HALAGA
akda ni Joanna Marie Cabanatan
Masarap ang mabuhay, mayroon tayong mga sariling paraan sa ating pamumuhay. May mga taong masaya at mayroon din malungkot dahil sa uri ng kanilang pamumuhay. Mayroon ding mga tao na hindi masaya kahit mayroon na sila ng mga material na bagay na gugustuhin ng sinuman, at mayroon din naman na masaya na kahit hindi man nila nakukuha ang mga bagay na gusto nila. Kung tutuusin natin masaya ang buhay, nasa sarili lang natin kung paano natin pahahalagahan ito.
Tunghayan natin ang istorya ng isang simpleng tao kung paano niya napahalagahan ang kanyang buhay sa kabila ng mga balakid na kanyang hinarap.
Si Jed ay isang estudyante ng kolehiyo, sa kanyang edad na labingwalo marami na sya’ng mga nagawa sa kanyang buhay.
Si Jed ay isang ulilang bata sa kanyang ama na nawala ng siya’y makatapos ng elementarya. Dahil din sa pangyayaring iyon, humina ang katawan ng kanyang ina at naging dahilan ito upang tumigil siya sa paghahanap buhay. Dalawa silang magkapatid, limang taon ang agwat niya sa kanyang nakababatang kapatid na si Jake, kung kaya siya lamang ang aasahan sa pamumuhay ng kanyang pamilya. Simula sa kanyang murang edad, natuto na syang mag banat ng buto.
Nagawa nyang kumita upang mabuhay at mutustusan ang kanyang pag aaral. Nagtatrabaho sya bilang kargador sa palengke sa umaga, gumigising sya ng alas tres ng madaling araw upang tulungan ang mga tindera sa pag aayos ng kanilang mga paninda, kapalit nito, binibigyan sya ng kaukulang bayad kapalit ng kanyang serbisyo, inaabot sya ng hanggang alas sais ng umaga sa kanyang hanap buhay at sapat na ang oras na iyon upang makapag handa sya sa pagpasok sa eskwela.
Pumipili si Jed ng oras ng pasok na tama lang at hindi makasasagabal sa kanyang trabaho, madalas kumukuha sya ng pang umaga, mula alas otso hanggang alas dos ng hapon ng sa gayon makatulog pa sya ng dalawang oras bago bumalik sa palengke at tumulong sa mga tindera na magligpit ng mga paninda at maka uwi ng alas otso ng gabi.
Sa kabila ng kanyang magandang katangian, mayroon din syang hindi magandang katangian. Dahil sa suliranin na nakamulatan ni Jed at dahil na din sa mga kaibigan, natuto syang mag bisyo, alak at sigarilyo. Hindi man ito ganun kalala subalit masasabi padin ito na bisyo, para sa kanya, ito ay matatawag na pampawala ng pagod at sama ng loob. Masama ang loob ni Jed dahil sa buhay na mayroon sya, kaya’t ginagawa nya ang mga bisyo upang makalimot pansamantala. Pag dating sa bahay, gagawa sya ng mga gawain sa eskwela, at habang gumagawa sya, umiinom sya upang makatulog ng maaga at makagising din ng maaga. Ganito ang ikot ng buhay ni Jed sa araw-araw liban pag sabado at lingo, pag araw ng walang pasok, umiinom si Jed pagkagaling sa palengke upang makatulog kaagad at makagising ulit upang bumalik sa palengke.
Sa eskwela naman hindi masasabing hindi maganda ang buhay ni Jed, marami syang kasundo na mga ka eskwela. Marami ang humahanga sa kanya dahil sa talent ni Jed sa Math, hindi man nya ito napapansin, ngunit sya ang nangunguna sa klase pagdating sa math. Dahil din sa pagpupursigi nya sa pag aaral, may mga kaibigan at kakalase sya na handang tumulong sa kanya ng pinansyal kapag may mga bayadin na biglaan. Mabait naman si Jed ngunit hindi lang maitatago ang pagod sa trabaho na nagiging dahilan upang tumahimik na lamang sya sa kanyang klase, madalas nasasabihan na suplado.
