Lazada

Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Saturday, September 25, 2010

Wagas na Pagmamahal ang Kailangan

Wagas na Pagmamahal ang Kailangan
sa panulat ni Mae Ellen M. Brimon


Sa bawat araw na lumilipas

Unti-unting nawawala ang kalikasang pumapagaspas

Ang kagandang dati rati'y nakahahalina

Ngayon ay tila basurang itinapon na



Kung ang ating kalikasan ay napapabayaan

Anupa't ang ating wika ay malapit nang malimutan

Napakarami na sa atin ang nahahalina sa wikang banyaga

Ngunit hindi ba nila batid ang biyayang taglay ng ating sariling wika?



Atensiyon at wagas na pagmamahal ang siyang kailangan

Upang ang wika at kalikasan ay ating matulungan

Presensiya nila'y mahalaga sa ating buhay

dahil sila'y ating pag-asang tunay

SUNOG NA KILAY

SUNOG NA KILAY
sa panulat ni Mary Ann Jobelle L. Ponce

Lapis at papel
Kanilang dala-dala
Naagsisilbing sandatang
Panlaban nila

Araw-araw libro ay binabasa
Taglay ang kaalaman
At mga gintong aral
Sa bawat pahina

Gabi-gabi’y
Nagsusunog ng kilay
Upang magtagumpay
Sa mithiin nilang tunay

Review dito.Review doon.
Puyat pa sa lahat ng pagkakataon
Lagi nalang ganyan
Sa loob ng apat na taon

Sadyang mahirap
Buhay mag-aaaral
Ngunit kapalit nito’y
Sayang di matatawaran ng anuman.

WINDANG

WINDANG
sa panulat ni Mary Ann Jobelle Ponce


Haggard na tunay

Ang aking buhay

Sa mga nakalipas na araw

Kaliwa’t kanan

Nakatakdang pasahan

Tila akin ng nalilimutan

Ang salitang magpahinga ka naman


Lalo na ngayon

Nalalapit na ang eksaminasyon

Ang daming kailangang pag-aralan

Kaya lagi nalang puyatan

At walang tulugan

Eye bugs tuloy ay lumalaking lubos

Sa mga gawaing di maubos- ubos

Kailan ba ito matatapos?

Ako’y bangag ng nakagapos

Sa proyektong di ko matapos tapos


Ngunit bumulong ang Diyos,

Sa sakripisyong nagawa

Nararapat ay gantimpala

Kaya ako’y naniniwala

Balang araw,paghihirap ko’y

May patutunguhan rin

Gabi'y nalalapit ng muli

at sa wakas ako’y makakatulog na rin

Ng pagkahimbing himbing.

Noon ... Ngayon ...

Noon ... Ngayon ...
sa panulat ni Christine Abigael T. Lumugdan


Kalikasan noo'y lubhang kayganda
Mga puno't halaman ating kinakalinga
Luntiang kapaligiran tuwina'y pinapanatili
Upang polusyon, lubos na maisantabi.



Mga ilog ay malinis
Isdang yaman ay kanais-nais
Tubig ay malinaw
Kahit iyong sarili ay matatanaw



Hanging ating nilalanghap
Tunay na sariwa't kaysarap
Polusyon ay di alintana
Bawat isa ay may disiplina



Ngunit anong nangyari sa ating kapaligiran?
Tila Inang Kalikasa'y ating napabayaan
Disiplina sa sarili'y unti-unting naglaho
Likas na yaman ay libos na inabuso



Ating munting mga puno
Ngayo'y gamit bilang troso
Mga dapat sana'y nagbibigay ginhawa
Sanhi ngayon ng malalaking baha



Ilog na tirahan ng mga isda
Lumulutang ngayon ay mga basura
Mga pabrika'y dito bumubuga
Kemikal na sumisira sa kanyang ganda



Hangin na noo'y sariwa
Ngayo'y usok ang nakababahala
Dala nito'y maraming sakit
Perwisyong ito ay hindi kaakit-akit



Kung makapagsasalita lamang
Ating Inang Kalikasan
Sambit nito'y, "Anak nasaan na
pagmamahal mo't pagkalinga?"



Sapat na ba ang noon
Na tayo'y nagbigay pagpapahalaga?
O kulang pa ang ngayon
Upang pagkakamali'y ating mapuna?

