Lazada

Sunday, August 22, 2021

Mga Wikang Katutubo sa Pagbuo ng Pambansang Panitikan

 Makilahok at magtamo ng kaalaman sa ika-4 na Serye ng Webinar. Ang orihinal na iskedyul, pagpapalit ng tagapanayam at paksa ay dahil sa mga mga hindi inaasahang pangyayari ngayong panahon ng pandemya. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy ng Komisyon sa Wikang Filipino ang masigasig na pagtupad sa mandato nito. Kung kayo ay interesado, mangyaring magpatala sa link na ito https://forms.gle/NCzEzfeMNHJeLcgN9


#webinar

#librengwebinar




Tuesday, August 17, 2021

APPLICATION PERIOD - AUGUST 16 - 31, 2021 (PUP OPEN UNIVERSITY SYSTEM)

 APPLICATION PERIOD - AUGUST 16 - 31, 2021

PUP OPEN UNIVERSITY SYSTEM




Institute of Open and Distance Education

Undergraduate Programs

• Bachelor of Arts in Broadcasting (BABR)

• Bachelor of Science in Entrepreneurship (BSENTREP)

• Bachelor of Science in Business Administration Major in 

        Human Resource Management (BSBAHRM)

• Bachelor of Science in Business Administration Major in 

        Marketing Management (BSBAMM)

• Bachelor of Science in Office Administration (BSOA)

• Bachelor of Science in Tourism Management (BSTM)

• Bachelor of Public Administration (BPA)

For First Semester 2021-2022

(October 2021-March 2022)

College Admission Evaluation of PUP for the

Open University System (CAEPUP-OUS)

CAEPUPOUS Procedure:

https://www.pup.edu.ph/iapply/procedure/caepupous

Application Link:

https://www.pup.edu.ph/iapply/caepupous

Monday, August 16, 2021

Paglulunsad ng Aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino, Tampok ngayong Buwan ng Wika 2021

 Paglulunsad ng Aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino, Tampok ngayong Buwan ng Wika 2021




Magkakaroon ng paglulunsad ng aklat ang Komisyon sa Wikang Filipino sa 18 Agosto 2021, 10:00 nu Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.




            Ang ilulunsad na mga aklat ay ang Paglalaping Makadiwa sa Sinugbuanon’g Binisaya (Lita A. Bacalla); Alaala ng mga Pakpak (Mariel G. Balacuit at Eugene Y. Evasco); Antolohiya ng mga Kuwentong-bayan ng Surigaonon (Aisah B. Camar); Mga Drama para sa Dulaang Pambatà; Mga Dula para sa Teatrong Pambatà (Arthur P. Casanova); Tawid-diwa (Dexter B. Cayanes); Tíra Bákal (Christian M. Fajardo); Pananalig sa Batà (Wenny F. Fajilan); Mga Dula ni Njel de Mesa (Njel de Mesa); Mga Dula ni Severino Montano (Severino Montano; Lilia F. Antonio); Introduction to Bikol: A Bikol-Legazpi Language Book for Filipinos ang Foreigners (Angela E. Lorenzana). Ang mga aklat na ito ay bunga ng proyektong KWF Publikasyon.




            Ang KWF Publikasyon ay isang proyekto ng ahensiya na naglalayong lumikha ng aklatan ng mamamayan na magtataguyod at magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino at mga wikang katutubo bílang wika ng paglikha at saliksik. Pangarap din nitóng magtakda ng mataas na pamantayang pampublikasyon sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga akdang de-kalidad, mahahalaga, at yaong may natatanging ambag sa karunungan ng bayan at mundo. Gayundin, nilalayon nitóng maglaan ng higit na espasyo para sa mga akda mula sa mga rehiyon, mga teknikal at malikhaing akda. Sa gayon, ang karunungan ng bayan ay maipalalaganap sa publiko.

 


            Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga paraan ng KWF upang ipakilala sa publiko at palaganapin ang mga karunungan mula sa mga dalubhasa sa wika na kabílang sa iba’t ibang institusyong pangwika, pangkultura, at pang-edukasyon.

 


            Ang paglulunsad ng aklat ay isa sa mga natatanging gawain ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pangangasiwa ni G. Jomar I. Cañega.  Ang KWF ay nása pangangasiwa ni Tagapangulong Arthur P. Casanova, komisyoner para sa wikang Tagalog.

 



            Ang paglulunsad ng aklat ay mapapanood nang live sa opisyal FB page ng Radio Television Malacañang (RTVM), National Commission for Culture and the Arts, at Komisyon sa Wikang Filipino.




            Para sa mga nais dumalo sa Zoom, maaaring makipag-ugnayan kay G. Rolando T. Glory sa #09087663290 o mag-email sa rolandoglory1@gmail.com.