Ang mga kaibigan naman ni Jed ay masasabing tipikal na kabataan na masasabing nasa kolehiyo, mahilig gumimik, mag good time at ipagpaliban ang klase para sa mga walang kabuluhang bagay na nakapagpapasaya sa kanila. Malimit sumama si Jed sa mga barkada nya at naiintindihan naman siya ng mga ito, madalas nakakasama lamang siya kapag nagkakataon na wala ang kanilang guro. Natatanggap naman ni Jed na parte padin iyon ng pagkabata, subalit hindi nya maalis sa sarili nya na hindi na nya dapat yon ginagawa dahil hindi naman sya normal na bata. Inaalala padin niya ang kanyang trabaho at kinabukasan.
Sa ganung pamumuhay ay nasanay na si Jed at ipinagpapatuloy nya lamang ito hangang uamabot sya sa ikaabat na baitang sa kolehiyo. Sa oras na iyon, mas maraming dagok ang kinaharap ni Jed, nawala ang kanyang ina dahil sa sakit. Halos bumigay na si Jed dahil samga naganap, kung hindi nya lang iniisip ang kanyang nakababatang kapatid na nasa high school na ng panahong iyon. Dala ng kahirapan, pinili ni Jed na paghintuin pansamantala sa pag aaral ang kanyang kapatid. Hindi nya kayang pag-aralin ito ng kasabay nya, malaki din ang mga gastusin ni Jed sa eskwelahan dahil sa malapit na nga syang magtapos. Naging matino ang pananaw sa buhay ni Jed, nututo syang pahalagahan ang sarili at ang mga bagay na mayroon sya, tinanggal ang mga masasamang nakagawian at ginawa ang mga bagay na dapat gawin. Walang pinalampas na pagkakataon sa bawat araw na dumadaan sa buhay nya.
Dalawa nalang sila ng kapatid nya sa buhay, ang tanging iniwan na lamang sa kanila ng kanilang mga magulang ay ang bahay at lupa na pag aari ng mga ito. Maliit lamang ang lupa na may sukat na 80 sqm. kung saan nakatayo ang kanilang maliit na kubo. Tumulong sa pagtatrabaho ang kapatid ni Jed upang hindi masyadong mahirapan si Jed na tapusin ang kanyang pag aaral. Hindi masyadong nahirapan si Jed sa aspetong pinansyal dahil kumikita na din ang kanyang kapatid kung kaya lahat ng mga bayarin sa eskwelahan ay nabayaran nya.
Nakatapos ng pag aaral si Jed at tulad ng plano nya, pinabalik nya sa pag aaral ang kanyang kapatid. Subalit hindi tulad ni Jed, nawalan ng hilig sa pag aaral si Jake. Dahil sa naranasan na nitong kumita ng pera, hindi na nya ginusto pa na bumalik ulit sa eskwelahan at mag aral. Pinabayaan ni Jed ang kanyang kapatid sa gusto, inisip nya na magsasawa din sa pagtatrabaho ito at maiiisiapn din na bumalik ulit sa pag aaral. Natutong magbisyo si Jake simula nang maghinto ito, isa ito sa dahilang kung kaya ayaw na nyang bumalik sa pag aaral, masaya na sya sa buhay nya na kumikita ng maliit na halaga dahil natutustusan naman nito ang kanyang pangangailangan.
Lingid sa kaalaman ni Jed, lumala ang bisyo ni Jake, simula sa alak, sigarilyo at sugal, natuto din ito na gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot. Madalas hindi ito umuuwi ng bahay at tumutuloy sa mga katropa na nag turo sa kanya ng bisyo. Nung una, ipinagpawalang bahala ni Jed ang mga iyon dahil naisip nya na karapatan din ng kapatid nya na magsaya. Pinagbigyan nya ito dahil ayaw nyang ipagkait sa kapatid ang buhay ng isang binata. Tumigil na din sa pagtatrabaho ang kapatid nya dahil kumikita na si Jed. Subalit kasabay ng pagtigil sa trabaho, lumala ang bisyo ni Jake.
