WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 1)
Isang kamay ang nakatabig ng maliit na kahon mula sa ilog habang nakalusong. Ang may-ari ng kamay ay isang bulag na lalaki. Kinuha niya ang kahon at iniabot sa kasamang kaibigang babae. Binuksan iyon ng babae at nagulat sa laman niyon.
"Dalawang kuwintas, ang isa ay sunog na, pero dito sa isa, may nakasulat sa pendant!"
"Pwede mo bang basahin ang nakasulat?"
"N-no other love..." sabay tingin ng babae sa kaibigang bulag.
"Ah,okay, sige sa'yo na 'yan, kala ko naman kung ano na."
" Dalawa naman 'to e di tag-isa tayo! "
" Tapos sa akin mo ibibigay 'yung sunog? " ani Angelito.
Napangiti si Twinkle.
" O sige na nga, sa'yo na'tong hindi sunog, pakikinisin ko na lang 'tong isa. Basta itabi mo 'yan ha, souvenir 'yan ng unang pagpunta natin dito sa ilog. Sa susunod, sa park naman kita dadalhin! "
Sinalat ni Angelito ang pendant ng kuwintas na ibinigay sa kanya ni Twinkle. Napakunot ang noo niya.
" Ang daya mo, porket 'di ko nakikita, sunog kaya 'tong binigay mo sa'kin! "
Natawa si Twinkle.
" Joke lang, kung makakalusot, o eto na talaga totoo na'to!"
"Joke lang din. Ok lang kahit sunog ito, hindi ko naman ito makikita e. Ang mahalaga, ikaw, nakikita mo at nababasa mo ang nasa kuwintas."
"Ay salamat naman!"
Saglit na katahimikan.
" Twinkle, hindi ka ba nagsasawa sa kakaakay sa'kin kung saan saan? "
" Bakit naman ako magsasawa, alam mo Angelito, mula nang makita kitang binubully ng mga kapwa natin teenager, sinabi ko na sa sarili ko na ako ang magiging kaibigan mo na poprotekta sa'yo at magpapasaya sa'yo sa lahat ng oras! "
" E diba binubully ka rin nila kasi naniniwala sila na lahi kayo ng mangkukulam? "
" Hmp! Hayaan na lang natin sila."
"P-pero totoo ba na may lahi kayo ng mangkukulam?"
Nang biglang kumulog at kumidlat.
"A-Angelito, kailangan na nating umuwi!"
"Oo nga, nakakatakot ang kulog at kidlat."
Akay ni Twinkle si Angelito habang tumatakbo sila. Nagsimulang pumatak ang ulan.
"Ay, ayan na mababasa na tayo!" nakatawa pang sabi ni Twinkle.
Masaya silang naglakad takbo sa gitna ng bumubuhos na ulan.
Nang isang kotse ang tila nawalan ng preno at humahagibis na tumumbok sa kanilang direksyon.
Nahagip ng kotse si Angelito.
"ANGELITOOOOO!" ang ubod lakas na sigaw ni Twinkle.
Ospital.
"Twinkle, tayo na, umuwi na tayo." si Aling Toyang.
"Pero nanang, gusto ko muna pong makausap si Angelito!"
"Huwag matigas ang ulo mo. Tayo na!"
Nilingon pa ni Twinkle ang kuwarto sa ospital na pinagdalhan kay Angelito.
Mula sa kababata at matalik na kaibigang si Yanni ay nalaman ni Twinkle ang isang hindi magandang balita.
"Sabi ng mama ko, 'yung doktor na nakasagasa kay Angelito ay walang anak, e diba si Angelito wala ring mga magulang, nakikitira lang sa masungit niyang tiyahin na lagi siyang pinapalayas kasi bulag siya, kaya aampunin na lang daw ng doktor at dadalhin sa America para doon ipagamot! "
" A-aalis si Angelito sa lugar natin, iiwan na niya ko? "
" E ano naman, para sa ikabubuti naman niya 'yon! "
Mula sa kinauupuang kahoy ay tumayo si Twinkle at...
" Hindi pwede, hahabulin ko siya, pipigilan ko siya! "
Lumabas ito ng bahay at nagsimulang tumakbo.
" Twinkle sandali! " habol ni Yanni.
" Huwag mo na'kong pigilan Yanni, kailangan kong maabutan si Angelito!"
"Sandali lang sabi eh!"
"Huwag mo na sabi akong pigilan eh!" sigaw ni Twinkle na patuloy pa rin sa pagtakbo.
"Bahala ka nga, hindi pa naman sila ngayon aalis eh!"
Biglang napapreno sa pagtakbo ang dalagita sabay lingon kay Yanni.
"H-hindi pa ngayon?"
"Oo hindi pa. Pagmagaling na si Angelito mula sa pagkakabundol, saka aayusin pa ng doktor 'yung mga papel sa pag-aampon at kakausapin pa no'n syempre yung masungit na si Aling Matilda."
"E bakit hindi mo sinabi agad?"
"E pa' no hindi pa nga ako tapos magkuwento bigla ka na lang mananakbo dyan, tara balik na tayo sa inyo, may ikukuwento pa nga ako eh, pansin ko lang ha, masyado ka yatang apektado?"
"Di naman sa gano'n... Napalapit lang talaga ang loob ko kay Angelito... Kaya sana hindi kami magkalayo..."
"Hmmm, I smell something..."
"Hoy hindi noh, basta special siya sa'kin 'yun lang." pagkakaila ni Twinkle sa nais tumbukin ng kaibigan.
"Ayieeee, inlab ang ale!" tukso pa ni Yanni.
"Tseh!" sabay irap naman ni Twinkle.
Pero sa ayaw man at sa gusto ni Twinkle ay nakatakda silang paglayuin ng tadhana.
"Ang daya daya mo Angelito... Hindi ka man lang nagpaalam sa'kin!" umiiyak na sabi ni Twinkle habang nakadungaw sa bintana at nakatingala sa isang eroplano na nasa himpapawid. Iniisip na nakasakay na roon ang kaibigan.
Nilapitan ni Aling Toyang si Twinkle.
" Hayaan mo na siya, may mas importante kang dapat gawin. "
" Ano po 'yon nanang?"
"Ito..." sabay abot ni Aling Toyang ng itim na aklat kay Twinkle.
"P-pero nanang, 16 pa lang po ako!"
"Mabuti nang hangga't maaga ay matutunan mo na ito lahat, upang pagdating ng tamang panahon ay mapasa' yo ang pinakaaasam ng lahat ng mga kalahi nating mangkukulam, ang itim na bato na nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan sa kulam!"
"Pero nanang..."
"Wala ng pero pero, nabigo akong mapasaakin iyon kaya ikaw na lang ang pag-asa ko para mapunta iyon sa ating pamilya. Sa ngayon ay nasa pangangalaga iyon ng pinakamatandang mangkukulam na si Ka Upeng, dapat ikaw ang mapili niyang pagpasahan niyon pagdating ng tamang panahon, naiintindihan mo ba Twinkle Amorsolo? "
Labag man sa kalooban ay marahang tumango si Twinkle.
" Hmp, bakit kasi kailangan pang hangarin ang batong itim na 'yon, ang dami namang bato riyan sa labas... " bulong ni Twinkle.
" Anong sinabi mo? "
" Ahm, wala po nanang, sabi ko pagnakuha ko ang bato, isusubo ko at sisigaw ako ng Darna!"
"Darna, darna?" kunot noo, sabay kurot ni Aling Toyang sa beywang ng anak.
"Aray ko po nanang, joke lang naman po eh!"