                  

 





Saturday, August 14, 2021

WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS ni RIO ALMA

 WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS

MATAGAL KO NANG ibinubulong ito sa mga makapangyarihan ng University of the Philippines (UP). Una, kay Senador Ed Angara. Sabi ko, bakit kung ano-anong instituto at sentro ang itinatayô sa UP para sa mga pag-aaral na internasyonal? May Europeo, may American, may Islam, may Asian. Bakit walang instituto para sa araling Filipinas?
Bago ang Asian Center, dapat ay nauna ang Surian ng Araling Filipinas.
Para sa akin, ang naturang pangyayári ay anak ng hálagáhang kolonyal na malaganap kahit sa ating State University. Lagì nating nalilímot itanghal at pangalagaan ang ating sarili. Kayâ watak-watak at walang direksiyon ang mga pag-aaral tungkol sa kasaysayan at kultura ng Filipinas. Kani-kaniyang munting programa o departamento ang mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. [Pioneer si Bien Lumbera.] Kani-kaniyang sikap ang mga iskolar at eksperto. Hindi nabibigyan ng mandato ang lahat ng paaralan upang ibuhos ang buong talino, pawis, at pondo ng bayan para sa pagbuo at pagpaparangal sa “Filipino”—isang pambansa at makabansang identidad na susubaybay at papatnubay sa pagkakaisa at pagsúlong ng pagkilos ng sambayanan at ng pamamahalà sa búhay at kabuhayan ng bansa.
Ang isang Surian ng Araling Filipinas ang utak ng lahat ng patakaran ng gobyerno at imbakan ng lahat ng karunungang Filipino. Ito sana ang nilalamán ng edukasyong pambansa. Ito sana ang pinagtutulungang kathain ng mga ahensiya at komisyon sa kultura at sining. Ito sana ang batayan ng matagalang bisyon ng NEDA para sa ekonomiyang pambansa. Ito sana ang sáma-sámang “paglingon sa lumípas” para makaratíng sa minimithi nating paroonan.
Subalit ngayon, may uusig sa aking panukalà. Bakit “Filipinas”? Mas nasyonalista ang “Pilipinas.” Mas angkop ang “Katagalugan.” Palitan na natin ng “Rizaliana,” “Maharlika,” “Mai.” Hinahati táyo ng ating sari-sariling hakà. At malimit dahil nakapiit táyo sa nakagisnang tribu, probinsiya, o rehiyon; sa nakamihasnang paniwalà, pamahiin, o pananampalataya. Ano ba ang bigkas sa “barangay”? /ba.ra.ngay/ o /ba.rang.gay/? Malî si Plasencia. Dapat “balangay.” Hindi, “balanghay” ke Pigafetta. [May mga munting detalyeng hindi natin sinisikap tuldukan.] Ano ba ang sabi ni Plato, ni Pilato, ni San Agustin, ni Santa Mesa, ni Lao Tse, ni Butse, ni Marx, ni Max’s, ni Derrida, ni Deláta, ni Bordieu, ni Bourdain, ni Kristeva, ni Kristeta? Ano rin ba ang sabi ni Rizal, ni Jacinto, ni Mabini, ni Lope K. Santos, ni Vicente Sotto? O ni Apò Ipe. Sino s’yá? Nagu-Google ba ’yan? Postkolonyal?
Kailangang may makapal na testimonya at sertipikasyon kahit ang ating sarili. Mas banyaga mas mainam. Mas branded mas lalong mainam.
Kailangan ko nga yatang ikulong sa panipì ang “Surian ng Araling Filipinas” dahil tentatibo at personal.
Ang totoo, ni wala táyong pambansang rehistro ng mga saliksik tungkol sa mga pangkating etniko ng Filipinas. Kayâ may pangkating wala man lang táyong impormasyon kung gaano silá karami? Walang kasaysayan. Samantala, may ilang pangkating sobra sa saliksik dahil naroon ang pondo para sa iskolarsip, naroon ang interes pampolitika ng mga banyaga. Naroon ang mína. Ilan ang alám nating mga epikong-bayan? Sino na ang sumangguni sa mga antolohiya ni Damiana Eugenio? Bakit maraming fakelore? Nakatutuwâ ngang hanggang ngayon ay may opisyal na Gawad Kalantiao ang Malacañang. Lalo namang hindi natin nakikilála sina Maquiso at Hornedo. O kahit si E. Arsenio Manuel. Mabuti’t naging haywey si EDSA. Pero mas alam natin ang búhay nina Taft, Harrison, Otis, MacArthur, at Forbes kaysa kina Recto, Quezon, Osmeña.
Kailangan ding iplano ang saliksik. Para malaganapan ang mas malakíng teritoryo ng limitadong pondo. Para sa de-kalidad na mga saliksik. At integrado. Para hindi magsiksikan ang mga nagmamaster sa iyon at iyon ding paksa. Sansiglo nang sinasabi na di sumukò ang mga Muslim sa mga mananákop na Español at Americano. Bakit nagpapatayan ang private army ng mga angkan sa Cotabato para maging meyor o konsehal? May halaga pa ba ang darangën sa mga Mëranaw? Nasaan ang paraiso ni Agyu?
Para makalikha táyo ng mga kailangan at bagong tanong sa sarili.
Para magbago ang mga teksbuk. At mapalitan ang mga malilibag na notbuk at lesson plan. At mapalitan ng current events ang mga tsismis at tsikahan sa loob at labas ng pelikula’t telebisyon.
Para mabawasan ang korupsiyon, dinastiya, at balimbingan. Para mas asikasuhin ang Dagat sa Timog ng Filipinas. Para mas tumibay ang mga tulay at lansangan. Para hindi islogan lang ang Lagìng Handa. Para manálo na sa wakas ang pagong laban sa matsing.
Nagkagulo minsan sa Batasan dahil isang estudyante daw ang nagtanong kung bakit lagìng nakaupô si Mabini. May panukalang-batas ngayong muling pag-isahin ang DepEd, TESDA, at CHED. Pagbutihin ang Character Education. Gawing priority ang kagawaran ng POEA. Samantala, hindi gumagalaw ang matagal nang panukalang Department of Culture.
Sansiglo nang di binabása ng mga alagad ng sining ang isa’t isa. Hindi nag-uusap ang ating humanidades at ang ating siyensiya. Kayâ maraming umaangkin na katutubo ang kaniláng loa o luwa. WANTED: SURIAN NG ARALING FILIPINAS

