Kasalanang Mortal
akda ni Herrald Corpuz
Unang
araw ng klase sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Unang taon ni
Concepcion sa kolehiyo. Ito rin ang
unang araw ng pagdating niyasa Maynila. Tumutuloy siya sa isang boarding house
malapit sa eskwelahang pinapasukan. Alas otso ng umaga, sabik na naghanda si
Concepcion para sa kanyang unang klase. Bumili ng almusal, naligo at nagsipilyo
at hindi kinalimutang magdasal na gabayan siya sa kanyang unang araw. Mula sa
kanyang tinutuluyan ay dinig na dinig ang ingay ng dumadaang tren. Pagdating sa
gate ng paaralan ay bumati pa sa guwardyang nagbabantay. “Magandang umaga ho,
kuya.” Nginitian lang siya nito at dumiretso na papasok. “Malawak pala ang
unibersidad na ito. Baka maligaw pa ako sa building na ‘to.” Tinignan pa niya
ang kanyang registration card upang makita ang kanyang schedule at ang unang
silid na kanyang pupuntahan. “W-413.Saan kaya banda iyon?” Tanong niya sa
sarili. Pag-akyat niya ng ikaapat na palapag ng gusali ay kanya ring nakita
kung saan ang kanyang unang klase. Maaga siyang dumating. Labintatlong
mag-aaral ang kanyang nadatnan sa silid. “Dito po ba ang ABE 1-2?” tanong
niya.Tumango lang ang isa sa mga nasa silid at saka naghanap ng pupwestuhan si
Concepcion. Sa bandang unahan siya umupo. Madaling marinig ang propesor at
mahangin sa pwestong iyon. Hindi nagtagal, isa isang nagdatingan ang kanyang
mga kamag-aral.Eksaktong alas nuebe naman ng dumating ang kanilang propesor.
Matangkad
na babae, maputi at matangos ang ilong ng kanilang propesor. “Napakaganda naman
ng propesor na ‘to. Parang estudyante lang sa kanyang ayos at tindig” wika niya
sa sarili. Nagsimula na rin ang klase. Tila bumilis ang pagtibok ng puso ni
Concepcion. “Kinakabahan ka ‘no? Halata sa itsura mo e. ‘Wag kang kabahan,
mukha namang mabait ‘tong propesor natin.” Sambit ng kanyang katabi.“Ah, oo
mukha nga. Kinakabahan lang kasi ako. Unang beses kokasi dito sa Maynila” sagot
niya. “Ayos lang ‘yan.Ako nga pala si Paulo Sto. Domingo. Diyan lang ako
nagdodorm pagtawid ng riles” pakilala sa dalaga. “Ako si Concepcion
Alcantara.Mamaya na siguro tayo mag-usap at makinig muna sa prof natin.” “I
want you to introduce and tell something about yourself. Let me do it first, I
am Ms. Teresita Del Carmen. I will be your professor in your ENGL 1013 Study
and thinking skills in English. You can call me ma’am Tessie.” May
pagka-British accent pang pakilala ng guro sa sarili. Napanganga ang lahat sa
straight at magandang boses ng propesora. “Let’s start with that boy at the
back” sabay turo sa lalaking tila may sariling mundo. “I-I-I am Jayson Sanchez
po. 17 years old. Studied at Quezon City High School po mam” nanginginig pa
habang nakatingin sa mga kaklase. Ang isa sa mga kapansin pansing nagpakilala
ay si Emman Cahilig. Hindi mababanaag sa kanyang porma na isa siyang
valedictorian ng pinaggradweytang eskwelahan. “Good day everyone, Emman Cahilig
is the name, dating girls is my game. I graduated at Tala National High School
located somewhere in Caloocan and I’m happy to see you all.” Naghiyawan lahat
ng babae sa kanilang silid. Sino ba namang babaeng di kikiligin sa lalaking
ito? Matangkad, gwapo at bruskong pangangatawan. “Mukhang all the girls liked
you Mr. Cahilig” pabirong sambit ng propesora. “Naku, mukha naman mayabang yang
lalaking iyan” bulong ni Concepcion sa sarili. Sumunod na tumayo ang isang babaeng
medyo mataba, maputi at di katangkaran. “My name is Charleen Dela Rosa. My
favorite food is adobo and tinola. And I’m hoping the canteen here cooks good
po mam” ganadong wika ng dalaga. “The canteen here cannot cook, iha” biro ng
guro. Nagtawanan ang buong klase ngunit biglang nanahimik nang magsalita ang
sumunod na nagpakilala. “Hello guys, Melchor Samson here. You look sexy on your
dress mam Tessie and may I know how old are you ma’am?” nagulat ang buong klase
sa lalaking ito. Hindi na pinansin ng guro ang tanong. Sumunod na si
Concepcion. Nanginginig ang tuhod sa kaba. “Huwag kang kabahan, kaya mo yan!”
bulong ni Paulo. Ngumiti si Concepcion at mahinhing nagpakilala. “I am
Concepcion Alcantara. Graduated at Marinduque National High School. I hope I
can make new friends here because I don’t have relatives here in Manila.”
“Naalala ko ang sarili ko sa’yo iha. You know what guys, when I first came
here, I was just like her.” Sinabi ng kanilang guro sa buong klase. “Parang
amoy banig ka pa ineng ha?” sigaw pa ni Emman. Nagtawanan ang buong klase.
Napahiya ngunit nginitian na lang ni Concepcion ang mga kamag-aral. Sa loob
loob ni Concepcion ay inis na inis siya sa binata. Sunod na pinatayo si Paulo.
“Good morning, I am Paulo Sto. Domingo, 18 years old, graduated at San Juan
Catholic School.” “Huwaw !banal ka siguro tol!” hirit ulit ni Emman ngunit
hindi na ito pinansin ni Paulo. Huli ng tinawag ang babaeng katabi ni Paulo.