"Hindi mo ba alam, na kapag natutunan mo ang mga nilalaman ng aklat ay maaari mong makita ang iyong true love sa mahiwagang kawa?"
Nangislap ang mga mata ni Twinkle.
"Talaga po?"
"Oo naman, kaya lang..."
"Kaya lang ano?"
"Wala, a basta, simulan mo ng pag-aralan ang nilalaman ng aklat na 'yan!" sabay talikod na ni Aling Toyang sa anak.
"Si nanang talaga, pabitin din eh!"
Ang problema, tamad magbasa si Twinkle. Kaya' t ang itim na aklat ay tinutulugan niya lang at ginagawang unan. Kung minsan ay natutuluan pa niya ito ng laway.
Minsan naman ay pinanghahampas niya ito ng lamok o kaya naman ay langaw.
Pero kapag sinisilip siya ng kanyang ina ay nagkukunwari siyang interesado at nakapokus sa kanyang binabasa kahit ang totoo ay pocketbook ang binabasa niya na nakakubli sa loob ng itim na aklat.
Magugulat pa ang kanyang ina kapag nakitang natatawa siya sa kanyang binabasa.
"Twinkle, may nakakatawa bang nakasulat sa itim na aklat?" kunot noong tanong ng ina.
"Ahm, m-meron po nanang, 'yung kasing formula sa paggawa ng gayuma, m-may kasama raw butiki!" pagkakaila ni Twinkle. Kahit ang totoo ay sa binabasang romance comedy na pocketbook talaga siya natatawa. Minsan naman ay nakita siya nitong napapaiyak.
"O, ano naman ang nakakaiyak diyan sa itim na aklat?"
"A wala po nanang. Napuwing lang po ako."
Matuling lumipas ang sampung taon. Ang 16 years old na si Twinkle ay 26 na. Sa kabila ng patamad tamad niyang pagbabasa ay nasa ulo na rin niya ang nilalaman ng itim na aklat. Subalit sa kabila rin ng maraming taon na lumipas ay hindi pa siya nagkaroon ng lovelife. Ito ay dahil sa nag-iisang lalaki na pinakahihintay hintay niyang bumalik.
Nagtungo siya sa tagong kubo nila sa gitna ng masukal na kakayuhan. Malungkot siyang naupo sa harap ng kawa at inimadyin doon ang mukha ni Angelito.
"Haist, hindi na kaya talaga siya babalik?"
Sinulyapan ni Twinkle ang itim na aklat na nakapatong sa ibabaw ng mesang kahoy.
"Ano kaya kung gamitan ko na siya ng gayuma o kulamin ko na siya para mapabalik lang siya rito... Kung hindi ko 'yon gagawin, baka tumanda na lang akong dalaga kakahintay sa kanya..."
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 2)
26 na si Twinkle. Pero wala pa rin siyang lovelife dahil hinihintay pa rin niya ang pagbabalik ni Angelito.
"Ano kaya kung gamitan ko na siya ng gayuma, kulam, salamangka para lang bumalik na siya!"
Napabuntong hininga ang dalaga habang nakatitig sa kawa.
"Parang ang bad naman no'n...pero nasaan na kaya siya ngayon, may girlfriend na kaya siya, asawa, anak, oh no, 'wag naman sana, sana alone rin siya at iniisip din niya 'ko!"
Dahil hindi siya makapagdecide kaya't kinonsulta niya ang bestfriend niyang si Yanni.
Magkasabay silang naglalakad habang naglalako ng bikong paninda ni Twinkle.
"Beshy girl, pag ginawa mo 'yon para mo na ring inamin sa sarili mo na desperada ka na talaga!"
"Desperada agad... Namimiss ko lang naman siya eh..."
"Bakit hindi mo na lang i-search 'yung social media account niya?"
"Ang problema, wala yata siya no'n, kasi ilang beses ko na 'yon ginawa."
"E si Aling Matilda, nasubukan mo na bang tanungin?"
"Ang lagi niyang sagot, wala na akong balita at wala na akong pakialam sa mokong na 'yon!"
"Kung gano'n, simulan mo na."
"Simulan ang ano?"
"Simulan mo na siyang kalimutan na dapat ay noon mo pa ginawa."
Natigilan si Twinkle.
"O ano, hindi mo keri, haist, ewan ko ba sa'yo kung anong nakita mo sa julag na 'yon, ni hindi niya nga alam kung anong hitsura mo, andyan naman si Bokyo na handang magpakulam sa'yo!"
"Ang puso hindi nakakakita, kundi nakadarama."
"Ayiieee, but wait, speaking of Bokyo, siguradong papakyawin na naman niyan ang paninda mo 'yun oh!" sabay nguso ni Yanni sa papalapit na binata.
Nakangiting lumapit si Bokyo sa kanila. Hindi kagwapuhan si Bokyo kung ikukumpara kay Angelito. Pero masaya siyang kasama kaya't kahit paano ay naaaliw sa kanya ang magkaibigang Twinkle at Yanni.
" Hi Twinkle my labs! " bati nito.
" My labs ka dyan, o ano magkano ang bibilhin mo?" tanong ni Twinkle.
"Magkano ka ba, ang ibig kong sabihin 'yung biko mo?" biro ni Bokyo.
"Sampung hiwa na lang ito, kaya 100 na lang para sa' yo."
"E teka, pa'no ba 'yan 90 na lang itong pera ko."
Nagkatinginan sina Twinkle at Yanni.
"Style mo bulok,!" sabay na sabi ng dalawa.
"O sige na, discount mo na 'yung isa, tutal naman lagi mong pinapakyaw ang biko ko at saka isa pa siguradong matutuwa na naman ang mga palaboy sa kalsada dahil mapapakain mo na naman sila ng biko ni nanang!" ani Twinkle.
"Sigurado 'yon, salamat ha. Siyanga pala Twinkle, Yanni, pupunta ba kayo sa meeting mamaya?"
Tumingin si Yanni kay Twinkle.
"O 'wag mong sabihing ako na naman ang pagdedesisyunin mo?" kunot noong sabi ni Yanni.
Ang meeting na tinutukoy ni Bokyo ay ang pulong ng mga mangkukulam sa isang tagong bahagi ng kakahuyan.
Hindi interesado si Twinkle sa pagpupulong na ito pero kailangan niyang dumalo dahil sa kagustuhan ng ina.
Si Max ang namumuno sa lahat ng mga mangkukulam sa kanilang lugar.
"O, kumpleto na ba tayo?" tanong ni Max.
Nagtinginan ang mga mangkukulam at nagsitanguan.
"Kung gano'n, simulan na natin ang pulong na ito."
Maghihikab si Twinkle kaya't palihim siyang kukurutin ni Aling Toyang sa tagiliran.
"Hoy, mahiya ka nga, hindi pa man nagsisimula ang pulong inaantok ka na?" paasik na bulong nito.
"E nanang, kabisado ko na po ang itatakbo ng meeting na'to e, tungkol na naman po sa itim na bato na inaasam ng lahat ng mga mangku." sagot na pabulong din ng dalaga.
"Mangku?"
"Mangkukulam po."
"Ehem, Ka Toyang may problema ho ba?" tanong ni Max nang mapansin ang pagbubulungan ng mag-ina.
"Ah wala ho Pinunong Max!"
Tiningnan ni Max si Twinkle bago ipinagpatuloy ang pagsasalita.
