa. Dito makikita ang isla ng boracay na nang-aakit ng mga turista dahil sa dalisay at puting mga buhangin nito. Isama pa ang mga magigiliw at malalambing na tao gaya ng mga Illonggo.

Ang Gitnang Kabisayaan naman ang nagsisilbing tiyan at sikmura ng bansa na dumaan sa kagutuman sa kalayaan, kirot ng pananakop, hilab ng pang-aapi at pagkabusog sa kulturang Espanyol na nagpabago sa ating pananampalataya at kultura na siyang pinaghuhugutan ng ating lakas.

Ang nalalabing rehiyon naman sa Mindanao ang nagsisilbing ibabang parte ng katawan na siyang mahalaga sa pagunlad at kaunlaran. Marami itong natatagong likas na yaman at mga lupain na nagtataglay ng yamang mineral, kagubatang hitik sa puno at mga natatanging hayop na dito lamang nakikita.

Ang rehiyon naman ng Davao ang maituturing na maselang parte ng katawan na kung saan nagluluwas ng mga pagkaing may masangsang na amoy na tinatawag nilang mga produktong mula sa prutas na Durian na tiyak na umaabot ang amoy sa ibang bansa na mahalaga sa eksportasyon.

Ang Peninsula naman ng Zamboanga at ang rehiyon ng mga Moro ang binti at paa na handang lumakad tungo sa kapayapaan at pakikipag-ayos, patunay na kaya nating maging iisang lahi sa iisang bansa.

Sa ganito ko nais ilarawan ang aking bansang maraming natatanging katangian na dapat lamang ipagmalaki.

GULUGOD NG EKONOMIYA ni Jesmar Dantes Roque

GULUGOD NG EKONOMIYA
ni Jesmar Dantes Roque

Sa kasalukuyan maituturing natin na papapaunlad na bansa ang Pilipinas kumpara sa mga nagdaang taon. Marahil ay dahil ito sa maganda at mahusay na ipinakita ng ating lakas paggawa, kabilang na diyan ang mga nagtatrabaho sa mga kompanya ng BPO at ang pagdami ng job offers mula sa ibang bansa. Isa pang nakatulong sa atin ang mga produktong gawa sa ating bansa na iniluluwas upang ikalakal. Ngunit bakit kaya hindi ito ramdam ng pangkaraniwang Pilipino? bakit kaya marami pa ring nagugutom? Dahil yan sa isang sektor na hindi natin masyadong pinagtutuunan ng pansin- Ang Agrikultura, ito lamang ang sektor ngekonomiya at ating masasandalan dahil sagana tayo sa mga lupain at ito lamang ang sektor na hindi umaasa sa pag-aangkat. Kung gagamitin natin ang kasaganahan ng bansa sa yamang tao sa paglinang ng ating likas na yaman ay maaaring mapaunlad pa ang kalagayan ng bansa at magbukas pa ng mas maraming hanapbuhay.

Dalawa ang nakikita kong problema sa pagkabaldado ng ating agrikultura; Una ang mga hindi napipigilan pangyayari na gawa mismo ngkalikasan gaya ng mga bagyo, tagtuyot, at mga peste na dulot na rin ngpagbabago ng klima. Ikalawa ang mismong gobyerno at ang karamihan sa mga Pilipino. Napansin kong mayroon tayong kaisipang naimpluwensiyahan ng mga mauunlad at industriyalisadong mga bansa na kung saan ang sektor ng industriya at paggawa ang mas madalas na bigyang pansin. Isama mo pa ang mababang pagtingin sa mga hanapbuhay na may kaugnayan sa sektor ng agrikultura na kung wala ang mga ito ay wala rin ang mga mangkok ng bigas at mga produktong galing sa tubig at lupa na nakakain sa araw-araw.

Isa tayong Agrikultural na bansa kaya dapat nating palaguin ang kung anong meron tayo at bago paunlarin ang ibang kakayahan matutong hubugin ang sariling talento. Malungkot mang isipin pero ang mga bansang asyano na nagaaral sa atin tungkol sa pagpapaunlad ngagrikultura ay sila na ngayon ang nangunguna sa pagluluwas ng bigas sa buong mundo. Sa kasalukuyan, isa tayo sa mga nangunguna pagdating sa pagaangkat ng bigas. Muli sanang pagtuunan ang larangan ngagronomiya na nagaaral sa pagpapaunlad ng ani at produktong sakahan.

SA ORAS NA DUMATING: ANG APAT NA BUWAN ni Jesmar Dantes Roque

SA ORAS NA DUMATING: ANG APAT NA BUWAN
ni Jesmar Dantes Roque

Sa natitirang dahon sa aming manggahan
Ekspedisyong malayo sa aking kaisipan
Tangayin na sana sa kawalan.

Oro ngang maituturing
Kalendaryong matulin
Tapusin ang mga gawain
N
amatay na sama ng kalooban
Oras ng kapayapaan
Balutin ng katahimikan.

Darating si ninong
Ibubuhos ang inipon
Sobre at mga kahon.

BUHAY PUP: ALAALA NI ISKA ni Maj Punzalan

BUHAY PUP: ALAALA NI ISKA
ni Maj Punzalan

Ano ba ang PUP? Polytechnic University of the Philippines a.k.a Sintang Paaralan, isa sa mga pinaka prehistiryosong paaralan ng ating bansang Pilipinas. Ano ba ang mararanasan mo sa PUP? Init, Pagod, Hirap, sungit ng mga staffs, kawalan ng mga guro, haba ng pila, Roleta at higit sa lahat pag pupursiging makapagaral kung ayaw mo na masayang ang iyong pinaghirapan at marami pa ang mga katagang masasabi sa PUP, sa kabila ng lahat maganda ang maidudulot sa atin ng Sintang Paaralan lalo na sa larangan ng pagaaral, pagkakaroon ng trabaho at isa na dito ang pagkakaroon ng masasayang alaala, alaala na tatatak sa ating mga puso, hindi biro magaral sa PUP dahil pag susunog kilay at dugo't pawis ang kailangang ialay, ngunit hindi parin mawawala ang mga alaala na naging masaya tayo dahil kasama natin ang ating mga kaibigan, isipin mo? Sa dose pesos may matututunan kana, may magagandang alaala kapa.

