WIKALIKASAN
Lhymeve S. Bagayo
Mula pa nung pagkabata
Sa atin na ay iminulat,
Ipagmalaki ang ating wika
At kalikasa’y bigyang ingat.
Wika na salamin ng mayabong na kultura
Ninunong mahal sa atin ay ipinamana,
Pinayaman pa ng iba’t-ibang impluwensiya
Tunay nga namang kahali-halina.
Biyaya na sana’y ipinagtataas noo
Nabaain ata sa paglimot,
Kabataa’y naging panatiko
Ng kung ano-ano at ‘di ng wikang Filipino.
Nasan na ang mahahalagang pangako?
Ng pag-alay ng gintong respeto?
Tuluyan na nga bang naglaho?
Katulad ng dahong unti-unting natuyo?
Ganito rin ata ang tadhana
Ang kalikasa’y hindi inaruga,
Mga tao’y hindi alintana
Karma dahil sa ‘di pagkalinga.
Mga bundok ay sinira
Mga ilog ay biglang nagbara,
Konting ulan tuloy ay bumabaha
Dahil lang sa mga lintek na basura.
Maduming usok ng tambutso
Akala mo’y kapreng nagtatabako,
Sa sobrang baho ika’y mauubo
Kumapit sa ilong, di maglaho-laho.
Saan ka man pumaroon
Mga mata mo’y san man lumingon,
Lipunan ayaw atang bumangon
Sa umaalingasaw na katotohanan ngayon.
Disiplina’y malabo na atang lumitaw
Kahit na kalikasa’y magsusumigaw,
Tayo sana’y wag bumitaw
Malinis na bukas wag sanang maagaw.
Kelan ka ba gigising?
Baka bukas ay hindi na makailing,
Sa malupit na lagim na sasapitin
Ganti ng tadhana’y ibibigay sa atin.
Wika’t kalikasan - dalawang elemento
Kung bakit tayo patuloy na naririto,
Hindi sana parang kanin na niluto
Itatapon pag naging tutong.
Pagmamahal na lantay
Matutunan nating ibigay,
Pagmamalasakit sa puso’y ilagay
Ng tayo ay wag nang umaray.
No comments:
Post a Comment