Awit ng Pusong Ulila
sa panulat ni Ashley Lucas
Lumilipad ang mga gigintong yabag
Sa daan kung saan puno ng sanga,
Hinahawi ang tinik gamit ang espada
Mairaos lamang ang pusong kumakanta.
Sa gitna ng san-tatlo ikaw ang nanguna
Ginamit ang kagitingan upang maisalba,
Yaong alay na dama para sa iyong sinisinta
Maparusahan an ng Diyos ng awa.
Haplos mula sa kamay ng isang dosena,
Walang silbi sa pusong nangungulila.
Hitik na bunga mula sa Gresya,
Anupama'y pitik lamang sa uhaw na dila.
Namumutawi ang tanan mong musika
Sa aking mga ugat na tumatalima,
Hinahangad na ikaw ay makita
Bundok man at dagat ay hindi alintana.
Puspos na halimuyak mula sa lawa,
Huni ay ngalan mo ang ginugunita.
Sundot sa napakadilim kong hawla,
Naghihintay ng liwanag mula sa iyong mukha.
Pagnanasa'y umabot na sa kaitaasan,
Ngunit tila ba ating puso'y pinagkaitan.
Dama ko ang pighati at karamdaman,
Dulot ng pag-ibig na sa atin lamang nananahan.
O irog ako'y sadyang nanghihina
Dasal kong sambit ay binalewala,
Marahil tayo'y tuluyan ng tinalikuran
Pinarusahan sa pag-ibig na hindi naman kasalanan.
Hambog at taksil nga'y pinagbibigyan,
Tayo pa kayang umibig lamang sa kariktan?
Ngayo'y humahangos ang aking pusong ulila,
Gigintong yabag pinapangarap na tuluyan ng makuha.
No comments:
Post a Comment