Buwan ng Wika 2021
“Filipino at Mga Katutubong
Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”
Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuón sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taón partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging "Filipino-centric" na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdámin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at ibá pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at halagáhan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.
Itó rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL2022-2032) na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos (Los Pinos Declaration) na nagtataguyod ng karapatan ng Mámamayáng Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.
Mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan. Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.
Pakikiisa ng KWF sa Programang Pangwika ng UNESCO
Matagal nang nakasuporta ang KWF sa mga programang pangwika ng UNESCO at sa katunayan ay nakapagdaos na itó ng Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika (2018), Seminar-Workshop sa Digital Archiving ng mga Wika (2018), at Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika (2019). Nakapagtatag na rin ng 25 Bantayog-Wika na naglalayong higit na mapahahalagahan ng bawat pámayanáng kultural ang kanilang wika, maging ang pagpapayaman at pagkilála sa mga itó bílang instrumento hindi lámang ng rehiyonal na pagkakakilanlan kundi maging sa pagpapaunlad ng pambansang identidad sa wika. Nariyan din ang programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (2017).
Ano ang Bahay-Wika?
• Programang pangwika para sa batàng may edad 2–4 taóng gulang.
• Isinasagawa dito ang ganap na imersiyon sa wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga batà sa mga tagapagsalita ng katutubong wika, kadalasan ay mga elder.
• Ang diwa ng programa ay mabigyan ng intensive exposure sa iisang wika lámang ang batà at hindi lámang sa pamamagitan ng pagtuturò ng wika, kundi sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kapaligiran na likás na matutuhan (acquisition) ng batà ang wika.
• Inspirado ng programang Language Nest at itinuturing na isa sa pinakamabisang modelo at paraan sa pagbúhay at pagpapalakas ng wika. Ginamit itó at napatunayang epektibo ng ibá’t ibáng organisasyon at samaháng pangwika sa Canada, New Zealand, Alaska, at Hawai’i gaya ng komunidad ng Adam’s Lake sa British Columbia at ang Government of Northwest Territories sa Canada na sumuporta sa 18 language nest program.
Ano ang MALLP?
• Programang pangwika na nakatuon sa isahang pagtuturò ng wika (one-on-one) ng isang mahusay na tagapagsalita ng wika (master) sa isang mag-aarál ng wika na nása hustong gulang na (adult apprentice).
Taóng 2017 nang simulan ang proyektong itó sa komunidad ng Ayta Magbukun sa Bangkal, Abucay, Bataan dahil sa pagnanais ng komunidad na mapasigla ang kanilang katutubong wika. Naisakatuparan din itó sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pakikipag-ugnayan sa ibá’t ibáng ahensiya at lokal na yunit ng pámahalaán na makakatuwang, gaya ng Pamahalaáng Panlalawigan ng Bataan, Lokal na Pamahalaán ng Abucay, DepEd Bataan, NCIP Provincial Office, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO Bataan), NCCA-PCEP, at sa mismong komunidad ng Ayta Magbukun.
Taóng 2020, sinimulan ang Bahay-Wika sa Tahanan (Home Language Nest) bílang pag-adapt sa “new normal” ngayong panahon ng pandemya upang maipagpatuloy pa rin ng komunidad ang pagtuturò ng kanilang katutubong wika sa kanilang kabataan.
Nagkaroon din ng konsultasyon sa ibá’t ibáng sektor gaya ng DOH, DSWD, DA, at BFAR na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng KWF Adyenda sa Pangangalaga ng mga Katutubong Wika noóng 2019 na nakasalig sa prinsipyo ng (1) karapatan (rights) o ang pagtanaw na karapatan ninuman ang paggámit ng sariling wika at pagsasabúhay ng sariling kultura; (2) pagsasáma/pagiging kaisa (inclusion), ang pagkilála sa lahat ng grupo at pagsegurado na silá ay kaisa sa pagbuo ng desisyon lalo na sa usapin ng sarili nilang kaunlaran; (3) pagpapatibay (ratification), ang pagtukoy sa consensus at pagrespeto sa desisyon ng buong pámayanán; (4) pagtutulungan (partnership), o ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at ng komunidad na kaugnay; at (5) pagbibigay-kapangyarihan o pagkilála (empowerment), bílang paraan sa pagtiyak na magtutuloy-tuloy ang mga gawaing itó.