“Ako po si…” “English please” sambit ng propesor nila. “Ay sori po mam. My name
is Chariz Saracgon and my favorite color is blue po.” Natapos ang klase sa
pagbibigay ng house rules at syllabus ng kanilang klase.
Sa
mga sumunod na asignatura ay magkatabi pa rin sina Concepcion at Paulo. “First
day pa lang, may lovers na tayo dito ah” pang-aasar na naman ni Emman. “Uy,
hindi ah” tanggi ni Paulo. Unang araw pa lamang ng klase no’n ngunit tila
nagkapalagayan na ng loob sa isa’t isa ang mga magkakaklase. Habang mabilis na
dumadaan ang mga buwan ay lalo pang naging malapit ang buong pangkat 1-2.
Tatlong buwan pagkalipas ng unang araw ay palagi nang magkakasama sina
Concepcion, Paulo, Jayson, Charleen, Melchor, Emman at Chariz. Habang
naglalakad sila sa hallway ng ikaapat na palapag ay nakasalubong nila ang
adviser na si Ms. Del Carmen. “Hello Mam Tessie” bati ng magkakaibigan. “I’m so
happy you made friends already, Concepcion. Magreview kayo mamaya at may quiz
tayo ha?” “Yes mam, ang ganda mo talaga” pabirong sinabi ni Melchor.
“Nakakatamad magreview, pakopya na lang mamaya Cons ah? Tabi tayo” sabi ni
Jayson kay Concepcion. Nang makaraos sa pagsusulit ay nagannounce ang kanilang
guro. “Next month we’ll be having our Student Development Activity that is on
September 17. Be ready with your payments ha? 1500 iyon. Sa Palawan tayo for 1
week. O sige na, you can now take your break.” Umalis ang guro ng silid at
nanabik lahat ng estudyante. Sabay na nagtanghalian ang magkakabarkada. Habang
kumakain, napagkwentuhan ang nalalapit na SDA. “Excited much na ko sa Palawan
friends” masayang banggit ni Chariz. “Naku, wala akong pera diyan. Baka hindi
na ako sumama” malungkot namang pahayag ni Concepcion. “Kaming bahala sa’yo,
friend. Patak patak tayo, diba guys?” sabay kagat sa kinakaing burger si
Charleen. “Oo naman, 500 sakin” presenta ni Emman. “Ang yabang talaga nito oh,
ang daming pera. 300 lang sakin” sagot ni Paulo. “Maraming salamat sa inyo ha?
Talagang ang swerte ko nakilala ko kayo.” Maluha-luhang sambit ni Concepcion.
“Ano ka ba? 800 pa lang yan. Basta, kaming bahala sa’yo” sabi ni Chariz. “Sana
marami tayong kaklaseng magbikini pag nagswimming tayo” sabay halakhak si
Melchor.
Dumating
na ang nakatakdang araw. Alas otso ng umaga ay kumpleto na sa sasakyang
eroplano ang buong ABE 1-2. Magkatabi sina Concepcion at Paulo. “Excited ka
ba?” tanong ni Paulo. Tumango na lang si Concepcion. Halos tatlong oras lang
ang biyahe nang umalis sila sa Maynila. Pagdating sa lugar ay nagbigay na ng
room assignments ang kanilang guro. Magkakasama sa isang kuwarto ang pitong
magkakaibigan. Naka-aircon pa kanilang room, malalambot ang mga kama, may
shower ang CR at may refrigerator pa. “Naku, kahit dito na ako tumira. Ang
sarap matulog sa kuwartong ito.” Sambit ni Jayson habang nagbibihis. “Sa akin
iyang kamang iyan ah? Akin iyong tatlong unan na iyon” sabay turo ni Paulo sa
ikatlong kama. “Sa’yo na, wala namang umaangkin” sagot ni Melchor. “Nagugutom
na ako guys, wala bang makakain dito?” sabay bukas sa ref si Charleen.
Nagulantang sila sa laman ng ref. Punong-puno ng pagkain at maiinom. Kasyang
kasya na sa kanilang pito sa isang linggo ang mga pagkain na naroon. Nang
makapagpahinga ay kanya-kanyang nag-ikot ang magkakaklase sa lugar. May ilog sa
di kalayuan, maraming puno sa paligid, maaliwalas ang panahon. Kanya-kanyang
picture taking ang buong pangkat. Halos di naman mapaghiwalay sina Concepcion
at Paulo. Tila more than friends, less than lovers na ang tinginan sa isa’t
isa. Nang makakita ng magandang spot ay nagkwentuhan na ang dalawa. “Ganito rin
ba kaganda sa probinsya ninyo?” tanong ni Paulo. “Oo, hindi na bago sa akin ang
ganitong lugar. Kung gusto niyo, sa bakasyon, doon tayo lahat. Masaya doon pag
fiesta.” sagot ni Concepcion. Habang tumatagal, ay lumalalim ang kwentuhan ng
dalawa. Nakaramdam ng pagkailang si Concepcion. Lalo itong lumala ng magtanong
si Paulo, “kapag niligawan kaya kita, may pag-asa ako?” “Baka hinahanap na nila
tayo, tara na’t bumalik sa camp site”, sagot ng dalaga. “Iniiba mo naman ang
usapan e. Malamang hindi pa nilang napapansing wala tayo roon. Sagutin mo na
lang ang tanong ko”, hirit muli ni Paulo. “Maganda ba ako?” tanong ni
Concepcion. “Oo naman, kaya nga … Gusto kita e. Simula noong unang araw ng
klase natin, napansin na kita. Totoo ngang iba ang gandang taglay ng mga
probinsyana”, sambit pa ng binata. “Binobola mo naman ako e”, mahinang sagot ni
Concepcion. “Hindi ah, seryoso ako. May tanong ako, pintura ka ba?”, patuloy si
Paulo sa pagkumbinsi sa dalaga. “Hindi, bakit?” sinakyan na lang ni Concepcion.
