PAG-IBIG, PAGMAMAHAL, AT PAGSINTA
JUNA JARDIN
I
Ilang taon ka na?
Ilang taon mo nang ginagamit,
Wikang tanging binabanggit?
Gaano katagal ka nang buhay?
Gaano katagal mo nang minamasdan,
Paligid at likas na yaman na luntian?
II
Hindi mo ba naisip ni minsan,
Paano mo kaya ito natutunan?
Paano ka nagising sa katotohanan
Na sa ganitong paraan ika’y nabuhay?
Ang wikang sinasalita at paligid na nakikita,
Hindi kaya’t mahal ka rin nila?
III
Mahal ka na wika at kalikasan?
Kahibangan! Wala silang emosyon,
Ni makarinig at makakita’y di nila magawa.
O baka naman ay sa kabilang banda
Ikaw ang nagmamahal sa kanila.
IV
Ang wikang kinagisnan at paligid na luntian,
Mga yamang dapat nating ingatan.
Ngunit paano iingatan,
Ang mga bagay na walang pakiramdam?
Sa kabilang banda’y
Alam ba nito ang iyong pag-iingat?
V
Pakinabang, iyan ang mayroon sila.
Walang mata, o kahit puso.
Ngunit sila’y may emosyon na tuso.
Emosyong di mo alintana.
VI
Pakinabang sa wika ay sagana.
Paano mo ipaparating ang iyong pag-ibig
Sa iyong sinta kung wika ay wala?
Paano mo malalaman ang tugon ng wala ang wika?
VII
Gayundin ang lupa, ang likas na yaman
Paano mo ipapakita sa iyong murang supling
Na ang mundo ay luntian at puno ng pag-asa
Na siyang magbibigay ng magandang bukas?
VIII
Hindi ba’t dapat lang pangalagaan
Ang wika at likas na yaman?
Na siyang magbabadya n gating pagmamahal
Sa kapwa man natin at sa ating sinisinta.
Ito’y pangalagaan ng lubos-lubusan
Ng may pag-ibig, pagmamahal, at pagsinta
Nang ang mga ito’y patuloy na manatili
Sa atin at sa susunod pa na lipi.
IX
Pag-ibig, pagmamahal at pagsinta
Ang tanging bagay na siyang hinihiling
Hiniling ng wika gayun din ng lupa.
Kapalit ng pakinabang na hated nila.
X
Ngayon sabihin mo sa iyong iniirog
Na lubos mo siyang iniibig ng walang wika.
Makakayanan mo ba?
Paano ang kainyang tugon
Kung wika ay wala?
XI
Ngayon imulat mo ang mata ng bata
Sa paligid at lupa nang wala ng kalikasan
Mabubuo kaya ang pag-asa at saya,
Sa puso at isip niya?
Ang sagot ay hindi nga!
No comments:
Post a Comment