SA KANYA

SA KANYA
sa panulat ni Christine Abigael T. Lumugdan


Unang pagsilay ko sa kanyang mga mata
Tanaw ko ang pagmamahal na nais niyang ipadama
Ang sinseridad at kanyang katapatan
Tunay na aking nasisilayan



Sa bawat oras na kami'y magkasama
Lubos ang kasiyahang aking nadarama
Lungkot sa aking labi ay napapawi
Bagkus, napapalitan ng mga ngiti.



Kung mababatid lamang niya
Puso ko'y kanyang nabihag na
Pagmamahal ko'y walang hanggan
Handang ipagsigawan kahit kanino man.



Mula sa mapait na nakaraan
Puso ko'y muling nabuhayan
Tinuruan itong muling magmahal
At pinaramdam ang pagkalinga't pagmamahal



Humadlang man ang karamihan
Sa aming wagas na pagmamahalan
Hindi mapuputol ang aming sinumpaan
SA KANYA ako masaya, noon pa man.

Wika - Tagapagtanggol ng Kailikasa

Wika - Tagapagtanggol ng Kailikasan
sa panulat ni Majar Laika Panes


Katulad ng sanggol na saya ng bahay

Na mabubuhay lang, sa piling ni inay

Katulad ng bunsong ali ang ibinibigay

Sa gitna ng pait, dala mo'y bagong buhay



Katulad ng inang ilaw ng pamilya

Nag-aalaga ka, noon at sa twina

Dugo't pawis kung magbigay, katulad ka ni ama

Na magtataguyod, magtatanggol pagdaka



Kawangis mo'y pamilyang puno ng pagmamahal

Bigay mo'y liwanag sa mga naliligaw

Bigay mo'y kalinga sa walang tahanan

Marami'ng bigay mo mahal na kalikasan



Ngunit tulad kong tao ang sisira sayo

ang kintal ng yong buhay, mawawala maglalaho

Sa tulong mong bigay, alay nmi'y di buho

mamamatay kang bigla, at di na mabubuo



Gawa ang naglagim, wika ang tutulong

Siyang iyong pananggalang at tagapagtanggol

kung mababahagi lang sa tulad kong ulupong

marapat alagaan kalikasa'y iusbong



kaya ikaw hudas sumabay ka sa agos

magbago kang bigla, mag-isip ng lubos

si inang kalikasang matagal ng hikahos

alagaa't isalba, ang lahi mong nauubos

PILANTIK NG AKING PANITIK

PILANTIK NG AKING PANITIK
ni JOYCE LAMILA JETOMO





Maraming mga ideya ang sa aki'y nagsusumiksik

Sangkatutak na panaghoy ang sa utak ko'y sumisingit

Sa hilatsa ng isip imahinasyon ko'y gumuguhit

Pumilantik ang panitik sa taludturang marikit.



Sa bawat pagpilantik kapalaluan ang ikinukubli

Piling katotohanan lamang ang aking hinuhuni

Datapwa't kredibilidad ko'y hindi nabibili

Sapagkat katalinuhan ang aking haligi.



Sa sandaling matuyo ang aking isipan

Lulunurin ko ito ng inspirasyon upang hindi matapakan

Muli itong maglalakbay sa talinhaga ng buhay

Susuyuin nito ang tunay nitong pagbubulay-bulay.



Hindi man ako isang pantas ngunit ako'y isang pangahas

Sinuyod ko ang daang malubak, masikip at maputik

Kahit na mga kritiko ang saki'y pumipilansik

Muli pa rin akong magsusulat sa muling pagpilantik ng akingpanitik.

NAGTATAE AKO!

NAGTATAE AKO!
sa panulat ni JOYCE LAMILA JETOMO



Nagtatae ako sa isang blangkong isip

At sa isang puting papel.



Nagtatae ako sa tuktok ng aking kawalan

Ng mga emosyon at damdaming palaban.



Nagtatae ako sa himpapawid ng kamalayan

At mga saloobing sa puso ko'y naghihiyawan.



Nagtatae ako ng tinig sa aking bangungot

Bangungot ng imahinasyon, pangarap at ambisyon.



Nagtatae ako ng mga pananaw sa talukap

Ng pangarap at hamog ng alapaap.



Nagtatae ako ng tulang walang himig

Mula sa daliring unti-unting nanginginig.



Nagtatae ako sa hilatsa ng isip

Na unti-unting nabuo at matapang na tumindig

Nagtatae ako sa isang puting papel

At sa isang blangkong isip.