“Kasi, kinulayan mo ang boring kong mundo.” Ang pagbibiruan ay nauwi muli sa
seryosong usapan. Nagtangkang pumitas ng bulaklak sa paligid si Paulo ngunit
pinigilan ito ni Concepcion. Sakto ang maaliwalas na ihip ng hangin sabay sa
huni ng ibon at rumaragasang tubig ng ilog ang nararamdaman ng dalawa sa mga
oras na iyon. Nang lumipas ang ilang oras ay natagpuan na sila ng ibang kasama.
“Kayo ah, nagliligawan pa kayo diyan. Tara na’t nakahanda na raw ang
tanghalian. Kanina pa kayo hinahanap ni Ma’am Tessie. Maging sa hapag kainan ay
nagkakatinginan sa mata ang dalawa. Kinahapunan ay magkasama na naman ang
dalawa sa parehong lugar. “Gusto kong malaman mo Concepcion na seryoso ako sa
nararamdaman ko at mahal na talaga kita” habang nakatingin sa mga mata ng
dalaga. “Ako rin naman e…” sabay talikod si Concepcion kay Paulo. “Mahal mo rin
ako? Totoo? Talaga? So, tayo na?” sabik na sinabi ni Paulo. “Kaso, kinakabahan
ako, anong sasabihin ng mga kaibigan natin kapag nalaman nila?”, ani
Concepcion. Mababanaag sa kanyang mga mata ang kagustuhan sa binata kasama ng
kaba at takot. “Wala kang dapat ikatakot. Matutuwa pa nga sila kapag nalaman
nila ang tungkol sa atin. Nothing to worry, alright?”. Kitang kita ang
kasiyahan sa kanilang mga mata. Kinagabihan ay agad namang ikinuwento ni Paulo
ang nangyari sa mga kasama. “Guys, may sasabihin ako sa inyo”, sabay tingin kay
Concepcion. Bumilis ang tibok ng puso ng dalaga, hindi alam ang gagawin. “Kami
na ni Paulo …” pasigaw na sambit ng dalaga sabay taklob ng unan sa pagkahiya.
Nagulantang ang lahat ng nasa kuwarto. “That’s it. Iyon sana sasabihin ko kaso
inuhan na niya ako” sabay lapit sa kasintahan. “Ang sweet. Ako, Jayson, kailan
mo ba ‘ko liligawan?” hirit ni Chariz. “Inggitera ka talaga kahit kailan,
maghintay ka lang”, sagot ni Jayson. Kinikilig ang bawat isa sa mga sandaling
iyon.
Habang
lumilipas ang kanilang mga araw at gabi sa camp ay lalong tumitindi ang
pagtitinginan nila Paulo at Concepcion sa isa’t isa. “Kung alam mo lang kung
gaano ako kasaya sa tuwing kasama ka, Concepcion” lambing ni Paulo sa
kasintahan. “Ang aga aga, pinakikilig mo ako. Mahal na mahal na mahal kita,
Paulo Sto. Domingo!” sigaw pa ng dalaga sa matahimik at mapunong paligid.
Natapos ang isang linggo sa kanilang aktibidad sa Palawan at masayang babalik
sa Maynila ang buong 1-2. Pagbalik sa Maynila ay tila maraming pagbabago. “Oh,
it’s that cheap girl with Papa Paulo” bulungan ng mga kababaihan sa kabilang
seksyon. “Huwag mo silang pansinin. Mas maganda at ‘di hamak na mas mabait ka
sa kanila” sabay yakap sa kasintahan. Ang bilis ng pagtakbo ng mga araw at
buwan na parang kailan lang ay mga uhuging freshmen pa sila at ngayo’y nasa
ikaapat na taon na sila sa kolehiyo. Propesor pa rin nila ang dalagang si Ms.
Del Carmen sa dalawang asignatura. Maraming nagbago sa kanilang lahat maliban
sa ayos at pananamit ni Concepcion. Sa apat na taon sa Maynila ay ni hindi man
lang naisip ni Concepcion na makigaya sa mga laki sa syudad na kung manamit ay
akala mo nagtatrabaho sa club. Kandidata ang dalaga sa pagka cum laude. Sa apat
na taong pananatili sa unibersidad ay palaging nangunguna sa klase si Concepcion.
Hindi niya pinababayaan ang pag-aaral kahit pinagsasabay niya ito sa kanilang
relasyon ni Paulo. Samantalang ang kanyang katipan ay tila masyadong nadala ng
kanyang pagmamahal sa dalaga. Mas ninanais nitong magkasamang lumabas sila ni
Concepcion kesa gawin ang mga takdang aralin at researches. Bumaba ang mga
grades ng binatana ikinadismaya ng kanyang mga magulang.
“Anong
nangyayari sa’yo, iho?” tanong ng ama kay Paulo. “Noong mga unang taon mo sa
kolehiyo ay nakakakuha ka pa ng uno sa mga subjects mo. Pero ngayon ang bababa
na ng iyong mga marka. Huwag mong sayangin ang perang iginagastos namin sa
pag-aaral mo” dugtong pa ng kanyang ina. “Si Concepcion ba? Sinabi na nga ba’t
walang idudulot sa’yong mabuti ang probinsyanang iyon. Huling taon mo na sa kolehiyo
at ngayon ka pa nagkaganyan. Mamili ka, makikipaghiwalay ka sa babaeng iyon o
hindi ka na mag-aaral?” nanggagalaiting pahayag ng ama. “Walang kinalaman si
Concepcion dito, mas pipillin kong huwag nang mag-aral kaysa paghiwalayin niyo
kaming dalawa” sagot niya sa mga magulang at padabog na umakyat ng kanyang
kwarto. Kinaumagahan ay nagulat ang magkasintahan sa nadatnan sa kanilang
silid. Naunahan pang dumating ang mga magulang ni Paulo sa kanilang silid
aralan. “Oh, there you are. Concepcion, gusto ka raw makausap nina Mr. and Mrs.