Kayâ matagal nang sinasaliksik ang herbal medicine ngunit walang nagsisiyasat kung paano dinidikdik, nginunguya, o inilalagà ng mga arbularyo ang mga dahon at ugat upang maging mabisàng lunas. Maraming nayon ang liblib at napakalayò sa ospital (na wala namang gámit at gamot) ngunit walang nababása ang taumbayan kung ano ang wastong kilos o hakbang kapag may kagipitan. Ang daming saliksik na nalalathala sa science journals ang ating mga siyentista pero hindi naisusúlat sa paraang matututuhan ng karaniwang táo. [Hindi ba’t dapat may regular na magasin o programa sa radyo ang DOST, DENR, DAR?] Bakit may red tide? May siyentipiko bang pagkakaingin? Anong industriya ang mainam gawin hábang naghihintay ng anihan ang magsasaka? Bakit mas nakinabang ang mga Thai at Vietnamese sa agrikultura ng UPLB? Atbp, atbp, atbp.
Siyanga palá, ang “surian” ay kinuha ko mula sa salin ng “institute” sa Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language). Napakagandang pantumbas. Talagang isang pook para sa pagsusuri ang instituto. Para sa walang-humpay na saliksik at pagtuklas ng karunungan. Gamítin natin ang kabuluhan.
Minsan tinanong ko ang isang paslit na taga-Abukay kung ano ang pinagmulan ng pangalan ng kaniláng bayan. “Abó na hinukay po.” Hindi ba ipinangalan sa isang maganda at putîng loro? “Abó na hinukay po ang sabi ng titser.” [Naalala ko agad ang alamat ng Kalinga.] Marahil, wala na kasing ibong abukay sa Bataan? Ay, naku! Isa ring malubhang kaso ang naglalahòng mga katutubong flora at fauna para sa Araling Filipinas.
Ferndale Homes
7 Hulyo 2021

https://www.facebook.com/FilipinoNgayon2020/

Thursday, August 12, 2021

Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani

 Lumahok at magtamo ng kaalaman sa Ikalawang Serye ng Webinar na may paksang Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani. Magiging tagapanayam si Asst. Prof. Alvin Ringgo Reyes ng Unibersidad ng Santo Tomas,.


Ipinapaalala na limitado lamang ang slot sa webinar. Sakaling hindi umabot sa rehistrasyon, ang webinar ay mayroong live stream sa facebook page na ito na maaaring tunghayan. Maaari kayong mapagkalooban ng sertipiko sa pasubaling masagutan ninyo ang pormularyo ng ebalwasyon. Magpatala sa https://forms.gle/xW6QMLPMNUtYaSrP6


#webinar
#buwanngwika
#librengwebinar



𝗜𝗞𝗔𝗪 𝗮𝗻𝗴 𝗪𝗜𝗞𝗔: 𝗦𝗲𝗿𝘆𝗲 𝗻𝗴 𝗟𝗲𝗸𝘁𝘂𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗚𝗮𝗺𝗽𝗮𝗻𝗶𝗻𝗴 𝗠𝗮𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼,

Sa pagpapatuloy ng lektura sa Buwan ng Wika na may pamagat na 𝗜𝗞𝗔𝗪 𝗮𝗻𝗴 𝗪𝗜𝗞𝗔: 𝗦𝗲𝗿𝘆𝗲 𝗻𝗴 𝗟𝗲𝗸𝘁𝘂𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗚𝗮𝗺𝗽𝗮𝗻𝗶𝗻𝗴 𝗠𝗮𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼, narito ang ikalawang panayam kung saan tatalakayin ni Prop. Jose Monfred Sy ang Gampanin ng Wika sa Preserbasyon at Edukasyon ng Katutubo.

