Lazada

Tuesday, February 25, 2014

KAW PA RIN

IKAW PA RIN
 akda ni JulieFe Rafael


CHAPTER  ONE
Lumuwas sa Maynila si Julia kasama si Gena upang puntahan si Mark sa kanyang bahay at personal na makausap at maiabot ang invitation card para sa darating na eighteenth birthday nya.
Disinuwebe anyos si Mark nang magpasya itong pumisan sa Lolo Arturo nito sa Amerika. Nagbabakasyon sila sa bahay ni Lolo Arturo taun-taon. Dalawang taon nang nakabalik si Mark sa Pilipinas. Pero sa halip na sa bahay ng mga Reyes ito umuwi ay pinili nitong bumili ng town house sa Maynila at mamuhay nang mag-isa.Minsan lang bumalik sa bahay ng mga ito si Mark para bisitahin ang kanyang ina na si Auntie Melisa. Malinaw kasi na wala sa kanyang hangarin ang makipag-ayos sa ama nito na si Uncle Carlos. Lumala pa ang hidwaan nito at ng ama nito nang sugurin ito ng pamilya ng nobya nitong si Sheryl. Inutusan at tinakot siya noon ni Uncle Carlos para lang pakasalan ito. Iyon din ang isa sa maga dahilan ng pagpunta niya sa Amerika. Doon,ipinagpatuloy nito ang kursong Fine Arts na mahigpit na tinutulan ni Uncle Carlos.
Paalis na sila Gena nang biglang bumukas ang pinto. Bumungad sa kanila ang isang lalaking may matipunong katawan. Iyon ang unang pagkakataong nakita uli nya ito. Palagi silang nagkakasalisi tuwing bumibisita ito kay Auntie Melisa. 
Hindi nya napigilan ang mapasinghap nang magtama ang mga paningin nila ni Mark. Napakatangkad nito at talaga namang napakagwapo.
“What are you doing here? May nais bang iparating ang magaling na heneral at ikaw ang mensahero?” pagalit niyang tanong.
“No. Hindi ako pinapunta ni Uncle Carlos dito. Ang totoo,hindi nya alam na dito ang punta namin ngayon. Kasi—”
 “Ah,oo nga pala nakalimutan ko,he doesn’t want his precious adopted daughter anywhere near me. So, tell me, what are you doing here?” sarkastikong sabi nito.
“Hindi kasi kita maabutan kapag n asa Sto. Domingo ka. Hindi ko rin alam ang number mo kaya nagpasama na lang ako kay Gena na lumuwas dito para personal na iabot sa’yo ‘tong invitation ko,”mahinahong wika nya. Saka iniabot ang invitation card.
“Come in,” anyaya nito. Napansin kaagad ni Julia ang pagbabago sa tono at asta nito.
“Imagine that, Juliang pusa is soon to become a lady,”bahagyang nakangiting sabi nito gamit ang tawag nito sa kanya nito noong mga bata pa sila. Noon kasi ay madalas siyang bumuntot dito, at kinukulit siya para makipaglaro sa kanya.
“Nagmamadali ba ang kasama mo?” ang tinutukoy nito ay si Gena na halatang naiinip sa pagkakatayo sa may pinto at panay ang pagsulyap sa wristwatch. 
“Magkikita kasi sila ng boyfriend niya na nag-aaral dito sa Manila. Actually, siya ang nagpaalam kay Uncle Carlos para payagan akong lumuwas kasama niya.”
“Then tell her to go ahead. Gusto kitang makausap. At saka ang pangit naman kung sasama ka sa date nila,’di ba?” sabi nito.
Ayaw pumayag ni Gena na iwan siyang mag-isa roon. Ngunit kinalaunan ay nakumbinsi rin niya ito. Magkikita na lang sila sa bus station na sasakyan nila pauwi sa Santo Domingo.
Lumapit si Mark sa kanya. “Akala ko’y nalimutan mo na ang usapan natin noon,”sabi nito.  Alam niya kung ano ang tinutukoy nito. At iyon ang rason kung bakit mas gusto nyang iabot dito nang personal ang invitation card niya. Para makapagpaliwanag siya kung bakit sa halip na ito ang magiging escort niya tulad ng napag-usapan nila noon ay si Angelo ang papalit dito. 
Sixteenth birthday niya nang pabirong sabihin ni Mark na kiss daw ang ireregalo nito sa kanya dahil wala itong regalo sa kanya noong araw na iyon.Kaharap sina Uncle Carlos noon kaya naman pinagalitan ito ni Uncle Carlos.Pero humingi rin naman ito ng paumanhin nang matiyempuhan siyang nag-iisa sa garden. Doon nito sinabi na sa debut niya ay ito ang magiging escort niya,saka ibibigay sa kanya ang kiss na ipinangako nito.
“I’m sorry, Mark. Pero mapilit sina Uncle Carlos.” 
“Si Angelo ang iniutos ni Heneral na maging escort mo?” tanong nito.
Tumango si Julia.
“Oh,well,better  him than me. Ayoko rin namang maging body guard mo buong gabi habang ang mga kalalakihan ay nagkakandarapa sayo . Too bad you wouldn’t get that kiss I promised. Ewan ko lang kung maibibigay yon sa’yo ni Angelo,sigurado hihingi pa yon ng permiso sa Heneral,”sabi nito. Ang tinutukoy nitong “general” ay ang ama nito. Wala itong takot na suwayin ang mga dikta ng ama,samantalang si Angelo ay mistulang puppet ni Uncle Carlos. Iyon ang ikinasusuya ni Mark kay Angelo.
Ilang sandali ang lumipas bago siya nakasagot. “ Aalis na ako,”nagpipigil ng galit na sabi niya. 
“Alas-singko pa ang usapan n’yo ng kaibigan mo,’di ba? Sa palagay mo san ka tatambay? Hindi mo naman kabisado  rito sa Maynila.”
“Problema ko na ‘yon,”nakasimangot na tugon niya. Itinago niya ang bahagyang kaba na nadama dahil totoo ang sinabi ni Mark. Hindi siya sanay sa Maynila.
Naramdaman niya na sinundan siya ng tingin nito habang palabas siya ng pinto pero hindi siya pinigilan nito.
Sa isang mall malapit sa bus station siya nagpalipas ng oras habang hinihintay si Gena.
“Hi!”  Napukaw ang atensiyon ni Julia ng pamilyar na tinig na iyon. Hindi pala siya natiis ni Mark.
Niyaya nito si Julia na kumain. At sila nga ay nagtungo sa isang fast-food chain.
Marami silang napag-usapan habang sila ay kumakain at nabanggit rin ni Julia ang tungkol sa dating nobya ni Mark na si Sheryl.