Sto. Domingo. Pumasok na lang kayo pagkatapos kasi magkaklase na ako”, sabi ni
ma’am Tessie. Kinabahan ang dalawa pagpasok ng kanilang propesora. “Concepcion,
hindi na magpapaligoy-ligoy pa. Alam mo naman sigurong bumababa ang grades ng
aming anak at alam mong dahil sa’yo iyon. Tablan ka naman sana. Ganyan ka ba
pinalaki ng mga magulang mo? Nilalandi mo raw ang anak namin”, sambit ng ina ni
Paulo habang nanlilisik ang mga mata sa dalaga. “Hindi po totoo iyan” tanggi
niya. “Anong masasabi mo, iho? Ang nais lang naman namin para sa’yo anak ay
magandang buhay. Wala kang kahihinatnan kasama ang babaeng iyan. Magisip ka
naman sana, anak” pangaral ng ama kay Paulo. Hindi maintindihan ng
magkasintahan ang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Ang lahat ng kanilang
kaklase ay tila nakikinig pa sa usapan nilang apat. Pag-alis ng mga magulang
niya ay agad siyang tinanong ni Concepcion, “ganyan mo ba ako pinakilala sa mga
magulang mo, ha? Malandi? Pati pagpapalaki sa’kin ng mga magulang ko ay kukwestyunin
pa nila? Wala kayong alam! Wala kayong alam!” Hindi nakasagot si Paulo. Naisip
niya kung ano ang kayang gawin ng kanyang mga magulang sa kanilang dalawa.
Tumakbo papalayo si Concepcion sa sama ng loob. Kumalat sa buong west wing ang
nangyaring iyon. Usap usapan ang magkasintahan ng bawat mag-aaral doon.
Pinalipas muna ng dalaga ang ilang araw bago pumasok muli sa eskwela. Sa
pagbabalik nito ay hindi na sila nagpansinan ni Paulo. Pagkatapos ng klase ay
nilapitan siya nito. “Galit ka ba?” tanong ng binata. “Hindi, ang saya ko nga
e. Sabihan ka ba namang malandi tapos magtatanong ka kung galit ako?” at iniwan
niya si Paulo. Hinabol pa niya si Concepcion. “Let me explain”, sabay hawak
siya sa braso ng dalaga. “Wala na tayong pag-uusapan pa. Bitiwan mo ako’t baka
sabihin pa nilang nilalandi na naman kita.” Umalis papalayo si Concepcion.
Lumapit
si Melchor kay Concepcion.Nagyayang sumabay sa kanya magtanghalian. Hidi naman siya
tinanggihan ng dalaga. “Sa’n mo gusto kumain? Kahit saan, libre ko” presenta ng
binata. “Sigurado ka ah? Kahit saan” sagot ng dalaga. Habang kumakain ay
sinubok ni Melchor na tanungin si Paulo kay Concepcion. Todo iwas naman ang
dalaga sa usapang iyon. Nang matapos magtanghalian ay nagyaya naman si Melchor
na magmall. Dala niya ang kotse niya. Hindi muli tinanggihan ni Concepcion ang
alok marahil sa kalungkutang nadarama noong mga oras na iyon. Pagsakay nila ng
kotse, nakaramdam si Concepcion ng kakaiba. Nang makalayo sila ng bahagya at
makarating sa medyo madilim na bahagi ng Tondo ay isinara ng binata ang
sasakyan. “Anong ginagawa mo?” pagtataka ni Concepcion. “Matagal na kitang
gusto Concepcion, ngayon, malaya na akong gawin sa’yo ang gusto ko” sabay hawak
sa mga braso ng dalaga. “Bitiwan mo ako Melchor, matagal na tayong magkaibigan.
Pinagkatiwalaan kita” at nagpupumiglas pa si Concepcion. “Walang makakapigil sa
akin. Sa akin ka lang. Sa akin lang !” sabay pupog ng halik sa leeg ng dalaga.
Pababa ng pababa. Walang magawa ang manipis na katawan ng dalaga sa bruskong
pangangatawan ni Melchor. “Sige iiyak mo lang. Masasarapan ka rin maya-maya”
habang hinuhubad ni Melchor ang kanyang polo. Pagkatapos noon ay pinagbantaan
niya ang dalaga na papatayin siya nito sa oras na magsumbong. Ilang araw
matapos ang insidente. Hindi pumasok pa si Melchor sa paaralang pinapasukan. Ni
anino nito ay hindi na nasilayan sa unibersidad.
Dalawang
buwan na ang lumipas mula noong pangyayaring iyon. College week na ng kolehiyo
nila Concepcion. May gaganaping isang pageant sa kanilang kolehiyo. Hindi nakapagtatakang
si Concepcion ang napiling kalahok ng kanilang pangkat sa nasabing patimpalak
dahil sa angkin nitong kagandahan at katalinuhan. Sa kabilang sulok ng kanilang
silid ay tila may isang hindi nasiyahan sa pagkakapili kay Concepcion—si
Chariz. “Matangkad lang sa akin ng kaunti yan, bakit siya agad ang kinuha?”
bulong niya sa sarili. Inggit na inggit si Chariz kay Concepcion. Kada ensayo
ay nakasubaybay palagi si Chariz. Isang araw bago ang patimpalak, todo sa
pagpapraktis ang mga dalagang kalahok. Nandoon si Chariz at Charleen.
Maya-maya’y nilapitan siya ni Concepcion na pawis na pawis dahil sa todong
paghahanda. “Chariz, punasan mo naman ang pawis sa likod ko oh”, pakiusap ni
Concepcion kay Chariz. Hindi kumibo si Chariz. Maya-maya’y hindi nakapagpigil
si Chariz at naglabas ng sama ng loob. “Bakit ganyan ka Concepcion?Alam mo
naman simula pa noong first tayo, ‘di ba? Pangarap ko iyan. Huwag mo sanang
agawin ang matagal ko nang pinapangarap.” Sambit ni Chariz na nangingilid pa
ang mga luha sa mata. “Wala akong inaagaw sa’yo Chariz. Hindi ko ginusto ‘to.