Nalaman ni Jed ang bisyo ng kapatid nya, ito ang naging dahilan upang pilitin nya ito na bumalik sa pag aaral, nang sa gayon, maibaling nalang nito ang atensyon sa mga bagay na may kabuluhan. Hindi gaya ng inaasahan, nagtuloy padin ng bisyo si Jake. Hindi ito pumapasok at nagbubulakbol lamang ito kasama ng mga kabarkada. Inuubos nya ang baon nya sa mga bisyo nya. Nang pinipigilan ni Jed ang kapatid, lalong naging suwail ito, hindi sya pinakinggan at tila nag rerebelde sa kanya. Lumayo ang loob ni Jake sa kuya nya dahil sa pinipigilan siya nito sa mga bagay na gusto nyang gawin. Madalas na ang hindi nito pag uwi at hindi pag pasok sa eskwela. Minsan naman, umuuwi ito ng lasing na halos hindi na makalakad sa sobrang kalasingan. Madalas ito ang mga bagay na pinag aawayan nilang magkapatid.
Sa murang edad ni Jake, naging bahay na ng mga bisyo ang katawan nya. Nakaramdam sya ng panghihina, ito ang naging sanhi ng madalas na pagkakaroon nya ng sakit. Halos dalawang buwan na tumigil sa bahay si Jake, tumigil muli siya sa pag aaral at tumigil din sya sa bisyo nya. Naging maganda ang epekto ng pagtigil ni Jake ng matagal na panahon, natanggal nya sa sarili ang bisyo. Nagkasundo din silang magkapatid sa maraming bagay dahil nag ka roon na sila ng oras upang mag bonding.
Naging maganda ang pagsasama nilang magkapatid, Taglay ang mahinang katawan dulot ng mga nakaraang bisyo, pinilit ni Jake na ipag patuloy ang pag aaral.. Naging maganda na ang daan na tinanahak ni Jake, nagaaral na ito ng mabuti ng hindi nagpapa apekto sa mga bisyo ng barkada. Naging idolo nya ang kuya nya at ito ang nagtulak sa kanya upang mag aral ng mabuti at maging responsable sa buhay. Sa kabila ng naging mahinang katawan, napagtagumpayan naman ni Jake na maging responsable.
Habang tumatagal, humihina ang katawan ni Jake at hindi nya ipinaalam sa kapatid nya. Tuloy tuloy ang regular na gawain nya araw araw, pasok sa eskwela at bahay nalang ang naging puntahan nya. Kung walang pasok, naglilibot sila ng kuya nya at dumadalaw sa puntod ng mga magulang. Kinakausap nila ang kanilang mga magulang at ipinakikita na naging maayos na din ang buhay nilang magkapatid. Hindi man ganun kaginhawa, taas noo padin nilang sinasabing, masaya sila kung ano man ang mayroon sa kanila.
Habang kausap ng magkapatid ang mga labi ng magulang, naitanong ni Jed sa kapatid kung ano ba ang mga hinahanap pa nito sa buhay at kung ano ba ang mga pangarap nito. Sinabi ni Jake na wala man silang mga magulang, hindi man sila ganung kayaman, masasabi parin nya na kompleto na ang buhay nya. Hinihintay na lamang nyang makatapos upang bumuo siya ng pamilya. Nagustuhan ni Jed ang sinabi ng kapatid, sinabi din nya sa kapatid na hindi muna sya magaasawa hangga’t kailangan pa siya nito. Natuwa si Jake sa sinabi ng kuya nya, ngunit sa isang banda ng isip nya, nag aalala sya sa kalagayan nya. Nararamdaman nyang lalong humihina ang katawan nya ngunit ayaw nya namang ipaalam ito sa kuya nya. Minabuti nyang sarilinin kung ano man ang nararamdaman nya.
Hindi nagtagal, dumating ang kinakatakot ni Jake, nagkasakit saya ng matagal, at dahil sa sobrang hina ng katawan nya, hindi na nya naitago sa kapatid ang kalagayan nya. Dinala sya sa ospital upang masuri kung ano ba ang sakit at kung ano ang lunas. Tumagal ng isang linggo ang pagsusuri kay Jake, at sa araw ng pagbasa ng resulta, minabuti na lamang ng doctor na kay Jed na lamang sabihin ang kondisyon nga kapatid.