“Nakita ko nga pala si Sheryl no’ng isang linggo. Kasama niya ang asawa at anak niya,” sabi nito.
Nang umalis si Mark ng bansa ay umalis din ng Sto. Domingo ang pamilya ni Sheryl.Lumipas ang dalawang taon, nagbalik si Sheryl na may asawa na at kasama ang dalawang taong gulang na anak. Subalit malabong malaman base sa pisikal na anyo ng bata kung sino ang ama nito dahil kamukhang-kamukha ni Sheryl.
“Well? How does she look? No,wait. Tingin ko,ang gusto mo talagang itanong ko’y sino ang kamukha ng bata,” nanunuya na tanong nito.
“Hindi mo itinangging anak mo nga ‘yon Mark..”
“Why should I?  Wala akong dapat itanggi at isa pa I never slept with that girl,”tugon nito.
“Bakit hindi mo kaagad ‘yan sinabi noon kina Uncle Carlos? Sana’y nahinto kaagad ang mga kasinungalingan at pangagamit ni Sheryl sa pamilya mo.Ang sama talaga ng babaeng iyon! Hanggang ngayon,iginigit pa rin niyang ikaw ang ama ng anak niya,”nanggigigil na wika nito.
At noon nga nalaman ni Julia ang buong katotohanan at talaga namang nagdulot ito sa kanya ng ginhawa.




CHAPTER TWO
Gabi ng eighteenth birthday ni Julia. Hango sa fairy-tale ang konsepto ng kanyang birthday party.May nakalatag na pulang carpet at puno iyon ng pulang petals ng mga rosas.
Hindi ipinahiya ng kagandahan niya ang fairytale-inspired celebration dahil animo siya’y isang tunay na prinsesa. Napakaganda niya sa kanyang pink na gown. Animo si Price Charming naman ang escort niyang si Angelo sa suot nitong tuxedo. Ngunit kahit masasabing perpekto ang lahat para espesyal na pagdiriwang na iyon , hindi pa rin siya  mapakali. Panay ang pagmamasid niya sa paligid.Umaasa pa rin siyang makikita niya si Mark.
Nang marinig niya ang papalakas na bulungan ng mga bisita. Nang sundan niya ng tingin ang direksyong tinitignan nila ay nakita niya si Mark na naglalakad palapit sa kanya. He looked so handsome in his black pants,white T-shirt and black jacket. May hawak itong napakagandang pink carnation. Paboritong bulaklak niya iyon.
“Happy birthday” nakangiting bati nito.
Nakita niyang puros pagtutol ang mga tingin ng ibang bisita. Pinakamatindi ang nagmula kina Uncle Carlos at Angelo na sinadya pa nitong madaanan nila,habang sila ay nagsasayaw.
“Akala ko’y hindi ka darating,” bulong niya. 
“At mamiss ang lahat ng kasiyahang ito?” nakangiting tugon nito. Nang lumingon siya ay nakita niyang magkakahalo ang ekspresyon sa mga mukha ng mga bisita na nanonood sa kanila.
“At andito ako para magbayad ng utang,”wika nito nang huminto sila sa pagsayaw.
Nanlaki ang mga mata niya nang akmang hahalikan na siya ni Mark. 
“Mark,huwag!” sabi nito. Hindi nya maaring hayaan na matuloy iyon dahil siguradong magagalit si Uncle Carlos.Pero hindi nagpapigil si Mark,at tuluyan siyang hinalikan nito.
“Mark! ” narinig niyang sabi ni Uncle Carlos habang papalapit ito sa kanila.
“Carlos,pakiusap,huwag kang gumawa ng eskandalo,” maagap na pigil ni Auntie Melissa.
“Ang lalaking yan ang gumagawa ng eskandalo. Sa mismong harap natin ay binastos nya si Julia,” galit na sabi ni Uncle Carlos.
“Kung umusta ka’y parang pinagsamantalan ko na ang pinakamamahal mong ampon,General, ”sagot ni Mark.
“Mark,please,huwag mo na siyang patulan,” pakiusap niya rito. Blangko ang tinging niyuko siya nito,saka sinulyapan ang ina nito.
” As you wish,”sabi nito. Nang-uuyam na sumaludo ito kay Uncle Carlos,saka ito naglakad palayo.
Pagkatapos ng nangyaring iyon ay pinilt na lamang ni Julia na makisalamuha sa mga kaibigan niya na para bang walang nangyari,kahit pa para sakanya,tapos na ang pagdiriwang ng kaarawan niya.
Nang makaalis na ang lahat ng bisita ay umakyat na ito sa kanyang kwarto. Pagpasok niya sa kwarto niya,dumiretso siya sa kanyang dresser. Huhubarin na sana niya ang kanyang kwentas nang mapansin niya sa kanyang kama ang isang malaking box na may nakapatong na carnations sa ibabaw.  Malakas ang kutob niya na si Mark ang naglagay niyon doon.Naupo siya sa kanyang kama at maingat niyang binuksan ang box,isa iyong napakagandang painting ng batang babaeng hinahabol ang isang paru-paro sa hardin.Napasinghap siya dahil sa pagkamangha at paghanga.Paano nasasabi ni Uncle Carlos na walang kwenta ang napiling career ni Mark gayong heto sa harap niya ang isang napakahusay na obra.
CHAPTER THREE
Graduate na si Julia ng Hotel and Restaurant Management. Hilig niya ang pagbe-bake kaya nagdesisyon siyang magnegosyo nalang sa halip na pumasok sa isang eigth to five na trabaho. Hindi naman tumutol si Uncle Carlos.
 “Hay,kalian kaya ako makakakilala ng lalaking mamahalin akong parang paru-paro? ” wika ng kahera niyang si Rochelle .
“Mayroon bang ganoon?”  nagtatkang tanong niya.
“Meron po,Ma’am . Yong tipong handa mong pakawalan kahit masakit sayo kasi alam mong doon siya mas magiging masaya,”tugon naman ng grew niyang si Mitch
“Ah,I see,sabi niya,” saka napasulyap sa nakasabit na painting sa pader ng bakeshop.Iyon yong regalo ni Mark sa kanya na hindi lang pala birthdaygift nito limang taon ang nakararaan kundi parting gift.
Ang eighteenth birthday niya ang huling pagkikita nila ni Mark. Dalawang lingo pagkalipas niyon ay naktanggap ng tawag si Auntie sarah. Nakidnap daw si Mark. At two million ang hinihinging ransom kapalit ang buhay at kalayaan nito. Noong una ay ayaw magbigay ng ransom ni Uncle Carlos.Dapat daw ay ipaubaya sa mga pulis ang pagsagip kay Mark ,pero nagbanta si Auntie Melissa na magpapakamatay kung hindi susunod si Uncle Carlos sa hinihingi ng mga kidnappers. Subalit dahil sa di kaagad pagbibigay ng ransom,ang putol na kanang braso na lang ni Mark ang bumalik sa kanila kasama ang lokasyon kung saan matatagpuan ang sunod na bangkay nito.