Wala pang isang taon ang pagaaral ko sa PUP ngunit masasabi kong malaking pagbabago ang naidulot sa akin nito mas lalo akong namulat sa mundong magulo at mas lalo akong namulat sa iba't ibang uri ng tao, dito mo mararanasan ang mga bagay na hindi mo pa nararanasan, dito mo masasaksihan ang katotohanan na itinatago ng telebisyon, dito mo makikita kung gaano naghihirap ang ating bansang pilipinas at dito mo makikita kung gaano kasakim ang mga tao sa mundo, ito ay ang mga alaalang gigising sayo sa bangungot ng katotohanan.

Sa PUP mo makakasalamuha ang mga taong hirap sa buhay, may pinagdaraanan at nagsisikap upang makaahon sa hirap ng buhay, ito ang alaala na nagpaantig ng aking damdamin.

Wala man akong sapat na kaalaman upang magpahayag ng iba't ibang bagay tungkol sa PUP para sa akin ay sapat na ang aking nalalaman dahil kung tititigan mo lamang ang Sintang Paaralan ay iba't ibang salita na ang lalabas sa bibig mo iba't ibang pangyayari na ang aabangan mo. Sa kaunting panahon na aking pamamalagi sa PUP ay marami na agad akong alaalang nabubuo, alaala na paniguradong hinding hindi ko makakalimutan positibo man o negatibo, Mga alaalang darating pa sa aking buhay estudyante dito sa PUP, ang mga alaalang kailanman ay hinding hindi makakalimutan ng isang iska na katulad ko.

SALAWAHAN ni Maj Punzalan

SALAWAHAN
ni Maj Punzalan

Andito ako,
Andito ako sa lugar kung saan iniwan mo ako,
Andito ako sa lugar kung saan unang pumatak ang luha ko ng dahil sayo,
Andito ako sa lugar kung saan kumirot ang puso ko dahil sa mga salita na nanggaling sayo,

Bakit ka nawala,
Bakit nawala tayong dalawa,
Bakit dati'y akin ka ngunit ngayon sa kanya kana,
Bakit iniwan mo akong nagiisa,

Akala ko ba ako lang ang prinsesa mo,
Akala ko ba ako lang ang iintayin mo sa simbahan na paroroonan ko,
Akala ko ba ako lang ang ipagtatanggol mo,
Akala ko lang pala lahat ng tumatak sa isip ko,

Bakit iniwan mo kami ni mama,
Bakit ipinagpalit mo kami sa iba,
Bakit hindi ka nakuntento sa aming dalawa,
Bakit mo kami hinayaang mawala,

Papa, masakit kasi iba na ang prinsesa mo,
Papa, napakadami kong hinanaing para sayo,
Papa, hindi ako masaya kapag wala ka sa tabi ko,
Papa, sunduin mo na prinsesa at reyna mo.

KABLE ni Maj Punzalan

KABLE
ni Maj Punzalan

Bakit? Bakit hindi nalang tayo ang nagkatuluyan? Bakit sa iba kapa napunta? Bakit hindi tayong dalawa?

Parang dati'y ikaw lang ang pangarap ko,
Parang dati'y ikaw lang ang palaging kasama ko,
Parang dati'y ikaw lang ang katabi ko,

Pero bakit ngayon?

Ngayon na hindi na ako yung katabi mo,
Ngayon na iba yung pinapangarap mo,
Ngayon na iba na yung palaging kasama mo,

Siguro nga eto ang plano ng diyos para sa ating dalawa,
Ang bitawan ang kamay ng isa't isa,
Para tayong kable na magkahiwalay,
Maaaring pinagtagpo tayong dalawa,
Ngunit hindi itinadhana para sa isa't isa

TULA KO PARA SA’YO ni Michael Bermundo

TULA KO PARA SA’YO
ni Michael Bermundo

Para kang kalabasa
Lumilinaw aking mata
Tuwing ika`y nakikita
Iba aking nadarama

Tulang aking sinulat
Tapat kong inaalay
Sa isang binibining
Bumihag ng puso ko

Di maipaliwanag
Ang sayang nadarama
Sa bawat sandali na
Masilayan `yong ganda

Ang pag-ibig kong inasam
Inanod sa tubig tabang
Nilamon ng karagatan
Na para bang sakal-sakal

Kapag ika`y ngumingiti
Na mula sa ibang binhi
Dala nito`y dalumhati
At matinding pighati

Isa kang bilanggo
Sa puso`t isipan ko
Kailanma`y di naglaho
Pagtingin ko para sayo

KAWAWANG MAMAMAYAN ni Michael Bermundo

KAWAWANG MAMAMAYAN
ni Michael Bermundo

Pilipinas, bayan nating mayaman
Puno ng magagandang kalikasan
Kulturang humubog sa mamamayan
Iwan ay magandang kaugalian

Isang hindi malilimutang bagyo
Ang tumatak sa isipan ng bawat tao
At maituturing na isang delubyo
Na gumimbal sa buong mundo

Ang bagyong tinawag na Yolanda
Nagdulot ng matinding pagkasira
At malawakang pagbaha
Na naging dahilan ng pagluluksa

Mga damdamin ay nag-alab
Puso`t pag-asa`y biglang nawasak
Pangarap tila ba`y sumadsad
Pero pilit tumatayo sa sariling mga tindig

Sa pagdating ng delubyo
Nasaan ang ating gobyerno
Pati mga pondong nakolekta
Na tila nawala parang bula

Ang pagtulong ng gobyerno
Inaabot ng lingo
Kaya aanhin pa ang damo
Kung patay na ang kabayo

DALAWANG TAONG MAY MAGKAIBANG PANANAW ni Michael Bermundo

DALAWANG TAONG MAY MAGKAIBANG PANANAW
ni Michael Bermundo

May dalawang taong parehas na pinanganak na mahirap at nakatira sa simpleng tahanan at kumakain ng isang kahig isang tuka pero maymagkaibang pananaw sa buhay. Ang isa ay naniniwala na para makuha ang isang bagay na iyong inaasam ay kailangan mong magsumikap at paghirapan ito dahil alam niya na tayo mismo ang magdidikta sa ating mga kapalaran dahil nakabase ang mga mangyayari sa mga ginagawa natin at walang mangyayari kung wala kang gagawin upang makamit ang mga ninanais mo. At ayon sa kanya ay marami siyang kakilala na nagtagumpay sa buhay dahil sa pagsusumikap at may mga bagay narin siyang nakamit dahil sa kanyang pagsusumikap kaya naniniwala siyang pagsusumikap ang susi sa tagumpay. Samantala, ang isa naman ay naniniwala na ang kapalaran natin ay nakadepende sa suwerteng darating sa ating buhay at hindi kinakailangang magsumikap upang magtagumpay dahil kung swerte ka ay magiging matagumpay ka. Kaya inaasa niya sa suwerte ang buhay niya dahil ayon sa kanya ay matagal na raw siyang naniniwala sa suwerte at maraming suwerte na ang nangyari sa kanya kaya bakit hindi pa siya maniniwala dito.