"I would Breakaway!"

"I would Breakaway!"

sa panulat ni Jayen D. San Diego


"sa pakikinig ng mga kanta,

sabayan pa ng pagka-makata,

ako'y nakalikha ng tula

na maibigan mo sana"



NP (ngayo'y pinakikinggan) : "Breakaway" inawit ni Kelly Clarkson



Sa muling pagluha ng kalangitan

Labas ng bintana ang sinulyapan

Munting pangarap'y nabuo sa isipan

Imahinasyon ko ang aking kaharian



Tinig ay nais mapansin

Ngunit 'di nila kayang intindihin

Sa mundong ito'y nais tanggapin

Ngunit sarili, dito'y di kayang hanapin



Kaya't tanging nagawa'y magdasal

At humiling sa may kapal

Na dinggin ang tulad kong hangal

Na humihingi ng munting parangal



Pinakanais ay makalipad

Hanggang langit ay maabot ng palad

Lakas ng loob ay isasagad

Susubukang makuha ang hangad



Unti-unting lalabas sa kadiliman

Liwanag ang aking patutunguhan

Mga taong nagturo ng pagmamahalan

Kailanma'y di ko malilimutan



Kaya't gagawin ang lahat

Nang makuha, tagumpay na hangad

At sarili'y tuluyang mahagilap

Nang sa mundo, ako'y matanggap



Nais ko lang ay makalipad

Hanggang langit ay maabot ng palad

Lakas ng loob ay isasagad

Nang ang pangarap ko'y matupad

Pagpanaw

Pagpanaw
ni Carylee


Sa apat na sulok ng silid na ito

Nabubuhay ang kakaibang paraiso

Ang mga puno ng kalungkutan at batis ng kawalan

Ang siyang nagsisilbing permanenteng tahanan



Araw at gabi ang lumilipas

Bawat Segundo ang pagkupas

Kalungkutan ay kumakalat

Sa kasiyahan at pag-asa ay salat

Paano nga ba makakatakas sa silid ng mga sawing palad?



Pilitin mang pihitin ang pinto ng pag-amin

Nahaharangan pa ring nabubulag na pagtingin

Ilang oras ba ang kinakailangang patayin?

Upang ang nagtatagong tadhana ay singilin?

Tuesday, September 14, 2010

Sinta

Sinta
Ronalyn San Pedro Baoy

Sinta

Nagkita na ba tayo?

Noong tayo ay bata pa,

Ikaw ay dati’y ibang iba,

Hindi gaanong gwapo



Pero ngayo’y iba ka na,

Abot langit sa kagwapuhan,

Ako’y nahulog sa iyo,

Parang anghel na totoo.



Ako’y nag-isip nang mabuti

Nagtanong nang maigi

Ngunit wala ng iba…



Ikaw lamang Sinta

Walang ibang hihintayin pa

Tinuruan mo akong umibig Sinta



Ako ay iyong hinarana,

Sa harap ng aming bahay,

At sabi mo…

Ikaw lang ang mahal ko…



Ako ay hindi nakapagsalita

Nabigla sa binitiwang salita

Hindi ko inaasahan na…

Sa akin ay may lihim na pagsinta.

Biro Sa Paghimbing

Biro Sa Paghimbing
Ruffa Indico

Nang minsang ipikit aking mga mata

Dagli kong nakita mundong kakaiba

Mabilis na hinanap kung saan ba papunta

Mundong tinapakan nitong mga paa



Humakbang pang muli upang mapatunayan

Sakaling lahat ito'y katotohanan

Nang biglalng bumulaga sa aking harapan

Mga naglipanang hindi ko maunawaan



Sandaling tumigil nang aking marinig

Sigaw at ingay sa aking paligid

Biglang kinabahan, takot ang sa dibdib

Aking pakiramdam biglang nanlamig



Ngunit sandali pa ay may nagsalita

Gising na! Isang mukhang kakaiba

Nang aking imulat itong mga mata

Lahat ay naglaho, panaginip lang pala
Pangarap ng Wika
Beverly Recluta


Sariling wika'y mahalin at ingatan,

Gaya ng pangangalaga sa ating kalikasan.

Wikang Filipino'y huwag itapon o dumihan,

Panatilihing may buhay, palaguin at bantayan.



Ano nga ba itong nauusong balbal?

Wikang Filipino'y sinisira, ginagawa tayong hangal.