Iyon ang unang pagkakataong nakita niyang umiyak si Uncle Carlos. Kinagabihan ng araw ng libing ni Mark,natagpuan nilang wala nang buhay si Auntie Melissa. Nilaslas nito ang sariling pulso. Akala niya noon,pati si Uncle Carlos mawawala sa knila dahil inatake ito sa puso. Pero nakasurvive ito,at kinailangan na niyang gumamit ng wheelchair.
Ni hindi man lang niya nasabi kay Mark na mahal niya ito.Tanging ang puntod nito na alagang-alaga niya ang nakarinig ng deklarasyon niya.
Isang araw ay binisita niya ang puntod ni Mark,at may dala siyang mga bulaklak para rito.
“Julia Perez?”. Kamuntik nang mabitawan ni Julia ang mga bulaklak na dala nito nang marinig niya ang pamilyar na boses. Inakala kasi niya na si Mark ang tumawag sa kanya. 
“Yes?”tugon niya at saka ito nilingon. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita ito.
“Hindi ako multo,Miss,” ng lalaki. Pumikit siya nang mariin. “Hindi ako multo Miss. Dumilat ka’t tignan ako,”malumanay na sabi nito.
“ It’s you. It’s really you.. ” wika niya. 
Napakunot-noo ang lalaki. “Ako nga,pagkumpirma nito.” Akmang may iaabot ito nang biglang yakapin siya ni Julia at nabitawan iyon. “Mark ! Buhay ka! Buhay ka!” sabi nito.
“Alam kong buhay ako Miss. Pero huwag mo akong sakalain at baka matuluyan na nga ako,” angal nito habang inaaalis ang mga nakayakap sa kanya.
Napakaraming tanong ni Julia ngunit tila naguguluhan ang kausap nito. Doon niya narealize na Miss ang itinawag nito sa kanya at mukhang hindi siya nito kilala. 
Oo nga at mas matanda ang itsura nito kaysa kay Mark,bagay na normal lang dahil limang taon na ang lumipas.Bagamat may bigote at balbas ang lalaki, hindi niya pa rin maipagkakamaling taglay nito ang matangos na ilong at maga labi ni Mark.
“Stop it,Mark! Alam kong ikaw ‘yan! Please,huwag mo na akong biruin.”
“Miss,makinig ka. Hindi kita maintindihan pero hindi ako si Mark. Bryan ang pangalan ko. Bryan Santos at hindi Mark. Kamukha ko lang siguro yong tinutukoy mo. Nandito lang ako para ibalik ito sa ‘yo,” sabi nito,saka dinampot ang bagay na iaabot sa kanya kanina. Passport niya iyon na ni hindi niya alam na nawawala pala. “Nahulog mo ito kanina doon sa bangko nang makabunggo mo yong nasa harap ko. Hindi mo naman ako narinig no’ng tinatawag kita kaya sinundan na lang kita.”
Pakiramdam niya ay namanhid ang buong katawan niya. A part of her tinanggap na hindi nga yon si Mark,ngunit ang mas malaking parte ay ayaw maniwalang hindi nga ito ang binata.
Hinintay niyang umalis ang lalaki ngunit nanatili itong nakatayo sal ikuran niya. 
“Ano pa’ng hinihintay mo? Pabuya?” sarkastikong sabi nito.
“Hindi ko kailangan ang pabuya,” sagot nito.
“Kung gano’n, bakit hindi ka pa umalis?”
“Malamang kasi,hinihintay ko ang pasasalamat mo. Sa mga normal na tao ay automatic yon kapag may gumawa ng pabor para sayo.  Pero ngayon,alam ko nang aksaya lang pala ng panahon ang pagmamalasakit ko.” Tinapunan siya nito ng isang masakit na tingin bago tumalikod ito.Nakonsensiya naman agad siya.Hinabol niya ito at pinigilan ito sa braso kaya napilitan itong tumigil.
“Nobyo mo ba ang Mark na ‘yon?”
Nagulat siya sa tanong nito kaya hindi agad siya nakasagot. Sa huli ay tumango nalang siya upang hindi na niya kailangang magpaliwanag pa.
“Siya ba ang nakalibing doon? Ilang taon na siyang patay?”
Lumunok muna siya  bago sumagot.
“Lima. At kamukhang-kamukha mo siya.
“Napakatapat  mo namang nobya. Ang tagal na niyang patay pero halatang mahal mo pa rin siya.” nanunuyang sabi nito.
“Sinasayang mo lang ang oras mo sa pag-alala sa taong kahit kailan ay hindi na babalik. Kalimiutan mo na lang siya at hayaang mamahinga. Kung gusto mo,ako nalang gawin mong kapalit. Tutal, ang sabi mo ay magkahawig naman kami.”  Nang-iinis na sabi nito.
“Umalis ka na. At huwag ka nang babalik pa rito! Kapalit ni Mark,ha! Huwag mo nang pangarapin!” nanggigigil na sabi nito.
Nagkibit-balikat ito saka itinaas ang kaliwang kamay at nanuuyang sumaludo sa kanya bago tumalikod. 
Sisindihan na sana niya ang kandila nang biglang matigilan siya.
Kaliwete si Bryan Santos tulad ni Mark. Kaliwang kamay ang ginamit nito nang iabot ang passport niya at iyon din ang ginamit nito pansaludo .Pero ang higit na nagpagimbal sa kanya ay ang tila kakaiba sa kanang braso nito. Artificial ang kanang kamay niya. 
Dahil sa mga kaisipang iyon nagdesisyon siyang sundan ito. Hindi niya hinayaang mahiwalayan ng tingin ang lumang pick up na minamaneho ng lalaking inaakala niyang si Mark. Hanggang sa abutin siya ng apat na oras sa kasusunod ditto at makarating ng Zambales. Agad siyang tumungo sa karinderyang pinasukan ng lalaking sinusundan niya.
“Bakit mo ako sinusundan?”
Gulat na napalingon siya sa may-ari ng pamilyar na tinig na iyon.
“Hindi kta sinusundan ha.Ba’t naman kita susundan?” agad na sagot nito.
“Eh,anong ginagawamo rito? Nagbago na ba ang isip mo’t tatanggapin mo na ang alok kong palitan ang nobyo mo?” sunod- sunod na tanong nito.