Sa paglipas ng mga araw, sinubok ng panahon ang pagsusumikap at suwerte na tagalay nilang dalawa.

Ang isa na naniniwala sa suwerte ay tulad ng dati ay nakatira parin sa simpleng tahanan at kumakain ng isang kahig isang tuka pero minsan ay di sila nakakakain sa isang araw. At hindi niya nabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Samantalang ang isa na nagsumikap upang makamit ang kanyang inaasam ay nakatira sa isang malaking mansyon na may maraming kotse at may swimming pool pa. Nakakakain sila ng maraming beses sa isang araw ng kanyang pamilya at naibibigay niya ang pangangailangan ng mga ito sa araw-araw.

Kaya ikaw, ano ang aasahan mo?

ALAALA NG AKING PAGKABATA ni Michael Bermundo

ALAALA NG AKING PAGKABATA
ni Michael Bermundo

 Naaalala ko noong ako`y musmos
Masayang Masaya akong nakikipaghabulan
At nakikipaglaro sa aking mga kaibigan
Kay sarap bumalik ng pagiging bata
Sapagkat wala kang iisiping problema
Bagkus puro kasiyahan at laro ang inaatupag
Kasama ang mga kaibigan
Masayang magkaroon ng kaibigan
Dahil sila ang dahilan kung ba`t makulay ang aking pagkabata
Karama`y ko sila sa kasiyaha`t mga kalokohan
Sila ang nagturo sakin ng maraming bagay
At sila rin ang mga una kong kaaway
Di mapawi sayang aking nadarama
Sa tuwing naaalala ko
Mga magagandang pangyayari
Na nagbigay ngiti sa aking mga labi
Maraming karanasan na sa akin ay nangyari
Pangyayari na parte na ng aking buhay
Mga pangyayaring nagbigay leksyon
At naging tulay ng aking pagkatuto
Upang maunawaan aking pagkakamali
Natutong bumangon mula sa pagkakadapa
Kahit mga sugat ay namamaga
Pinilit tumayo sa sariling mga paa
Oh kay gandang mga ala-ala
Mula sa aking pagkabata
Mga karanasang ito`y maituturing kong kayamanan
Kahit na sa kuwento nalang mabibigyang buhay
Dahil parte to ng aking pagkatao
Na di na maiaalis kailanman

HANAPIN MO ni Evan Michael Estrella Cruz

HANAPIN MO
ni Evan Michael Estrella Cruz

Magulo ang tadhana
Animo'y kalsada ng Quiapo
Isipin mo tayo'y pinagtagpo
Malaki ang impluwensiya mo sakin

Ang tiwala na di iiwan ay ibinigay
Hanggang saan ako dadalhin ng pagmamahal sayo
Ang hampas lupang tulad ko
Lumigaya ng nakita ang tulad mo

Kinalimutan ang katayuan sa buhay
Iniangat at nagsumikap para makaahon sa hirap
Tadhana nga'y magulo
Ang hiling ko ay di pinako

Pagkukulang ay natugunan na
Edukado na ang dating hampas lupa lamang
Relihiyoso na rin ang dating tarantado
Oras na para sabihing mahal kita.

KUNG IKA’Y SAWI ni Patrick Helera

KUNG IKA’Y SAWI
Patrick Helera

Kung ika’y sawi,
mag-laan ng oras sa ‘yong sarili.
Ika’y tumabi at magmuni-muni.
Huwag na munang pakinggan ang ingay ng buhay.
Sa halip, ika’y manahimik muna
at piliing mag-isa.

Kung ika’y sawi,
mag-laan ng oras sa ‘yong sarili.
Isipin kung saan nagkamali
ngunit huwag ibato lahat ng sisi
sa iyong sarili dahil oo,
may mali ka at higit sa lahat,
may mali rin siya.

Kung ika’y sawi,
mag-laan ng oras sa ‘yong sarili.
Muling hanapin ang dating ikaw
na may ngiti sa labi,
na may kislap sa mga mata,
at may galak puso.
Tandaan na kaya mo itong hanapin
 kahit na ika’y mag-isa
dahil higit mong kilala
ang iyong sarili
kaysa sa iba.

Kung ika’y sawi,
mag-laan ng oras sa ‘yong sarili.
Subukan mong sumulat
Ng tula o talata.
Maaari ka ring gumawa ng kahit anong obra
upang mailabas ang saloobin.
Tandaan na maaaring gamiting sandata
ang papel at panulat
upang sugat ay maghilom.
Kung ika’y sawi,
Mag-laan ng oras sa ‘yong sarilli.
Huwag nang isipin ang nangyari
dahil patuloy mo lamang dinaragdagan
ang bubog sa ‘yong puso.
Kaya kalimutan na ang dati
Upang mapalaya ang sarili.

PARA SA’YO Patrick Helera

PARA SA’YO
Patrick Helera

Nakapagtataka ‘no?
Pero totoo ‘yan
At nagpapasalamat ako sa’yo.

Salamat sa minsan mong pagdaan.
Sa minsan mong pagkatok.
Sa minsan mong pagpapatibok.
Ng aking puso.

Salamat sa’yong mga tula.
Sa’yong mga matatamis na salita.
Sa’yong pag-alala.
Kahit na ‘di koi to nasuklian ni minsan.

Patawad din kung ika’y pinaghintay
Upang mahawakan ang aking kamay.
Kaya marahil ‘di kita masisisi sa’yong pagsuko,
Dahil napagod na ang ‘yong kamay sa pag-antabay upang ako’y saluhin

Hindi kita malilimutan.
Pangako ‘yan!
Salamat sa mga alaala.
Paalam.