Sana simula pa lang ay sinabi mo para hindi ko na itinuloy ang pagsali.
Magkaibigan tayo, kahit kailan ay hindi ko magagawang saktan ka, alam mo ‘yan”,
sabay hawak sa mga kamay ni Chariz at titig sa mata. “Halika na Charleen, wala
na tayong gagawin pa dito. Hanggang dito na lang siguro tayo Concepcion”,
huling sambit ni Chariz bago sila umalis ni Charleen. Lumuluha nilang iniwan si
Concepcion.
Itinuloy
ni Concepcion ang pagsali. Iniisip na baka magbago ang tingin ng mga kaibigan
kapag siya ang nanalo. Ngunit hanggang sa matapos at magwagi sa tagisan ay
hindi nakuha ang suporta mula sa mga kaibigan maliban sa isang tao—si Emman.
Maghapon siyang kasama nito at katulong sa paghahanda sa paligsahan. Noong gabi
ng parangal ay hindi nito iniwan ang dalaga. “Sabi ko naman sa’yo, ikaw ang
mananalo. Ikaw ang pinakamaganda sa kanila. Walang sinabi sa aking diyosa”,
papuri ni Emman kay Concepcion. “Salamat ha? Ang saya ko ngayong araw. Aayusin
ko na lang ang gamit ko at uuwi na rin ako”, sagot ng dalaga kay Emman. “O
sige, hihintayin kita, sabay na tayo umuwi.” Sagot muli sa dalaga.
Naglakad
sila pauwi at nagkwentuhan habang nasa daan. “Magkagalit pa rin ba kayo? Watak
watak na ang barkada. Nakakalungkot isipin, parang kailan lang ang sasaya
nating magkakasama”, sabi ni Emman. “Wala akong magagawa. Hindi ko naman gusto
ang mga nangyayari. Ewan ko ba”, sagot ni Concepcion. “Oo nga pala, si Jayson
at Chariz, sila na. Tayo? Kailan?”, hirit ni Emman. “Anong sinasabi mo?” medyo
sumimangot si Concepcion. “Alam ko namang gusto mo ako, huwag ka na magkaila.
Gusto rin naman kita e, so tayo na?”
sabay akbay kay Concepcion. “Lumayo ka nga sa’kin.Anong pinagsasasabi mo?
Pare-pareho kayo! Ang sasama ninyo. Pinagkaisahan ninyo ako! Isinusumpa ko
kayong lahat. May araw rin kayo.Mamamatay kayo!” tumakbo siya papalayo.Sa
pagtakbo ay may nakabangga siyang isang matandang babae, puting puti at mahaba
ang buhok, marumi ang katawan, mahahaba ang kuko at medyo kuba. Tumalsik ang
matanda sa pagkakabangga ni Concepcion sa kanya at sinabing, “mag-ingat ka iha,
mag-ingat ka sa mga nais mong mangyari. Huwag mong hahayaang punuin ng galit
ang iyong puso. Mag-iingat ka…” Patuloy na tumakbo si Concepcion patawid ng
kalsada. Lumuluha at lutang ang isip. Puno ng sama ng loob ang puso. Hindi niya
napansin ang paparating na trak na puno ng mga graba. Hindi na nakapreno pa ang
nagmamaneho ng trak. Nabundol si Concepcion at tumilapon ilang metro ang
inabot. Umapaw ng dugo sa kalsada. Nakabulagta ang dalaga at naliligo sa sarili
nitong dugo. Nilapitan siya ng nakasagasa sa kanya. Pinulsuhan siya nito at
mapalad na buhay pa siya. Isinugod siya nito sa pinakamalapit na ospital.Sa
emergency room, hindi magkaintindihan ang mga doctor sa pagsalba ng buhay ni
Concepcion.
Ilang
oras ang lumipas, wala pa ring malay si Concepcion. “Maswerte at nabuhay pa
siya sa natamong pinsala sa katawan.Comatose po ang biktima. Babantayan natin
kung anuman ang mangyari, gagawin po namin ang lahat. Kayo po ba ang pamilya ng
biktima?”paliwanag ng doctor. “Ako po ang nakasagasa sa babaeng iyon. Natawagan
ko na po ang mga contacts sa kanyang cellphone, walang sumasagot” balisang
balisa ang mamang iyon.
Sumapit
ang umaga at wala pa ring nakakaalam sa mga nangyari. Nakatanggap ng tawag si
Ms. Tessie mula sa cellphone ni Concepcion. Nagulat siya at sumugod sa ospital
kung saan naroon si Concepcion. Pagdating sa ospital ay agad na hinanap kung
saan ang kwarto ni Concepcion. Pagbukas niya ng pinto ay kinilabutan ito sa
nakita. May matandang babaeng nagbabantay sa kalunos-lunos na si Concepcion.
Nang lalapitan niya ito ay bigla itong nawala.Tumindig ang mga balahibo ng
propesora. Maluhang hinaplos ang mukha ni Concepcion at awang-awa sa bata.
Araw-araw na niyang dinadalaw si Concepcion sa ospital dahil walang ibang
pamilya sa Maynila ang dalaga. Hindi makabyahe ang kanyang mga magulang dahil
sa kawalan ng pamasahe. Mahirap lang ang kanyang pamilya sa Marinduque. Isang
kahig, isang tuka kaya nagsusumikap si Concepcion na makatapos ng pag-aaral.
Lubhang
ipinagtaka ng mga kaklase ni Concepcion ang hindi nito pagpasok ng ilang
linggo. Piniling manahimik ng propesora sa kundisyon ni Concepcion. Habang
nagkaklase, isang makapanindig balahibo na namang mga pangitain ang kanyang
nakita. Napatingin siya sa gawing kaliwa sa may bintana at naaninag ang imahe
ng dalawang tao. Isang lalake at isang matanda. Ang matanda ay siya ring nakita
niya sa ospital. Pilit niyang tinitigan ang nasa labas. Kasama ng matanda ang
isang lalakeng duguan at walang mata.Hindi niya inalis ang tingin sa dalawa.
