Dumaló
sa Ikalawang Libreng Webinar sa Dokumentasyong Pangwika
Bílang bahagi ng pagdiriwang ng
Buwan ng Wikang Pambansa, pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-143 taóng kaarawan ni
dáting Pangulong Quezon, at paghahanda sa International Decade of Indigenous
Languages (IDIL) 2022–2032, inaanyayahan ang mga mananaliksik, guro, mág-aarál,
at may interes sa wika at kultura ng kanilang komunidad sa ikalawang
Lágsik*-Wika: Serye ng Webinar sa Pagdodokumento ng Katutubong Wika. Gaganapin
ito sa 19 Agosto 2021 (Huwebes), 10–11:30 ng umaga.
Layunin ng webinar na lalo pang
pasiglahin ang larang ng dokumentasyong pangwika, at mapukaw ang interes ng mga
kalahok na maidokumento ang wika ng kanilang komunidad.
Libre ang webinar at magkakaloob
ng e-sertipiko sa mga aktibong kalahok. Dahil serye ang webinar, hinihiling na
panoorin ang unang bahagi nitó sa link na https://bit.ly/UnangLagsikWika
Para sa pagpapatalâ, magtungo sa
link na https://bit.ly/Lagsik2.
Matatanggap ng mga napilìng kalahok ang akses sa zoom isang araw bago ang
webinar. Sa mga hindi mapipilì, maaari pa ring sumubaybay sa Facebook live ng
Komisyon sa Wikang Filipino. Bukás ang rehistrasyon hanggang 15 Agosto, ganap
na ika-11:59 ng gabi.
Para sa mga tanong o paglilinaw,
maaaring makipag-ugnayan kay G. Kirt John C. Segui sa email na kjsegui@kwf.gov.ph.
Abstrak ng Panayam
Pangunahing kahingian at awtput
sa pagdodokumento ng wika ang mga nalikom na datos—audio, video, larawan, at
dokumento—mula sa isinagawang fieldwork. Mahalaga na wasto ang pagkuha ng datos.
Kailangang gumagamit ng angkop na materyal upang mapanatili ang mataas na
kalidad at hindi masáyang ang mayamang impormasyon.
Sa panayam na ito, tatalakayin
ang teknikal na aspekto at mga karanasan sa pagdodokumento ng wika at kulturang
Isinay. Bibigyang diin ang ilang teknikal na paghahanda sa pagsasagawa ng
fieldwork; mahahalagang paalala sa wastong pagkuha ng larawan at pagrekord ng
datos, gayundin ang mga pag-iingat dito. Ilalatag din ang ilan sa mga
karaniwang pisikal, teknikal, etikal, o natural na mga suliranin na maaaring
makaharap sa gawaing pagdodokumento at kung paano ito matutugunan.
Ang Tagapanayam
Si G. Alvin B. Felix ay isang
Isinay, katutubong pamayanang kultural na matatagpuan sa hilagang Luzon, sa
probinsiya ng Nueva Vizcaya. Kasalukuyan siyang kasapì ng Kolehiyo ng Sining at
Agham ng Nueva Vizcaya State University (NVSU).
Ilan sa kaniyang mga naging
gawain hinggil sa wika at kuktura ay ang sumusunod: mananaliksik ng proyekto ng
DOH-PITAHC at ng NVSU sa pagdodokumento ng mga kaugalian, kaalaman, at
kasanayang pangkalusugan ng mga Ilongot/Bugkalot, Gaddang, Isinay, Iguwak, at
Kalanguya-Ikalahan ng Nueva Vizcaya mulang 2016 hanggang 2019; nagsilbing
punòng mananaliksik sa proyekto ng KWF na Lingguwistikong Etnograpiya ng mga
Wika ng Pilipinas na nakatuon sa wika at kulturang Isinay (2018); at naging
punòng gabay sa pag-aayos ng Indigenous Political Structure (IPS) ng katutubong
Ilongot/Bugkalot para sa kanilang kasalukuyang pagpapatalâ ng Indigenous
Political Organization (IPO) sa NCIP. Aktibo siyang gumagabay at tumutulong sa
mga mananaliksik para sa pagsasagawa ng tama at tanggap na pagdodokumento at
pagsasaliksik sa mga katutubong Isinay.
Siya rin ay kasalukuyang pangíyu
o pangulo ng Isinay Advocates Inc., isang samahan na nagtataguyod ng wika at
kultura ng mga Isinay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga summit, lektura at
pagsasanay, pagbuo ng ortograpiya, pangangalap ng mga salita para sa paggawa ng
community dictionary. Liban sa pagtataguyod ng mga buháy na dunong ng mga
katutubo, masugid ding tagapagtanggol ang samahan para pangangalaga ng mga
tangible cultural heritage.
*lágsik ay salitâng Sebwano na
ang ibig sabihin ay siglá
#librengwebinar
#buwanngwika2021