SAYANG TAYO ni Patrick Helera

SAYANG TAYO
ni Patrick Helera

Matagal na noong huling nagkita at nagkausap tayo
Pero sobrang sariwa pa rin ng mga alaalang naiwan mo
Hinahanap hanap ko ang ngiti mong kay tamis
Pati ang mga mata at malamig mong boses
Hinahanap hanap pa din kita

Lahat ng aking pagmamahal ay iyong binalewala lang
Ni hindi nga alam ang tunay na dahilan ng iyong pagpapaalam
Kung magagawa lang ibalik ang nakaraan
Ito'y gagawin sapagkat nais kang muli ay masilayan
Ipaparamdam sa iyo na ikaw lamang

Sobrang nasasaktan pa rin ako
Pero ayos na dahil masaya ka na kahit ganito pa rin ako
Kalilimutan na lang yung dating tayo
Dating tayo na masaya

Masaya na parang mga bata
Mga bata na walang iniisip
Walang iniisip sapagkat kapiling ka
Walang iniisip dahil kasama ka

Kasama ka kahit na may problema
Pero naging problema dahil minahal kita
Minahal kita kahit na wala namang pag-asa
Wala na ring pag-asa na maibalik ang nasayang na dating tayo
At oo nga pala,
'Di nga pala naging tayo

Ikaimang Utos Ni Jizelle P. Juntayas

Ikaimang Utos
Ni Jizelle P. Juntayas

"Stop Extra-Judicial Killings!" Ano nga ba ang EJK? Ang Extra-Judicial Killings ay ang pagpatay ng mga opisyal ng gobyerno nang walang legal na proseso. Makatarungan nga ba ang pagpatay o ginagawa lamang nila ito upang masabi nilang nagawa nila ang kanilang trabaho? Ayon sa ika-limang utos ng Diyos na nakasaad sa bibliya,"Huwag kang papatay." Ngunit sa nangyayari ngayon sa ating paligid, mukhang nawaglit na sa isipan ng karamihan sa atin ang utos na ito.

Mula nang maupo si Pangulong Duterte sa kaniyang pwesto ay puro tungkol sa Extra-Judicial Killings ang aking nababasa sa internet. Kung ako ang tatanungin, hindi ako sang-ayon sa mga pagpatay, gumagamit man ng bawal na gamot o hindi. Bakit? Una sa lahat, hindi sigurado ang mga pulis kung tama ba ang kanilang sinusugod dahil puro "di umano" lamang. Ikalawa, ang ibang kanilang pinapatay ay nagbabago na o tumigil nang gumamit ng droga. Isa pa, naniniwala akong lahat ng tao ay kayang magbago. Ikatlo, maraming nadadamay na mga sibilyan dito na wala namang kinalaman sa operasyon. Mahirap para sa kanilang naiwan na pamilya ang tanggapin ito sapagkat wala namang ginagawang masama ang kanilang kaanak ngunit nadamay pa rin. Paano na ang maliliit pang anak na kailangan pang buhayin? Mababayaran ba ng pera ang pagkawala ng kanilang ama o ina? Hindi. Marahil ay kahirapan ang pinakaunang dahilan kung bakit nae-engganyo ang isang tao na gumamit ng ipinagbabawal na gamot upang makalimutan ang kanilang mga dala-dalang problema. Hindi ba't ito muna dapat ang solusyonan ng gobyerno upang matigil na ang iligal na kalakalan sa droga? Siguro nga ay isa pa lamang ito sa mga malalang problema ng Pilipinas ngunit hindi pagpatay ang solusyon dito.

Para sa akin, hindi lang dapat problema sa droga ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno. Mas dapat muna nilang unahin ang mga nasalanta ng Yolanda o ang kahirapan sa bansa. Hindi matutuwa ang Diyos kung puro patayan lamang ang nangyayari sa ating bansa. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad.

Pag-asa Ni Jizelle P. Juntayas

Pag-asa
Ni Jizelle P. Juntayas

Gutom na gutom na ako. Paano ba naman kasi nag-overtime na naman yung propesor namin na bihira lang pumasok. Nakakainis talaga. Habang binabaybay ko ang daan papuntang sakayan, nakarinig ako ng nagpapatugtog ng plawta. Agad kong hinanap ang pinanggagalingan ng magandang tunog. At hindi nga ako nagkamali. Sa may terminal ng dyip, may isang matandang lalaki ang nagpapatugtog ng plawta ng buong galak sa may gilid ng sidewalk. Dahil sa nakakaaliw na saliw ng musika, naglagay ako ng natitira kong barya sa may baso at inantay na matapos ang tugtog. Nang ibinaba na ng matandang lalaki ang plawta, nagpasalamat siya sa akin.

"Maraming salamat dito iha. Malayo ang mararating nitong ibinigay mo," asal ng matanda.

"Ay nako lolo, maliit na bagay. Sana ho makatulong iyan sa pamilya mo," nakangiti kong sagot. "Iha, wala na akong pamilya. Ang asawa ko ay matagal nang pumanaw dahil sa sakit sa bato. Hindi kami nagkaanak. Umaasa na lang ako sa pension ko na syang bumubuhay sa akin." "Kung ganon ho, bakit nagpapakahirap pa ho kayong tumugtog dito gayong may pagkukuhaan naman po pala kayo ng pera?" usisa ko. "Ahh, yan ba? Para yan sa mga kapitbahay ko. Bihira lang kasi silang kumain sa loob ng isang araw at malaki pa ang kanilang pamilya. Kaya ito ginamit ko ang aking talento upang makatulong sa kanila." Lubos akong namangha sa kwento ng matanda. Hindi ko akalain na may mga ganoon pa palang tao ngayon, matulungin sa kapwa. Dumating na ang dyip na sasakyan ko kaya nagpaalam na ako. "Sa uulitin po. :)" Sumakay ako sa dyip ng puno ng galak. Napagtanto kong ako'y busog na. Busog sa kaalaman na may natitira pang kabutihan sa mundong ating ginagalawan.  
 

Kinabukasan Ni Jizelle P. Juntayas

Kinabukasan
  Ni Jizelle P. Juntayas

Noon, sa pagdilat ng aking mata,
 Agad ko nang nahihinuha.
 Ang aking masusumpungan,
 Sa labas ng aming kabahayan.

