Lazada

Saturday, September 25, 2010

Diskriminasyon

Diskriminasyon
sa panulat ni Kristine Mae A. Puhawan

Masaya ngunit mahirap ang buhay irreg. Nakakatuwa dahil marami kang
makikilala at magiging kaibigan. Minsan, sa bawat pagdaan sa lobby ay tila kakilala mo ang lahat ng nandoon at parang walang katapusan ang pagkaway at pagbati. Parang Ms. Congeniality ang dating! Minsan nga'y sa dami ng pangalan ng mga kaklase sa bawat seksyon ay di na matandaan lahat at sa itsura na lamang sila kilala. Masaya din daw ang maging irreg dahil hawak mo ang oras mo at pwede kang makapili ng iskedyul para sa isang semestre. Ikaw, gugustuhin mo din ba maging isang irreg?

Simula ng ako'y lumipat ng kursong Broadcast Communication ay naging isang irreg na din ako. Nararanasan ko ang hirap at saya! Masaya dahil marami ngang kaibigan. Pero hindi lamang puro saya ang buhay irreg. Mas mahirap pala ang maging isang irreg. Sa pag-enrol pa lamang ay nararanasan na namin ang hirap. Dahil sa luma ang sistema na aming ginagamit ay kailangan pa naming gumamit ng tinatawag na ace form para sa mga asignaturang naka-SIS. At sa bawat asignaturang iyon ay kailangan pa naming papirmahan sa mga propesor. Malas namin kung kami'y hindi tinanggap. Lumalagpas ng isang linggo bago namin matapos ang buong proseso. Tiyaga lamang ang kailangan lalu na't madalas wala pa ang mga propesor sa mga unang linggo ng pasukan.

Mahirap din mag-adjust sa iskedyul ng aming mga kaklase. Minsan may mga oras na may pag-eensayo o mga pagpupulong para sa mga pangangailangan sa ibat ibang asignatura. At dahil dito, madalas na hindi sumasakto ang iskedyul namin sa iskedyul ng mga regular na estudyante. Madalas ay ilang oras pa naming kailangan mag-antay sa bakanteng oras nila para sa mga pagpupulong. Iyon ang dahilan kung bakit ang katulad naming irreg ay madalas makita sa lobby, library o computer shop. Iyon ang ilan lamang sa mga maari naming puntahan habang nag-aantay. Kailangan talagang maging magtiyaga.


Pero higit sa lahat, nararanasan din namin ang diskriminsayon. Iba ang tingin samin ng ibang tao. Kapag narinig ang irreg, para kaming isang taong walang lugar para mag-aral. Ang tingin nila'y kami ang mga estudyanteng walang ginawa kundi pumasok sa paaralan at di man lang nag-aaral. Tila kami ang mga estudyanteng walang maidudulot na maganda. Nakakapanliit.

Minsan ay nagkaroon kami ng mga klaseng ayaw nila ng irreg. Ang masakit pa doon ay naranasan namin na kahit isang grupo ay walang gustong tumanggap sa amin para sa requirement sa isang asignatura. Pero hindi nga namin sila masisisi dahil iba-iba ang pananaw ng tao.

Hindi lamang iyon, minsan pa'y mismong guro ang nagparamdam sa amin nito. Napakasakit isipin na yung taong sana'y magbibigay pa sa amin ng lakas para magpatuloy sa kabila ng aming nararanasan diskriminasyon ay siya pa pala mismo ang magpaparamdam nito sa amin. Pero ayos lang dahil ang konting kirot na naramdaman namin sa aming mga puso ay nagbibigay din sa amin ng lakas para patunayan na makakatapos din kami kahit kami'y irreg.

Bawat irreg ay may iba't ibang dahilan kung bakit naging ganito. Hindi pare-parehas ang kwento ng mga irreg. At anu man ang dahilan kung bakit naging isang irreg ang isang tao ay hindi na ganun kahalaga. Ang mahalaga ay makita sa bawat isa na pursigidong mag-aral at makatapos. Irreg man o hindi, pare-parehas lamang na may karapatang mag-aral, makasali sa mga organisasyon at makihalubilo sa mga tao at higit sa lahat, pare-parehas na ESTUDYANTE kaya't parehas lamang din ang mga karapatan.

Nawa'y matutunan ng mga taong nakapaligid sa amin na kami'y tanggapin at ituring na katulad lamang din nilang ESTUDYANTE, isang simpleng estudyanteng gustong matuto at tuparin ang mga pangarap sa buhay.

1 comment:

  1. MACALALAD, Miko B.

    Madalas ay mahirap tanggapin at unawin ang mga bagay, ideya, o tao na iba kaysa sa atin o iba kaysa sa nakasanayan. Iba't-iba man ang pananaw ng bawat tao ay hindi ito nagbibigay sa kanila ng karapatan na manliit at manghusga ng kapwa. Sa pagbabasa ko nito, may mga pagkakataon na napasabi na lamang ako ng, "Grabe naman." Nakalulungkot lamang isipin na sa panahon ngayon na lahat halos ng bagay ay maaari mong matutunan, nananatiling sarado at makitid ang pag-iisip ng ibang tao tungkol sa mga bagay-bagay na siyang nagiging daan upang makasakit sila ng damdamin ng iba. Nawa'y ang akdang ito ang magsilbing hudyat upang mawakasan na ang diskriminasyon sa bawat estudyante. Mabuhay ang mga mag-aaral na sa kabila ng iba't-ibang hamon ng buhay ay nananatiling determinado na matuto at makatapos.

    ReplyDelete