"Sa mga kadalagahan at kabinataan na narito, sa inyo nakasalalay ang kinabukasan ng ating lahi. Kaya't sana ay seryosohin nyo ang tagisan ng inyong galing sa nalalapit na pagbilog ng buwan. Kailangan na mapatunayan nyo kay Ka Upeng, ang sinauna at pinakamatandang mangkukulam na siyang may hawak ng batong itim, na isa sa inyo ang karapat dapat na magtaglay ng pinakamalakas na kapangyarihan ng mangkukulam. Ako, bilang inyong pinuno ay susuportahan kayo sa abot ng aking makakaya alang-alang sa kapakanan ng ating lahi!"
" Mabuhay ang mga mangkukulam! " malakas na sigaw ng kambal na mangkukulam na sina Wenna at Wella.
" Mabuhay! " segunda naman ng iba pa.
" Mabuhay... " ang walang buhay naman na sabi ni Twinkle.
Matapos ang pagpupulong ay nagdiretso si Twinkle sa kubo kung saan naroon ang kawa nilang mag-ina.
Malungkot siyang naupo sa harap ng kawa at muling inimadyin ang mukha roon ni Angelito.
"Kung sakali man na magkita tayo ulit... Matatanggap mo kaya ang katotohanan na totoo ang ibinibintang sa akin noon ng mga bully na lahi kami ng mga mangkukulam? At kapag ako ang nagwagi sa batong itim na 'yon, magkakaroon ako ng malaking responsibilidad sa aming lahi... Haist, ang hirap naman mag-isip kapag wala rito ang iniisip mo... "
Biglang may kumislap sa isip ni Twinkle.
" AHA!"
Kinuha niya ang aklat na itim at dinala iyon sa harap ng kawa.
" Hmmm, masubukan nga kung makakaya kitang makita rito sa kawa! "
Nilagyan ni Twinkle ng tubig ang kawa at bumigkas ng mga nalalaman niyang mahiwagang salita mula sa aklat.
Pero walang ni katiting na naging paggalaw sa tubig.
Sinubukan naman niyang gawin ang mga formulang nalalaman niya subalit bigo pa rin siya na makita ang kinaroroonan ni Angelito o ang mukha man lang nito.
"Hmp! Ang daya naman, sabi ni nanang kapag natutunan ko lahat ang nilalaman ng aklat, makikita ko na ang true love ko sa kawang ito, pero bakit gano'n, wa epek?"
Inis na ibinuhos na lang ni Twinkle ang lahat ng laman ng boteng pinag-eksperimentuhan niya sa kawa na may tubig.
" Oh 'yan, wala naman kayong kwenta kaya magdisappear na lang din kayo sa tubig! "
Patalikod na si Twinkle para lumabas ng kubo nang bigla niyang marinig ang pagkulo ng tubig mula sa kawa.
Lumingon siya at nagulat.
"HUH?"
Lumapit siyang mabuti at matamang tinitigan ang nagaganap sa tubig na nasa kawa.
Natulala siya nang unti-unti ay mabuo ang mukha ng isang lalaki.
"S-SINO 'TO?"
KLAP! KLAP! KLAP!
Matutunog na palakpak iyon mula sa kanyang ina na biglang sumulpot sa pintuan ng kubo.
"Magaling, mahusay, nagawa mong palabasin sa kawa ang isang imahe ng lalaki at siya ang true love mo!" tuwang tuwang sabi ni Aling Toyang.
"T-truelove?"
"Oo, hindi ba't sinabi ko sa'yo na makikita mo ang true love mo sa kawa kapag natutunan mo na ang lahat?"
"Pero nanang, hindi ko ho kilala ang lalaking 'yan!"
"Kilala mo man siya o hindi, ang mahalaga ay siya ang ipinakita sa'yo ng kawa na balang araw ay makakasama mo!"
"S-siya... Hindi si Angelito?"
"Huwag mo munang isipin 'yan, sabihin mo sa akin ang formulang ginamit mo, magagamit mo ito sa nalalapit ninyong tagisan ng galing sa pagbilog ng buwan!"
"Ha, e, nanang, nakalimutan ko na po eh..."
"ANO?"
Lingid sa mag-ina ay may lihim na nagmamanman sa kanila sa kubo.
Ang kambal na mangkukulam na sina Wenna at Wella.
Habang daan pauwi ay...
"O ano Wella, natandaan mo ba ang ginamit niyang formula?"
"E hindi eh..."
"Ano, so para saan pa ang ginawa nating pagmamanman?"
"E at least nalaman natin 'yung bago niyang kakayahan, ang galing niya diba? "
" iiihhh! So ano followers ba niya tayo para tuklasin at hangaan ang kakayahan niya?" nagpipigil sa inis na sabi ni Wenna.
"O sige na, 'wag ka na magalit, aalamin ko ulit!" ani Wella na nakayuko.
Bumalik ito sa kubo. Sinundan din siya ng kakambal.
"Opo nanang, aalalahanin ko pong pilit ang formulang ginamit ko." nakayuko ring sabi ni Twinkle sa kanyang ina.
"Utang na loob anak kailangan mong maalala!"
Naiiling na lumabas na si Aling Toyang sa kubo at naiwan si Twinkle.
"Haist, bigla tuloy akong namroblema dahil sa'yo, tsk tsk!" sisi ng dalaga sa mukhang nakarehistro pa rin sa kawa.
"Pero infairness, ang wafu mo naman, kaya lang hindi ikaw si Angelito ko, kaya ekis ka sa'kin!"
Ilang ulit na sinubukang muli ni Twinkle ang formula. Sa tuwing magkakamali siya ay hinahagis niya ang basyo ng plastik na bote sa bintana at may lihim na natatamaan.
" Ouch, ang sakit no'n ha! " reklamo ni Wella.
" Umilag ka kasi! " inis na sabi naman ni Wenna.
Dahil sadyang antukin ay nakatulugan na ni Twinkle ang ginagawa. Maging ang kambal na nagmamanman sa kanya sa labas ng kubo ay nakatulog na rin sa pinagkukublihan ng mga ito. Nahawa sa antok niya.
Ang mukha ng lalaking rumehistro sa kawa, sa mga sandaling iyon ay tumapak na ang paa sa kanilang bayan sa Sta. Rosa.
Sa pagbaba nito sa kotse ay nilibot ng paningin nito ang isang malawak na lupain.
Kasunod nitong bumaba sa kotse ang bestfriend na si Brian.
"What do you think Lucas?"
"Maganda ang lokasyon na'to, I think this will be the best place para sa itatayo nating resort!"
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 3)
Inilinga ni Lucas ang tingin niya sa malawak na lupain.
"I think, this will be the perfect place para sa itatayo nating resort!"
"Sabi na nga ba magugustuhan mo eh!"
"Ok Brian, ikaw na ang bahalang mag-asikaso ng bagong project natin sa Manila, ito muna ang tututukan ko."
"W-w-wait, 'wag ganun bro, sabi mo tayong dalawa ang mag-aasikaso ng project na'to?"
"Teka, ano bang ipinaglalaban mo rito?"
Napangisi si Brian bago sinagot ang tanong ni Lucas.
"E, tagarito kasi 'yung bago kong gf..."
"Ayun, so paano ka makakatutok sa project na'to kung may iba kang aasikasuhin dito?"
"Ok lang naman 'yon, remember nung nasa America ka pa, ilang projects 'yung pinagsabay sabay ko pero hindi naman ako napahiya sa'yo diba, successful lahat!"
"Ok fine. Make sure na hindi ka papalpak just because of that girl."
"Sure na sure 'yan 100%!"
Nang bigla silang matigilan.
"Ano 'yon?" tanong ni Brian na napalinga sa paligid dahil sa narinig nilang kakaibang tunog na nakakapangilabot.
Iginala rin ni Lucas ang mga mata.
"Ang weird, but that's nice, mas mapi-feel ng mga clients natin ang nature kapag may mga ganyang tunog." ani Lucas.