Maaliwalas na sikat ng araw,
 na sumisilaw sa mga kalabaw.
 Mga luntiang kabundukan,
 na singtaas ng kalangitan.

Malawak na kapatagang,
 punong puno ng palayan.
 Napakalinaw na ilog,
 na may repleksyon ng niyog.

Ngunit, ano na ang nangyari ngayon?
 Nakakalbo na ang kabundukan,
 na noo'y dinarayo ang kagandahan.

Mga kapatagang sinasakahan,
 ngayo'y wala nang tauhan.
 Ilog na dati'y nag uumapaw sa isda,
 ngunit ngayo'y puno ng basura.

Unti-unti na itong nasisira,
 dahil sa ating mga gawa.
 Kumilos na hangga't maaga,
 bago pa mahuli ang lahat.

Aklat Ni Jizelle P. Juntayas

Aklat
 Ni Jizelle P. Juntayas

Sa pagbuklat ko ng mga pahina
 Aking unti-unting naaalala
 Kung bakit ikaw ay mahalaga
 Sapagkat ako'y iyong napapasaya

Ikaw ay laging nariyan
 Lagi akong handang damayan
 Sa oras man ng kalungkutan
 O sa panahon ng kasiyahan

Ikaw ang aking kasa-kasama
 Sa tuwing ako ay nag-iisa
 Ako'y iyong napapatawa
 Minsan nama'y napapaluha
 Dahil sa iyong mga salita

O mga mahal kong kabataan
 Bakit hindi kayo magbasa
 Upang lumawak inyong pang-unawa
 Sa mundong ating ginagalawan

Maskara Ni Anthony Macawile

Maskara
Ni Anthony Macawile

Paraang tanging alam ko,
Tunay na nararamdaman.
Paraang maitatago,
Tunay na mukha.

Minsa'y masaya,
Minsan nama'y malungkot.
Pabago bagong ekspresyon,
Tungo sa kasinungalingan.

Totoong ikaw nasaan ka?
Na mas kinakailangan.
Para sa sarili
At hindi para sa iba.

Para Sa’yo Ni Jizelle P. Juntayas

Para Sa’yo
  Ni Jizelle P. Juntayas

Mapupungay, singkit at itim na mata
 Anggulong kahit saan mo tignan ay maganda
 Halimuyak mong dinaig pa ang rosas
 Ang kahit sino'y mapapatingin sa'yong landas
 Laging may ngiting nakadikit sa'yong mukha

Ngunit hindi iyan ang mga dahilan
 Aking sinta, kung ba't ika'y nagustuhan

Mahal mo ang pamilya mo higit sa'kin
 Ako ay lagi mong handang intindihin
 Hindi man tayo madalas na magkita
 Ako'y di pinapabayaan sa'n man magpunta
 Luha ko ay lagi mong handang pahirin

Kahit anong problema man ang dumating
 Ika'y di nagsasawang ako'y mahalin
 Tila isa kang biyaya galing langit
 At ako ang maswerteng iyong napili

Langit ka, Lupa ako. (Biktima ng Yolanda) Ni Anthony Macawile

Langit ka, Lupa ako. (Biktima ng Yolanda)
Ni Anthony Macawile

Hindi mawari ng aking isipan,
Mga pangyayaring di ko nabalitaan,
Mga pangyayaring di katanggaptanggap,
At pangyayaring kasaklap-saklap.

Mga tulong O nasan ka?
Mga panahong ika' y kailangan,
Mga panahong ika'y inaasahan,
Ng mga taong wala ng pag-asa.
Mataas ka, mababa ako.

Langit ka, lupa ako.
Di ko mawari kung saan lulugar,
Ang mga tulad kong musmos.
Kapangyarihang di ginagamit ng tama,
Kapangyarihang mali ang may hawak.

Kung bakit baluktot ang kinalabasan,
Ng mga tulong na dapat sa tuwid na daan.
Kami'y kulang sa kaalaman,
Pati sa mga kagamitan.
Kakulangan sa kasanayan,
At sa taong maaasahan.

ANG TAMIS AY SIYANG PAIT Ni Stephanie Caronongan Malinao

ANG TAMIS AY SIYANG PAIT
Ni Stephanie Caronongan Malinao

Ang sarap ng simoy ng hangin. Kitang-kita mula rito ang ilaw na nagmumula sa mga kabahayan sa ibaba. Kasabay ng paghampas ng hangin sa aking mukha ay siya ring sampal sa aking memorya ng mga pangyayaring ayaw ko na sanag maalala. Ngunit kahit anong pilit ay naaalala ko pa rin ang araw na iyon dito mismo, mahal. Sa lugar na ito mismo. Ang araw na sinagot kita. Ang pinakamasayang araw ng buhay, at siguro'y buhay ko na rin.

Ngunit dito rin mismo, tinapos mo ang lahat. Ang unang beses na umiyak ako, at iyon ay dahil sa 'yo.

Napangiti na lamang ako ng malungkot nang maalala ang mapait na alaalang iyon kasama ka.

Napalingon ako sa pintuan dahil tumunong ito. Naaninag ko ang maamo mong mukha. Mapupungay na mga mata, matangos na ilong, manipis na labi, ang iyong panga, at ang medyo magulo mong buhok.

Humahanap ka ng maaaring maupuan sapagkat puno na ang lahat ng mesa maliban sa mesa ko. Lumakad ka papalapit sa aking mesa ngunit natigilan ng makita ako. Lumapit ka pa rin at binati ako. Maya-maya'y nagtanong ka ng mga bagay-bagay tungkol sa akin.

Pinaalala ko sa akin ang mga pangakong binitiwan ng labi mo noong araw na sagutin kita. Ang alagaan ang puso ko. Ang walang ibang ookupa ng puso mo kung 'di ako lamang,

Tinitigan kita na para bang nagbibiro ka. Marahil nga'y biro na lamang na maituturing ang mga iyon, mahal. May ipinaalala ka sa akin, hindi ba? Kung gayon, may nais rin akong ipaalala.