Natukoy din sa Adyenda ang pitóng (7) salik o aspektong mahalaga sa pagpapalakas, pagtataguyod, at pagpapaunlad ng wika at kultura ng mga Pilipino, túngo sa pagkamit ng maginhawang búhay para sa lahat ng katutubong pámayanán sa bansa. Ang mga salik na itó ay ang: Pamamahala (Governance), Kabuhayan (Economics), Edukasyon, Promosyon, Kakayahan (Skills), Kalusugan, at Komunidad.
Bakit mahalaga ang pagbibigay priyoridad sa mga Katutubong Mámamayán at sa kanilang komunidad?
1) Ang mga Katutubong Pámayanán ang bumubuo sa 22% ng kalupaan at 80% ng biological diversity ang nása pangangalaga ng mga itó.
2) Sa pagkawala ng mga Katutubong Pámayanán, "naglalaho din ang biodiversity, at ng sapat na mapagkukunan ng pagkain.” (Kichwa Cotopaxi at Otavalo indigenous activist Ninari Chimba Santillan)
3) Mahalaga ang pangangalaga sa mga Katutubong Pámayanán upang maagapan ang patuloy na pagkawala ng 40% ng mahigit 7,000 wika sa mundo, batay sa pagtatáya ng United Nations Permanent Forum on Indigenous Issues.—The UNESCO Representative in Mexico, Frédéric Vacheron
Hinggil sa mabilis na pagkawala ng mga wika sa mundo ay matindi ang babala ni Thomas N. Headland (2003):
“There are 6,089 languages spoken in the world. Half of these have less than 6,000 speakers each; a quarter (28%) have less than 1,000 speakers; 500 languages have more than 100 speakers; and 200 languages have less than 10 speakers. Conservative estimates are that the world’s language are currently dying at the rate of at least two languages each month, meaning about one third of today’s languages will disappear in the 21st century. Most specialists argue that at least half will die in the next 100 years.”
Kung ganito kalaki o katindi ang kabayaran ng pagkawala ng isang wika ay marapat lámang na maalarma ang lahat ng sektor ng lipunan at pasimulan ang isang kolektibong pagkilos upang maprotektahan ang mga pámayanáng nagkakanlong ng mga katutubong wika.
Ang maka-Pilipinong Pananaw (Filipino-centric) sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino
Ang mahabang panahon ng pagkakapailalim ng bansa sa ibá’t ibáng mananakop ay may tuwirang epekto sa kaasalang pangwika at pangkultura sa kasalukuyan. Ang ginawang pangmamaliit ng España, Estados Unidos, at Japan sa mga Pilipino sa kani-kanilang yugto ng pananakop sa bansa ay nagbunga ng sumusunod:
1. Pagyakap sa kultura o kalinangang banyaga sa hangaring makapantay sa kultura at estado ng mga mananakop (convergence).
2. Pagkiling o mas pinaigting na pagpapahalaga sa sariling kultura at kalinangan upang maipagmalaki sa harap ng mga naghaharing uring mánanákop ang sariling kaakuhan o identidad ng sinakop (divergence).
Ang katotohanang isa ang bansa sa pangunahing tagatangkilik ng mga produktong pampaputî ay patunay ng patuloy na pamamayagpag ng imperyalismong kultural sa bansa. Anupa’t ang Doña Victorina Syndrome (hango sa popular na karakter sa nobelang Noli Me Tangere) ay malimit ihalimbawa ni Dr. Felipe De Leon, dáting Tagapangulo ng NCCA upang ipakita ang matinding obsesyon ng mga Pilipino sa pamantayang Kanluranin na malinaw na halimbawa ng cultural convergence.