“Hindi ko kailangang gawin iyon dahil ikaw at si Mark ay iisa! Hindi ko alam kung bakit hindi mo maalala at kung bakit ibang pangalan ang gamit mo pero alam kong ikaw si Mark.”
“Oh my! Sigurado ka bang hindi ka takas sa mental,Miss? Kamukha ko lang ‘yong namatay mong nobyo. Hindi ako siya! Bryan Santos ang pangalan ko,hindi Mark!”
“Mark Reyes ang panaglan mo,hindi Bryan Santos!” At ang isang matibay na patunay ang kanang braso mong ito!” Hinagip niya ang kanang braso nito itinaas.
Marahas na binawi nito ang braso. “Tinamaan ako sa braso ng mga piraso ng sumabog na yate na sinasakyan ko at ng tiyuhin ko limang taon ang nakararan. At pinutol ito para agapan ang pagkalat ng impeksiyon sa buong katawan ko.” Sabi nito.
Pumikit siya nang mariin upang pigilan ang papatak ng kanyang mga luha nang marinig niya ito.
“Siguro kung kahawig mo lang siya ay mauunawaan ko. Pero hindi, dahil bukod sa iisa ang mukha ninyo, kaboses, kasing katawan at pareho mo rin siyang putol ang kanang braso.” Sabi nito.
“Look,ano ba’ng kailangan kong gawin para makumbinsi kang mali ang akala mo? Isang buong isla ang nakakakilala sa akin bilang ‘Bryan Santos’. Kung sila ang magsasabi sa’yo ng tunay pagkatao ko, siguro nama’y maniniwala ka na. Ganito na lang,tutal andito ka na rin lang,sumama ka sa akin sa Isla Verde at nang ikaw mismo ang makapagpatunay sa sarili mo nahindi ako ang Mark na ‘yon.”
“Isla Verde?”
“Oo. Ang islang kinaroroonan ng aking pamilya. Hindi ako doon ipinanganak pero doon ako lumaki kaya halos lahat ng tagaroon ay kilala ako. At para mas maniwala ka,mismong lola ko’t mga pinsan ang tanungin mo.” Sagotnito.
Bagama’t kinakabahan sa maaring matuklasan niya ay pumayag siya. Binuksan niya ang kanyang kotse at kinuha ang bag. Kinuha niya ang cellphone niya at tinawagan si Gena upang ipaalam kung saan siya pupunta.  Alam niyang mag-aalala ito nang labis pero pinili niyang huwag  sabihin dito ang mga nangyari at pakay sa pupuntahan niya. Hiniling din niya rito na huwag nang sabihin kina Uncle Carlos ang tungkol dito.
CHAPTER FOUR
Nasa Isla Verde na sila at sakay sa pick-up nito habang binabagtas ang mabatong daan patungo sa kanilang lugar. Pinaiwan nito ang sasakyan niya para hindi sila maantala sa pagsasakay niyon sa barkong magdadala sa kanila sa isla.Hindi rin daw niya maaring imaneho iyon papunta doon. At malalaking sasakyan o four-wheel na sasakyan lang ang pwedeng gamitin. Kailangan pang dumaan sa tulay dahil sa kasalukuyang umaapaw na tubig mula sa ilog dulot ng sunod-sunod na bagyo.Kaya pinasundo na lang niya kay Gena ang kotse niya na ipinarada niya sa isang gasoline station.
“Kailan mo pa nakilala ang Mark na ‘yon? Paano mo nasabing kilalang-kilala mo siya? Na nakatitiyak kang ako nga siya?” tanong nito.
“Apat na taon ako nang makilala ko si Mark,at pito naman siya. Magkaibigan ang mga tatay namin kaya nang maulila non’ng eight ako ay kinupkop ako ng pamilya niya kaya halos sabay na kaming lumaki”.
“May litrato ka ba niya?”
Inilabas kaagad niya ang walletniya para ipakita rito ang litrato ni Mark.
Kinapa nito ang bigote at balbas niya.
“Kamukhang-kamukha ko nga siya kapag inahit ko ito,” sabi nito.
“Saglit ha,making ka. Hindi ko na uulitin pa ito. Hindi ako ang taong sinasabi mo pero para lang sa ikakapanatag ng loob mo’y isasama kita rito. Para makumbinsi kang hindi talaga ako siya. Kaya kung maari ay huwag mo akong tawaging ‘Mark’ o kausapin na para bang siya.”
Tumango naman siya bilang pagsagot.
“Matanda na si Lola Maria. Mahina na ang puso niya.Ayokong maalarma siya sa mga pinagsasabi mo kaya ipapakilala kitang kaibigan kong taga-Maynila. Hindi na niya kailangang malaman pa ang mga hinala mo. Gayundin ng iba ko pang kapamilya. Siguro naman,kapag nakita mo na ang birth certificate at mga litratoko noong bata ako’y makukumbinsi ka nang ako nga si Bryan Santos. Bukas ng tanghali,inaasahan kong aalis ka’t tatantanan na ako.”
Tumango lang ulit ito.
“Mahirap talagang tanggapin ang kamatayan ng taong mahal mo. Pasensiya kung sa pagsulpot ko’y nabuhayan ka ng maling pag-asa. Kung hindi sa akin,hindi mo sana kakailanganing magdalamhati uli pagkatapos ng limang taon. Pero palagay ko’y sinadya ‘yon para magising kana’t tumigil sa pagluluksa para sa Mark na ‘yon.”
Nagkibit balikat nalang siya.
Makalipas ang ilang oras ay nakarating na sila sa tahanan ng mga Santos.
“Isa ba siya sa mga babae mo,Bryan?” nakangiting usisa ng pinsan niyang si Tony nang lapitan siya nito sa kanyang kinauupuan.
“Hindi,” matipid na sagot nito. Pilit niyang inalis ang tingin sa mukha ni Julia na pinagmamasdan niya habang nakikinig ang dalaga sa mga kwento ni Lola Maria, tungol sa bawat litrato niya sa photo album na binubuklat at ipinagmamalaki rito ng lola niya.
“Luluwas ka sa Maynila bukas para ihatid sa buyer ‘yong dalawampung baka,’di ba? Pakisabay si Julia. May gagawin ako bukas kaya hindi ko siya maihahatid pauwi,” sabi nito. Nahalata niyang malungkot at nawalan ng pag-asa si Julia sa bawat litratong nagpapatunay rito na hindi siya ang Mark Reyes na sinasabi nito.
“Bukas na rin ang uwi niya? Bakit ang bilis naman? Hindi mo man lang inalok na magbakasyon muna rito? Mahigit anim na oras din ang biyahe ah. Sayang naman kung hindi man lang siya makakapagpasyal dito sa atin,” sabi ni Tony.
