Lazada

Saturday, September 27, 2014

Kulang pa ba? ni: Lumoya, Ma. Jesseca T.

Kulang pa ba?
ni: Lumoya, Ma. Jesseca T.

Nagsimula tayo sa wala
Hanggang sa magkausap at magkakilala
Naging masaya tayo sa isa't isa
At tuluyang nagkamabutihan na.

Ngunit isang araw ay nagbago ka
Isang beses lang na ako'y pumalya
Tampo ang sa akin ay bumungad na
At paliwanag ko'y di na pinakinggan pa.

Bakit nagkaganito?
Marami nang nagbago sa iyo
Hindi ko lamang napagbigyan gusto mo
Kinukwestiyon mo na ang pagmamahal ko

Lahat naman ibinigay ko
Maging libreng oras ay inilaan sa iyo
Kulang pa ba ito
Upang kahit isang beses, ako naman ang unawain at pagbigyan mo?

"Ako'y naiwang mag-isa, walang kasama." Tula ni Leonel Salvador

"Ako'y naiwang mag-isa, walang kasama." Tula ni Leonel Salvador

Damdamin hindi maipaliwanag,
utak ko'y tila naging bulag,
titig sa dahon ng punong nalaglag,
papalayong paglakad bagong sakit ay nadagdag

Hindi lang siya nag-iisa,
nakaraang taon ay idagdag pa,
binaon sa aking mata,
nakakilala na ng iba.

hindi ko alam kung anong nangyayari,
nagkulang ba aking pagtatangi,
nagtiwala higpit ng pisi,
kaibigan, takot ko'y tila nananatili.

Ayoko ng naiiwan,
alam kong batid mo 'yan,
kahit naman ika'y nagpaalam,
hindi, paglingon ko ako'y agad ng nililisan.

Pare-parehas lang naman tayong magkakasama,
ngunit hindi matanggap ng aking mata,
ngayon ay pinipili mo na ang iba.
Ganoon ba talaga?

KAPENG MAINIT, KAKAMPI NATIN ni Jairah Manangbao

KAPENG MAINIT, KAKAMPI NATIN ni Jairah Manangbao

Ika’y karamay sa hirap at ginhawa,
Pampawala ng antok,maaasahang tunay.
Mawala na lahat pagdating sa puyatan
‘wag lamang ikaw, mahal kong kape.

Bawat baso antok naglalaho,
karagdagang lakas at pawi ng pagod.
sa bawat paglasap ng kapeng umuusok,
Utak ko’y biglang nagiging alerto.

Mapait ma’y nakaka-adik
ang kapengbarakong paborito natin.
Mayro’n namang matamis kung ayaw ng mapait,
ngunit hinay lang kung ayaw magkasakit.

Ayan na! ayan na nga
parating na ang inaasahan
nating mga masisipag na mag-aaral,
walang iba kundi ang katakut-takut na puyatan.

“Kailangang matapos, walang tulugan!”
“Bukas na ang pasahan wala pa ‘kong gawa!”
Huwag mag-alala ‘pagkat may karamay,
ang kapeng pampalakas at laging maaasahan.

Buhay ng Isang Ulila ni Raquel Balatinsayo

Buhay ng Isang Ulila ni Raquel Balatinsayo

Ang hirap mabuhay
kung wala na ang iyong itay at inay
lalo na sa mundong maingay
at sa iyo ay walang aalalay

Ang mundong sana'y makulay
para sa batang malay,
ngunit dahil walang gabay
isip ay napuno ng lumbay

Mundo'y sinisi sa pagiging ulila
sa karahasan ng mundo'y nagpasasa
hanggang isip ay maalila ng sugal at serbesa
at sa mapusok na mundo ay nagpadala

Kinahantungan ay mabaho at maliit na selda
na puno ng harang san man banda
buhay ay tuluyang napariwara
kung sana ay hindi nawalan ng kalinga

Nagkaroon sana ng maaliwalas na kinabukasan
buhay na mayroong matuwid na daan
nagabayan sana upang maging maayos na mamamayan
at magiging malaking pakinabang para sa bayan

Unang sayaw ni Raquel Balatinsayo

Unang sayaw ni Raquel Balatinsayo

Gabi na halos
ngunit kasiyaha'y di parin tapos
bawat sayaw ay para bang nilulubos
dahil ang oras ay kapos