Nagulat siya ng biglang bumukas ang pinto ng silid at may nagsalita, “Sorry
ma’am, I’m late.” Si Jayson ang dumating na may pinakamaraming absent at late
sa buong klase.
Biyernes
ng umaga, pinuntahan ni Chariz ang kasintahang si Jayson sa tinutuluyan nitong
condo. Makalat ang buong unit ni Jayson. Tambak na hugasin, mga damit sa sahig,
mga nagkalat na gamit at mga pakete ng chichirya ang sumalubong kay Chariz. Sa
kabilang building ay maingay dahil sa isang construction site sa katabi ng
tinutuluyan. “Ano ka ba naman Jayson, nakakatiis kang tumira dito ng
napakaraming kalat, napakatamad mo talaga. Hindi ka man lang naglilinis.”
Pasigaw na sinabi ni Chariz. “Busy ako e. Tutulungan mo naman ako, ‘di ba?”
nakangiti pang sagot nit okay Chariz. Sinimulan nilang linisin ang tirahan ni
Jayson. “Ayusin mo ‘yang kalat sa lababo mo, nakakarumi” utos ni Chariz kay
Jayson. Pinispis ni Jayson ang mga tiring pagkain sa mga plato at inihagis sa
labas ng bintana ang pinagpispisan. “Tignan mo ‘yang katamaran mo, may
basurahan naman sa bintana pa tinapon, hay naku” sambit ni Chariz habang
inaayos ang mga damit na nakakalat. “Mas malapit e, tsaka kakainin naman iyan
ng mga aso sa labas” sagot ni Jayson. “Ewan ko sa’yo, isampay mo nga itong mga
damit sa may bintana at nang matuyo.” Sabay abot sa mga basing damit. Habang
isinasampay, nahulog ang isa sa mga damit na hawak ni Jayson. “Naku naman,
nahulog pa, sandali lang kukunin ko iyong damit na nahulog sa baba. Labyu
bebs.” Kumindat pa si Jayson kay Chariz bago bumaba. Pagbaba ay kinuha niya
agad ang nahulog na damit. Nang pabalik na ay nadulas siya sa itinapong mga
tiring pagkain kanina sa bintana. “Malas naman oh!Aray ko!”Sa katabing
construction site ay biglang may yumanig sa may bandang itaas. Nahulog ang
ilang mga sako ng semento at mga lubid mula sa ginagawang gusali. “Mag-ingat
naman kayo riyan! Mga walang hiya oh” sigaw pa ni Jayson. Nasundan ito ng mga
bakal at mga kahoy na nahulog din mula sa itaas. Hindi nakailag si Jayson.
Nabagsakan ng malalapad na tabla ang kanyang mga binti at hindi na siya
nakatayo pa sa sakit. Nang bumagsak ang mga bakal ay salung-salo ng kanyang
mukha ang mga nahulog na bakal. Tuhog ang kanyang kanang mata at bibig.Nagtalsikan
ang mga dugo mula sa kanyang mukha. Labas ang laman sa may kanang bahagi ng
mukha niya na punung-puno ng dugo. Durog ang kanyang mga binti at hita sa bigat
ng mga kahoy na nahulog. Inabutan ni Chariz ang kasintahan na naliligo sa
sariling dugo at namatay ng mulat ang kaliwang mata. Nangangatog ang buong
katawan ni Chariz sa nakita at humingi ng tulong sa mga tao malapit doon.
Ibinurol
si Jayson sa kanilang bahay sa Cavite. Hindi makapaniwala ang mga kaibigan at
kamag-aral sa sinapit nito. Noong araw ng libing, naroon lahat ng kaibigan ni
Jayson. Nandun din ang kanilang propesora. Nagpakita na naman sa kanya ang
matanda na nakita niya sa ospital at sa paaralan. Nakatitig ito sa kanya at
biglang nawala.
Ilang
araw lang mula ng nailibing si Jayson, balik sa normal ang buhay ng mga naiwang
kaklase nito. Parang walang nangyari. Ngunit hindi pa rin nakakapasok si
Chariz. Pagkatapos ng klase ay niyaya ni Emman si Charleen na lumabas. Sa
restaurant sana gusto kumain ni Emman ngunit mas gusto raw ni Charleen sa
karinderya na lang. Hindi na sila lumayo pa. Doon na lamang sila kumain sa
Tapsi ni Mang Tibo. “Doon na tayo pumwesto malapit sa kusina para madaling
umorder, gutom na gutom na kasi ako e” sabi ni Charleen. Doon sila pumwesto
malapit sa kusina, mga limang hakbang mula sa naglulutong cook. Amoy na amoy
ang bango ng bawang na ginigisa sa kawali. Sa bandang likuran ni Charleen
nakalagay ang tangke ng gasolina na ginagamit sa pagluluto. Nang nakaorder ay
kumain na sila, nagkwentuhan ng kung anu-ano at nagpahinga sandali. May dumaang
isang bata sa likod ni Charleen at natangko ang hose ng gasolina. Sumingaw ang
gas ng hindi namamalayan ng sinumang naroon. “Cha, pahiram naman ng lighter mo,
yosi lang ako” sabi ni Emman. “Ako na magsisindi, magyoyosi rin ako e” sagot ni
Charleen. Pagkasindi ng lighter, sumabog ang sumisingaw na tangke sa likod ni
Charleen. Tumilapon si Charleen kasama ang lamesa nila ni Emman. Nakatayo pa
siya habang nasusunog ang buong katawan at humihiyaw sa sakit. “Tulungan niyo
ako!!” sigaw pa ng dalaga. Sunog ang buong katawan at wala ng nagawa si Emman
nanagtamo ng matinding sugat sa braso. Nang maapula ang apoy, labingtatlo ang
patay sa insidente kasama si Charleen, halos abo na ng makita ang bangkay
nitong nakahandusay sa sahig.