“May kailangan siyang asikasuhin sa negosyo niya. Wala naman talaga sa plano niyang sumama dito ngayon. Hindi lang siya makatanggi nang anyayahan ko,” pagdadahilan niya.
“Baka hindi rin siya makauwi bukas. Kahit pagluwas ko’y malamang na ikansela ko rin dahil may parating na naman daw na malakas na bagyo,sabi sa balita. Malamang ikansela nila ang mga biyahe ng barko paalis at papunta rito sa isla.Diretso kasing tatama sa atin ang bagyo”.
                 Natahimik si Bryan at tumingin muli kay Julia. Hindi ito maaring magatagal sa isla. Kaya lang niya ito isinama roon ay para matuldukan na ang paghihinala nito na siya at si Mark ay iisa. Subalit kung magtatagal ito doon, tiyak na hindi maiiwasang may makapagsabi dito ang tungkol sa nangyari sa kanya limang taon ang nakararaan. Pangyayring hindi lang ikinaputol ng kanang braso niya kundi ang naging dahilan rin ng pagkakaroon niya ng amnesia na hanggang sa sandaling iyon ay hindi pa lubusang gumagaling.Lahat ng nalalaman niya tungkol sa sarili ay base lang sa mga kwento ng pamilya niya at mga kakilala sa isla.
                 Sinikap ni Julia na ikubli sa mabait na lola ni Bryan ang nadaramang pagkalungkot habang pinagmamasdan ang mga litrato ng binata mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan.
                 Pasimple niyang tinanong  kung naitabi ni Bryan ang litrato umano nila noon sa high school.Ang pakilala kasi ni Bryan sa kanya ay dati siyang kaklase nito na hindi sinasadyang nakita nito sa bangko sa Maynila nang puntahan nito ang isang kababatang nagtatrabaho roon.
                 “At ito,kuha no’ng manalo ng first prize ang ipinasa niyang painting sa contest sa school nila. Manang-mana talaga siya sa papa niya. Mahusay rin kasing pintor si Herman noong nabubuhay pa,’sabi ni Lola Maria na ang tinutukoy ay ang litrato ni Bryan habang hawak at ipinagmamalaki sa camera ang isang painting.
                  Pilit ang ngiting nagbigay siya ng papuri patungkol sa painting. Ngunit ang totoo ay gusto niyang humagulgol.
                  “Hija? Ayos ka lang ba? Bakit panay ang singhot mo? May dinaramdam ka ba? Tanong nito ng may pagtataka. Akala yata nito ay sinisipon siya, gayong dahil iyon sa pinipigil niyang emosyon.
                 “Medyo sumasakit nga po ang ulo ko at parang lalagnatin ako. Naambunan po kasi ako kanina pagbaba ng barko”. Sinamantala niya ang maling akala nito.
 “Ako na ho ang bahala sa kanya ,Lola”, prisinta ni Bryan habang palapit sa kanila. Ipinakilala siya nito sa pinsan niyang si Tony bago siya inalalayan paakyat sa ikalawang palapag ng bahay. Nag-utos pa ito sa katulong na mag-akyat ng gamot at baso ng tubig para sa kanya gayong alam niyang gawa-gawa lang niya ang sinabing sakit.
“Pasensiya ka na kung ginambala pa kita at ang pamilya mo. Kinalangan mo pa tuloy magsinungaling sa kanila dahil sa akin. Bukas na bukas din ay babalik na ako sa Maynila at pangako,hindi na kita gagambalahin pang muli. Tanggap ko nang wala na talaga si Mark,”sabi nito.
Tumango lang naman ito,saka hinatid na ito sa kwarto na inihanda para sa kanya.Nang nasa loob na sila ng kwarto ay naalala nito ang sinabi sa kanya ni Tony tungkol sa bagyong parating.
“Hindi ko tiyak kung makakabalik ka bukas sa Maynila. Umaapaw na raw nang tuluyan ang ilog. Hindi na maaring tumawid sa tulay. At dahil sa parating na bagyo ay malamang ikansela ang mga maglalayag na barko bukas. Kung maswerte ka,baka dalawa o tatlong araw lang ay bumaba na ang tubig sa ilog at maari nang tumawid. Kung hindi,isang linggo ka pang manantili rito,” sabi nito.
“Hindi ako maaring magtagal nang isang linggo rito. Mag-aalala si Uncle Carlos at isa pa marami pa akong kailangang asikasuhin,”sabi niya.
“Tawagan mo na lang muna ang pamilya mo at mas mabuting gawin mo na ngayon dahil baka bukas,mawalan nan g linya ang telepono. Mahina pa naman ang signal ng cell phone dito.”
Hindi na siya nakapagreklamo dahil alam niyang kasalanan nga naman niya kung bakit naroroon siya at walang ibang dapat sisihin. Pero paano siya makakatagal nang isang linggo sa ilalim ng iisang bubong kasama ito?

Paglipas nang ilang oras ay naramdaman na nga ang malakas na bagyo. Malakas ang kulog at buhos ng ulan. Halos nakabibingi iyon. Ngunit sa kabila ng ingay ay hindi matinag ang konsentrasyon ni Bryan sa ini-sketch na mukha ng dalagang malamang ay nahihimbing sa kwarto nito. Walang kuryente nang mga sandaling iyon kaya ang liwanag ng gasera ang nagsisilbing ilaw niya.
Nasa kabilang dulo ang kwarto niya mula sa kwarto ni Julia kaya imposibleng ang tili na narinig niya ay pagmamay-ari nito.Gayunpaman sa pag-aalala nito ay agad itong tumakbo patungo sa kwarto ni Julia.
“Julia! Buksan mo ang pinto!” Kinalabog niya ang pinto pero walang sumasagot mula sa loob. Hindi siya nagdalawang isip na tadyakan ang pinto upang mabuksan ang kwarto. Ang kaso,nawala sa isipan niyang gawa sa narra ang mga pinto sa bahay  nila kaya napamura siya sa sakit nang hindi iyon bumukas.
“Nasaan ang susi nito?”,nanggigil na sabi niya.
Nagsilabasan rin sina Lola Maria at isa pa niyang pinsan na si Carlo sa kanya-kanyang kwarto,marahil ay narinig rin nila ang tili ni Julia. Lumapit si Tony sa pinto at saka iniabot agad ang susi kay Bryan.

