𝗗𝘂𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗿𝗮 𝗦𝗮 𝗞𝗶𝗻𝗮𝗯𝘂𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻
𝘯𝘪: 𝘑𝘢𝘻𝘮𝘺𝘯 𝘙𝘦𝘪𝘨𝘯𝘦 𝘈. 𝘊𝘳𝘢𝘮𝘱𝘢𝘵𝘢𝘯𝘢
Anong tunguhin nga ba ang naghihintay,
Mabisa ba ang kamay na pumapanday?
Edukasyon ba ay ayon at kapantay,
Ng hinihingi sa hinaharap na buhay?
Ito na nga ba talaga ang paraan,
Na maaaring magsilbi bilang daan,
Upang makasilip sa kinabukasan?
O baka naman, napipilitan lamang?
Ano nga ba ang layon ng edukasyon,
Ito ba'y pampalipas lang ng panahon?
Meron kaya talagang natututunan,
O marahil ginagawa lang biruan?
Masdan mo ngayon ang mga kabataan,
Leksyon ba'y kanilang nauunawaan?
Ang pagpasa sa mga kinakailangan,
Sapat na ba sa kanilang kalinangan?
Ngunit, hindi kailanman magiging sapat,
Ang matuto lang bumasa at sumulat,
Hindi rin sapat ang papel at panulat,
Upang sa pagkatuto ay maimulat,
Mawawalan rin lamang ng katuturan,
Ang oras at tiyagang ipinuhunan,
Sa edukasyong, panaho'y inilaan,
Kung 'di naman magagamit para sa bayan,
Tayong lahat ay may responsibilidad,
Ito'y magsilbi sa ating komunidad,
At bilang mamamayan ng ating bansa,
Magmalasakit tayo sa ating kapwa,
Ang edukasyo'y may magandang layunin,
Na ang mga mag-aaral ay hubugin,
At gumabay sa daanang tatahakin,
Sa landas ng tagumpay na aabutin,
Upang maging mga mamamayan ng bayan,
Na ang puso'y may tatak at inukitan,
At taas noo'ng ipinagsisigawan,
Na ang sariling bansa'y nauunawaan,
No comments:
Post a Comment