Lazada

Saturday, September 25, 2010

Isang pag-alala...

Isang pag-alala...
sa panulat ni Joyce Jemoto


Isang gabi natagpuan ko ang aking sariling nag-iisa, sa aking tahimik na silid, hawak ang isang aklat. Malamig ang ihip ng hangin mula sa nakabukas na bintana at ang bilog na buwan ay tila nagpapahiwatig ng isang malungkot na magdamag. Mahaba pa ang gabi, sa wari ko'y hindi pa oras para magpahinga. Minsan gaano man kasaya ang maghapon lalamunin din ng dilim ang matatamis na ngiti at ang maiiwan ay pawang mga bakas na lamang, mga balat ng kendi, basang sapatos, mga alaalang masaya. Maaaring hindi na muling maulit, maaaring iyon na ang huli, maaaring isang araw hahanap-hanapin ko at hindi na muling masusumpungan na tulad ng dati. Minsan masarap din pala ang mag-isa, nakatingala sa kalangitan at minamasdan ang kagandahan ng mga bituin, mag-isa. Sa mga panahong ito, nakatingala ka din kaya sa mga tala kagaya ko? Sa mga sandaling ito naaalala mo rin kaya ang nakaraan at napapangiti ka rin, tulad ko? Marahil hindi, marahil oo. Marahil marami akong hindi alam. Ang tanging alam ko lamang ngayon ay nag-iisa ako, malalim na ang gabi. Minsan masarap din palang umiyak nang mag-isa, maging tunay na ikaw, marupok, mahina, tao lang. Minsan masarap din palang kalimutan na hindi mo kayang sagutin ang lahat ng bagay sa mundo, na hindi mo hawak ang buhay ng iba, na hindi mo kayang paibigin ang lahat ng taong iniibig mo, na wala kang kapangyarihan, ni lakas ng loob... Minsan masarap din palang tanggapin ang reyalidad.


Sa pagkakataong ito, patas ba na alalahanin kita, mahalin ang iyong mga alaala gayong alam ko, wala na ring silbi? Tama ba na lumuha para sa mga maliligayang panahon na kukupas din? Alin ba ang tama?

Alam ko, magkikita tayong muli at hindi kagaya noon. Magkikita tayo, kung saan tayo'y nabago na ng panahon. Hindi na kasing musmos ng dati. Malakas pa ring humalakhak ngunit mas may lalim na ang bawat salita. Matamis pa rin ang mga ngiti sa kabila ng bawat pagkasawi. Mas kilala na kaya natin ang mundo sa mga sandaling iyon? Sana.

Isang gabing malamig ang ihip ng hangin at makinang ang mga bituin, ang buwan ay nagbabadya ng malungkot na magdamag, natagpuan ko ang aking sarili. Mag-isa. Naaalala ko ang anino mo noong isang gabing walang buwan. Hinahanap ang maamo mong mukha kasabay nang pagtugtog ng musika. Mga munting kaligayahan. Mga munting pulot sa mapaiit kong mundo. Mga munting pag-asa sa mga sawing pangako.

1 comment:

  1. Napakahusay ng pagkakagawa at talaga namang ramdam ko ang mga bawat salitang nabanggit. Tila bagang may pinaghuhugutang malalim ang may-akda at siya mismo ay nakaranas nito. Tamang-tama at sapul ang aking isipan rito, maging ang aking sarili ay nababanaagan ko na ginagawa nga ang mga eksena na nabanggit. Ang emosyong naibuhos dito ay ramdam ko din. Magaling ! Mahusay!

    ReplyDelete