Hahayaan ba nating sariling wika'y 'di maintindihan?

Kaya't Jejemon ay puksain, huwag tangkilikin ninuman.



Panahon ng matuto, lahat ng tao sa bansang 'to.

Mahalin at gamitin itong Wikang Filipino.

Maging ika'y Presidente o nagbebenta ng taho,

Intindiha'y makakamit kung sariling wika ang gamit mo.



Pagkakaisang inaasam ay madaling makakamtan,

Kung gagamiti'y sariling wika at hindi iyong hiram.

E ano naman kung sa Wikang Ingles ika'y mangmang,

Nasa bansang Pilipinas ka, wala silang pakialam!



Bawat Pilipino ngayon ay makiisa,

Sa paggamit ng sariling wika, tayo'y may ginhawa.

Ibandera itong wikang sa mga ninuno'y nagmula pa,

Malay mo buong mundo'y sa wika rin nati'y makiisa.
Kinabukasan, aking babalikan,

Lahing inilayo ng asul na kawatan.

"Takatak"

"Takatak"
ni Romina A. Ramos



Dumadagundong; ang banta’y umaalulong.

Nariyan na pala ang bughaw na ulupong.



Tinatahak ang pasilyong nilulumot,

Nang-aamba at nananakot.



Karga ang bata; karga ang benta,

Dadalhin mga yosi’t kendi, magpapalamig muna.



Saan sisilong? Saan kukubli?

Kahit ang bata lamang at supot ng kendi.



Mga mata ng aking muwang ay nakatitig sa akin.

“Saan pupunta ang tatay?” patanong n’yang lihim.



Paano kong iiwan ang isang inosente?

Tanging makakasama n’ya ay tig-pipisong bente.



Isang halik sa noo bago pa sumama,

Sa asul na taong nadaan kanina.

ANONG KLASENG BATA KA DATI?

ANONG KLASENG BATA KA DATI?
Lhymeve Bagayo


1. Dugyutin. Ito yung mga batang well, dugyot. Hindi ko alam kung napabayaan ng magulang o sadyang dumuhin lang talaga. Dito nakapaloob ang mga batang uhugin/sipunin, galisin, mga batang kalyeng nakapitan na ng polusyon, may mga kuto at kung ano-ano pang mga dumi na pwedeng makuha.
2. Bibo. Yan yung mga parang Chacha. Mga pwede sa commercial ng hotdog, gatas, chocolate drink at kung ano-ano pa. Sa sobrang pagkabibo, ang sarap iuwi sa bahay at paglaruan. Biro lang. xD
3. " I-can-see-dead-people." Sila yung mga patay na bata. Mga walang gana sa buhay. Nakasalampak lang sa tabi at nag-eemot, minsan nakatulala sa kawalan na parang may nakikita silang hindi nakikita ng mga normal. Mga bata pa lang, ang negative na ng tingin sa buhay.
4. Manny Villar. Ito naman yung may sipag at tiyaga. Alam mo yung mga batang kahit hindi utusan, gumagawa? Pa-impress kaya? Hmm. Yung iba naman, dala ng kahirapan kaya bata pa lang, nagbabanat na ng buto. Mga child-laborer kung baga.
5. Trophy. Yan naman yung mga batang EXCELLENT, OUTSTANDING, BEST IN BLAH BLAH sa school. Mga batang laging may 5-STAR na nakatatak sa magkabilaang kamay tuwing uuwi ng bahay galing eskwelahan. Mga batang halos isabit na ng maglulang at pagawan ng rebulto sa sobrang pagmamalaki nila sa anak nila.
6. Angel. Mga batang sobrang sweet. Yung mga batang pag-uwi ng mga tatay nila sa bahay eh, siya pa yung kukuha ng tsinelas na susuotin ng tatay niya.O yung mga batang nang-aalok ng pagkain sa mga bisita o kahit hindi niya kakilala. Sweet noh? HINDI AKO YAN.
7. Outcast. Mga batang walang kalaro o ayaw isali sa laro. Mga batang kawawa at inaapi ng kapwa niya.
8. SI HINGI. Ito yung mga batang buraot at madalas manghingi. Kapag sa kanila ka naman hihingi. AYAW. Yung iba, bastos pa, nilalawayan yung pagkain para hindi ka makahingi. EEEW DIBA??
9. Normal. Kung ikaw yung batang hindi ma-classify yung sarili sa mga nabanggit. Sakto lang ba. Ordinaryo.

