Lazada

Saturday, August 14, 2021

WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS ni RIO ALMA

 WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS

MATAGAL KO NANG ibinubulong ito sa mga makapangyarihan ng University of the Philippines (UP). Una, kay Senador Ed Angara. Sabi ko, bakit kung ano-anong instituto at sentro ang itinatayô sa UP para sa mga pag-aaral na internasyonal? May Europeo, may American, may Islam, may Asian. Bakit walang instituto para sa araling Filipinas?
Bago ang Asian Center, dapat ay nauna ang Surian ng Araling Filipinas.
Para sa akin, ang naturang pangyayári ay anak ng hálagáhang kolonyal na malaganap kahit sa ating State University. Lagì nating nalilímot itanghal at pangalagaan ang ating sarili. Kayâ watak-watak at walang direksiyon ang mga pag-aaral tungkol sa kasaysayan at kultura ng Filipinas. Kani-kaniyang munting programa o departamento ang mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. [Pioneer si Bien Lumbera.] Kani-kaniyang sikap ang mga iskolar at eksperto. Hindi nabibigyan ng mandato ang lahat ng paaralan upang ibuhos ang buong talino, pawis, at pondo ng bayan para sa pagbuo at pagpaparangal sa “Filipino”—isang pambansa at makabansang identidad na susubaybay at papatnubay sa pagkakaisa at pagsúlong ng pagkilos ng sambayanan at ng pamamahalà sa búhay at kabuhayan ng bansa.
Ang isang Surian ng Araling Filipinas ang utak ng lahat ng patakaran ng gobyerno at imbakan ng lahat ng karunungang Filipino. Ito sana ang nilalamán ng edukasyong pambansa. Ito sana ang pinagtutulungang kathain ng mga ahensiya at komisyon sa kultura at sining. Ito sana ang batayan ng matagalang bisyon ng NEDA para sa ekonomiyang pambansa. Ito sana ang sáma-sámang “paglingon sa lumípas” para makaratíng sa minimithi nating paroonan.
Subalit ngayon, may uusig sa aking panukalà. Bakit “Filipinas”? Mas nasyonalista ang “Pilipinas.” Mas angkop ang “Katagalugan.” Palitan na natin ng “Rizaliana,” “Maharlika,” “Mai.” Hinahati táyo ng ating sari-sariling hakà. At malimit dahil nakapiit táyo sa nakagisnang tribu, probinsiya, o rehiyon; sa nakamihasnang paniwalà, pamahiin, o pananampalataya. Ano ba ang bigkas sa “barangay”? /ba.ra.ngay/ o /ba.rang.gay/? Malî si Plasencia. Dapat “balangay.” Hindi, “balanghay” ke Pigafetta. [May mga munting detalyeng hindi natin sinisikap tuldukan.] Ano ba ang sabi ni Plato, ni Pilato, ni San Agustin, ni Santa Mesa, ni Lao Tse, ni Butse, ni Marx, ni Max’s, ni Derrida, ni Deláta, ni Bordieu, ni Bourdain, ni Kristeva, ni Kristeta? Ano rin ba ang sabi ni Rizal, ni Jacinto, ni Mabini, ni Lope K. Santos, ni Vicente Sotto? O ni Apò Ipe. Sino s’yá? Nagu-Google ba ’yan? Postkolonyal?
Kailangang may makapal na testimonya at sertipikasyon kahit ang ating sarili. Mas banyaga mas mainam. Mas branded mas lalong mainam.
Kailangan ko nga yatang ikulong sa panipì ang “Surian ng Araling Filipinas” dahil tentatibo at personal.
Ang totoo, ni wala táyong pambansang rehistro ng mga saliksik tungkol sa mga pangkating etniko ng Filipinas. Kayâ may pangkating wala man lang táyong impormasyon kung gaano silá karami? Walang kasaysayan. Samantala, may ilang pangkating sobra sa saliksik dahil naroon ang pondo para sa iskolarsip, naroon ang interes pampolitika ng mga banyaga. Naroon ang mína. Ilan ang alám nating mga epikong-bayan? Sino na ang sumangguni sa mga antolohiya ni Damiana Eugenio? Bakit maraming fakelore? Nakatutuwâ ngang hanggang ngayon ay may opisyal na Gawad Kalantiao ang Malacañang. Lalo namang hindi natin nakikilála sina Maquiso at Hornedo. O kahit si E. Arsenio Manuel. Mabuti’t naging haywey si EDSA. Pero mas alam natin ang búhay nina Taft, Harrison, Otis, MacArthur, at Forbes kaysa kina Recto, Quezon, Osmeña.
Kailangan ding iplano ang saliksik. Para malaganapan ang mas malakíng teritoryo ng limitadong pondo. Para sa de-kalidad na mga saliksik. At integrado. Para hindi magsiksikan ang mga nagmamaster sa iyon at iyon ding paksa. Sansiglo nang sinasabi na di sumukò ang mga Muslim sa mga mananákop na Español at Americano. Bakit nagpapatayan ang private army ng mga angkan sa Cotabato para maging meyor o konsehal? May halaga pa ba ang darangën sa mga Mëranaw? Nasaan ang paraiso ni Agyu?
Para makalikha táyo ng mga kailangan at bagong tanong sa sarili.
Para magbago ang mga teksbuk. At mapalitan ang mga malilibag na notbuk at lesson plan. At mapalitan ng current events ang mga tsismis at tsikahan sa loob at labas ng pelikula’t telebisyon.
Para mabawasan ang korupsiyon, dinastiya, at balimbingan. Para mas asikasuhin ang Dagat sa Timog ng Filipinas. Para mas tumibay ang mga tulay at lansangan. Para hindi islogan lang ang Lagìng Handa. Para manálo na sa wakas ang pagong laban sa matsing.
Nagkagulo minsan sa Batasan dahil isang estudyante daw ang nagtanong kung bakit lagìng nakaupô si Mabini. May panukalang-batas ngayong muling pag-isahin ang DepEd, TESDA, at CHED. Pagbutihin ang Character Education. Gawing priority ang kagawaran ng POEA. Samantala, hindi gumagalaw ang matagal nang panukalang Department of Culture.
Sansiglo nang di binabása ng mga alagad ng sining ang isa’t isa. Hindi nag-uusap ang ating humanidades at ang ating siyensiya. Kayâ maraming umaangkin na katutubo ang kaniláng loa o luwa. WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS

