Noon ... Ngayon ...
sa panulat ni Christine Abigael T. Lumugdan
Kalikasan noo'y lubhang kayganda
Mga puno't halaman ating kinakalinga
Luntiang kapaligiran tuwina'y pinapanatili
Upang polusyon, lubos na maisantabi.
Mga ilog ay malinis
Isdang yaman ay kanais-nais
Tubig ay malinaw
Kahit iyong sarili ay matatanaw
Hanging ating nilalanghap
Tunay na sariwa't kaysarap
Polusyon ay di alintana
Bawat isa ay may disiplina
Ngunit anong nangyari sa ating kapaligiran?
Tila Inang Kalikasa'y ating napabayaan
Disiplina sa sarili'y unti-unting naglaho
Likas na yaman ay libos na inabuso
Ating munting mga puno
Ngayo'y gamit bilang troso
Mga dapat sana'y nagbibigay ginhawa
Sanhi ngayon ng malalaking baha
Ilog na tirahan ng mga isda
Lumulutang ngayon ay mga basura
Mga pabrika'y dito bumubuga
Kemikal na sumisira sa kanyang ganda
Hangin na noo'y sariwa
Ngayo'y usok ang nakababahala
Dala nito'y maraming sakit
Perwisyong ito ay hindi kaakit-akit
Kung makapagsasalita lamang
Ating Inang Kalikasan
Sambit nito'y, "Anak nasaan na
pagmamahal mo't pagkalinga?"
Sapat na ba ang noon
Na tayo'y nagbigay pagpapahalaga?
O kulang pa ang ngayon
Upang pagkakamali'y ating mapuna?
Maganda ang pagkakagawa ng tula.Naipakita nito ang pagpapahalaga na dapat ay ating ginagawa para mas lalong maipreserba ang alagaan ang ating kalikasan..
ReplyDelete- Sheenah Ferolino, BSA 1-36