Sunod
sunod ang mga aksidente na nangyayari sa kanyang mga estudyante at hindi lubos
maisip ni Ms. Tessie kung bakit nangyayari ang mga iyon. Gabi-gabi sa panaginip
nagpapakita ang iba’t ibang imahe ng hindi makilalang mga mukha. Kung gaano
siya kadalas dumalaw kay Concepcion na comatose pa rin sa ospital ay ganoon din
kadalas ang pagpapakita ng matanda sa kanya. Tila sinusundan siya nito kahit
saan magpunta. Isang beses sa kanilang opisina, nangamatay ang mga ilaw, siya
na lang ang natirang tao roon at kapagdaka’y katabi niya na ang matanda. Hindi
na lang pinapansin ng propesora ang mga nakikita.
Si
Melchor na hindi pa nagpapakita mula nang tangkaing gahasain si Concepcion ay
napabalitang naglalagi banda sa Cubao. Isang araw ay nakasakay si Melchor sa
kanyang sasakyan na nakaparada sa harap ng isang motel. Doon maraming mga
babaeng bayaran na makukuha sa mababang presyo. Wala pang isang oras na
nakatambay sa sasakyan ay may kumatok na babae sa kotse niya at nagtanong,
“pwede ka ba?” Isinakay ni Melchor ang babae at tutungo sila sa Antipolo kung
saan tumutuloy si Melchor. Habang nasa byahe ay hindi napigil ni Melchor ang
sarili. Sinunggaban ang kasakay na babae at pinupog ng halik, mula sa taas,
pababa. Hinubad ang kanilang mga suot at nangyari ang gusto ni Melchor. Kahit
nagmamaneho ay panay ang halikan ng dalawa sa loob ng sasakyan. Nang makarating
sila sa may pakurbang daanan ay may matandang babae na tumawid. Nawalan ng
control si Melchor sa sasakyan at nailiko ang sasakyan sa kanan. Isang malalim
na bangin ang kinabagsakan ng sasakyan. Natagpuan ng mga otoridad ang dalawa na
parehas durog ang katawan. Ang babae ay nasaksak ng mga troso na nagkalat sa
paligid, pugot ang ulong naipit sa pintuan ng sasakyan. Si Melchor nama’y putol
ang kaliwang braso na pumilipit sa manibela ng sasakyan. Ang mukha ay
natalsikan pa ng mga bubog na galing sa wind shield ng sasakyan. Nabalitaan na
lang ng pamilya at mga dating kamag-aral at guro ang sinapit ni Melchor sa
telebisyon.
Tila
hindi na aksidente ang mga nangyayari. Parang may nananadyang kumikikil ng
buhay ngunit hindi naman maipaliwanag kung ano o sino ang gumagawa. Iyan ang
mga tumatakbo saisipan ni Ms. Del Carmen nung mga oras na napanood ang balita.
Pinagbilinan pa niya ang lahat ng mga estudyante na mag-ingat.
Hindi
pa magaling ang mga sugat na natamo ni Emman ilang linggo matapos ang sunog.
Bumisita ang mga dati niyang kaklase noong hayskul sa kanilang bahay.
Nagpahanda ng makakain at nagprisentang siya na mismo ang magluluto para sa mga
bisita. Inihanda ang paglulutuang electric stove, kawali at mga lulutuin.
Ibinuhos ang mantika sa kawali at isinunod ang karneng lulutuin. “Mga pre,
ganito ang tamang pagluluto ah?” nagyabang pa sa mga bisita si Emman. Hindi
niya napansing natalsikan pala ng tubig ang kawali ang nagsitalsikan ang mga
mantika sa kawali. Natalsikan ang kanyang sugatang braso at nagtatalon sa
sakit. Natapakan niya ang basang basahan sa sahig at nadulas siya. Natangko
niya ang kawaling pinaglulutuan at napaso ang kabilang braso. Nadulas siyang
muli sa katangahan at kayabangan at nasubsob ang mukha sa stove. Lusaw ang
mukha niya sa init at nagkandahulog pa ang mga kutsilyong nakasabit sa taas ng
lutuan. Tagos ang matalas na kutsilyo mula sa batok hanggang sa leeg. Halos
lumabas na ang lalamunan niya sa leeg at umapaw ang dugo sa kusina. Agad namang
namatay ang kawawang si Emman.
Umiiyak
na lumapit si Chariz kay Bb. Del Carmen. “Ma’am, iniisa isa na kami, una si
Jayson, si Charleen tapos si Melchor ngayon naman si Emman, sino na ang
susunod? Ako na po ba, ma’am? Natatakot po ako.” “Everything will be okay.
Magdasal lang tayo at ipanalangin ang kaligtasan ng lahat. Maging ako ay
natatakot.” Pilit na pinakakalma ang estudyante. Niyakap niya ito at nakita na
naman ang matanda na nakangiti mula sa likod ni Chariz. Tila nagbabadya na
naman ang susunod na trahedya.