Kayâ matagal nang sinasaliksik ang herbal medicine ngunit walang nagsisiyasat kung paano dinidikdik, nginunguya, o inilalagà ng mga arbularyo ang mga dahon at ugat upang maging mabisàng lunas. Maraming nayon ang liblib at napakalayò sa ospital (na wala namang gámit at gamot) ngunit walang nababása ang taumbayan kung ano ang wastong kilos o hakbang kapag may kagipitan. Ang daming saliksik na nalalathala sa science journals ang ating mga siyentista pero hindi naisusúlat sa paraang matututuhan ng karaniwang táo. [Hindi ba’t dapat may regular na magasin o programa sa radyo ang DOST, DENR, DAR?] Bakit may red tide? May siyentipiko bang pagkakaingin? Anong industriya ang mainam gawin hábang naghihintay ng anihan ang magsasaka? Bakit mas nakinabang ang mga Thai at Vietnamese sa agrikultura ng UPLB? Atbp, atbp, atbp.
Siyanga palá, ang “surian” ay kinuha ko mula sa salin ng “institute” sa Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language). Napakagandang pantumbas. Talagang isang pook para sa pagsusuri ang instituto. Para sa walang-humpay na saliksik at pagtuklas ng karunungan. Gamítin natin ang kabuluhan.
Minsan tinanong ko ang isang paslit na taga-Abukay kung ano ang pinagmulan ng pangalan ng kaniláng bayan. “Abó na hinukay po.” Hindi ba ipinangalan sa isang maganda at putîng loro? “Abó na hinukay po ang sabi ng titser.” [Naalala ko agad ang alamat ng Kalinga.] Marahil, wala na kasing ibong abukay sa Bataan? Ay, naku! Isa ring malubhang kaso ang naglalahòng mga katutubong flora at fauna para sa Araling Filipinas.
Ferndale Homes
7 Hulyo 2021

https://www.facebook.com/FilipinoNgayon2020/

No comments:

Post a Comment