Kung Kailan Huli..
Catherine Santos
Sa paglipas ng panahon aking napagtanto,
Kayraming nagbago, kayraming naglaho,
May napabayaan, may naisantabi,
Nang hindi nag-iisip, paano na sa huli.
Halaman kung minsa'y parang tao,
Kung aalagaan, ito'y lalago.
Parang dagat pag napabayaa'y tila nagtatampo,
Dahil sa kapabayaan mismo ng mga tao.
Wikang Filipino, kadalasa'y binabalewala,
Di ginagamit at tila'y ikinakahiya.
Bakit 'di maisipang ito'y ipagmalaki,
Wikang banyaga kanilang pang mas pinipili.
Kung iisipin, kayganda ng ating wika,
Na ating mapapansin sa mga makata.
Mga hinabing salita, o kay sarap pakinggan,
Kay daling maunawaan, at puno ng paggalang.
Ang tao para mabuhay, kailangang mahalin,
Parang wika at kalikasan kung ating mapapansin.
Kung hindi pahahalagahan ay maaaring mawala,
Tanging pagsisisi lamang ang masasambit nitong dila.
Sa mundong ito, di mahalaga kung ano tayo,
Kung anong itsura, o kung nasaang estado,
Pagmamahal ang binigay ng Diyos para tayo'y mabuhay,
Na atin ding gagamitin at sa iba'y ialay..
No comments:
Post a Comment