Hindi malaman ni Jed kung ano ang iisipin dahil natatakot sya sa kung ano ang kondisyon ng kapatid. Naisip pnya na dalawa nalang sila ng kapatid nya sa buhay at ayaw na nyang mawalan pa ulit ng mahal. Dumating ang doctor at nadatnan siyang nakatulala at nag-iisip sa harap ng mesa ng doctor. Sinabi ng doctor na may tatlong araw na lamang ang itatagal ng kapatid nya sa mundo. Ipinaliwanag ng doctor na hindi kinaya ng katawan ni Jake ang maagang pagbibisyo. Sinabi din ng doctor na nasobrahan sa pagttrabaho ang mahinang katawan nito. Ipinaliwanag din ng doctor na simaula pagkabata ay may mahina ng baga ang kapatid nya kung kaya lalo itong humina dahil sa bisyo at trabaho. Pilit na hinahanapan ni Jed ng sago tang doctor kung may paraan pa ba upang maisalba ang buhay ng kapatid nya, subalit walang maisagot ang doctor. Sa huli, natanggap ni Jed na hanggang dun nalang talga ang kapatid nya.
Paglabas ni Jed saopisina ng doctor, agad syang pumunta sa kapilya sa loob ng ospital, nagdasal sya doon upang ipagpasalamat ang huling tatlong araw na ibinigay ng Panginoon sa kapatid nya. Pag katapos nyang magdasal, umupo muna doon si Jed upang magi-isip. Iniisip nya kung paano nya sasabihin sa kapatid ang kalagayan nito. Bago bumalik sa silid kung saan nakaratay ang kapatid, naisip nya na i-uwi na ang kapatid at doon nalang kausapin. Nag paalam na din si Jed sa trabaho, nag pasa sya ng isang buwan na bakasyon at inaprubahan naman ito.
Pag dating sa bahay, pinlit nyang pagpahingahin ang kapatid, subalit tumatanggi ito dahil masyado na daw mahaba ang pahinga nya. Hindi mahahalata ang kahinaan ng katawan ni Jake ng mga oras na iyon, gusto nyang ipakita sa kapatid na malakas na ulit sya. Sa harap ng bahay na ipinamana sa kanila ng mga magulang nila, doon sila naupo, sa ilalim ng puno ng mangga na may nakakabit na luma at marupok na mahabang upuan na gawa pa ng kanilang ama.
Habang nakaupo, tinanong muli ni Jed ang kapatid kung ano-ano ang mga gusto nitong gawin. Nakaramdam si Jake ng lungkot sa kapatid, inisip nya na malala na talaga ang lagay nya at alam nya na alam na din iyon ng kapatid nya. Sinabi ni Jake sa kuya nya na gusto nyang maranasan ulit ang maging simpleng tao, simpleng binata at simpleng estudyante. Simpleng tao na nagkakaproblema subalit nakangiti parin sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok. Simpleng binata na gumagala at puupunta sa iba’t ibang lugar. Simpleng estudyante na nagbubulakbol at nag aaral sa oras na gustuhin. Sinabi din nya na gusto nyang maranasan ang buahy na walang pressure. Inamin ni Jake na matagal na nyang nararamdaman ang hirap sa katawan subalit ayaw nyang dumagdag pa sa mga problema ng kuya nya.
Pinipilit ngumiti ni Jake habang sinasabi nya ang mga salita na iyon sa kuya nya, ngunit hindi nya nya napigil ang pagtulo ng luha ng makita nya ang pag iyak ng kapatid. Nararamdaman nila ang lungkot ng bawat isa. Pagkatapos magsalita ni Jake, si Jed naman ang nag salita, sinabi nito ang tunay na kalagayang ng kalusugan ng kapatid. Sinabi nito na ang lahat ng sinabi ng doctor sa kanya, pinipilit ngumiti ng dalawa habang nag uusap, subalit hindi nila mapigil ang kalungkutan. Nang humupa na ang lungkot ng magkapatid, minabuti nilang matulog na upang masimulan ang susunod na araw ng maganda.