A luta continua!

Upang magparehistro, magtungo sa link na ito: https://bit.ly/3jyRua1


#buwanngwika
#webinar



Tuesday, August 10, 2021

Dumaló sa Ikalawang Libreng Webinar sa Dokumentasyong Pangwika

 

Dumaló sa Ikalawang Libreng Webinar sa Dokumentasyong Pangwika

 

Bílang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-143 taóng kaarawan ni dáting Pangulong Quezon, at paghahanda sa International Decade of Indigenous Languages (IDIL) 2022–2032, inaanyayahan ang mga mananaliksik, guro, mág-aarál, at may interes sa wika at kultura ng kanilang komunidad sa ikalawang Lágsik*-Wika: Serye ng Webinar sa Pagdodokumento ng Katutubong Wika. Gaganapin ito sa 19 Agosto 2021 (Huwebes), 10–11:30 ng umaga.

 

Layunin ng webinar na lalo pang pasiglahin ang larang ng dokumentasyong pangwika, at mapukaw ang interes ng mga kalahok na maidokumento ang wika ng kanilang komunidad.

 

Libre ang webinar at magkakaloob ng e-sertipiko sa mga aktibong kalahok. Dahil serye ang webinar, hinihiling na panoorin ang unang bahagi nitó sa link na https://bit.ly/UnangLagsikWika

 

Para sa pagpapatalâ, magtungo sa link na https://bit.ly/Lagsik2. Matatanggap ng mga napilìng kalahok ang akses sa zoom isang araw bago ang webinar. Sa mga hindi mapipilì, maaari pa ring sumubaybay sa Facebook live ng Komisyon sa Wikang Filipino. Bukás ang rehistrasyon hanggang 15 Agosto, ganap na ika-11:59 ng gabi.

 

Para sa mga tanong o paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan kay G. Kirt John C. Segui sa email na kjsegui@kwf.gov.ph.

 

Abstrak ng Panayam

 

Pangunahing kahingian at awtput sa pagdodokumento ng wika ang mga nalikom na datos—audio, video, larawan, at dokumento—mula sa isinagawang fieldwork. Mahalaga na wasto ang pagkuha ng datos. Kailangang gumagamit ng angkop na materyal upang mapanatili ang mataas na kalidad at hindi masáyang ang mayamang impormasyon.

 

Sa panayam na ito, tatalakayin ang teknikal na aspekto at mga karanasan sa pagdodokumento ng wika at kulturang Isinay. Bibigyang diin ang ilang teknikal na paghahanda sa pagsasagawa ng fieldwork; mahahalagang paalala sa wastong pagkuha ng larawan at pagrekord ng datos, gayundin ang mga pag-iingat dito. Ilalatag din ang ilan sa mga karaniwang pisikal, teknikal, etikal, o natural na mga suliranin na maaaring makaharap sa gawaing pagdodokumento at kung paano ito matutugunan.

 

Ang Tagapanayam

 

Si G. Alvin B. Felix ay isang Isinay, katutubong pamayanang kultural na matatagpuan sa hilagang Luzon, sa probinsiya ng Nueva Vizcaya. Kasalukuyan siyang kasapì ng Kolehiyo ng Sining at Agham ng Nueva Vizcaya State University (NVSU).

 

Ilan sa kaniyang mga naging gawain hinggil sa wika at kuktura ay ang sumusunod: mananaliksik ng proyekto ng DOH-PITAHC at ng NVSU sa pagdodokumento ng mga kaugalian, kaalaman, at kasanayang pangkalusugan ng mga Ilongot/Bugkalot, Gaddang, Isinay, Iguwak, at Kalanguya-Ikalahan ng Nueva Vizcaya mulang 2016 hanggang 2019; nagsilbing punòng mananaliksik sa proyekto ng KWF na Lingguwistikong Etnograpiya ng mga Wika ng Pilipinas na nakatuon sa wika at kulturang Isinay (2018); at naging punòng gabay sa pag-aayos ng Indigenous Political Structure (IPS) ng katutubong Ilongot/Bugkalot para sa kanilang kasalukuyang pagpapatalâ ng Indigenous Political Organization (IPO) sa NCIP. Aktibo siyang gumagabay at tumutulong sa mga mananaliksik para sa pagsasagawa ng tama at tanggap na pagdodokumento at pagsasaliksik sa mga katutubong Isinay.

 

Siya rin ay kasalukuyang pangíyu o pangulo ng Isinay Advocates Inc., isang samahan na nagtataguyod ng wika at kultura ng mga Isinay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga summit, lektura at pagsasanay, pagbuo ng ortograpiya, pangangalap ng mga salita para sa paggawa ng community dictionary. Liban sa pagtataguyod ng mga buháy na dunong ng mga katutubo, masugid ding tagapagtanggol ang samahan para pangangalaga ng mga tangible cultural heritage.