Habang ako ay naglalakad lakad
at kung saan saan napapadpad
paikot ikot sa sayawang malapad
aking hiling ay biglang natupad

Nang may humawak sa aking palad
at sayawan ako'y kinaladkad
paa ko'y hinayaang sumadsad
dahil sa gwapong mukhang sa akin tumambad

Aking kaibigang pinapantasya
ang sa aki'y yumaya
tuloy ngiti sa aking mukha
buong gabi di na nawala

Bawat galaw
sa unang sayaw
ay magiging parte ng kahapon
na sa puso ay pang habang buhay ay nakabaon

Ama ni Weslie Ena Maquirang Teologo

Ama 
ni Weslie Ena Maquirang Teologo


Ang unang lalaking ating nakasama
Sa pagtatapos ng gabi mag pa sa umaga
Sa oras na bakante, sa atin ay nag-aaruga
Ang natatanging kalaro, ang tangi kong ama

Sa panahong wala siya sa ating piling
Pag galang at respeto, di dapat limutin
Walong oras bawat araw, sakripisyo para satin
Para sa kinabukasang pilit niyang aabutin

Sa kanyang pagsisikap, upang lahat maibigay
Maging luho man ito o kinakailangan
kasama ng ina sila'y nagtataglay
Ng likas na kalinga at wagas na pagmamahal

At sa paglaki at pagsuong sa buhay
Laging nandyan siya, patuloy na umaalalay
At sa ating isipan natatak, nagtaglay
Maging katulad niya, uliran at mapagmahal

Kaysarap Sigurong Magkapak-pak? Ni Ruby Jane M. Tanamor

Kaysarap Sigurong Magkapak-pak?
Ni Ruby Jane M. Tanamor

Hawak ang bolpen at kapirasong papel,
Habang nakatingala sa ulap na kahel.
Labis na namamangha sa mga ibong maya,
Tila walang pinoproblema’t tunay na malaya.

Parang napakasarap lumipad,
Kampay ang pak-pak saan man mapadpad.
Tila isang eroplano sa kalawakan
Binabaybay ang himpapawid ng walang hanggan.

Minsan ko ngang pinangarap maging si Darna,
Kaysarap sigurong mamasyal hanggang sa mga tala?
Tila wala ring wakas ang paglipad niya,
Pagod lang siguro ang kalaban niya.

Gusto ko ring maging isang paru-paro,
Maglalakbay lamang buong buhay ko.
Makakakita ng magagandang kulay,
Larawan ng kagandahan ng buhay.

Kaysarap sigurong magkapakpak?
O kaya’y super powers na walang palpak.
Mamuhay kasama ang mga bituin,
At lumipad kasama ang mga lawin.

Ngunit tila sa panaginip na lamang ito posible,
Hindi ko man maabot ang ulap ay ‘di na bale.
Hindi man makaupo sa tabi ng buwan,
Sapat na marahil ang imahinasyon kong tangan-tangan.

Sapagkat, wala man akong mga pakpak,
Isa lang ang sa aki’y tiyak.
Ipikit ko lang ang aking mga mata,
Saan ma’y pwede akong makapunta.

Ngayon nga’y para na ‘kong nasa himpapawid,
Ulap ay aking tinatawid.
Ngunit teka lang! Nawala ang aking mga pakpak!

Waa! Tiyak na sa sahig ako’y lalagapak.

Sunday, September 7, 2014

Sabi Ko Nga Ni Jonalyn Bautista

Sabi Ko Nga
Ni Jonalyn Bautista
 

Sabi ko nga, alas-otso tayo
Oo, nangako na naman ako
"Peksman," sabay taas pa ng kamay
Na pang-"Panatang Makabayan."

Pero balik sa dati kong gawi
Lakad-takbo para 'di mahuli
Nagdarasal, sana'y tulog ka pa
Kaysa mamuti ang iyong mga mata.

Takbo 'ko dito, takbo 'ko doon
"Para" 'ko dito, "Para" 'ko doon
Heto na, nahihilo na ako
"Teka, time first," sabay peace sign pa 'ko.

Pagdating ko, akala wala ka pa
Sabay abot ng papel ng tindera.
Nasabi'y, "Wow. Umalis ka na pala.
Pero, at least sa 'ki'y may liham ka."