Pagbukas niya ng pinto ay nabigla siya sa nakita niya. Wasak ang isang bahagi ng bubong at pader ng kwarto dahil sa pagbagsak ng malaking puno na katapat niyon. Marahil ay tinamaan iyon ng kidlat. Nagkalat ang bubog sa sahig na nagmula sa mga nabasag na bintana.Basa ang sahig dahil sa malakas na hangin at ulan at nagsisimula nang kumalat ang apoy ng nasusunog na puno.Idagdag pa ang gasera na nakatumba na sa sahig.Subalit ang mas ikinaalarma niya ay ang tila nilamon ng malalaking sanga at mga dahon ng puno ang kama na kinahihigaan ni Julia.

“Julia!” Ni hindi niya naramdaman ang lamig o mga bubog na tinapakan niya nang halos lundagin niya ang kama upang ilabas ang naipit na katawan ng ni Julia.Hindi iyo tumugon sa sa mga 
tawag niya kaya malaman ay nawalan ito ng malay. Kailangan niyang maiahon ito mula sa kama bago  pa siya maunahan na apoy na gumagapang na sa dulo ng kama.Patuloy pa rin ang malakas na ulan kaya kung nagkataong mas grabe pa ang nangyari kay Julia ay imposible madala ito sa ospital na nasa kabilang dulo ng isla. Mabuti na lang at bukod sa sugat sa ulo,mga pasa at bukol na tinamo nito ay wala na itong ibang  pinsala pa sa katawan. Ngunit ang mahaba na buhok nito ay kinailangang putulan. Hindi nila maialis ang buhok nito sa pagkakasabit sa mga sanga na muntik nang tuluyang ikasunog nito kung hindi naging maagap si Carlo. Inagaw nito ang hawak na itak ng isang tauhan nila at tinagpas ang sangang kinasabitan ng buhok ni Julia.

“Thanks for saving her”,sabi nito kay Carlo nang masulyapan ito.
“No need. Pero sigurado ka bang hindi mo siya nobya? Labis ang pag-aalala mo sa kanya. Hindi ka pa namin nakita kahit kalian na ganito,” wika ni Carlo.
Napangiti siya nang pilit. “Ako ang nagadala sa kanya rito,natural mag-alala ako dahil sagot ko siya kung may mangyaring masama sa kanya habang nandito sa atin.Besides,she’s in love with someone else. Imposibleng magustuhan niya ako lalo pa’t parang napakaperpekto na lalaking ‘yon.”

“Ikakasal na ba sila?”
“Paano? Unless,pinapayagan na ngayong magpakasal sa isang bangkay.”
“Huh?” nagtatakang sabi ni Carlo.
“Limang taon nang patay ang boyfriend niya pero in love pa rin siya dito.”
“Pero attracted ka sa kanya. Isang Bryan Santos. Huwag mo sabihin sa aking hahayaan mong pigilan ka ng isang matagal nang patay na nobyo para makuha ang pag-ibig ng babaeng gusto mo?” hamon ni Carlo sa kanya.
Napangiti siya,saka hinimas ang balbas at bigote. Ibinalik ang tingin kay Julia. Mahigit dalawang linggo na ring gumugulo sa isip niya ang dalaga. Taliwas sa paniwala nitong sa bangko niya ito unang nakita,unang linggo niya sa Maynila nang hindi sinasadyang natanawan niya ito. Nagkakape sila noon ng kababatang si John sa coffee shop sa mall nang makita niya itong pumasok sa katapat na bakeshop ng coffee shop.
“Paano kung attracted siya sa akin pero dahil lang sa kamukha ko ang namatay niyang nobyo?” sabi nito kay Carlo.
“Are you kidding me? Kamukha mo ang nobyo niya?”
“Oo. Ang totoo,hindi ko naman talaga siya kaklase noong high school..” Ikinuwento niya rito ang totoong pagkakakilala nila ni Julia.
“Talaga? Nakita mo ‘kamo ang picture at papasa kang kakambal no’ng Mark na ‘yon.”
“Oo. Hanggang sa kulay  ng aming mata.”
“Ahmm.. Samantalahin mo na kung ganon. Tutal,attracted na rin siya sa’yo dahil sa hitsura mo,ibig sabihin,ang mukhang ‘yan ang mga tipo niya. Medyo malaking risk nga lang dahil mahihirapan kang matiyak kung ikaw talaga ang nagugustuhan niya o binubuhay lang niya sa’yo ang namatay niyang nobyo.”
“Ayon nga mismo ang kinatatakutan ko.
“But?” sabi ni Carlo.
 “But I’m not afraid of taking risks. Patay na siya. Ano pa’ng magagawa niya na hindi ko magagawa?” desididong sabi nito.
Unfair namang masayang ang tapat na pag-ibig ni Julia sa isang taong hindi na iyon masusuklian pa.
CHAPTER FIVE
Tumila na ang ulan at sumikat na ang araw kaya nagsimula nang bumalik sa normal ang mga gawain sa kanilang lugar.Maagang inayos ni Julia ang mga gamit niya.Napagpasyahan niya’ng bumalik na sa Maynila,dahil maganda naman na ang panahon at nakaalis na ang bagyo,hindi na rin umaapaw ang tubig sa ilog at maari nang makadaan ang mga sasakyan sa tulay.At isa pa hindi naman na masyadong kumikirot ang mga sugat niya at hindi na rin siya nahihilo,kanit papaano ay malakas na ulit siya. Marami rin kasi siyang dapat asikasuhin sa Maynila,lalo na ang bakeshop nito. Nakapagpaalam na rin ito kina Bryan at Lola Maria.Pagkatapos ng agahan ay aalis na ito,kasama ni Bryan si Tony sa paghatid sa kanya sa pantalan. Tapos na silang kumain no’n at nagpunta si Julia sa kanyang kwarto para kunin na ang mga gamit nito. Habang si Julia ay na sa kanyang kwarto pinuntahan siya ni Bryan at kinausap ito.
“Aalis ka na ba talaga? Ayaw mo bang mamasyal muna bago umuwi?” sabi nito kay Julia habang nakatayo ito sa pinto.
“Ah,ikaw pala yan.Pasok ka. Pasensya na Bryan,hindi na siguro.Marami pa kasi akong dapat ayusin sa bakeshop,ilang araw din akong nawala,”sagot naman nito saka ito niyayang umupo.
“Gano’n ba.Sayang naman.” Sabi nito sabay lumapit kay Julia.
“ Ahmm, alam mo Julia hanga ako sayo,napakatapat mo sa nobyo mo. Aaminin ko naiinggit ako sa kanya dahil kahit matagal na siyang wala ay siya pa rin ang laman ng puso’t isip mo.Pero Julia,hindi na niya mararamdaman pa ang pagmamahal mo.Buhay ka at you deserve to love and be loved again. Huwag mo isamang ilibing sa puntod niya ang puso mo.”
“At sa palagay mo’y ikaw ang dapat kong mahalin?”