"Pero nakakatakot din ha, parang likha ng mga mangkukulam!"
Natawa si Lucas sa sinabi ni Brian.
"Do you believe that?"
"Sa mga witch, oo naman."
"Crazy. Let's go. May meeting pa'ko with Engineer Gomez."
Ang pinanggagalingan ng tunog na narinig nina Lucas at Brian ay mula sa pag-oorasyon ni Twinkle na nasa kubo pa rin ng mga sandaling iyon.
Agad siyang pinuntahan ng kanyang ina.
"Twinkle!"
Napahinto si Twinkle sa ginagawa at napalingon sa ina.
"Nanang, bakit po?"
"Nababaliw ka na ba, ilang beses ko bang kailangang ulit-ulitin sa'yo na hindi mo pwedeng lakasan ang pag-oorasyon mo, napakadelikado, una, baka malaman ng mga tagarito ang lihim natin dito sa kakahuyan, pangalawa, baka may makarinig sa'yong mga kalaban!"
"E, sorry na po nanang, na-carried away lang po ako. Kailangan kasi buhos ang isip at puso sa pag-oorasyon para maging effective, as in bigay na bigay, todo to the max!"
"Alam ko, pero kailangan din nating mag-ingat, lalo na at dumarami ngayon ang nabibiktima ng kulam!
Napatayo si Twinkle mula sa harapan ng kawa.
" Nabibiktima ng kulam? "
" Oo, 'yung anak ni Aling Lumen na si Barbara, ang daming tumubo sa katawan, unang tingin ko pa lang, alam ko na agad na merong kumukulam sa kanya."
"P-pero bakit at sino ang gumawa no'n sa kanya?"
Luminga muna sa paligid ng kubo si Aling Toyang bago sinagot ang tanong ng anak.
"E ang hinala ko, si Alyanna. Hindi ba't tinalo siya ni Barbara sa nakaraang beauty contest?"
Napatango si Twinkle.
"Nanang, may maitutulong po ba tayo kay Barbara?"
"Naku anak, huwag na, ayokong makialam, baka tayo pa ang mapahamak."
"Pero nanang, ikaw na rin po ang nagsabi sa akin na ang pagiging mangkukulam natin ay para sa kabutihan. Kaya bakit tayo magkakait ng tulong?"
Hindi nakakibo si Aling Toyang.
"Yung langis na ginawa mo nanang, makakatulong 'yon kay Barbara diba?"
Marahang tumango si Aling Toyang.
"Pero Twinkle anak, ayokong pagdudahan tayo ng mga tao at gayundin ng mga kalahi natin. Sa oras na malaman nila na sinabotahe natin ang gawain ng kalahi natin siguradong hindi nila tayo maiintindihan at may mangyayaring gulo."
"Huwag kang mag-alala, hindi mangyayari 'yon nanang, ako pong bahala."
"Anong iniisip mo?" kunot noong tanong ni Aling Toyang.
"Relax!"
Gabi.
Urong sulong si Twinkle sa paglapit sa bahay nina Barbara. Dala ang bote ng langis. Kinailangan niyang magdisguise para walang makakilala sa kanya. Suot ang jacket na may hood ay maingat niyang nailapag ang bote ng langis sa pintuan. Nakadikit sa bote ang kapirasong papel na may nakasulat na 'gamot sa kulam, ipahid mo lang'.
"Ayos..."
Nagmamadali siyang tumalilis.
Patawid na siya sa kalsada nang isang kotse ang humahagibis na bumundol sa kanya.
Agad bumaba ang nasa manibela ng kotse at nilapitan ang dalaga.
Si Lucas.
"Sir!" anito subalit nagulat ito nang pagtingin sa mukha ng nasagasaan niya ay babae pala hindi tulad ng inakala niyang lalaki ito dahil sa kasuotan.
"M-miss?"
Saglit na natigilan si Lucas at napatitig sa mukha ng dalaga.
Pinulsuhan niya ang biktima . Nabuhayan siya ng loob nang maramdaman pa ang pintig sa pulso at leeg nito.
Agad niyang binuhat ang dalaga at ipinasok sa kotse.
Dinala niya ito sa pinakamalapit na ospital.
Unti-unting nagmulat ng mga mata si Twinkle. Sa nanlalabo niyang paningin ay naaninag niya ang mukha ng lalaking ipinakita sa kanya ng kawa.
"I-ikaw?"
Subalit...
"Ako ito anak, ano bang sinasabi mo?"
"Huh?"
"Mabuti naman at nagising ka na."
"Nanang, nasaan tayo, anong ginagawa natin dito?"
"Magpasalamat tayo sa Diyos at hindi masama ang pagkakabundol sa'yo ng lalaking 'yon, kung hindi'y ako mismo ang kukulam sa kanya!"
"Nabundol po ako?"
"Oo, ng isang kotse. Tinawagan lang ako ni Yanni, dahil siya ang nakakita sa' yo na dinala ng lalaking 'yon dito sa ospital."
Bagong nurse pa lang si Yanni sa ospital na iyon.
" Nanang, sino po ba 'yung lalaking nakabundol sa'kin?"
"Huwag mo ng kilalanin, suplado, antipatiko, at..."
"At ano po nanang, gwapo?"
"At siya ang lalaking nakita mo sa kawa!"
"Ang true love ko???"
"Sshhh, alam mo kung minsan 'yung kawang 'yon nama-mrank lang eh, prank lang 'yon, e doon ko rin nakita ang ama mo na forever ko, pero wala naman palang forever, dahil ang hudas mong ama kinalantari ang ina ng kambal na sina Wenna at Wella. Buti nga sa kanya at kinuha na siya ni Lord!"
" Nanang! "
" Sorry anak, nadala lang ako."
" Nanang, gusto ko pong makita 'yung nakabundol sa' kin. "
" E nagmamadali ngang umalis, busy daw siyang tao kaya huwag ka ng umasa. At isa pa, may problema tayo. "
" Ano po 'yon? "
Hininaan ni Aling Toyang ang boses niya.
"Mabilis ang naging epekto kay Barbara ng langis na ibinigay mo. Kaya siguradong magkakaroon ng pagsisiyasat sa mga mangkukulam."
"Basta panindigan lang po natin na wala tayong kinalaman do'n." mahina ring tugon ni Twinkle.
"A basta, kinakabahan ako, kaya huwag mo na uulitin ang gano'n, tingnan mo napahamak ka na, baka mapahamak ka pa ulit kapag nalaman nila ang totoo."
Hindi na kumibo si Twinkle.
Hindi nagkamali ng hinala si Aling Toyang. Galit na galit si Alyana nang malaman na may sumabotahe sa kanyang pangungulam.
" Pinunong Max, may batas tayo na walang sinuman sa atin ang may karapatang makialam sa gawain ng bawat isa as long as hindi ito nakakaapekto sa ating lahi. Personal kong problema si Barbara kaya akin siya!"
"Huminahon ka muna Alyanna. Hayaan mo't paiimbestigahan ko ang kasong ito."
"Gusto ko ng agarang kasagutan pinuno, kailangang managot ang may gawa ng pananabotaheng ito!"
Sa bahay ng kambal na mangkukulam.
"Wella, naiisip mo ba ang naiisip ko?" tanong ni Wenna na nakapamintana.
"Kambal lang tayo sa mukha pero hindi iisa ang isip natin kaya pa'no ko naman mahuhulaan?"
Humarap si Wenna sa kakambal.