Akala ko may emergency lang
O kaya'y may migraine ka na naman.
Pero sa sulat mo'y, "Ayaw ko na."
Sabi mo pa'y sawang-sawa ka na.

Paalam Kaibigan ni: Christian I. Sierra

Paalam Kaibigan
ni: Christian I. Sierra

Unang araw mo sa amin
Binago mo ang aming gawain
Dinagdag ng kulay
Ang munti naming buhay

Pagmamahal mo'y walang kapantay
Walang kapalit sadya lang tunay
Walang pagod sa pagbabantay
Masigurado lang ang kaligtasan

Walang tulad ang pagmamalasakit
Pag-iingat sa kanila'y paulit ulit
Nais lang na ika'y mapalapit 
Sa mga anak naming makukulit

Mundong nagsimulang lumungkot
Panghihina mo'y nagbigay takot
Pagluha namin hindi mapigilan 
Munti naming kaibigan, kami'y iniwan

Mga alaala mo'y hindi malilimutan
Lalo na sa iyong kakulitan
Laking pasasalamat na ika'y pinahiram
Matalik kong kaibigan, paalam

Aruga by: Christian I. Sierra

Aruga
by: Christian I. Sierra

Pagmulat ng mata sa umaga
Tinig mo'y hinahanap sa t'wina
Haplos ng kamay na may mahika
Sakit ay nawala na parang bula

Tila isa kang hulog ng langit
Bigay na regalo ng Diyos sakin
Payo at turo ginawang awit
Walang sawa't tigil sa pagsambit

Minsan nagkamali at nabulag 
Masamang bisyo, laging hinanap
Ngunit hinabol ako't niyakap
Mga salita'y nagbigay liwanag

Liwanag sa daang tinahak ko
Hindi iniwan saan man dako
Magandang buhay iyong plinano
Nais lamang mabuhay ng wasto

Salamat, salamat oh, Inay
Pagmamahal mong walang papantay
Bitbit lagi ang turo at gabay

Aking aalahanin habang buhay

HALIKA’T GAGAAN ANG LAHAT ni Paula Meneses

HALIKA’T GAGAAN ANG LAHAT
ni Paula Meneses

Nakakapagod , totoo namang ganito ang mabuhay
Paulit-ulit, tunay na lagi at nakakaumay
Gising, aral, ano pa nga ba ang dahilanan
Araw- araw, ang bigat sa pakiramdam
Mamamatay akong, pag-aaral lamang ang alam
Nakakapagod, mahalin ang buhay
Magmahal ng kapwa, paulit-ulit at sabay sabay
Ang sarap tapusin, kung iisipin ang lahat


Nang Sya’y makilala, ako’y Kanyang tinawag
Sabi’y, anak, halika’t ako’y lapitan
Tanong sa aki’y, pagod ka na nga bang magbuhat?
Magpahinga ka, sa Aking kanlungan
Sa Akin ka lumapit at gagaan ang lahat

Problema’y, patuloy na dinadanas
Ngunit, totoong Sya ang kasagutan!
Di dahil nabawasan, ngunit alam na ngayon ang kadahilanan
Walang aksidente, sa mundong ibabaw
Lahat ay ayon, sa plano ng Maykapal
Ika’y Kanyang anak kaya patuloy na tutulungan
Makikialam, tutubusin, maligtas ka lamang
Ika'y Kanyang itatama, ayaw ka Nyang mabuhay sa kadiliman
Kapit bisig tayo, kasama Sya sa pagbuhat!



KULANG ni Paula Meneses

KULANG 
ni Paula Meneses

Daming nangyayari, pero laging may kulang 
Di mapayapa, aking puso't kasipan 
Laging maingay, puno ng kaguluhan 
Kaya patuloy, ako sa paghahalungkat 

Araw-araw, kay daming inaatupag
Puro "bakit", naman ang naiiwan
Walang kahalagahan, akong maramdaman
Laging pulot, pansamantalang kaligayahan 

Ngayon, nang Sya'y makaharap 
Kay rami kong, dapat na bitawan 
Hindi mabilang, aking natutunan
Patuloy nadadapa, at aking paglumbay
Akala ko kasi, ako na'y matatag 
Patuloy nais kong isipin, "ako ay kulang"
Kulang, tuwing di Sya kabilang sa samahan 
Araw-araw, ako'y bagong nilalang!