“Oo. Kung pahihintulutan mo,patutunayan ko sa’yong kaya kong higitan ang nararamdaman niya noon para sa’yo,” sabi nito saka niya ito hinagkan.
CHAPTER SIX
Pagpasok ni Julia sa pinto ng bahay ng mga Reyes ay agad siyang sinalubong ni Uncle Carlos.Niyakap siya nito ng mahigpit. Hindi niya mapigilang maluha,sa loob kasi ng mahabang panahon na kinupkop siya nito ay iyon ang unang pagkakataong niyakap siya nito at ipinakita ang pag-aalala para sa kanya.
“Hija,ang akala naming lahat ay kung ano nang nangyari sayo.”
“Pasensiya na po kayo,Uncle. Wala po kasing signal sa lugar na pinuntahan ko at naputol pa ang linya ng telepono dahil sa sa lakas ng bagyo.”
“Anong kalokohan ba ang pumasok sa isip mo’t sinundan mo pa ang akala mo’y si Mark? Ipinagtapat sa amin ‘yon lahat ni Gena.Tapos,no’ng tumawag ka no’ng isang araw putul-putol pa ang linya kaya hindi rin namin halos naintindihan ang mga sinasabi mo.”
“Mahirap kasing makakuha ng maayos na signal dahil sa dumaang bagyo.Umaapaw pa ang tubig sa tulay kaya hindi ako makaalis sa isla at kanselado din lahat ng biyahe ng barko paalis doon.”
“Isla? Saan ka ba napadpad?” nagtatakang tanong ni Uncle Carlos.
Naramdaman niyang humuhigpit ang pagkakahawak nito sa kanya kaya siya na ang bumitiw rito.
“Sa Isla Verde po. Sa lugar po ng mga Santos. Tagaroon si Bryan at…”
“Dad!” Sabay na sigaw nila ni Angelo nang biglang tutupin ni Uncle Carlos ang dibdib nito.Tatawag na sana ng ambulansiya si Angelo habang inaasikaso si Uncle Carlos ng private nurse nito pero pinigilan siya nito at sinabing maayos na ang lagay niya.
Kinabukasan ay muli nang pumasok si Julia para asikasuhin naman ang kanyang bakeshop.
“Bryan!”,napasinghap na sabi ni Julia. Nabigla siya nang makilala niya ang bagong pasok na customer ng bakeshop.Hindi niya inaasahang makikita ito roon.Bago na ang anyo nito,ahit na ang balbas at bigote nito. Pati ang may kahabaang buhok nito ay nagupitan na rin.Hindi na ito kamukha ni Mark sa litratong nasa wallet niya.
“Para sa’yo.” Isang bouquet ng carnation ang iniabot nito sa kanya.
“Thank you. Halika.Maupo ka,” anyaya niya rito.”Do you want  coffee o tea? Masarap ang cakes namin dito. Kabe-bake ko lang ng blueberry cake at kailangan mo yo’ng matikman.
“Ngumiti ito.“Coffee would be fine. And,yes,gusto kong tikman ang blueberry cake na gawa mo.”
Inutusan nito ang crew na dalhan sila ng dawang blueberry cake at dalawang tasa ng kape.
“Bakit ka nga pala nandito? May aasikasuhin ka ba rito sa Maynila?” maya-maya ay tanong niya rito.
“Mayroon. Ikaw.”
Napasinghap siya,pati na rin ang crew na nagdala ng blueberry cake at kape.
 “Wala sa ugali naming mga Santos ang sumuko kaya pasensiya na. Hindi ko hahayaang habang-buhay mong ipagluksa si Mark.Huwag mo akong itulak palayo hangga’t hindi pa natin nasusubukan,Julia.Ako ang mas nakakaalam kung ano ang hindi patas para sa akin.Alam kong mahirap masaktan pero patutunayan kong kaya ko ring gumawa ng sariling lugar ko sa puso mo,” may sinseridad na sabi nito.
“All right,subukan natin pero..”
“Julia!”
Napalingon sila sa pinagmulan ng galit na tinig na iyon.
“Angelo!” sabi niya,sabay napatayo sa kinauupuan niya. Nang tumayo na rin si Bryan ay pumagitna siya sa dalawa. “Angelo,siya si Bryan. ‘Yong sinasabi kong kamukha ni..”
“Mark!” Labis na pagkagulat at hindi pagkapaniwala ang bumakas sa mukha ni Anelo nang harapin niya si Bryan. “No! Imposible! Patay ka na! Ipinapatay na kita! Hindi maari!’ sigaw nito bago ito tumakbo palayo.
Sinundan at hinabol nila ang sasakyan ng mabilis na tumakas na si Angelo.
“Narinig mo ba ang sinabi niya sa’yo? Sinabi niyang ipinapatay ka niya! Akala niya ikaw si Mark. Ngayon alam ko na kung bakit nang magdesisyon si Uncle Carlos na ibigay na ang ransom ay hindi na iyon kinuha ng mga kidnappers. Dahil palabas lang nila yun.”
Napuna ni Bryan na natunugan ni Angelo na sumusunod sila rito kaya panay ang pag-overtake nito sa ibang sasakyan. 
“We’ll get him,don’t worry,” sabi niya rito,saka kinuha ang cell phone niya at tinawagan ang kilalang chief of police ng kaibigang si John. Ibinigay niya rito ang plate number at deskripsyon ng kotse ni Angelo. Ngunit hindi pa siya tapos makipag-usap nang makita niya ang paparating na kotse ni Angelo. At dahil bilis ng takbo niyon ay nahinuha niyang hindi iyon bumalik para kausapin si Julia kundi para bungguin sila.
“Hold tight.” Pilit niyang iniwasan ang pagbunggo ni Angelo sa kanila mula sa likuran.
Base sa walang pakundangang pagtatangkang pataubin sila nito ay nasisiguro niyang hindi lang nais sugatan sila kundi patayin.
Ang priyoridad niya ay maiiwas ang kotse na mapadikit sa kotse nito,lalo pa’t nasa side na binubunggo nito ay si Julia. Kaya huli na nang mapansin niya ang kasalubong nilang bus. Sagitsit ng preno niya at tili ni Julia ang narinig niya bago nagdilim ang paligid niya.

CHAPTER SEVEN
Hindi matagalan ni Julia ang sitwasyon ni Bryan habang nakakabit dito ang iba’t ibang tubo na nagpapanatili rito para huminga.Pinakiusapan niya ang nars na itulak na palabas ang wheelchair niya.Sa kanilang dalawa ay mas grabe ang tinamo ni Bryan.