 

*lágsik ay salitâng Sebwano na ang ibig sabihin ay siglá




 #librengwebinar

#buwanngwika2021

Monday, July 26, 2021

Lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021

 Lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021


Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang lahat na lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021. Ang tema ng pagdiriwang sa taóng ito ay “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”

Pangungunahan ng KWF ang pagdiriwang alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing 1–31 Agosto.

Tampok sa serye ng webinar ang mga dalubhasa sa wika, panitikan, at kultura. Ang unang serye ay gaganapin sa 2 Agosto na may paksang “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo” na ang magiging tagapanayam ay si Prop. Patrocinio V. Villafuerte, isang retiradong propesor at ginawaran ng Dangal ng Panitikan (2020) ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Para sa interesadong lumahok, mangyaring sagutan ang pomularyo ng rehistrasyon https://forms.gle/K4qZ7qt34X31mArr8 






#buwanngwika2021




Wednesday, July 7, 2021

“Ang Tunay na Dekalogo” ni Apolinario Mabini, tatalakayin sa kaniyang ika-157 kaarawan sa 23 Hulyo

 


“Ang Tunay na Dekalogo” ni Apolinario Mabini,  tatalakayin sa kaniyang ika-157 kaarawan sa 23 Hulyo 

Itatampok sa libreng onlayn talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang “Ang Tunay na Dekalogo” ng bayaning si Apolinario Mabini sa kaniyang ika-157 anibersaryo ng kapanganakan  sa 23 Hulyo 2021.

 Tinatawag ang proyekto na Onlayn Talakayan sa mga Babasahín sa Kulturang Filipino at serye ito ng mga libreng sesyon sa pagbása at diskusyon. Layon nitó na magpasigla ng kultura ng pagbabasá at pagbabahagi ng kaalaman sa madla.

 Kinakailangan lámang magpatalâ ang mga kalahok sa https://forms.gle/NYDquHh3oExP31fJ7.  Pipiliin ng KWF ang  30 kalahok para sa nasabing talakayan.

 Ipababása sa mga kalahok ang nasabing teksto at pagkakalooban ng gabay ng video na magpapaunlad ng kanilang danas sa pagbása. Matapos nitó ay lalahok sila sa isasagawang talakayan na gagabayan ng mga kawani ng KWF.

 Tatanggap ang mga makatatapos ng sesyon ng katibayan ng paglahok.

 Si Apolinario Mabini (23 Hulyo 1864–13 Mayo 1903) ay itinuturing na bayaning intelektuwal na nag-ambag sa paghubog ng unang republika sa Asia gámit ang kaniyang haraya at malalim na pag-unawa sa batas.

 Isa sa kaniyang mahahalagang akda, ang Ang Rebolusyong Filipino, ay inilathala ng KWF Aklat ng Bayan noong 2015.

 Sa mga nagdaang sesyon, natalakay na ang mga akda ng mga bayaning manunulat na sina Emilio Jacinto (“Pahayag”) at Antonio Luna (Mga Impresyon). Magkakaroon pa ng ibang talakayan sa mga sumunod na buwan tampok ang iba’t ibang akda ng mga bayaning manunulat ng bansa.

 Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa rrcagalingan@kwf.gov.ph, o bumisita sa kwf.gov.ph.



Monday, June 14, 2021

Buwan ng Wika 2021 (“Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”)

 Buwan ng Wika 2021


“Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”



“Filipino at mga Katutubong Wika
sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuón sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taón partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging "Filipino-centric" na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdámin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at ibá pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at halagáhan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.

Itó rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL2022-2032) na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos (Los Pinos Declaration) na nagtataguyod ng karapatan ng Mámamayáng Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.

Mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan. Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.

Pakikiisa ng KWF sa Programang Pangwika ng UNESCO
Matagal nang nakasuporta ang KWF sa mga programang pangwika ng UNESCO at sa katunayan ay nakapagdaos na itó ng Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika (2018), Seminar-Workshop sa Digital Archiving ng mga Wika (2018), at Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika (2019). Nakapagtatag na rin ng 25 Bantayog-Wika na naglalayong higit na mapahahalagahan ng bawat pámayanáng kultural ang kanilang wika, maging ang pagpapayaman at pagkilála sa mga itó bílang instrumento hindi lámang ng rehiyonal na pagkakakilanlan kundi maging sa pagpapaunlad ng pambansang identidad sa wika. Nariyan din ang programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (2017).

Ano ang Bahay-Wika?

