Lazada

Sunday, September 7, 2014

Ang Munting Puno Ni Jonalyn Bautista

Ang Munting Puno
Ni Jonalyn Bautista


Nalaglag sa lupa bilang isang buto
Sa pag-asang lalago na isang puno
Isang punong hahalik sa kalangitan
Sasayaw sa hininga ng kalikasan.


Sa pagkakatanim sa'yo sa daigdig
Iyong damhin kalikasang umiibig
Damhin lamig ng hangi't init ng araw
At sa ula'y 'wag mangiming magtampisaw.


Ang iyong ugat ay yumakap sa lupa
At ang iyong unang daho'y sumibol na
Patuloy ka sa pag-usbong at paglaki
'Di namalayan, tumibay ka't dumami.


'Di pa tunay na mayabong subalit
Puno ka na ng matamis na pasakit
Nahubog kang puno ng tibay at lakas
Puso mo ay 'di kailanman maaagnas.

Subalit isang araw, 'di inasahan
Makita kang wala na sa kalupaan
Sira ang mga dahon, putol na tangkay
Isang halamang tinanggalan ng buhay.


6 comments:

  1. Say NO to illegal logging! Ang mga puno ay isa sa tumutulong para makaamoy tayo ng sariwang hangin. Huwag hayaan mawala ang prebelehiyong ito sa atin. Kumilos!

    ReplyDelete
  2. Ang pagtubo ng isang puno ay maihahambing sa buhay nating mga tao. Ang lahat ng ating mga karanasan ay ang huhubog sa atin upang maging mas matibay at malakas na indibidwal.

    ReplyDelete
  3. Ang puno ay simbolo ng buhay na mundo. Kung wala ang mga ito, Mawawalan ng buhay ang mga nakatira dito.

    ReplyDelete
  4. atin sanang pakatatandaan na bago pa man mabuhay ang mga unang tao naririto na ang Inang kalikasan. kaya nitong magpatuloy nang wala tayo ngunit mabubuhay kaya tayo nang wala ito?

    ReplyDelete
  5. Tama, ang buhay ng tao ay maihahalintulad sa buhay ng puno. Lahat tayo ay nagsimula ng sanggol at sa kanila naman ay binhi. Naglalagas sa pagtanda at namamatay nang dahil sa panahon

    ReplyDelete
  6. Pagpapahalaga sa kapaligiran at kalikasan. Patuloy na itaguyod para sa kapakinabangan.

    ReplyDelete