Sa unang araw ng nalalabing tatlong araw ni Jake, ginising sya ng kuya nya at inaya na kumain. Nakahain sa mesa nila ang paboritong almusal ni Jake, ang pritong itlog, tuyo, at kamatis. Kasama nito ang sinangag na kanin at inumin na kape. Naluha si Jake dahil sa magkahalong tuwa at lungkot, maagang gumising ang kuya nya upang ipaghanda siya ng paborito nya. Nakita ni Jed ang reaksyon ng mukha ng kapatid at sinabing huwag maging malungkot dahil gagawa sila ng mga masasayang ala-ala habang magkasama pa sila. Umupo sa harap ng mesa si Jake at sa kabila naman si Jed. Magkaharap ang dalawa, habang pinagkkwentuahan ang kanilang mga karanasan simula pagkabata.
Pagkatapos kumain, gumayak ang dalawa, nagsimba sila at pagkatapos ay tumuloy muna sila sa labi ng kanilang mga magulang, medyo tumagal sila doon. Nagkwentuhan muli ng kanilang pagkabata, hindi nila maiwasang maluha paminsan-minsan subalit pinipilit padin nilang maging masaya. Nag paalam na ang dalawa sa kanilang mga magulang at umalis. Lumibot ang dalawa sa mga lugar na hindi pa nila napupuntahan, gumawa sila ng mga ala-ala upang pareho silang may baunin sa kanya kanyang detinasyon. Lumipas ang maghapon ng magkapatid, umuwi sila ng nagtatawan. Pagdating nila sa bahay, makikita ang galak sa magkapatid habang kumakain ng hapunan na binili nila sa bayan. Pagkatapos kumain, hindi pa umalis sa harap ng mesa ang magkapatid, pinagkwentuhan pa nila ang mga bagay na nangyari sa maghapon.
Nang sumunod na araw, gumising si Jake at pumunta sa mesa, nadatnan nya ang kuya nya na naghahain palang at sinabing gigisingin na daaw sana sya. Umupo sa mesa si Jake tulad ng nakaraang araw, magkaharap padin sila. Naka hain sa mesa ang pagkain nila, hotdog at pritong manok na hilig naman ni Jed. Nagsimulang kumain ang dalawa hindi parin umalis sa mesa pagkatapos kumain. Nagkwentuhan muli ng mga hindi maubos na kwento ng mga naranasan nila ng nakaraang araw. Iba ang destinasyon ng magkapatid sa araw na iyon, nagpunta sila sa eskwelahan na pinapasukan ni Jake. Pumasok si Jake na parang normal na araw lamang habang si Jed naman ay kinausap ang puno ng eskwelahan. Ipinagpaalam nya ang kapatid na mawawala na ito sa eskwelahan na iyon. Sinabi nya ang kalagayan ng kapatid at nakita nya ang lungkot sa mata ng mga guro ng kapatid nya. Muli, hindi napigilan ni Jed na maluha sa sitwasyon ngunit ipinakita nya sa mga guro na matatag silang dalawa.
Sa kabilang dako naman, si Jake ay nasa silid aralan nila. Habang naghihintay ng guro, masaya padin silang nag kumustahan ng mga kaibigan nya. Ikinwento nya ang pinuntahan nilang magkapatid at tuwang tuwa naman ang mga kaibigan nya sa mga narinig sa kanya. Dumating ang guro nila at nag simula ang klase ng normal, walang kaalam alam ang mga kapwa estudyante ni Jake sa dinadala nya. Hindi din masyadong nagturo ang mga guro nila dahil ayaw nilang mapagod ang isip ni Jake, iyon nalang ang magagawa nilang pabor para sa batang malapit ng mawala. Nagn huling subject na nila Jake, maagang umalis ang guro nila upang pagbigyan ang hiling ng kuya ni Jake na bigyan ng oras si Jake na makapag paalam sa mga ka eskwela. Tumayo si Jake sa harapan ng klase, nung simula, ipinagyabang nya ang mga naranasan nya ng nagdaang araw. Tuwa at galak ang nakita nya sa mga kapwa estudyante, naisip nya na mahaba pa ang oras ng mga ito upang pahalagahan ang buhay at kung ano man ang mayroon sila. Nagsimulang lumungkot ang paligid nag nagseryoso ang mukha ni Jake. Nagsimula syang mangaral sa mga nandoon upang pahalagahan ang mga bagay na mayroon sila at lalo na ang buhay nila. Ikinwento n nya ang kalagayan nya, hindi maiwasang maiyak ng mga malalapit nyang kaibigan habang nagsasalita si Jake sa harapan.