• Programang pangwika para sa batàng may edad 2–4 taóng gulang.
• Isinasagawa dito ang ganap na imersiyon sa wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga batà sa mga tagapagsalita ng katutubong wika, kadalasan ay mga elder.
• Ang diwa ng programa ay mabigyan ng intensive exposure sa iisang wika lámang ang batà at hindi lámang sa pamamagitan ng pagtuturò ng wika, kundi sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kapaligiran na likás na matutuhan (acquisition) ng batà ang wika.
• Inspirado ng programang Language Nest at itinuturing na isa sa pinakamabisang modelo at paraan sa pagbúhay at pagpapalakas ng wika. Ginamit itó at napatunayang epektibo ng ibá’t ibáng organisasyon at samaháng pangwika sa Canada, New Zealand, Alaska, at Hawai’i gaya ng komunidad ng Adam’s Lake sa British Columbia at ang Government of Northwest Territories sa Canada na sumuporta sa 18 language nest program.

Ano ang MALLP?

• Programang pangwika na nakatuon sa isahang pagtuturò ng wika (one-on-one) ng isang mahusay na tagapagsalita ng wika (master) sa isang mag-aarál ng wika na nása hustong gulang na (adult apprentice).

Taóng 2017 nang simulan ang proyektong itó sa komunidad ng Ayta Magbukun sa Bangkal, Abucay, Bataan dahil sa pagnanais ng komunidad na mapasigla ang kanilang katutubong wika. Naisakatuparan din itó sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pakikipag-ugnayan sa ibá’t ibáng ahensiya at lokal na yunit ng pámahalaán na makakatuwang, gaya ng Pamahalaáng Panlalawigan ng Bataan, Lokal na Pamahalaán ng Abucay, DepEd Bataan, NCIP Provincial Office, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO Bataan), NCCA-PCEP, at sa mismong komunidad ng Ayta Magbukun.

Taóng 2020, sinimulan ang Bahay-Wika sa Tahanan (Home Language Nest) bílang pag-adapt sa “new normal” ngayong panahon ng pandemya upang maipagpatuloy pa rin ng komunidad ang pagtuturò ng kanilang katutubong wika sa kanilang kabataan.

Nagkaroon din ng konsultasyon sa ibá’t ibáng sektor gaya ng DOH, DSWD, DA, at BFAR na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng KWF Adyenda sa Pangangalaga ng mga Katutubong Wika noóng 2019 na nakasalig sa prinsipyo ng (1) karapatan (rights) o ang pagtanaw na karapatan ninuman ang paggámit ng sariling wika at pagsasabúhay ng sariling kultura; (2) pagsasáma/pagiging kaisa (inclusion), ang pagkilála sa lahat ng grupo at pagsegurado na silá ay kaisa sa pagbuo ng desisyon lalo na sa usapin ng sarili nilang kaunlaran; (3) pagpapatibay (ratification), ang pagtukoy sa consensus at pagrespeto sa desisyon ng buong pámayanán; (4) pagtutulungan (partnership), o ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at ng komunidad na kaugnay; at (5) pagbibigay-kapangyarihan o pagkilála (empowerment), bílang paraan sa pagtiyak na magtutuloy-tuloy ang mga gawaing itó.

Natukoy din sa Adyenda ang pitóng (7) salik o aspektong mahalaga sa pagpapalakas, pagtataguyod, at pagpapaunlad ng wika at kultura ng mga Pilipino, túngo sa pagkamit ng maginhawang búhay para sa lahat ng katutubong pámayanán sa bansa. Ang mga salik na itó ay ang: Pamamahala (Governance), Kabuhayan (Economics), Edukasyon, Promosyon, Kakayahan (Skills), Kalusugan, at Komunidad.

Bakit mahalaga ang pagbibigay priyoridad sa mga Katutubong Mámamayán at sa kanilang komunidad?

1) Ang mga Katutubong Pámayanán ang bumubuo sa 22% ng kalupaan at 80% ng biological diversity ang nása pangangalaga ng mga itó.
2) Sa pagkawala ng mga Katutubong Pámayanán, "naglalaho din ang biodiversity, at ng sapat na mapagkukunan ng pagkain.” (Kichwa Cotopaxi at Otavalo indigenous activist Ninari Chimba Santillan)
3) Mahalaga ang pangangalaga sa mga Katutubong Pámayanán upang maagapan ang patuloy na pagkawala ng 40% ng mahigit 7,000 wika sa mundo, batay sa pagtatáya ng United Nations Permanent Forum on Indigenous Issues.—The UNESCO Representative in Mexico, Frédéric Vacheron

Hinggil sa mabilis na pagkawala ng mga wika sa mundo ay matindi ang babala ni Thomas N. Headland (2003):

“There are 6,089 languages spoken in the world. Half of these have less than 6,000 speakers each; a quarter (28%) have less than 1,000 speakers; 500 languages have more than 100 speakers; and 200 languages have less than 10 speakers. Conservative estimates are that the world’s language are currently dying at the rate of at least two languages each month, meaning about one third of today’s languages will disappear in the 21st century. Most specialists argue that at least half will die in the next 100 years.”

