SALITANG-UGAT, Pilipinas 1832
ni Jomar Ian Calope
Ugat sa sinapupunan
Ng pinagpalang Inang Kalikasan,
Perlas sa kanya’y pinakaiingat-ingatan
Upang sangkatauha’y bigyan kaalaman;
Ngunit isinilang niyang karunungan
Tangan-tanga’t siya’y kinakalaban;
Pinanggalingan ng kanilang kapangyarihan,
Hindi na kinilala’t kinalimutan.
Kaawa-awang inang pinagmulan
Ng immortal na sandata ng sanlibutan;
Dinggin sana kanyang kahilingan
Silang mag-ina’y bigyang kanlungan – alagaan.
Anak niya’y walang kamatayan
Subalit siya’y malapit na sa hangganan,
Hindi na sa kapabayaan
Datapwat ay sa sariling kagustuhan,
Ng mga nilalang na pinagmalasakitan.
Hihintayin pa bang ihatid sa kanyang libingan
Pinag-ugatan ng wikang ating kaibigan;
Lisanin na ang kasamaang kinasadlakan
Wakasan ang bangungot ng kalikasan
Kailangan ng wika ang natatanging sinapupunan.
isang tulang makabayan at makabuluhan.
ReplyDeletesa aking opinyon, hindi dapat ipagsawalang bahala ang mga bagay sa ating paligid, maliit man ito o malaki....
sapagkat ang suliranin ay nagsisimula sa maliit na bagay. Kapag ito'y napabayaan sa bandang huli baka magsisi.