Pagpupugay
Ni: Cris Xena Queling
Isang pangyayari ang nag-udyok sa akin
Upang ang tulang ito'y aking likhain
Di man ninyo lubos na malirip
Magnilay-nilay sa pamamagitan ng isip.
Isang babae ang siya kong nararapat ipagpugay
Handog niya'y pagmamahal sa akin ng dalisay
Pag-ibig niya'y walang kabalintunaan
Patuloy niyang ipaglalaban ang aking kapakanan.
Busilak ang puso'y waring isang bulaklak
Kinabukasan ko'y di hahayaang mawakawak
Hindi hahayaan na ako'y dustain
Bagkus walang inatupag kundi ako'y kalingain.
Siya'y ilaw sa aking buhay
Kasa-kasama sa bawat hakbang ng paglalakbay
Nagbibigay liwanag sa bawat kapighatian
Payo niya'y susi 'pang pagsubok ay malakdawan.
Para siyang araw na sumusungaw-sungaw
Kapag ako'y lumalaki sa layaw
Di alintana ang pagpapagal
Sa kanyang adhikaing maging marangal.
Siya'y anghel galing sa langit
Sinisilayan ako maging sa pagpikit
Mula sa pagkabata tungo sa pagtanda
Katangian niya'a dapat kong maging halimbawa.
Tunay ngang ang pagiging ina'y mabigat na tungkulin
Na hindi ko dapat maliitin
Nanay, Mama, Ina
Sa buhay ko'y ikaw ang nag-iisa.
Mahusay at napakamalikhain ng pagkakagawa. May malawak na talasalitaan at kabihasaan sa paggamit ng mga malalalim na salita. Naipakita rin ng lubos ang pagkadakila ng isang ina kaya naman masasabing napakaganda ng iyong tula.
ReplyDelete-Kim Michael C. Andres
BSA 1-36
maganda po ang inyong tula at nakatutuwa ang iyong mga tugma.katulad nyo po ako rin ay may tula bilang pasasalamat di lamang sa aking ina pati na rin sa akin ama.Dapat lang po talagang wag nating kalimutan magbigay pugay sa ating mga magulang.Sigurado akong nasiyahan ang iyong ina sa tulang iyong inialay sa kanya.
ReplyDeleteMaydelyn C. Cuntapay
BSA 1-36
masasabi kong maganda ang tulang ito at napapanahon. Tunay ngang mahirap ang maging isang ina kaya't bilang isang anak dapat mabatid natin at pahalagahan ang bawat bagay na binibigay sa atin materyal man o hindi. Tanging magulang lang ang nakaaalam kung anong nakabubuti sa atin.
ReplyDeleteApril Grace R. Toraja
BSEd Mt 2-IN
Mahusay ang tula sapagkat naipahayag ito ng may damdamin.
ReplyDeleteBukod pa rito, makabuluhan ang mga mensahe tungkol sa isang inang mapagmahal sa mga anak.
Angelica M. Francisco
-BSEDMT 2-1N
Mahusay na naipahayag ang damdamin para sa kanyang ina. Ako may nagbibigay pugay din sa bawat nanay na laging nakaagapay sa mga anak nila. ikay nagsisilbing isang magandang halimbawa sa bawat anak na nagpapahalaga sa kanilang magulang.
ReplyDeleteJoymee M. Vidallon
BSEDMT 2-1N
Kahanga-hanga po ang inyong tula.Napakagaling ng pagkakagamit ng mga mabulaklak na salitang inyong napili.Ako po ay lubos na natutuwa dahil naramdaman ko kung gaano ang inyong pagmamahal at pasasalamat sa iyong ina.
ReplyDeleteIpagpatuloy niyo lang po ang magandang nasimulan at alam kong malayo pa po ang inyong mararating sa pagsulat ng mga malikhaing akda.Sobresaliente!!!
-Danna Mae De Leon
BSA I-36