Lagánap ang stereotyping sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino partikular na ang deskriminasyon sa paraan ng pananalita ng ating mga kababayang iba ang saltik ng dila kompara sa mga tagasentro. Paulit-ulit ang tahasang pagkutya sa tono o punto sa pagsasalita ng mga taga-Visayas at Mindanao. Lutáng na lutáng maging sa pinilakang tabing ang stereotyping pagdating sa pagpilì ng mga karakter na kadalasang kasambahay o sidekick ng mga bida na ang palagiang identifying mark ay ang pagkakaroon ng tono o puntong Bisaya.
Ang tema ng Buwan ng Wika ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nitó. Ang wika at kultura ay sadyang nakabuhol sa isa’t isa at hindi mapaghíhiwaláy kailanman. Ayon pa kay Zeus F. Salazar (1996):
“Kung ang kultura ay ang kabuoan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman, at karanasan na nagtatakda ng maangking kakanyahan ng isang kalipunan ng mga tao, ang wika ay hindi lámang daluyan kundi, higit pa rito tagapagpahayag at impukan-kuhanan ng alinmang kultura. Walang kulturang hindi dala ng isang wika na bílang saligan at kaluluwa ay siyang bumubuo, humuhubog at nagbibigay diwa sa kulturang itó.”
Ang dekolonisasyon ay pagwawaksi ng pagtatangi o deskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Isinisigaw nitó ang katotohanang ang mga karunungang-bayan at porma ng sining sa bawat sulok ng kapuluan ay karapat-dapat sa respeto, pagkilála, at tangkilik na ibinibigay ng madla sa kulturang popular. Sa katunayan, kailangang maisalin sa wikang pambansa ang mga karunungang bayan upang mabigyan ng pambansang paggalang. Ayon pa kay Salvacion L. Cabaobao-Dime (2004), “kapag naisalin ang mga awtentikong panitikan, magagamit itong mabisang lunsaran sa pagtuturo ng mga aralin sa Filipino.”
Kayâ naman, mahalagang alalahanin sa pagkakataong itó ang isang makabuluhang paalala mula kay Prop. Ligaya Tiamzon-Rubin (1992):
“Katulad ng magkakapatid na nagkahiwa-hiwalay nang magkaroon ng sari-sariling pamilya at tumahak sa kani-kanilang pamumuhay at kani-kanilang paraan ng pagharap at paglutas sa mga sitwasyon at problema, ang mga wika at wikain sa Pilipinas ay nagkaroon ng kani-kanilang anyo at hugis bagamat hawig pa rin.”
Mahalagang alalahanin ang puntong ito sa mga sandaling nása bingit táyo ng pagkutya o paghamak sa ating kapuwa nang dahil lámang sa ating pangkultura at pangwikang pagkakaiba!
Simbolismo sa poster
Ang bangkâ sa kabuoan ay representasyon ng ating Austronesian heritage. Itinatanghal nitó ang perspektiba na ang yaman ng ating lahi ay nása mga wika ng bansa na dalá ng lahing Austronesian na nanirahan sa ibá’t ibáng panig ng kapuluan iláng libong taón na ang nakalilipas. At nang lumáon ay naipalaganap ng ating mga ninuno sa mga bansa sa Dagat Pasipiko mulang Guam at New Zealand hanggang Madagascar sa pamamagitan ng bangkâ. Naging mahalaga ang bangkâ sa ating mga ninuno hindi lámang sa paglalakbay, pagtuklas, pangangalakal, pangingisda, at pamamasyal kundi sa pagpapamalas ng kanilang pagiging bihasâ sa karagatan.
Hindi rin mapabubulaanang naging instrumento ang bangkâ sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Anupa’t ang bangkâ ay isang neutral na simbolo ng ating pagka-Pilipino—mapa-Kristiyano, Muslim, o Katutubo.
Ang alon na binubuo ng pangalan ng mga wikang umiiral sa kapuluan ay paalala na iisa lámang ang pinagmulan ng mga wika sa bansa. Itinatagubilin nitó na ibá-ibá man ang ating mga wika, bahagi táyo ng iisang dagat. Samakatwid, pantay ang halaga ng ating mga wika na dapat igalang at pahalagahan. Anupa’t ang matagumpay na pangangalaga sa lahat ng katutubong wika sa bansa na siyáng mandato ng KWF salig sa Batas Republika Blg. 7104 ay tagumpay natin bílang isang bansa at isang lahi!