Paalam! ni Aira Charloth Padua

Paalam!
 ni Aira Charloth Padua



Minsan ako ay tunay na nalito
‘Di maintindihan ang laman ng puso
Mga panahon ako ay nahihilo
Isipan at damdamin ay gulo-gulo

Sa tulong ng malapit na kaibigan
Sa akin ay kanyang pinatunayan
Na hindi pag-ibig ang nararamdaman
Ito’y dulot ng sobrang pag-iisip lamang

Dalawang araw ang aking itunuon
Ngunit ang aking puso’y  ‘di tumugon
Hindi maaaring maitali sa kahapon
Dahil dama ko na ang langit ngayon

Ako ay pawing nadala
Ng kalokohan at pangutya
Ngunit sa likod ng aking mga mata
Purong pagkakaibigan at walang malisya

Paalam na sa munting damdamin
Mga gumugulo sa atin, ‘wag isipin
Iisang pag-ibig lang ang hangarin
Wala nang iba, kundi sa kanyang piling

Kapirasong Buhay ni Aira Charloth Padua

Kapirasong Buhay
ni Aira Charloth Padua


Hirap ng buhay sa lansangan
Mga kapos at kaaway natikman
Mga paghihirap nila'y 'di masisisi
Uhaw at gutom 'di na mawari

Kabutihan ng iba sa pagtutulungan
Kalapastangan ng iba'y 'di matawaran
Iyan ay iyong maoobserbahan
Ang mga kapos ay iyong kalagayan

Naghahari na ba ang kasakiman?
Tila walang buhay kung tapakan
Tila walang dignidad kung yurakan
Gaano na katindi ang kasamaan?

Tinapay mo sa iyong bulsa
Pumatid ng kumakalam na sikmura
Abang pulubi man sa iyo lumuha

Walang magawa kaya sa iyo'y balewala

Dahil Sa'yo ni Christopher Mapang

Dahil Sa'yo
ni Christopher Mapang

Ang hirap paniwalaan
Na dati ay hindi ka makita
Sa pag-aakalang ako’y nag-iisa
at walang masasandalan

Sa katotohan ako’y naging bulag
Ikaw pala’y nasa aking tabi lamang
Mabuti na lang ako’y nagising
At nalaman ang tunay na nadarama

Walang katulad itong nadarama
Nais kong iyong malaman
Na minsan sa aking buhay
Nadama ko ang tunay na ligaya

Kailanman hindi ako nakatagpo
Ng isang katulad mo
Na alam ang aking buong pagkatao
Salamat, aking nagtapuan aking hinahanap

Ang sarap sa pakiramdam
Na ikaw ay makita
Na ikaw ay mapakinggan
Ito ay dahil sa’yo.

Panahon na! ni Christopher Mapang

Panahon na!
ni Christopher Mapang


Kahit saan ka man tumingin,
Basura'y 'di mawala sa paningin.
Ngunit kung inyong iisipin,
Sino nga ba ang may salarin?

Tapon dito, tapon doon
Hindi matapos-tapos na pagtapon
Kasabay ng pagdami ng populasyon,
Problema'y 'di mahanapan ng solusyon.

Kung mayroon mang dapat sisihin,
Walang iba kundi mga tao rin
Mga taong bulag-bulagan sa katotohan
Mga taong salat sa kaalaman.

Panahon na para sa pagbabago
Ito ang hakbang na nararapat
Panahon na para kumilos tayo
Bago pa mahuli ang lahat.

Mag-isang Umiibig ni Ma. Jesseca T. Lumoya

Mag-isang Umiibig 
ni Ma. Jesseca T. 
Lumoya

Minamahal mo siya 
Ngunit mahal niya naman ay iba 
Nagkataon pa na ang gusto niya 
ay ang bespren mo pala. 

Dahil kayo ay magkaibigan 
Nadarama ay nais ng iwasan 
Ngunit iyong napag-alaman 
Gusto rin siya ng iyong kaibigan. 

Nanghingi siya ng tulong sa iyo 
Upang mapalapit sa kaibigan mo 
Kahit na alam mong masasaktan ka 
Tinulungan mo pa rin siya. 

Tuwing nakikita mo silang masaya 
Pilit ka ring tumatawa 
Nang sa gayon ay walang makahalata 
Na sa puso mo'y durog na pala.