Ramdam din naman ang lungkot sa iba pang mga kaklase ni Jake. Dumating ang oras ng uwian subalit parang walang nas umuwi sa kanila. May nag sabi sa mga kaibigan ni jake na ano kaya kung lumabas muna sila at gumawa din ng mga ala-ala na babaunin nila sa kani-kanilang destinasyon. Sumangayon ang karamihan, sumama si Jed na naghihintay sa labas ng silid nila simula ng matapos nyang kausapin ang mga guro ni Jake. Napagkasunduan ng mga bata na pumunta sa isang parke. Nag ambag-ambag sila at bumili ng mga pagkain na kanilang pagsasalusaluhan. Nagkwentuhan sila ng masaya sa parke at gumawa ng mga masasayang ala-ala. Pinagkwentuhan nila ang mga taong nandoon din upang magsaya, pinagkwentuhan nila ang mga guro na kinaiinisan at kinatutuwaan nila.
Natapos ang araw at nagpaalam na ang mga kaklase ni Jake, huling nagpaalam ang mga malalapit na kaibigan ni Jake. Bago sila tuluyang umalis, nagpasalamat si jake sa mga kaibigan nya sa pagsama sa kanya, hindi nanaman napigilan ni Jake na lumuha habang nagsasalita, nadamay sa pagluha ni Jake ang mga kaibigan nya at lumuha na din. Tinapos ang iyakan ng isang ngiti mula kay Jake at nag sabing paalam at salamat.
Umuwi ang magkapatid, hindi tulad ng nakaraang araw, malungkot si Jake dahil niisip nya ang mga bagay na hindi n nya muli mararanasan. Naiisip nya ang mga kaibigan na hindi n nya muli makakasama sa galaan. Subalit naisip din nya na hindi sya maaaring malungkot dahil huling gabi n nya yon.
Pagdating sa bahay, hindi na nakakain ang magkapatid dahil busog pa sila sa mga kinain nila ng mga kaeskwela ni Jake. Inilabas ni Jed ang higaang kawayan sa bahay, doon nahiga silang magkapatid habang nakatingin sa mga bituin. Pareho silang tahimik at nagpapakiramdaman kung ano ba ang pagkkwentuhan nilang dalawa. Unang nagsalita si Jed, sinabi nya ang balak nya sa susunod na araw. Sinabi nya na gumala ulit sila sa iba’t ibang lugar, subalit hindi sumang ayon si Jake. Mas gusto pa ni Jake na manatili na lamang sa bahay nila sa huling araw ng buhay nya. Sinabi nya na doon sya nagkabuhay, kayat doon din sya mawawalan ng buhay. Sinang ayunan nalang ni Jed ang gusto ng kapatid subalit sinabi nya na pupunta daw muna sila sa puntod ng kanilang mga magulang.
Nakatulog ang dalawa sa labas ng bahay, nagising sila sa tilaok ng manok na nagsisilbing alarm clock nila sa araw araw. Unang bumangon si Jed upang maghanda ng kanilang kakainin, habang si Jake naman ay naiwan sa higaan upang sulitin ang bango ng hangin sa umaga. Ngayon nya lang napansin na masarap palang gumising at langhapin ang simoy ng hangin habang sariwa pa ito at malamig dulot ng nagdaang gabi.