"Sa lahat ng mga mangkukulam dito, sina Alyanna at Twinkle lang ang alam kong mahigpit nating magiging kalaban para sa batong itim. Ngayon na umuusok sa galit si Alyanna dahil sa sumabotahe sa gawain niya, bakit hindi natin idiin si Twinkle. Kapag nag-away silang dalawa, mawawala ang pokus nila sa itim na bato, at tayo na ang magwawagi!"
" Paano? "
Lalapit si Wenna kay Wella at ibubulong dito ang plano.
Naghahanda na si Twinkle para sa paglalako ng panindang biko nang makatanggap ng tawag mula kay Yanni.
"Beshy, ihanda mo ang sarili mo, baka puntahan ka nila pinuno. Nakasagap ng balita si mudra ko na ikaw ang itinuturo ng kambal na sumabotahe kay Alyanna. Besh hindi kita matutulungan, naka-duty ako sa ospital kaya ingat ka na lang!"
"Teka, paanong..."
"Usap ulit tayo mamaya, kailangan ko ng ibaba itong phone."
"Ok. Salamuch."
"Anak, ako na ang maglalako niyan, kakalabas mo lang ng ospital kaya magpahinga ka na lang muna."
Hindi pa nakakasagot si Twinkle ay natanaw na nila ang grupo ni Max na paparating kasama ang kambal na mangkukulam.
Nagkatinginan ang mag-ina.
"Nanang, huhulihin na yata nila ko?"
"Hindi. Akong bahala sa'yo."
Nang makalapit si Max ay diretso niyang sinabi sa mag-ina ang pakay.
"Toyang, kailangan sumama sa amin ni Twinkle upang maimbestigahan. May nakakita sa kanya na siyang tumulong sa biktima ni Alyanna."
"Teka Pinunong Max, anong sinasabi mo?"
"Ayon kay Wenna, silang dalawa ni Wella ang nakakita kay Twinkle na nanggaling sa bahay ni Barbara."
"Sapat na bang basehan 'yon para pagbintangan nyo ang anak ko?"
"Kaya nga kailangan namin siyang isama upang maimbestigahan."
"Hindi. Hindi nyo maaaring isama ang anak ko. Sa oras na isama nyo siya, alam kong pipigain nyo siya at pilit paaaminin sa kasalanang hindi niya ginawa!"
Hindi sumagot si Max. Sa halip ay dinukot nito mula sa bulsa ang isang botelya at ipinakita iyon kay Aling Toyang.
" Masdan mo Toyang, alam mo kung ano ang ibig sabihin ng pagkulo ng laman ng botelyang ito. Nangangahulugan na hindi kayo nagsasabi ng totoo at meron kayong itinatago."
Nagulat ang mag-ina. Gayundin ang kambal na nagsinungaling din para maipagkanulo lamang si Twinkle.
Hindi nila napaghandaan ang sitwasyon na ito.
Humarap si Aling Toyang sa anak.
" Twinkle, anak... "
" Nanang, sasama po ako sa kanila, huwag ka mag-alala nanang, keri ko 'to."
"Pero..."
Walang nagawa si Aling Toyang. Nakiusap si Twinkle sa ina na huwag na itong sumama.
Alam ni Twinkle na ang tatanggapin niyang parusa kapag nalaman nila kung paano niya ginawa ang pagsabotahe ay limampung palo ng latigo sa likod.
"Aray ko, naiisip ko pa lang, naiiyak na'ko sa sakit... Ayoko, ayokong masugatan ng latigong 'yon ang likod ko!" sa isip ng dalaga.
Kaya naman nang malingat si Max habang naglalakad sila patungo sa kakahuyan ay biglang umiba ng direksyon ang dalaga upang tumakas.
"HOY!" sigaw ni Max kay Twinkle na biglang nanakbo.
"Bahala na!" sa isip ni Twinkle habang sinasagad niya ang bilis ng kanyang pagtakbo matakasan lamang ang sitwasyon na 'yon.
"Habulin nyo!" sigaw ni Max sa mga tauhan. Hindi kasi siya makatakbo ng mabilis dahil sa problema sa tuhod.
May nakita si Twinkle na gate na isasara pa lang ng guard. Sakto namang tumunog ang cellphone ng guard kaya napahinto ito sa pagsasara. Sumalisi siya para makapasok sa loob.
Nang makapasok sa loob ay nakahinga siya nang maluwag. Pero muli siyang nahirapang huminga nang bumangga siya sa matipunong dibdib ng isang lalaki.
Nanlaki ang mga mata niya nang mapagsino ito.
"IKAW?"
"Anong ako, ikaw anong ginagawa mo rito?"
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 4)
Sa pagmamadaling matakasan ang grupo ni Max dahil sa napipinto niyang kaparusahan ay basta na lamang sumalisi si Twinkle sa isang guard papasok sa isang malaking bahay.
Nakahinga na sana siya ng maluwag nang bigla siyang mabunggo sa isang matipunong dibdib.
"IKAW?"
"Anong ako, ikaw anong ginagawa mo rito?"
Sa halip na sumagot ay natigilan si Twinkle. Saglit niyang pinagmasdan ang mukha ng lalaking kaharap.
"A-Angelito?" mahina niyang usal.
"Angelito who?"
"Ikaw, ikaw si Angelito ko!"
"Ok miss, I think you are sick. I know nabundol kita ng kotse ko, pero naipagamot na kita sa ospital at nabayaran ko na rin ang bills mo and Iook at you now, mukhang malakas ka pa sa kalabaw. So just get out of here."
"Teka lang naman, ang harsh no'n. Makikitago lang naman ako kahit ilang oras lang please?" pagmamakaawa ng dalaga.
"Makikitago, bakit anong ginawa mo para maging wanted ka?"
"Wanted agad?"
"Sino ba ang mga nagtatago, diba 'yung mga wanted?"
"Ahm sir, hindi po ako wanted sa mga pulis, wanted ako sa mga... Ano, ahm,... Gangster, oo tama mga gangster sila sa kanto!"
"LHEI!" malakas na tawag ni Lucas.
Agad lumapit ang tinawag.
"Sir?"
"Fix this girl. May meeting lang akong pupuntahan. Pagbalik ko, I don' t want to see her here, maliwanag?" pagkasabi niyon ay tumalikod na si Lucas.
"Yes sir!"
"Grabe siya, ano akala niya sa'kin, sira para i-fix?"
Nilapitan ni Lhei si Twinkle.
"Miss, narinig mo naman siguro ang sinabi ni Sir Lucas?"
"Hindi, wala akong narinig, bingi ako, please nakikiusap ako sa'yo, kahit ilang oras lang, magpapalipas lang ako para mawala na 'yung mg humahabol sa'kin!" muling pagmamakaawa ng dalaga.
"E naku miss, ako naman ang mapapagalitan nito, baka biglang bumalik si sir!"
"E hindi naman na niya ko makikita eh, kasi nga itatago mo ko, please, please, please?"
"Hmmm, teka marunong ka bang magkulot ng buhok?"
"Ha, e...oo marunong ako!" pagsisinungaling ni Twinkle.
"Ay talaga, tara dali do'n tayo sa kuwarto ko!" tuwang tuwang anang kasambahay.
Sumakit naman ang ulo ni Aling Toyang nang malaman ang ginawang pagtakas ni Twinkle.
Binalikan siya ni Max at pagkaalis nito ay saka siya nakatanggap ng tawag mula sa anak.
"Anak, hindi ka ba nag-iisip, mas lalo mo lang pinalala ang sitwasyon."
"Sorry na nanang, ang nasa isip ko kasi eh 'yung limampung latigong ihahataw sa'kin..." ani Twinkle sa kabilang linya.
"Sana kasi naisip mo muna yang sarili mo, bago mo ginawa 'yung pagtulong kay Barbara."
