Wikang Katutubo, Kalikasang may puso
Ni: Ayana Camille B. Sebastian
Wikang Katutubo, Kalikasang may puso
Kapwa mahalaga’t dapat pakaingatan
Ito’y nagbigay sa atin ng buhay at pagkakakilanlan
At nagkintal ng sariling ganda sa ating mga puso
Ang Inang Wika ay siyang inang may katha
Ng komunikasyon at pagkakaunawaan
Nang diwa’y maipahayag ng may kalayaan
Salamat Inang Wika sa iyong pagpapala
Ngunit sa paglipas ng matagal na panahon
Ang pagpapahalaga ay tila nawaglit
Pumasok ang wikang banyaga at ito ang kanyang naging kapalit
At ang wikang sa ati’y umampon ay tuluyang naitapon
Inang kalikasan, Inang mapagmahal
Nagbigay sa atin ng yaman at buhay
At sa kanya tayo’y dapat magbigay pugay
Salamat sa kalikasang bigay ng Maykapal
Sa yamang likas tayo ay pinagpala
Ngunit sa pag abuso at kapalaluan,
tao’y naninira ng walang pakundangan
At sa huli tao rin ang magdadala ng galit niya
Ibayong pag-iingat at pagmamahal
Ang tanging kapalit ng natamong pagpapala,
Ng dalawang inang sa ati’y kumalinga
Kaya naman sa tuwina’y ipagmalaki’t gamitin ng tama
No comments:
Post a Comment