Sa
takot sa mga nangyari sa buong barkada, halos hindi na lumalabas pa ng bahay si
Chariz. Sa bawat kilos nito ay lagi siyang may kasama at hindi pumapayag na
mag-isa lang siya. Miyerkules ng umaga, may kumatok sa kanilang bahay. Ito ay
ang pinsan niya. “Ate Chariz, magpapaparlor ako, sama ka? Para hindi ka naman
masyadong nadedepress.” “O sige, tara. Nainggit ako dun sa buhok ng kaklase ko
e. ang ganda. Magpapaayos din ako para kabog ‘di ba?” pilit niyang kinakalimutan
ang mga nangyaring aksidente. Pagdating ng parlor ay agad na nagpaayos ang
magpinsan. “Beks, gusto ko pakulayan ‘tong buhok ko, ikaw na bahala ah tapos
panail art ako later, k?” utos pa nito sa baklang parlorista. May kalahating
oras silang nagaayusan sa parlor ay may biglang pumasok doon. Mga lalaking
nakatakip ang mukha. Pinipilit na kunin ang mga pera sa kaha. Nanlaban ang mga
tao na naroon sa parlor, nagkabarilan, takot na takot si Chariz. Hindi alam ang
gagawin.Sa sobrang kaba ay nagtangka itong lumabas ng parlor ngunit hinablot
ang buhok niya ng walang awang criminal. Halos mabunot ang buhok nito at dumugo
na ang mga anit. Sa pilit na pagpupumiglas ay nainis na ang lalaki at tinadtad
ng saksak si Chariz. Halos lumabas na ang bituka sa dami ng saksak. Ang
maputing sahig ng parlor ay napalitan ng dugo.Sa pagtakas ay pinagbabaril pa
ang lahat ng naroon sa parlor. Tinamaan pa sa ilong si Chariz. Butas ang kanang
pisngi at sumirit ang dugo sa bandang likod ng ulo. Naisugod pa siya ng ospital
ngunit agad ring namatay dahil hindi na natanggal ang baling bumaon sa mukha.
Isa
pa ring palaisipan ang lahat.Bakit nangyayari ito? Sino ang may kagagawan ng
lahat? Sino pang mga susunod? Aksidente pa nga ba ang sunod sunod na kamatayan
ng mga mag-aaral? Kaunti na lang ay susuko na si Bb. Tessie sa mga kaganapan.
Hindi na niya kinakaya pa ang mga pagkawala ng mga estudyante niya. Hindi pa
rin siya tinitigilan ng matandang nagpapakita sa kanya. Sa tagal ng pagtuturo
niya sa pamantasan ay ngayon lang niya naranasan ang ganitong mga pangyayari.
Sa
pitong magkakaibigan, isa na lang ang buhay maliban kay Concepcion na wala pa
ring malay na nakaratay sa ospital. Sa unang pagkakataon ay tinawagan ni Ms.
Tessie si Paulo tungkol sa kalagayan ni Concepcion. Nasa ospital si Bb. Del
Carmen kasama ang mga magulang ni Concepcion. Noong araw ring iyon ay pupunta
siya sa ospital. Nang naghahanda siya paalis ay nakita niyang aalis din ang
kanyang nakababatang kapatid. “Hoy, saan ka pupunta? Alam mong aalis ako, aalis
ka rin?Maiwan ka muna dito.Suot mo pa ‘yang pantalon ko, akin ‘yan e. Hubarin
mo nga ‘yan. Pati sapatos ko bwisit ka kahit kailan e. Sino kumain ng donut ko
sa lamesa? Akin lang ‘yun e” halos hindi na makasagot ang nanggagalaiti niyang
kapatid sa asal ni Paulo. “Napakasakim mo kuya, kahit kailan. Gusto mo lagi,
kapag sa iyo, sa iyo lang talaga. Nakakainis ka” at nilapitan pa niya ang
kanyang kuya. Naliligo si Paulo ng mga oras na iyon. Nagsuntukan sila ng
kanyang kapatid sa cr. Parang mga bata ang dalawa sa kanilang pag-uugali.
Nagbabatuhan pa ng kung anu-ano. Nagkamali ng dampot ang kanyang kapatid at
hindi sinasadayng naibato sa mukha ni Paulo ang asidong panlinis sa cr. Tunaw
ang kalahating mukha ni Paulo at lumuwa ang mata sa sahig. Buong katawan nito
ay nabuhusan ng asido. Ang kaniyang dibdib ay parang tosino dahil sa
pagkalusaw. Nabagok pa sa inidoro ang kalunos lunos na si Paulo na kanyang
ikinamatay.
Kasabay
ng kaganapang iyon, ang huling pagkikita ni Bb. Del Carmen sa matandang babae.
Sa tuktok ng gusali, tanaw ang matanda na inihulog mula sa taas ang katawan ng
isang lalake. Nakatanggap siya ng tawag mula sa pamilya ni Paulo na namatay na
ito. Doon niya napagtantong ang mga kasama ng matanda sa bawat pagkakakita niya
rito ay ang mga estudyante niyang kinikikilan ng buhay. Si Jayson ang nakita
niya sa tapat ng silid aralan na walang mata, si Charleen ang nakita niyang
kasama ng matanda sa ikaanim na palapag ng unibersidad na sunog ang buong
katawan, si Melchor ang nakita niya sa salamin na kasama ng matanda na walang
braso, si Emman ang nakita niya sa opisina na may kutsilyo sa leeg, si Chariz
ang babaeng kasama ng matanda noong makita niya ito sa sementeryo. Sa huling
pagpapakita, si Paulo na inihulog nito sa tuktok ng gusali. Hindi pa pala huli
iyon. Agad agad ay nakita niya ulit ang matanda sa rooftop din kasama ang isang
babae, kulot, matangkad, maganda hubog ng katawan. Alam niya nang si Concepcion
ito.Sa huling pagkakataon ay hindi niya papayagang mamatay si Concepcion.
Bumaba ang mga magulang ni Concepcion na nagbabantay para kumain saglit. Siya
lang ang naiwan sa ICU. Biglang sumulpot ang matanda at sasaksakin ng injection
si Concepcion. Nakipagagawan si Ms. Tessie at siya ang nasaksak sa mata ng
injection na may lamang alcohol. Sobrang hapdi ng kanyang mata. Nandun siya
malapit sa bintana at itinulak ng matandang babae. Dalawa sila nahulog at
namatay si Ms. Tessie. Sabay namang pagmulat ng mga mata ni Concepcion na ang
unang nakita ay ang matandang nagbanta sa kanya noon na huwag hayaang manaig
ang galit sa puso niya. Sa haba ng pagkaratay niya sa ospital, maraming nawala,
maraming nasaktan, maraming nadamay dahil sa isang sumpa at galit na nanaig sa
pagkatao ni Concepcion. Huli niyang nakita ang matandang babae hawak sa leeg si
Ms. Tessie …
WAKAS
No comments:
Post a Comment