Naaalala mo pa ba ang mga gabing dinadala mo ako sa inyong tahanan? Mga gabing wala akong ibang narinig kung 'di panlalait at panghuhusga? Naaalala mo pa ba, mahal ko, ang pagsasabi mo ng, "walang kabuluhan at patutunguhan ang mga pangarap ko sa kanya"? Bakit lubos ang pagtutol mo? Dahil ba nalaman mong malayong-malayo ang estado ng pamilya ko sa pamilya mo?

Masakit na marinig ang mga iyon mula sa iyo, mahal, ngunit tiniis ko sapagkat mahal kita.

Ngayon, ipaalala mo sa akin ang mga pangakong minsan nang nabali nang dahil sa pag-ibig. Nais kong ipaalala sa iyo, mahal, na habang inaalagaan ang minamahal ko ang puso mo, ay siyang pagkasira't pagkawasak ng buong pagkatao ko.

Agos Ni Ailyn Angub

Agos
Ni Ailyn Angub

Noong una ay wala lang
 Walang luha, walang lungkot
 Kakaiba ang pagbanggit niya ng paalam noon
 Walang muwang kung bakit

Bilang bata na sa laruan lamang ang pansin
 Ilang araw na wala siya'y hindi batid
 Nagtanong lamang ng mapansin
 Sagot naman niya'y pagsisinungaling

Ang galing ng siyang naiwan,
 Wala man lang kaming naramdamang pangungulila,
 Kung minsan ay hahanapin,
 Bibigyan ng palusot na paniniwalaan ko rin

Naging mabilis lamang ang pagikot, sa tingin ko
 Dahil nang magbalik ang akala ko'y nawala lamang ng isang linggo
 Ang pagyakap ng nangiwan ay may hatid na pagbabalik
 Ang siyang naiwan ay may naguumapaw na saya sa kanyang ngiti

Ang dami niyang pasalubong
 Pero wala ang paborito kong ponkan
 Pakiramdam ko'y malayo ako sa kanya
 Pakiramdam ko'y hindi ko siya kilala

Nagbukas ang bintana ng isipan
 Unti unti ng naiintindihan
 Natuto na ring umiyak bilang isa sa mga naiwan
 Yayakapin ang pinakanasaktan

 Hahalikan ang noo namin
 Sasabihan na magpakabait hanggang siya ay magbalik
 Masakit sa parte ng naiwan
 Ngunit hindi ko naisip ang lungkot ng siyang lumisan

Ang galing niya
 Wala man lang akong pagpapahalaga
 Binalewala ko ang oras na sana'y napangiti ko siya
 Pinalagpas ko ang mga pagkakataon na sana

Salamat at may panahon pa
 Maari pa kong magpadama
 Maari pa kong magpasiya
 May pagkakataon pa para magpasalamat

Sa Isang Saglit Ni Frances Michole Dizo

Sa Isang Saglit
Ni Frances Michole Dizo

Ang papel napupunit
Ang mga ngiti'y nawawaglit
Maraming nagbabago sa isang saglit
Lahat ay nakararamdam ng sakit

Ang tao kapag napagod, nagpapahinga
Kapag nagkaproblema, natutulala
Kapag naiwan at nasaktan, naluluha
Mga bagay na mahirap harapin pag nag-iisa

Kung minsan sa dalamhati nakukulong
Iniwan mula sa pangakong ibinulong
Paano kung buhay ay hindi na sumulong?
Hindi sa lahat ng oras ay may tutulong

Paano na ang buhay kung walang sila at ikaw?
Sino na lamang ang sa umaga'y pupukaw?
Buhay ay gaano na lamang kababaw?
Paano kung wala ng ingay na aalingawngaw?

Cool Off Ni Jida Suzane Isaac

Cool Off
Ni Jida Suzane Isaac

Kalayaang iyong hiniling na sinabi mo'y para saatin din. Naaalala ko pa ang mga salitang iyong sinabi na paulit ulit winawasak ang masaya kong pagkatao. Pagmamahal ko laban sayong mga salitang nagpupumiglas.

Sa bawat gabing malamig, init ng yakap mo'y aking dalangin. sa isang kwartong puno ng tao, mukha mo ang aking hinihiling. Tanong ko lang, hanggang kailan ba? hanggang kailan ka ba magpapalamig para iyo muling hilingin ang init ng aking pagmamahal? Gaano kalayo ba ang distansyang iyong hinahangad para presensya ko'y iyo nang mapansin? Gaano katagal ang iyong paglalakbay tungo sa paghahanap ng nawawala mong sarili para malaman mong sa piling ko ika'y dapat nang umuwi? Gaano katagal ang aking hihintayin para puso mo'y lumipad muli papunta saakin?

Sa paglalakbay nating magkasama, mahal bakit mas pinili mo parin na mag isa?

Kaya Ko Na Ni Jida Suzane Isaac

Kaya Ko Na
 Ni Jida Suzane Isaac

kaya ko nang tumingin sayong mga mata,
 matang nakatingin na sa iba,
 hindi na ko bata,
 para sayo'y muling magpakumbaba.

kaya ko nang magpunta sa'ting tagpuan,
 at harapin nakalipas na alaala,
 mga nangyaru sa nakaraan,
 simula ng ika'y makilala.

kaya ko nang ngumiti ng tunay,
 sa'king puso bumalik na ang buhay,
 kasayahan na ay walang humpay,
 ako'y malaya na sa dulot mong lumbay.

Si Manok ni Euvi Jane Tubac

Si Manok
ni Euvi Jane Tubac

Batuhan ng mga nakagusot na papel, sigawan at magulong upuan ang nadatnan ni manok ng siya ay pumasok sa kanilang silid aralan. "Wow mukhang masarap yan manok ah" ani ni kalapati habang may pagtangkang kumuha sa pagkaing dala-dala niya, agad namang inilayo ni manok ang hawak niyang French fries nilagay niya ito sa isang supot at agad na inilagay sa bag sabay sabing "mura lang iyon kalapati bakit hindi ka bumili?" Naningkit ang mga mata ni kalapati ngunit hindi niya na ito pinansin, naupo na lamang siya at nagbasa ng aklat habang wala pa ang kanilang guro. Kinabukasan ay ginanap ang kanilang lakbay aral, sobrang ingay sa loob ng bus at kaniya kaniyang abutan ng pagkain habang patungo sa kanilang pupuntahan. Ang daming dalagang pagkain ni manokisang paper bag na punong-puno ng iba't ibang uri ng pagkain "buksan na natin to" wika ni pusa na kanyang katabi at agad na kinuha ang isa sa mga pagkain niya, agad namang inagaw iyon ni manok at binalik sa paper bag "mayroon kang iyo bakit hindi iyon ang buksan mo?" Sabi nito "ang damot mo naman" sagot ni pusa "sadyang madamot talaga iyang si manok" gatong naman ni kalapati, hindi na lamang ito pinansin ni manok sa halip ay natulog na lang. Natapos ang kanilang lakbay aral ng hindi man lang nabawasan ang baon niyang mga pagkain.