"E nanang mabuti naman po ang intensyon ko diba?"
"Tama ka. Pero hindi lahat ng may mabuting intensyon pinagpapala, ang iba napapahamak, tulad mo."
"E sige na po nanang ibababa ko na po ito.."
"Teka sandali, sabihin mo ang lokasyon niyan, susunduin kita diyan! "
"Huwag na po. Ipanatag nyo po ang kalooban nyo. Hahanapan ko po ng solusyon ang gulong pinasok ko."
Matapos tawagan ang ina ay si Yanni naman ang tinawagan ni Twinkle. Hindi rin nito ikinatuwa ang naging desisyon niya.
"Alam mo besh sa ginawa mo, para mo na ring inamin sa kanila 'yung pagkakamali mo at dahil diyan posible pang madoble ang parusang tatanggapin mo." ani Yanni.
Nalungkot si Twinkle sa isiping iyon. Pero nabuhayan naman siya ng loob nang makausap niya rin sa phone si Bokyo.
" Huwag kang mag-alala Twinkle, gagawa ako ng paraan para ma-solve ang problem mo."
"Talaga ba, o sige Bokyo aasahan ko 'yan ha!"
"Ikaw pa my labs, hindi ko hahayaan na habambuhay kang magtago sa kanila!"
"Habambuhay talaga?"
Naputol ang usapan nila nang pumasok si Lhei sa kuwarto.
"O etong mga pangkulot ko, hindi ko pa tapos hulugan ang mga 'to kaya ingatan mo ang paggamit ha, teka ano nga ulit ang pangalan mo?"
"Twinkle, ang destiny ni Sir Lucas."
"Ano?"
"Charrr, pero Twinkle talaga ang pangalan ko, ang reyna ng kakahuyan!"
"Mapagbiro ka pala, ako naman si Ahkirha Lhei, Lhei for short. Pero alam mo si sir, hindi nagbibiro 'yon, laging seryoso kaya mag-iingat ka ro'n."
Kabado si Twinkle habang kinukulutan si Lhei. Dahil ang totoo ay wala naman talaga siyang alam sa bagay na 'yon. Habang ginagawa iyon ay binubulungan niya ang buhok ng babae na halos kaedad niya. Ginagamit niya ang kaalaman niya sa kulam para ipasok sa isip nito na tama ang kanyang ginagawa.
Hanggang sa...
"Wow, ang ganda ng pagkakakulot mo sa'kin, may style!" ani Lhei na nakaharap sa salamin.
Sa isip naman ni Twinkle ay hindi na niya ito uulitin.
"O basta Twinkle, tandaan mo ang bilin ko sa'yo ha, dito ka lang sa loob ng kuwarto ko magstay. Bawal kang lumabas okay?"
"Okay."
Nang makatulog na si Lhei ay naisipan ni Twinkle na lumabas ng kuwarto. Hindi kasi siya makatulog. Namamahay yata siya. Ayaw siyang dalawin ng antok. Dahil na rin siguro sa mga alalahanin niya. Tinungo niya ang kusina para uminom ng tubig. Wala naman ibang kasambahay doon kundi si Lhei na nganga na sa pagtulog kaya't wala siyang ibang pangingilagan kundi si Lucas.
Matapos uminom ng tubig sa kusina ay tinungo naman niya ang salas. Napatingin siya sa isang piano kung saan nakapatong ang photoframe ni Lucas.
Maingat niya itong dinampot at tinitigan.
"Ang lakas ng pakiramdam ko na ikaw si Angelito ko, pero iba ang mukha at pangalan mo at ang sabi ni Lhei, businessman ang ama mo na ang pangalan ay Lucio, pero ang umampon noon kay Angelito ay doktor na ang pangalan ay Greg...siguro nga mali ako ng hinala, kaya lang ikaw ang ipinakita sa akin ng kawa na true love ko, kung paano mangyayari 'yon, hindi ko alam..." kausap ni Twinkle sa larawan ni Lucas.
Nang biglang marinig ng dalaga ang busina ng kotse.
" Ayy kabayong dumating! " dahilan para mabitawan niya ang photoframe at bumagsak iyon sa sahig.
" Patay, basag! "
Hindi naman nakaligtas sa pandinig ni Lucas ang tunog ng nabasag habang bumababa siya sa kotse.
Kunot noo siyang napatingin sa loob ng bahay.
Nagmamadali siyang humakbang papasok sa loob at nagulat nang makita sa lapag ang basag niyang photoframe.
"Huh?"
Sa mga sandaling iyon ay nasa likod lang ng sofa si Twinkle at halos hindi humihinga. Nananalangin na 'wag sana siyang makita ng lalaki.
Pero si Lucas matapos damputin ang picture niya mula sa basag na frame ay naupo pa sa sofa. Isinandal niya ang likod at inirelax ang katawan.
"Oh Lord, wala ba siyang kuwarto, ba' t dito pa siya nagpahinga?" sa isip ni Twinkle.
Maya-maya pa ay ipinikit ni Lucas ang mga mata.
Nakakita ng pagkakataon si Twinkle para malusutan ang sitwasyon. Unti-unti siyang gumalaw at sobrang ingat na gumapang palayo sa sofa.
Gumalaw si Lucas kaya napahinto siya sa paggapang. Nang huminto sa paggalaw ang binata ay siya naman ang kumilos para muling gumapang. Pero sa tuwing mapapagalaw ang binata ay napapahinto rin siya.
Para silang internet na mahina ang connection. Hinto, galaw, hinto galaw hanggang sa marating niya ang kusina.
Okay na sana, hihinga na si Twinkle nang maramdaman niya ang papalapit na yabag ni Lucas patungong kusina. Kaya nagmamadali ulit siyang nagtago na sa pagkakataong ito ay sa ilalim naman ng mesa.
Nakaramdam kasi ng gutom si Lucas kaya't naisipan nitong kumain.
Nananalangin si Twinkle na sana ay mabusog na ito para makalabas na siya sa ilalim ng mesa.
Nang tumayo si Lucas para mag cr ay muling nakakuha ng pagkakataon si Twinkle para makaligtas.
Mabilis at angat paa siyang lumakad. Sa pagmamadali niya ay ibang kuwarto naman ang napasok niya.
"Lhei?"
Hindi ito kuwarto ni Lhei kundi ni Lucas!
Lalabas sana agad siya pero huli na ang lahat. Papalapit na sa kuwarto niya si Lucas.
Wala siyang ibang nakitang ibang mapagtataguan kundi sa ilalim ng kama.
"Grabe na'to, dito ba ang sulok kong takda?" sa isip ng dalaga.
Nang makapasok na sa kuwarto ang binata ay naghubad ito at nagpalit ng damit pagkatapos ay pabagsak na inilatag ang sarili sa kama.
Nakatulala at nakanganga naman si Twinkle sa ilalim ng kama dahil sa kanyang nakita.
Hanggang sa nakatulog na rin siya doon.
Kinabukasan.
Nang magising si Lucas ay kinapa niya ang tsinelas niyang pambahay sa lapag ng kama pero hindi niya ito makapa ng paa kaya't sinilip niya ito sa ilalim ng kama sa pag-aakalang napasuot lang ito roon.
Subalit nabigla siya at nanlaki ang mga mata nang makita si Twinkle na natutulog sa ilalim ng kama niya.
"AAAHHH!" sigaw niya na ikinagising ng dalaga.
"AAAHHH!" sigaw din ng dalaga nang mamulatan ang mukha ng binata.
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 5)
Sa pagmamadali ni Twinkle na matakasan si Lucas ay sa mismong kuwarto pa nito siya napasuot.
