Eksklusibo Para Kay JUAN DELA CRUZ
sa panulat ni JESSICA FERRERA
Kilala mo ba si Juan Dela Cruz?
Maraming masasamang bagay ang ipinupukol kay Juan Dela Cruz at sa ganang akin, hindi ito dahilan para naman ikahiya siya. Bakit? Wala namang perpekto ah! Kahit sino pang itapat mo kay Juan, lahat yan may kapintasan!
Si Juan daw ay tamad. Wala raw siyang disiplina. Mahilig raw umasa sa iba at sa himala. Bobo raw siya. Dakilang manggagaya raw. At higit sa lahat, wala na raw pag-asang umasenso.
Siguro nga maraming pagkakataon na negatibo ang pinapakita ni Juan Dela Cruz. Pero sana naman maisip nating hindi lang hanggang doon si Juan. Totoo iyon. Marami ring bagay tungkol kay Juan ang pwede nating maipagmalaki.
Sa mga nagdaaang "delubyo", nawalan ba ng pag-asa si Juan? Sa mga pagkakataong may karapatang sumuko si Juan, ginawa ba niya? Hindi ba't palaging nasasalamin kay Juan ang masidhing pag-asa sa puso at kalakip nito ay ang pananatili ng ngiti sa kaniyang mga labi. Ika nga ng isang pulitiko sa kaniyang naging patalastas noong panahon ng kampanya, "Nabaha na ay nakakangiti pa. Binagyo na ay nagawa pang tumulong sa iba." Astig 'di ba? 'Yan si Juan! Dalhin mo pa sa ibang panig ng mundi si Juan at tiyak akong angat at hindi siya pahuhuli sa iba't ibang larangan. Ngayon sabihin mo nga sa akin, lugmok ba si Juan?
Maaari ngang sa unang tingin ay masasabing magirap si Juan. Pero iyan ay isang mababaw na pagkilala sa kaniya. Mayaman si Juan. Hindi lang natin alam paano ilalabas ang yamang ito. Hindi man sa pinansyal pero sa mga bagay na higit na mahalaga ay tunay na pinagpala si Juan.
Maraming kritiko si Juan. At ang nakalulungkot ay ang mga kapwa "JUAN" rin nya nagmamaliit sa kaniya. Nakukuha mo ba? Saklap ano?
Baka ikaw minamaliit mo rin siya ha. Huwag naman. Gaya ng isa sa mga sabi sa Parabula ng Lapis, "Mayroong mabuting bagay tungkol sa'yo." At ganiyan rin si Juan.
Huwag nating tingnan ang mga kakulangan ng personalidad ni Juan. Kilalanin natin kung anong mga bagay na nagpapaangat kay Juan at mula sa mga bagay na iyon, unti-unti nating punan ang kaniyang mga kakulangan.
Isinulat ko ito para sa ating lahat ----- para kay Juan Dela Cruz.
Mabuhay ang mga Pilipino...
No comments:
Post a Comment