Nang Dahil sa Pag-ibig ni Ma. Jesseca T. Lumoya

Nang Dahil sa Pag-ibig 
ni  Ma. Jesseca T. Lumoya


Bakit nga ba kapag nagmahal ka
Sakit ay laging kasama
Pilitin mo mang iwasan
Ikaw pa rin ay maaaring masaktan.

Ano man ang sabihin ng iba
Ito'y naisasawalang bahala
Sapagkat kapag nagmahal ka
Wala ka ng ibang maririnig pa.

Magawan man ng pagkakamali
Dahil sa pagmamahal ay maisasantabi
Paulit-ulit mang ikaw ay lokohin
Magtitiis at magpapatawad pa rin.

Marahil ay ganun talaga
Sakit at pait ay madarama
Upang sa susunod ay matuto na
At sa pag-ibig ay tumibay pa.

Buhay Iskolar Ni Ma. Erika M. Florencio

Buhay Iskolar
Ni  Ma. Erika M. Florencio

Sa aking pag gising twing umaga
Kagustuhang muling pumikit ay di inalintana
Kumain, maligo at mabilis na nagbihis
Siniguradong walang nakaligtaan sa pag alis

Tulad ng inaasahan, ako ang una sa silid aralan
Nagbukas ng libro upang utak ay mapunan
Nang mga leksyong sinabi ng guro’y ngayon naming pag-aaralan
Upang hindi mahuli kapag kami ay nagtalakayan

Sa pagdating ng guro, handa na ang aking gamit
Pagsulat ng napakahaba ay nagdulot nga ng sakit
Ngunit di pinansin at nagtuloy padin
Maraming bagay ang dumagdag sa mga dapat alamin

Sa aking pag uwi ay may baong ngiti
Sapagkat sa aking mga magulang na nagpagod ng sarili
Isang magandang kinabukasan ang aking maigaganti
Kaya buhay Iskolar kailanma’y di isasantabi.


Musika Ni Ma. Erika M. Florencio,

Musika 
Ni Ma. Erika M. Florencio,        
 

Iba-ibang tao, iba-ibang tunog
Iba-ibang emosyon, iba-ibang kalabog
Usong-uso sa mga kabataan na kung saan man mapunta
Ay may kung anong nakapasok sa kanilang mga tenga

Mga kanta patungkol sa tamis ng pag-ibig
Hanggang sa mga taong ayaw magpadaig
Mula sa mga tugtog na nakakaantok ang himig
Patungo sa may indayog na nakaka-nginig

Anoman ang nararanasan sa ating  buhay
May musikang sa iyo ay nababagay
Mga salitang hindi kayang sabihin
Sa musika nalang natin padaanin

Pero ang tanong sa bawat isa,
Ano nga ba talaga ang kahulugan ng musika?
Pangpasaya nga lang ba sa mga pagtitipong matamlay
O isang bagay na nakakapag sagip ng buhay


Pasasalamat kay Inay ni Elaine H. Cortez

Pasasalamat kay Inay
ni Elaine H. Cortez

Inay, magmula noong unang pagmulat ng aking mga mata,
ay ikaw lamang ang aking ninanais na unang makita.
At gusto ko lamang ay ikaw ang laging makasama.
Aalagaan kita't kahit kailanma'y hindi magsasawa.

Aking mahal na Inay, masuwerte ako sa iyong gabay,
at dahil na rin sa iyong mahiwagang kamay.
Ang aking buhay ay para lamang sa iyo,
mahal kita, araw-araw kong uulitin sa iyo.

Nandito lamang ako para sa'yo at magsisilbing tungkod,
lalo na kapag puti na ang iyong mga buhok.
Aking Ina ito lang ang masasabi sa iyo,

salamat ako ay iyong inaruga.

Takbo ng Buhay ni Elaine H. Cortez

Takbo ng Buhay
ni Elaine H. Cortez

Pagmulat pa lang ng iyong mga mata,
mundo agad ang iyong makikita.

Mga pangyayaring inaasahan na,
at huwag ka nang mag-alinlangan pa.

Sa bawat butil ng iyong mga luha,
may kasiyahang iyong mahihinuha.

Ang bawat tao ay may problema,
ngunit may solusyon naman hindi ba?

Gaano man kataas ang abot ng pakpak,
ganoon din kataas ang iyong lagapak.

Hindi habang buhay ang yaman ng tao,
mawawala rin ito, iyan ang totoo.