Wala ng mapagpipilian si Twinkle kundi ang magtago sa ilalim ng kama. At kakahintay niya sa pagkakataon na makalabas ng kuwarto nang hindi napapansin ni Lucas ay dito na siya inabutan ng antok at nakatulog.
Umaga.
Kakaabot ni Lucas sa tsinelas niyang napasupt sa ilalim ng kama ay nanlaki ang mga mata niya nang makita roon si Twinkle.
"AAAHHH!" ubod lakas na sigaw ni Lucas.
"AAAHHH!" Ubod lakas ding sigaw ni Twinkle nang mamulatan ang mukha ng binata.
"Anong ginagawa mo rito?"
"Nagtatago?" ang natatarantang sagot na patanong ng dalaga.
"Lumabas ka nga diyan!"
"Hindi pwede!"
"Anong hindi pwede, lumabas ka diyan!"
"Hindi nga sabi pwede eh!"
"Bakit nga hindi pwede?"
"E paano ko makakalabas nakaharang ka diyan?"
"Oo nga no, o ayan." umusod si Lucas at binigyan ng daan ang dalaga.
Hindi man lang inalalayan ni Lucas si Twinkle paglabas sa ilalim ng kama. Nang makalabas na ito ay nahihiya itong humarap sa galit na hilatsa ng pagmumukha ni Lucas.
"O ngayon ipaliwanag mo sa'kin kung paano ka napunta sa ilalim ng kama ko?"
"E, sorry na, hindi ko naman alam na kuwarto mo 'to eh. Papasok ka na kaya no choice na'ko kundi magtago sa ilalim, at least natulog akong nakahiga kaysa naman sa aparador mo ako nagtago, matutulog akong nakatayo."
"That' s not funny!"
"Hindi naman ako nagpapatawa e, Nagmamakaawa ako na payagan mo na akong magtago rito!"
"Sa ilalim ng kama ko?"
"Hehe, nakakatawa 'yon?"
"Hindi rin. Pero hindi rin ako nagpapatawa."
"Seryoso rin naman ako e. May mga humahabol sa'kin, gusto nila akong saktan, kaya please kahit ilang araw lang hayaan mo na'kong manatili rito. Kung gusto mo ipaglalaba kita, ipagluluto kita, ipaglilinis ng buong bahay pati banyo!"
Saglit na nag-isip si Lucas.
"Sigurado ka bang alam mo lahat gawin 'yon?"
"Oo naman, laki ako sa hirap eh!"
"Anong hindi mo kayang gawin?"
Saglit ding nag-isip si Twinkle bago sumagot.
"M-mamalantsa."
"Okay. Yun ang gusto kong gawin mo sa loob ng ilang araw na ipapamalagi mo rito."
"ANO?"
"Kung ayaw mo, you can go."
"E pa' no ko gagawin 'yon kung hindi ako marunong?"
Nilapitan ni Lucas si Twinkle at inilapit nang husto ang mukha niya rito.
Nailang ang dalaga dahil hindi pa siya nagtotoothbrush kaya' t inilayo naman niya ang mukha niya.
"Tandaan mo ang sasabihin ko binibini, walang madali sa mundong ito, ang lahat ay dapat pinaghihirapan at pinagsisikapan." anang binata na lalo pang inilapit ang mukha.
"Hindi noh!" tutol ni Twinkle.
"Anong hindi?"
"Para sabihin ko sa'yo ginoo, madali lang ang mabuhay sa mundo kung marunong kang makuntento."
Inilayo ni Lucas ang mukha niya sa babae.
"Well, that's not true."
Pagkasabi niyon ay tumalikod na ito at iniwan sa silid ang dalaga.
"Hah! Akala niya yata mapapagplantsa niya ko, e damit ko nga sinusuot ko ng gusot, fresh from sinampay!"
Makalipas lang ang isang oras.
"O eto, wala ka raw ibang gagawin kundi plantsahin lahat ito." ani Lhei.
Napalunok si Twinkle.
"Lahat 'to?"
"Hoy 'girl, be thankful kasi super bait sa'yo ni sir, 'yan lang ang ibinigay sa' yong gawain kapalit ng pagstay mo rito."
"E daig ko pa no'n ang nilatigo ng 50 times eh!"
"Grabe ka naman. E ako nga, dati niya akong secretary sa opisina niya sa Maynila pero inilipat niya ako rito at ang trabahong ibinigay niya sa'kin, all around, kundi lang siya galante magpasweldo hindi ko tatanggapin ito eh!"
"E willing naman akong gawin lahat 'wag lang mamalantsa!"
"Don' t worry, tuturuan kita."
"Ay tenkyu naman!"
Samantala.
Kinabahan si Aling Toyang nang marinig ang mahihinang katok mula sa pintuan.
"Ayan na naman sila...hindi talaga nila ko titigilan hangga't hindi nila nalalaman ang kinaroroonan ng anak ko..." anito sa sarili.
Marahan ang paghakbang na lumapit si Aling Toyang sa pintuan bitbit ang walis tingting.
"Kapag hindi maganda ang ipinakita nila sa akin, mapipilitan akong lumaban.. Tutusukin ko ng walis tingting ang mga mata nila."
Kabado niyang hinawakan ang seradura ng pinto at pagbukas dito ay akmang iaamba na niya ang walis tingting nang...
"Oh teka teka Aling Toyang kalma!"
"BOKYO!"
"Ako nga ito, ba't po ba ang wild nyo ngayon?" biro pa ng binata.
"Akala ko kasi ang mga tauhan na naman ni Pinunong Max. Ayaw kasi nila akong tigilan!"
Pinapasok ng matanda ang kaibigan ng anak.
"Ano bang ginagawa mo rito?"
"E 'yun nga rin po sana ang sadya ko. Kukumustahin ko sana si Twinkle."
"Ang sabi niya ok naman siya ro' n sa bahay na pinagtataguan niya. Super bait daw nung may-ari ng bahay sa kanya. Ni ayaw nga raw siyang paghugasin ng pinagkainan. Kaya kahit paano napapanatag ako."
"E Aling Toyang, hindi naman ho sa pagkontra pero, hindi ho tayo pwedeng mapanatag. Kasi malapit na ho ang pagbilog ng buwan. Kailangan lumutang ni Twinkle kung gusto nyo na makuha ang batong itim."
Napabuntong hininga si Aling Toyang.
"Iyan din ang inaalala ko... pero hindi ko naman mapipilit ang anak ko dahil ayoko rin na tumanggap siya ng limampung paglatigo. Naranasan ko 'yan nung teenager ako nung tinangka kong kumawala sa pagiging mangkukulam, at ayokong danasin niya 'yung hirap at sakit na halos ikamatay ko... "
" Ano pong balak nyo? "
" Ang totoo hindi ko pa alam. Pinag-iisipan ko pang mabuti. "
" Aling Toyang, ipapaalala ko lang po sa inyo na si Twinkle ang tanging pag-asa nating mabago ang mga patakaran at pamumuhay ng ating lahi. Hangga't si Max ang ating pinuno, mananatiling hindi patas ang batas ng mga mangkukulam, gayundin ang masasamang gawain ng karamihan sa atin. " mahina ang boses na sabi ni Bokyo.
" Salamat sa pagpapaalala Bokyo. "
Habang tinuturuan sa pagpaplantsa ay panay naman ang kuwento ni Lhei kay Twinkle tungkol kay Lucas.
" Sa pagkakaalam ko kasi, solong anak ni Don Lucio 'yang si Sir Lucas. Tapos mula nang maging amo ko 'yan e bitter na 'yan, alam mo 'yon masungit, suplado, antipatiko, yung parang pinaglihi sa ampalaya!"