Sa hulí, ginagabayan táyo ng bangkâ na lingunin ang ating pagkakatulad sa halip na ang pagkakaiba na siyáng ginamit ng mga mánanákop sa pamamagitan ng polisiyang divide et impera (divide and conquer) kayâ táyo, nagkalayô-layô bílang isang lahi. Tinuruan táyong lumimot ng mga kolonisador sa ating mga pagkakatulad upang hadlangan ang ating pagkabuo bílang isang bansa. Kinondisyon ang ating isip na tanggaping higit táyong mahina at walang kakayahang maging superyor kayâ’t naging alipin táyo ng imperyalismong kultural.
Gayunman, hanggang naririyan ang ating mga wika at katutubong pámayanáng kultural, magsisilbi itóng bukás na pinto at durungawan upang patuloy nating matanaw at mabalikan ang ating nakaraan. Inaanyayahan táyo ng mga karunungang-bayan na nakaimbak sa mga katutubong wika at kumakaway ang mga materyal na kulturang tagapagpaalala ng ating nakaraan. Táyo nang sumakay sa bangkâ, lakbayín ang nakaraan sa pamamagitan ng mga katutubong wika, at muling tuklasin ang ating sarili bílang PILIPINO.
#buwanngwika2021
Buwan ng Wika 2021 DepEd Memo
#depedmemo2021
#buwanngwikadepedmemo2021
Pangalan ng Wika |
Abéllen |
Iba pang tawag sa wika (alternate names) |
Abenlen, Aburlin,Ayta Abéllen |
Pangkat na gumagamit ng wika |
Ayta Abéllen |
Sigla ng Wika |
Tiyak na nanganganib |
Klasipikasyon |
Central Luzon, Sambalic |
Mga kilalang wikain (dialects) |
|
Populasyon |
7,505 (NCIP Tarlac 2014) |
Lokasyon |
San Jose, San Clemente, Mayantoc, Camiling, at Lungsod Tarlac sa
Tarlac |
Pangalan ng Wika |
Agta Dumagat Casiguran |
Iba pang tawag sa wika (alternate names) |
Agta Casiguran |
Pangkat na gumagamit ng wika |
Agta Dumagat Casiguran |
Sigla ng Wika |
Di-ligtas |
Klasipikasyon |
Northern Luzon, Northern Cordilleran, Northeast Luzon, Northern |
Mga kilalang wikain (dialects) |
|
Populasyon |
1, 227 (NSO 2010 R-III) |
Lokasyon |
Dinalungan, Casiguran, at Maria Aurora sa Aurora; Palanan, Isabela |
Pangalan ng Wika |
Agta Dumagat Umiray |
Iba pang tawag sa wika (alternate names) |
Dumagat Umiray, Umirey |
Pangkat na gumagamit ng wika |
Dumagat |
Sigla ng Wika |
Tiyak na nanganganib |
Klasipikasyon |
Northern Luzon, Northern Cordilleran, Northeast Luzon, Northern |
Mga kilalang wikain (dialects) |
|
Populasyon |
7,122 (NCIP 2014 R-IV-A) |
Lokasyon |
Dinalungan, Casiguran, at Maria Aurora sa Aurora; Palanan, Isabela |
Pangalan ng Wika |
Agta Irayá |
Iba pang tawag sa wika (alternate names) |
Agta, Inagta Iraya, Itbeg Rugnot |
Pangkat na gumagamit ng wika |
Agta |
Sigla ng Wika |
Matinding Nanganganib |
Klasipikasyon |
Greater Central Philippine, Central Philippine, Bikol, Coastal |
Mga kilalang wikain (dialects) |
|
Populasyon |
113 (ang datos ay mula sa 20% percent sample households ng NSO noong
2010 |
Lokasyon |
Silangang bahagi ng lawa ng Buhi partikular sa barangay ng San Buena,
Santa Elena, at Iraya (Del Rosario), Buhi, Camarines Sur |