Tahanan Nating Lahat

Tahanan Nating Lahat
Ruffa Indico


Mayroong isang tahanang malaki

Langit ang bubungan at lupa ang sahig

Bawat silid nito'y may bundok na dingding

Dagat at batisan ang siyang salamin



Palamuti naman ang tanang bulaklak

Tala at bituin ang hiya na sangkap

Maraming laruang nakapagtataka

Isadang lumalangoy, ibong lumilipad



May tanging laruang isang bolang apoy

Aywan ko ba kung sino dito'y nakapukol

At sino rin kaya ang tagapagsindi

Ng parol na buwang pananglaw kung gabi



Siya ang ating mabait na Ama

Kay bango ng hanging kanyang hinihinga

At tayo? Oo, tayo'y magkakapatid

Buhay na ito ang ngalan ng daigdig

Ang Mabuting Pagbabago

Ang Mabuting Pagbabago

Francidieto T. Garcia Jr.

‘Wag mong ipikit ang iyong mga mata

’‘Wag kang magpanggap na hindi mo nakikita;

Ang paligid na dati ay kaysigla;

Nanganganib mawala, hahayaan mo na lang ba?



Gumawa ng pagtutumpak, kabataang Pilipino,

Ngayon mo simulan ang mabuting pagbabago,

At nang ating maisigaw sa wikang kikilalanin ng mundo;

Kung anong uri ng lahi tayo.



Ang wikang nagbigay sa’yo ng pagkakakilanlan,

At ang kalikasang nagbigay ng kaginhawaan;

Ay biyayang dulot ng pag-ibig ng maykapal,

Marapat lang pagyamanin at suklian ng pagmamahal.



Ipagmalaki mo, Kulturang Pilipino

Wikang Filipino pagyamanin mo,

Maginhawang paligid pangalagaan mo;

Matatag na bansa ang nag-aabang sa iyo.

Saturday, September 11, 2010

Sagradong Kayamanan

Sagradong Kayamanan
Roselle P. Evangelista


Wika't kalikasan ang likas na yaman
nating Pilipino na s'yang kayamanan
Ating pangangalaga dito'y kailangan
upang ito'y mapagyaman ng lubusan.

'wag kalimutan at pakatatandaan
pangangalagang sa ati'y inilaan,
ang pagyaman ng wika at kalikasan
ang responsibilidad na ating tangan.

Wagas na pag-ibig sa likas na yaman
ay talagang kailangan nating gampanan.
Ating isapuso't isakatuparan
dahil ito ay sagradong kayamanan.

Wika at Kalikasan

Wika at Kalikasan
Carla Reyes

Wika ay sandigan sa komunikasyon.
Kalikasa’y tahanan na ngayo’y tinatapon
Pangagalaga sa kalikasan,
Kailanpa at paano?

Ang wika ay gawain nating intrumento,
Sa pagpapalaganap ng komunikasyon.
Gamit ang mapaglarong wika at isipan,
Baguhin at pagandahin ang mundo at kalikasan.

Wika, kalikasan at ang bayan.
Kung wika’t baya’y mahal,
Nararapat din ang kalikasan.
Dahil ang kalikasan at bayan ay ating tirahan.

Puno, dagat, dahon at halaman.
Letra, sulat, kaisipan at wika.
Pagmamahal na inaalay ay hindi lamang sa mga ito,
Ngunit alay na rin sa Maykapal.

Wika at Kalikasan, Mahalin at Ingatan

Wika at Kalikasan, Mahalin at Ingatan
Pauline Dimafelix

Ang ating mga aksiyon at salita,
Sa ating pang araw araw na ginagawa
Na nagpapakita ng ating pagiging iba,
Ito’y matatawag nating ating sariling wika.

Mga dahon at halamang satin ay kumakaway
Pati na mga hayop at isda na may buhay
Maging mga bukirin at karagatan, mula sa Diyos sa ati’y ibinigay
Upang magamit natin sa ating pamumuhay.

Lahat ng mahalaga
Ay binibigyang importansiya
Tulad ng wika at kalikasan
Wagas na pagmamahal tunay na kailangan.

Wag abusuhin at higit pang ingatan
Ang ating mga likas na yaman.
Ating wika ay higit pang paunlarin
Huwag ikahiya’t ipagsigawang sariling atin.