Nang sumunod na araw usap-usapan ang nangyari sa kanilang lakbay-aral sa loob ng silid aralan nilamanok pero kahit isa ay walang pumapansin sa kanya. Kinagabihan nagtungo si manok sa isang fast food at bumili ng napakaraming pagkain, hindi niya ito dito kinain sa halip ay pinabalot niya ito, apat na supot ang hawak-hawak ni manok ng siya ay lumabas ng nasabing fast food. Nakasalubong niya ang kaniyang mga matalik na mga kaibigan sina aso, kuneho at ibon "ang dami naman niyan manok pahingi kami" kinuha ni aso ang isang supot at tinignan kung anong nasa loob "mukha ngang masarap pahingi rin manok huh?" Lumapit si kuneho kay aso at nakitingin din ng pwedeng makain "ako rin ako rin" sabat naman ni ibon "hindi pwede! Bumili kayo kung gusto niyo ang dami niyong pera pero ang kukuripot niyo!" Pasigaw na wika ni manok sabay hila ng supot sa kanila "pati kami pinagdadamutan mo manok?!" Naiinis na sabi ni kuneho "hindi ka parin nagbabago! Napakadamot mong manok ka! Kaya walang nakikipagkaibigan sayo eh, kami na nga lang ang nagtitiis sayo tapos ganyan ka pa!" Patuloy naman ni manok "ang gahaman mo!" Naiinis na rin na sabi ni ibon "wala kayong alam!" Natatanging sabi ni manok sabay talikod sa mga kaibigan. Nagtungo si manok sa ilalim ng tulay, binaybay niya ito at lahat nang makita niyang mga taong lansangan ay binibigyan niya ng mga pagkaing kanyang binili. "Maraming salamat manok sa araw-araw na iyong pagtulong sa aming hindi kayang bumili ng ganitong klaseng pagkain".

Paglisan ni Euvi Jane Tubac

Paglisan
ni Euvi Jane Tubac

Wala ng mas sasakit pa
Sa pagtalikod mo sinta
Pangako mo'y nasan na kaya
Imahinasyon na lang pala

Akala ko ba di mawawala
Akala ko di iiwang mag-isa
Ngunit nagkamali pala
Palasyo nati'y gumuho't nagiba

Ika'y aking lilimutin na
Ngunit saan ba magsisimula
Paano ba 'to magagawa
Kung sa puso ko'y di ka mawala-wala.

Mga alaala ng ating pagsasama
Hanggang kailan panghahawakan?
Mga pangako mong tinuran
Mayroon nga bang katuparan

HINAGPIS Ni: Stephanie Caronongan Malinao

HINAGPIS
 Ni: Stephanie Caronongan Malinao

Tatlong taon na ang nakalilipas,
 Delubyong naranasan ng mga taga-Visayas.
 Ang Yolandang marahas,
 Tila kailanma'y 'di mabibigyang-lunas.

Tulong na nais matanggap,
 Nararamdaman sana'y parang nasa ulap.
 Ngunit ang gobyerno, ito'y hinarang,
 Kaya't kanilang natanggap ay kulang-kulang.

Karamihan sa mga biktima'y magsasaka,
 Kaya di alam kung saan kukuha ng kwarta.
 Sa tulong ng gobyerno, sila'y umaasa,
 Ngunit pangmamaliit ang natamo nila.

Walang mahirap, walang mayaman, sabi ng gobyerno,
 O Diyos ko, ano ito?
 Walang ibang maramdaman kung 'di panlulumo,
 Para sagobyernong pinagkakatiwalaan ng maraming tao.

O aming gobyerno, nasaan na ang pangakong binitawan?
 Mga pangakong tila napako sa kawalan.
 Mga tulong sa Tacloban ay kailan mahahagkan,
 Sa paglipas ng panahon, ito ba'y masisilayan?

Pamahalaan, ano ang inyong ginagawa?
 Bakit sa isang sulok, kayo'y nakatunganga?
 Mga tao sa Tacloba'y mamamatay ng nakabulagta,
 May pag-asa pa ba? Sana'y mayroon pa nga.

NGITI Ni: Stephanie Caronongan Malinao

NGITI
Ni: Stephanie Caronongan Malinao

Ngiting kay tamis,
Akin nang namimiss.
Ngiting dati'y sa akin lamang iginagawad,
Di na masilayan kahit ilang beses pa humingi ng tawad.

Ngiting matagal nang ninanais makita,
Nasilayan nang siya at ikaw ay magkakilala.
Ang iyong mala-anghel na tawa,
Narinig ko nang muli pagkatapos ng matagal na pagngawa.

Nais kang hagkan,
Ngunit wala nang karapatan.
Nais kang lapitan,
Ngunit baka ako lamang ay iwasan.

Ngayo'y nakikita kong masaya ka na,
Mga mata'y ngumingiti kapag siya ang iyong kasama.
Mga mata ko'y akin nang ipipikit,
Kasabay ng pusong dinurog ng pait.

Pakihanap, Nawawala ni Frances Michole Dizo

Pakihanap, Nawawala
ni Frances Michole Dizo

Ate, Kuya patulong naman po
Para kasing may nawawala, aking napagtanto
Baka kasi nadaanan o nakasalubong man lang ninyo
Paki sabi namang bumalik na ho

Hindi ko kasi alam kung saan ko nailagay
Halos halughugin ko na ang buong bahay
Tiningnan ko na sa ilalim ng upuan at ng mesa
Pero wala parin, saan ka ba nagpunta?