Hindi naman habang-buhay ang paghihirap,
iyan ay kung ikaw ay magsusumikap.

Lahat ng bagay ay pinaghihirapan,
iyan ang lagi mong pakatandaan.

Iyan lamang ang aking masasabi,

ating namnamin ang oras na nalalabi.

Para sayo Kaibigan Ni Alliza Joy Bernardo

Para sayo Kaibigan
Ni Alliza Joy Bernardo



Kaibigang matalik,
yan ang tawag sa atin.
Sa lahat ng bagay ay
Magkasamang tunay.

Sa laki ng mundo,
sa dami ng mga taong
dumating sa buhay ko
Nanatili ka't naging totoo.

Nakakatuwang isiping
may isang katulad mo
ano mang mangyari
andyan at di nagbabago.

Sa panahon ngayon,
ako'y may napagtanto.
Wala sa dami ang basehan
Kundi kung sino ang totoo.

Mahal kong kaibigan
Salamat sa lahat lahat
Nawa'y walang hanggan
ang ating samahan.

Nananatili ang Pintig Ni Alliza Joy Bernardo

Nananatili ang Pintig
Ni Alliza Joy Bernardo

Nag-umpisa sa simpleng asaran
Gang sa nakisali pati mga kaibigan
Pilit itinatanggi, di pinapansin
Ngunit sa huli'y napaamin din

Dahil sa di malamang pagtanggi
Natigil pati ang panunuyo mo
Bagay na di maintindihan
Bakit nga ba biglang naramdaman

Mundo nga nama'y bilog
Di mawawari ang pagkakataon
Muli, napagtanto ating gusto
At tayo'y nga'y muling nabuo

Ganon na lamang siguro
Kapag tunay ang hangad mo
Babalik at babalik ang para sayo
Makukuha mo ang nais mo

Dumadaan nga naman sa punto
Na tila kay gulo ng mundo
Marahil natural na ang ganito
Kasiyahan ay di agad masiguro

Di pagkakaintindihan, mga alitan
Magkasama nating solusyunan
Parte na ito ng buhay pag ibig
Mahalaga'y nananatili ang pintig

Ang Munting Puno Ni Jonalyn Bautista

Ang Munting Puno
Ni Jonalyn Bautista


Nalaglag sa lupa bilang isang buto
Sa pag-asang lalago na isang puno
Isang punong hahalik sa kalangitan
Sasayaw sa hininga ng kalikasan.


Sa pagkakatanim sa'yo sa daigdig
Iyong damhin kalikasang umiibig
Damhin lamig ng hangi't init ng araw
At sa ula'y 'wag mangiming magtampisaw.


Ang iyong ugat ay yumakap sa lupa
At ang iyong unang daho'y sumibol na
Patuloy ka sa pag-usbong at paglaki
'Di namalayan, tumibay ka't dumami.


'Di pa tunay na mayabong subalit
Puno ka na ng matamis na pasakit
Nahubog kang puno ng tibay at lakas
Puso mo ay 'di kailanman maaagnas.

Subalit isang araw, 'di inasahan
Makita kang wala na sa kalupaan
Sira ang mga dahon, putol na tangkay
Isang halamang tinanggalan ng buhay.


Sabi Ko Nga Ni Jonalyn Bautista


Sabi Ko Nga
Ni Jonalyn Bautista

 

Sabi ko nga, alas-otso tayo
Oo, nangako na naman ako
"Peksman," sabay taas pa ng kamay
Na pang-"Panatang Makabayan."

Pero balik sa dati kong gawi
Lakad-takbo para 'di mahuli
Nagdarasal, sana'y tulog ka pa
Kaysa mamuti ang iyong mga mata.

Takbo 'ko dito, takbo 'ko doon
"Para" 'ko dito, "Para" 'ko doon
Heto na, nahihilo na ako
"Teka, time first," sabay peace sign pa 'ko.

Pagdating ko, akala wala ka pa
Sabay abot ng papel ng tindera.
Nasabi'y, "Wow. Umalis ka na pala.
Pero, at least sa 'ki'y may liham ka."

Akala ko may emergency lang
O kaya'y may migraine ka na naman.
Pero sa sulat mo'y, "Ayaw ko na."
Sabi mo pa'y sawang-sawa ka na.

Isip-isip ko'y aba'y malay ko ba,
Sabi mo kasi, 'di ka magsasawa.