Kung ganito kalaki o katindi ang kabayaran ng pagkawala ng isang wika ay marapat lámang na maalarma ang lahat ng sektor ng lipunan at pasimulan ang isang kolektibong pagkilos upang maprotektahan ang mga pámayanáng nagkakanlong ng mga katutubong wika.

Ang maka-Pilipinong Pananaw (Filipino-centric) sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino

Ang mahabang panahon ng pagkakapailalim ng bansa sa ibá’t ibáng mananakop ay may tuwirang epekto sa kaasalang pangwika at pangkultura sa kasalukuyan. Ang ginawang pangmamaliit ng España, Estados Unidos, at Japan sa mga Pilipino sa kani-kanilang yugto ng pananakop sa bansa ay nagbunga ng sumusunod:

1. Pagyakap sa kultura o kalinangang banyaga sa hangaring makapantay sa kultura at estado ng mga mananakop (convergence).
2. Pagkiling o mas pinaigting na pagpapahalaga sa sariling kultura at kalinangan upang maipagmalaki sa harap ng mga naghaharing uring mánanákop ang sariling kaakuhan o identidad ng sinakop (divergence).

Ang katotohanang isa ang bansa sa pangunahing tagatangkilik ng mga produktong pampaputî ay patunay ng patuloy na pamamayagpag ng imperyalismong kultural sa bansa. Anupa’t ang Doña Victorina Syndrome (hango sa popular na karakter sa nobelang Noli Me Tangere) ay malimit ihalimbawa ni Dr. Felipe De Leon, dáting Tagapangulo ng NCCA upang ipakita ang matinding obsesyon ng mga Pilipino sa pamantayang Kanluranin na malinaw na halimbawa ng cultural convergence.

Lagánap ang stereotyping sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino partikular na ang deskriminasyon sa paraan ng pananalita ng ating mga kababayang iba ang saltik ng dila kompara sa mga tagasentro. Paulit-ulit ang tahasang pagkutya sa tono o punto sa pagsasalita ng mga taga-Visayas at Mindanao. Lutáng na lutáng maging sa pinilakang tabing ang stereotyping pagdating sa pagpilì ng mga karakter na kadalasang kasambahay o sidekick ng mga bida na ang palagiang identifying mark ay ang pagkakaroon ng tono o puntong Bisaya.

Ang tema ng Buwan ng Wika ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nitó. Ang wika at kultura ay sadyang nakabuhol sa isa’t isa at hindi mapaghíhiwaláy kailanman. Ayon pa kay Zeus F. Salazar (1996):

“Kung ang kultura ay ang kabuoan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman, at karanasan na nagtatakda ng maangking kakanyahan ng isang kalipunan ng mga tao, ang wika ay hindi lámang daluyan kundi, higit pa rito tagapagpahayag at impukan-kuhanan ng alinmang kultura. Walang kulturang hindi dala ng isang wika na bílang saligan at kaluluwa ay siyang bumubuo, humuhubog at nagbibigay diwa sa kulturang itó.”

Ang dekolonisasyon ay pagwawaksi ng pagtatangi o deskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Isinisigaw nitó ang katotohanang ang mga karunungang-bayan at porma ng sining sa bawat sulok ng kapuluan ay karapat-dapat sa respeto, pagkilála, at tangkilik na ibinibigay ng madla sa kulturang popular. Sa katunayan, kailangang maisalin sa wikang pambansa ang mga karunungang bayan upang mabigyan ng pambansang paggalang. Ayon pa kay Salvacion L. Cabaobao-Dime (2004), “kapag naisalin ang mga awtentikong panitikan, magagamit itong mabisang lunsaran sa pagtuturo ng mga aralin sa Filipino.”

Kayâ naman, mahalagang alalahanin sa pagkakataong itó ang isang makabuluhang paalala mula kay Prop. Ligaya Tiamzon-Rubin (1992):

“Katulad ng magkakapatid na nagkahiwa-hiwalay nang magkaroon ng sari-sariling pamilya at tumahak sa kani-kanilang pamumuhay at kani-kanilang paraan ng pagharap at paglutas sa mga sitwasyon at problema, ang mga wika at wikain sa Pilipinas ay nagkaroon ng kani-kanilang anyo at hugis bagamat hawig pa rin.”

Mahalagang alalahanin ang puntong ito sa mga sandaling nása bingit táyo ng pagkutya o paghamak sa ating kapuwa nang dahil lámang sa ating pangkultura at pangwikang pagkakaiba!

Simbolismo sa poster

Ang bangkâ sa kabuoan ay representasyon ng ating Austronesian heritage. Itinatanghal nitó ang perspektiba na ang yaman ng ating lahi ay nása mga wika ng bansa na dalá ng lahing Austronesian na nanirahan sa ibá’t ibáng panig ng kapuluan iláng libong taón na ang nakalilipas. At nang lumáon ay naipalaganap ng ating mga ninuno sa mga bansa sa Dagat Pasipiko mulang Guam at New Zealand hanggang Madagascar sa pamamagitan ng bangkâ. Naging mahalaga ang bangkâ sa ating mga ninuno hindi lámang sa paglalakbay, pagtuklas, pangangalakal, pangingisda, at pamamasyal kundi sa pagpapamalas ng kanilang pagiging bihasâ sa karagatan.