Mahirap isipin o sabihin
Kung ano nga ba ang nawawala sa akin
Pera ba to, gamit o pagkain?
Bakit naman napakahirap mong hanapin

O nandyan na pala si Rosa at Nena
Tuloy sa dada ng kung ano anong walang kuwenta
Ang sa akin lamang, wala naman silang mapapala
Hindi ko naman sila pupurihin habang ako'y binababa

Ay, oo, ayon na nga
Alam ko na kung anong nawawala
Hindi na kong magaabala pang hanapin pa
Dahil bukod sa iniibig mo, ang paki ko naman ang nawala

Yolanda ni Frances Michole Dizo

Yolanda
Ni: Frances Michole Dizo

Sa mundo, lahat tayo'y pantay-pantay,
Sadyang may nagpapahirap lang ng ating buhay,
Hindi matutuwa hanggat hindi makikitang nakaratay,
Ang mga kababayang nagpapakahirap mag hanap-buhay.

Nitong nakalipas na mga taon,
Maraming bangkay ang nabaon,
Sa isang bagyong nagpahirap sa kanilang bumangon,
Kung agaran lamang ang aksiyon, agad sila'y nakabangon.

Walang mahirap,walang mayaman
Kung nangangailangan dapat tulungan,
Pero hindi ganito ang aking inaasahan,
Bakit parang may nangyayaring lamangan?

Hindi masisisi kung sila'y nagrereklamo,
Sapagkat hindi sila hayop, kundi mga tao,
Nangangailangan din sila ng kalinga ng gobyerno,
Gobyernong hindi perpekto pero sana'y nagpapakatotoo.

Sabi Nila ni Heidie Torzar

Sabi Nila
ni Heidie Torzar


Sabi nila hindi ko daw kaya
Mahina daw ako, lampa
Sabi nila pangit ako
Walang pakinabang, tamad

Mahirap pakisamahan
Walang kaibigan
Nag-iisa
Hindi ko daw kayang umangat
Malungkot ang buhay

Pero sabi lang nila yon
Iba ang sabi ng Panginoon ko

Tu me manques ni Heidie Torzar

Tu me manques
ni  Heidie Torzar

Tamang panahon
Tama pa bang mag hintay ako?
May hinihintay pa ba ko?
Ang daming tanong sa kaisipan

Mas lalong gumugulo pag nakikita ka
Relasyong hindi matapos tapos
O baka naman tapos na
Hindi ko lang tanggap na tapos na

Dahil hinihintay ko padin yung araw na sabihin mo sakin
Balik ka na, miss na miss na kita
Kay raming dumaan na tao sa pag lipas ng panahon
Sinubok kalimutan ka
At ang sakit
Dahil alam ng sarili ko
IKAW PARIN

Buwan - Coreen Jois M. Manay

Buwan
- Coreen Jois M. Manay

Sa gabi man o sa umaga
Palagi kang nandyan
Sa lungkot at ligaya

Hindi kailan man lumisan
Sa dilim ika'y nagbigay ilaw
Binigyang liwanag ang daan
At gabay upang hindi maligaw

Sa mundong puno ng kalaban
Ika'y nandyan parin sa umaga
Tahimik lang na nagbabantay
Pinagtatangol sa mga trahedya

Upang ang buhay ay matiwasay
Hindi man kita makapiling
Alam kong ika'y nagbabantay
Kaya ito ang tanging hiling
Na iyong buhay mapuno ng kulay

Sa iyong Piling - Coreen Jois M. Manay

Sa iyong Piling
- Coreen Jois M. Manay

Isang maliit na ibon sa putik nagsimula
Sa maliliit na pakpak walang napapala
Patuloy nalang na inaasam ang mga tala
Ngunit ito'y isang parte nalang ng alaala

Ginawa ang lahat marating ang kinaroroonan
Dugo't pawis ang aking mga nilaan
Kahit ilang beses mang masugatan
Patuloy sa paglipad patungo sa kinabukasan

Kahit ano mang bagyo ang dumaan
Lakas loob ko itong hinaharap
Matapos ang mga tiniis na paghihirap
Sa wakas naabot na din ang inaasam

Ngunit ako'y naging mayabang at makasarili
At sila'y isa-isang umalis sa aking tabi
Ang aking puso ay napuno ng pagsisi
Sa malungkot na paglalakbay na aking napili

Ngunit patuloy parin ang matayog na lipad
Umaasa ang tadhana ay matatagpuan
Sa malawak na himpapawid na tinatahak
Sana'y matagpuan at makalipad sa iyong piling

Sa aking piling - Coreen Jois M. Manay

Sa aking piling
- Coreen Jois M. Manay

Oh ibong matayog ang lipad,
Kailan kaya maabot ng aking pakpak
Ang himpapawid na iyong tinatahak
Upang di' mag-isa sa iyong paglalakbay

Lahat kami'y ikaw ang pinagmamasdan
Mga pakpak na walang kasing laki
Kahit ika'y malayo aking nararamdaman
Na ika'y nangungulila sa himpapawid

Patuloy na winagawayway itong pakpak
Upang makalipad sa iyong piling
At ang iyong tindig ay mapagmasdan
Lungkot sa iyong mga mata ay lumisan

Ngunit sana ako'y iyong patawarin
Sapagkat ang pakpak ay maliit lang
Kaya ako'y magbabantay na lamang
Na ika'y maging malayo sa trahdya

At sa araw na ikaw ay mangulila
Sa iyong malamig na paglalakbay
Wag mag-alala sapagkat ako'y naghihintay
Upang ika'y makapagpahinga sa aking piling

Litrato ni Coreen Jois M. Manay

Litrato
- Coreen Jois M. Manay

Ilang beses ko man titigan
Kahit kailan hindi na mababalikan
Ang masasayang araw na nakaraan
Mga hindi malilimutang pangyayaring nagdaan

Mga pagbabago sa nakalipas na panahon
Ang mga di' makakalimutang turo ng kahapon
Itong mga alaala ang aking tanging baon
Ang mga ito ay unti-unti ko nang naipon

Sa mga alaala ako'y nakakulong
Ika nga nila ang buhay ay parang gulong
Kaya kailangan nang tapusin, ito ang bulong
Upang paghahanda sa aking pagsulong

Sa mga alaala'y kailangang magpaalam
Sapagkat ito nalang ang aking alam
Upang tuluyang maabot ang inaasam
Sa buhay na puno ng mga paalam