Katulad ng nagdaang dalawang araw, kumain ang dalawa ng sabay, nagkkwentuhan habang kumakain, nagtatawanan, nagkukulitan. Tulad ng napag usapan nung nagdaang gabi, nagpunta ang dalawa sa puntod ng magulang, donn sila nagpalipas ng oras hanggang mag tanghalian. Umuwi sila para kumain ng tanghalian, pagkatapos kumain, muli, naupo sila sa lumang upuan na gawa ng ama nila. Muli nilang binalikan ang nagdaang dalawang araw, naisip nila pareho na mahaba pala ang nagdaang dalawang araw, madami ang naganap sa loob lamang ng dalawang araw. Inisa isa nila ang mga ginawa nila masaya nga naman dahil nakasama ni Jake ang mga mahal niya.
Biglang sumagi sa isip ni Jake yung panahon na hindi pa sya mahina, hindi pa sya nagkakasakit, nung hindi pa nya nararamdaman na may diperensya sya. Naalala nyakung paano nya hindi pinahalagahan ang buhay dahil sa hindi nya nararanasan ang mga nararanasan ng mga normal na bata, normal na estudyante, normal na tao. Naisip nya n asana pinahalagahan nya ang buhay nya nung hindi pa huli ang lahat. Hindi naiwasan na umiyak si Jake sa mga naalala nya, at dahil don, na antig din ang puso ng kapatid nya. Nagiiyakan ang dalawa, magkatabi, sinusulit ang bawat segundo na nalalabi, bawat minuto na magkasama pa sila.
Malakas ang simoy ng malamig na hangin, naisipan ng dalawa na uminom ng alak sa higaan na muli nilang inilabas upang mabawasan ang sakit na dinaramdam nila. Inabot ng hating gabi ang dalawa, ayaw matulog, hindi alintana ang kalasingan na dulot ng alak na ininom nila. ngunit dahil na din sa malalim na ang gabi at malamig ang simoy ng hangin, dala ng mga mata na pagod dahil sa pag iyak, at alak na ininom, hinatak na sila ng antok at nakatulog.
Tilaok ng manok ang gumising kay Jed, ayaw nyang gumising, ayaw nyang makita na lumipas na ang gabi, ayaw nyag isipin na tapos na ang tatlong araw na natitira sa buhay ng kapatid nya, at lalong ayaw nyang tanggapin na nag-iisa nalang sya sa buhay. Bumangon si Jed sa hinihigaan nilang magkapatid, una nyang tiningnan ang kapatid na noo’y nakangiti, at tila natutulog lamang. Tumulo muli ang luha sa kanyang mga mata nang isipin nya na wala nang buhay ang kapatid na tinitingnan niya.
Hindi maitatago ang lungkot kay Jed matapos mailibing ang kapatid nya, pinipilit nyang tumawa, maging masaya at isipin na kasama na ng mga magulang nya ang kapatid nya.
Pinilit maging matagumpay ni Jed sa buhay, nagsipag sya at nag tyaga. Nagkaroon sya ng pamilya, nagkaanak ng dalawa. Naging inspirasyon kay Jed ang mga pinagdaanan nyang dagok ng buhay, at hindi nya pababayaan na maranasan iyon ng kanyang pamilya kailanman.
Naging matagumpay sya sa mga mahal nya, nabigyan nya ng magandang buhay ang pamilya nya. Naging masaya din sila sa kung anong mayroon at wala sa kanila.
Tulad ng istorya na ito, makikita mo ang halaga ng kahit ano kung ito ay wala na o alam mong mawawala na. Tulad ng sarili nating buhay, nawa’y pahalagagahan natin ng walang pag aalinlangan, mahalin natin ang mga nagmamahal sa atin. Lahat nang mga pangyayari ay may dahilan, kung may pagkakataon, kunin mo, kung babaguhin nito ang buhay mo, sabayan mo. Walang nagsasabing magiging madali ito, subalit makikita mo ang halaga kung matapos mo at mapag tagumpayan ito. Maiksi ang buhay, kaya gumising sa umaga ng walang pag aalinlangan. Sa halip na maghanap ng mga bagay na wala, mag pasalamat ng mga bagay na mayroon ka...
No comments:
Post a Comment