Hindi rin mapabubulaanang naging instrumento ang bangkâ sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Anupa’t ang bangkâ ay isang neutral na simbolo ng ating pagka-Pilipino—mapa-Kristiyano, Muslim, o Katutubo.

Ang alon na binubuo ng pangalan ng mga wikang umiiral sa kapuluan ay paalala na iisa lámang ang pinagmulan ng mga wika sa bansa. Itinatagubilin nitó na ibá-ibá man ang ating mga wika, bahagi táyo ng iisang dagat. Samakatwid, pantay ang halaga ng ating mga wika na dapat igalang at pahalagahan. Anupa’t ang matagumpay na pangangalaga sa lahat ng katutubong wika sa bansa na siyáng mandato ng KWF salig sa Batas Republika Blg. 7104 ay tagumpay natin bílang isang bansa at isang lahi!

Sa hulí, ginagabayan táyo ng bangkâ na lingunin ang ating pagkakatulad sa halip na ang pagkakaiba na siyáng ginamit ng mga mánanákop sa pamamagitan ng polisiyang divide et impera (divide and conquer) kayâ táyo, nagkalayô-layô bílang isang lahi. Tinuruan táyong lumimot ng mga kolonisador sa ating mga pagkakatulad upang hadlangan ang ating pagkabuo bílang isang bansa. Kinondisyon ang ating isip na tanggaping higit táyong mahina at walang kakayahang maging superyor kayâ’t naging alipin táyo ng imperyalismong kultural.

Gayunman, hanggang naririyan ang ating mga wika at katutubong pámayanáng kultural, magsisilbi itóng bukás na pinto at durungawan upang patuloy nating matanaw at mabalikan ang ating nakaraan. Inaanyayahan táyo ng mga karunungang-bayan na nakaimbak sa mga katutubong wika at kumakaway ang mga materyal na kulturang tagapagpaalala ng ating nakaraan. Táyo nang sumakay sa bangkâ, lakbayín ang nakaraan sa pamamagitan ng mga katutubong wika, at muling tuklasin ang ating sarili bílang PILIPINO.

#buwanngwika2021


Buwan ng Wika 2021 DepEd Memo






#depedmemo2021

#buwanngwikadepedmemo2021






Mga Wika

Pangalan ng Wika

Abéllen

Iba pang tawag sa wika (alternate names)

Abenlen, Aburlin,Ayta Abéllen

Pangkat na gumagamit ng wika

Ayta Abéllen

Sigla ng Wika

Tiyak na nanganganib

Klasipikasyon

Central Luzon, Sambalic

Mga kilalang wikain (dialects)

 

Populasyon

7,505 (NCIP Tarlac 2014)

Lokasyon

San Jose, San Clemente, Mayantoc, Camiling, at Lungsod Tarlac sa Tarlac



Pangalan ng Wika

Agta Dumagat Casiguran

Iba pang tawag sa wika (alternate names)

Agta Casiguran

Pangkat na gumagamit ng wika

Agta Dumagat Casiguran

Sigla ng Wika

Di-ligtas

Klasipikasyon

Northern Luzon, Northern Cordilleran, Northeast Luzon, Northern

Mga kilalang wikain (dialects)

 

Populasyon

1, 227 (NSO 2010 R-III)

Lokasyon

Dinalungan, Casiguran, at Maria Aurora sa Aurora; Palanan, Isabela


Pangalan ng Wika

Agta Dumagat Umiray

Iba pang tawag sa wika (alternate names)

Dumagat Umiray, Umirey

Pangkat na gumagamit ng wika

Dumagat

Sigla ng Wika

Tiyak na nanganganib

Klasipikasyon

Northern Luzon, Northern Cordilleran, Northeast Luzon, Northern

Mga kilalang wikain (dialects)

 

Populasyon

7,122  (NCIP  2014 R-IV-A)           

Lokasyon

Dinalungan, Casiguran, at Maria Aurora sa Aurora; Palanan, Isabela


Pangalan ng Wika

Agta Irayá

Iba pang tawag sa wika (alternate names)

Agta, Inagta Iraya, Itbeg Rugnot

Pangkat na gumagamit ng wika

Agta

Sigla ng Wika

Matinding Nanganganib

Klasipikasyon

Greater Central Philippine, Central Philippine, Bikol, Coastal

Mga kilalang wikain (dialects)

 

Populasyon

113 (ang datos ay mula sa 20% percent sample households ng NSO noong 2010

Lokasyon

Silangang bahagi ng lawa ng Buhi partikular sa barangay ng San Buena, Santa Elena, at Iraya (Del Rosario), Buhi, Camarines Sur