Nakakulong na si Angelo sa salang kidnapping at murder. Ito mismo ang umamin na ito ang nagpadukot kay Mark limang taon na ang nakararaan. Inamin nito na labis daw itong naiinggit sa pagmamahal ni Auntie Melissa kay Mark.Samantalang ito ay hindi masyadong nabibigyan ng atensiyon ng ina at mistulang tau-tauhan pa ng ama gayong si Mark ay nagagawang suwayin ang lahat ng ibig ni Uncle Carlos. 
“Hija,mas mabuti pang magpahinga ka na lang,”sabi ni Lola Maria nang madatnan niya ito sa kwarto niya sa ospital.
“Gusto ko lang pong kausapin si Bryan. Sabi ng doktor ay naririnig daw niya tayo. At kailangan niyang malaman na hindi ako papayag na bumitaw siya. Kailangan rin niya malaman ang tungkol sa koneksiyon niya kay Mark”,sabi nito.
Nang maganap ang aksidente ay halos atakihin sa puso si Uncle Carlos. Sa sobrang pagkabalisa ay isang lihim ang wala sa loob na naisiwalat nito. Ang dahilan kung bakit simula’t sapol ay mainit ang dugo niyo kay Mark. At ang malinaw na paliwanag kung bkit kamukhang-kamukha ni Mark si Bryan.
Kambal sila na pinaghiwalay ng kanilang mga magulang mula pagkasilang.Kasal na si Auntie Melissa kay Uncle Carlos nang makilala ni Auntie Melissa si Herman Santos.Hindi kailanman inibig ni Auntie Melissa si Uncle Carlos. Pero dahil sa pagnanais nitong gantihan si Uncle Carlos,na mula noon ay kabi-kabila na ang mga babae,nakipagrelasyon ito kay Herman Santos. At nang magbunga ang pagtataksil nitong iyon ay ibinigay nito kay Herman ang isa sa kambal. Binalak nitong makipaghiawalay kay Uncle Carlos dahil natitiyak nitong hindi ito mapaptawad ng asawa sa nangyari. Pero tinanggap ito ni Uncle Carlos at inako si Mark bilang anak.
Tanging sina Lola Maria,Herman at Tiyo Hector ni Bryan ang nakakalam ng totoo.Ngunit dahil sa pangako ni Herman kay Auntie Melissa na hindi na nito muli pang gagambalahin ang buhay nito at ni Mark sa piling ng mga Reyes,hindi na rin ipinaalam pa ng pamilya nito kay Bryan na buhay pa ang tunay na nito at mayroon itong kakambal.Hindi na sila kalian man nagkaroon ng komunikasyon kay Auntie Melissa kaya hindi alam ng mga ito na namatay ito at si Mark limang taon na ang nakararaan.Kung hindi pa nga siguro siya nilapitan ni Bryan ay habang buhay nang mababaon ang sekretong iyon lalo pa’t walang balak si Uncle Carlos na aminin iyon dahil isa nga naman kahihiyan iyon para dito.
‘Sino po ba si Julia? Hinahanap po kayo ng pasyente sa room one twenty,sabi ng nurse na sumilip sa pinto ng silid nya. Nagkamalay na si Bryan,kaya naman ang lahat ay nakahinga na nang maluwag.


CHAPTER EIGHT
Pumunta agad sila sa silid na kinaroroonan ni Bryan.
“Bryan” sabi ni Julia nang hawakan nito ang kamay ni Bryan.
‘No. Not Bryan. It’s Mark. Naalala ko na ang lahat ngayon”,nanghihinang sabi nito.
“Please,saka na natin pag-usapan yan. Magpalakas ka muna”,sabi nito kay Bryan.
“Hindi ka naniniwala.Saka ko nalang ipapaliwanag kapag mas medyo malakas na ako. Huwag ka munang umalis. Hawakan mo lang ang kamay ko’t huwag kang bibitiw tulad ng ginawa mo all those years.
“Hindi ako bibitiw. Pangako.”
Nang makalabas na ng ospital si Mark at tuluyan nang magaling ay pumunta sila sa sementeryo upang bisitahin ang puntod na pinaglibangan ng bangkay na inakala nilang si Mark at pinapalitan na rin ang pangalan na nakalagay sa lapida nito.
Nabigayan na ng hustisya ang pagkamatay ni Bryan Santos. Ito pala ang nadukot ng mga tuhan ni Angelo. Nagkataon kasing nasa Maynila noon si Bryan,kaya napagkamailan itong si Mark.Nang panahon naming iyon ay nakilala ni Mark si Tiyo Hector. Napagkamailan ito ni Tiyo Hector na si Bryan.Nang itama niya iyon ay hindi inaasahang matutuklasan ang katotohanan sa pagkatao nito at ng kakambal nito. Ngunit hiniling nito kay Tiyo Hector na saka na lang ipaalam sa pamilya nito na ito ang naihiwalay na kakambal ni Bryan kapag nakarating na ang mga ito sa Isla Verde.
Dahil itinago ni Uncle Carlos sa media ang naganap na pagdukot kay Mark,natural na hindi iyon nalaman ni Mark.Patungo na ito sa Isla Verde at umaasang makikilala na rin sa wakas ang pamilya ng tunay na ama at kakambal. Pero sa kasamaang palad hindi na pala niya makikilala ang kakambal nito dahil namatay ito sa mismong araw na sumabog naman ang yateng sinasakayan nila ni Tiyo Hector.Marahil kung nabuhay si Tiyo Hector ay madaling nabunyag ang totoong pagkatao ni Mark,na dahil sa kawalan ng alaala ay naniwala rin itong siya si Bryan Santos.Identidal twin ang mga ito at pareho ring mahilig magpinta kaya walang nag-isip na hindi ito si Bryan kundi si Mark.
“I’m not Bryan,Julia.Nakakatawa pero ang katauhang pilit kong inaangkin ay hindi pala talaga sa akin.Handa ka nang mahalin si Bryan.”May pag-aalinlangan na sabi nito.
“It’s all right,Mark. Kahit ano pa’ng katauhan mo,nakilala naman nito,”sabi nito habang itinuturo ang tapat ng puso.
“Ibig sabihin,mahal mo pa rin ako?”
“Kailan ko ba sinabing huminto na ako?”
“Nang makilala mo si Bryan”.
“Pero ikaw rin naman siya,Mark. Ang lalaking inakala kong si Bryan ay ikaw pa rin. Sa isip ko,maaring magkaibang tao kayo pero sa puso ko,iisa ka lang kaya nga hirap akong magdesisyon kung ikaw ba bilang si Bryan o bilang si Mark na mahal ko.”
“Ngayon,hindi mo na muli kailangang mailto. Hindi na ako mawawala pa,Julia.” Sabi nito saka niya ito niyakap.
**WAKAS**

No comments:

Post a Comment