"Paano ka nakakatiis?" nagtatakang tanong ni Twinkle.
"E, ayun na nga pagdating sa pera napakaluwag niya. Ako ang bread winner sa family namin kaya kailangan ko talaga ng tulad ni Sir Lucas."
Napatango tango na lang si Twinkle sa sinabi ng bagong kaibigan.
Gabi.
Nakatanggap ng tawag si Twinkle mula kay Yanni.
" Besh, nabalitaan mo na ba? "
" Ang alin Yanni? "
" Laganap na naman ang mga pangungulam dito sa lugar natin. At iisa ang prosesong ginagamit sa pangungulam."
"H-ha?"
"Nagsasagawa ng pag-iimbestiga si Pinunong Max at ako na ang nagsasabi sa'yo ngayon na hindi malayong maging isa ka sa mga suspek!"
"Ano, teka ba't ako?"
"Isa ka sa mga may motibo na gumanti sa ating lahi dahil wanted ka ngayon. Pero alam mo ba kung ano ang duda ko?"
"Ano?"
"Sinasadya nilang palaganapin ang pangungulam para magkagulo ang lahat at mawala ang pokus sa pagsapit ng kabilugan ng buwan. Hindi man sila nararapat ay malakas ang kutob ko na pinag-iinteresan din ni pinuno ang batong itim dahil sa taglay nitong kapangyarihan! "
Napaisip si Twinkle.
" B-baka tama ka... "
" Anong gagawin natin kung tama ako? " tanong ni Yanni.
Hindi makasagot si Twinkle.
Hindi siya nakatulog sa buong magdamag kakaisip ng sagot sa tanong ni Yanni. Lalo't higit ang pag-aalala niya sa kanyang nanang.
Maya-maya pa sa kalagitnaan ng kanyang pag-iisip ay bigla siyang nakarinig ng tugtog na mula sa piano.
Napakalungkot ng dating sa kanya ng musikang ito subalit tila inaakit siyang usisain ang pinanggagalingan nito.
Sinulyapan niya sa katabing higaan ang nahihimbing na sa tulog na si Lhei.
Maingat siyang bumangon at marahan na lumabas ng silid. Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tugtog.
Dinala siya ng kanyang mga paa sa salas kung saan naroon ang piano. Nakatalikod sa gawi niya ang tumutugtog na si Lucas.
"B-bakit si Angelito ang naiisip ko sa saliw ng kanyang musika?" tanong ni Twinkle sa isip.
Parang pinipiga ang kanyang puso na hindi niya mawari. Nabalot siya ng kalungkutan dahil sa tugtuging iyon. Hindi niya namamalayan na nangingilid na ang kanyang luha. Babagsak na sana ito sa kanyang pisngi nang bigla siyang mapahatsing.
"ATSING!"
Kunot noong napalingon si Lucas sa kanya.
Sisitahin sana siya ng binata nang pareho silang matigilan dahil sa umalingawngaw na nakakatakot na tunog na tila nagmumula sa kakahuyan sa lugar na iyon.
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 6)
Todo emote na si Twinkle habang pinapakinggan ang musikang nililikha ni Lucas mula sa piano at patulo na rin ang luha niya dahil naiisip niya si Angelito nang bigla siyang mapahatsing.
"ATSING!"
Kunot noong napalingon sa kanya si Lucas. Sisitahin sana siya nito nang makarinig sila ng nakakakilabot na tunog na tila nagmumula sa kakahuyan.
Nagkatinginan sila at parehong napatingin sa labas ng malaking bintana.
"H-hindi ako maaaring magkamali... orasyon iyon ng isang malakas na mangkukulam at nagbabadya ito ng hindi magandang magaganap." sa isip ni Twinkle.
"Ano 'yon?" tanong ni Lucas.
Hindi sumagot ang dalaga. Sa halip ay lumapit ito sa bintana at tumingala sa buwan.
"Baka may binabalak silang masama sa pagbilog ng buwan..." sa isip pa rin niya.
Samantala.
Isang lihim na pagpupulong ang inorganisa ni Max sa kanyang tahanan. Mga tauhan lamang niya ang kasali sa pulong na ito.
"Itutuloy pa rin natin ang paligsahan para sa mga mangkukulam na karapat dapat sa batong itim." ani Max.
"Pero pinuno, bakit pa kung kayang kaya naman nating agawin ang batong itim kay Ka Upeng?" tanong ng isa.
"Para malaman natin kung sino ang pinakamalakas ngayon sa kanila at nagbabadyang maging mahigpit nating kalaban. Kung sino ang magwawagi sa paligsahan, hindi natin hahayaan na mapasakamay pa niya ang batong itim, kailangan ay agad natin siyang maialis sa landas natin para wala ng makahadlang pa sa mga susunod nating plano... Kapag nagtagumpay tayo sa unang plano, magiging madali na para sa atin ang pasunurin maging ang mga hindi natin kalahi. "
" Ang galing ng plano nyo pinuno. Nang sa gayon ay wala ng mangkukulam ang mas higit na magiging mas malakas at makapangyarihan kaysa sa atin!"
"Sa atin?"
"Ah sa'yo lang pala pinuno."
"Oblak, kumusta 'yung pinapamanmanan ko sa' yo?" baling ni Max sa isa sa mga tauhan.
" Alam ko na po kung sino ang nagpapagawa ng resort. Isang kumpanya na pinamamahalaan ng nagngangalang Lucas."
"Hmmm, Lucas, hindi siya tagarito?"
" Galing America. May bahay sa Maynila at may nabili rin po siyang rest house rito."
Saglit na nag-isip si Max.
"Walang puwang ang mga tulad niya rito. Sige, ako na ang bahala sa kanya."
" Pinuno, paano si Twinkle, hindi ba't isa siya sa mga haharap sa paligsahan?"
"Alam ko na kung ano ang gagawin ko para mapalabas natin siya sa lunggang pinagtataguan niya!"
Hatinggabi.
Nabigla si Aling Toyang nang magiba ang pinto niya sa lakas nang pagsipa rito ng mga tauhan ni Max.
"Teka, bakit nyo winasak ang pintuan ko? mananagot kayo kay Pinunong Max!"
"Nagdesisyon na si pinuno, kailangan mong sumama sa amin!"
"Hindi, hindi ito maaari, wala akong ginagawang labag sa batas ng mga mangkukulam!"
"Sumama ka na lang, ang dami mo pang satsat!" sigaw ng isa sa mga tauhan.
Nakita ni Bokyo na binitbit ng mga tauhan ni Max si Aling Toyang.
"Nakupu, ito na nga ba ang sinasabi ko eh!"
Ipinagpatuloy ni Twinkle ang paninilbihan kay Lucas kapalit ng pansamantala niyang pananatili sa bahay nito. Nanatili namang malamig sa kanya ang binata.
Siya mismo ang nagluto ng agahan para rito.
Biglang tumunog ang cellphone niya, nagulat siya kaya't di sinasadya'y natabig niya sa mesa ang basong may lamang juice at natapon iyon sa polo ni Lucas.
"Ay sorry po sir, sorry po!" natatarantang sabi ng dalaga habang pinupunasan ng kamay niya ang nabasang polo ng binata.
Nag-init ang ulo ni Lucas.
"Look, importante ang pupuntahan ko at gahol na'ko sa oras saka ka pa gumawa ng kapalpakan!"
"S-sorry po talaga sir 10thousand times!"
"Hindi pwedeng lagi ka lang magsosorry, kung gusto mo na magkasundo tayo, bantayan mo ang mga kilos mo!"
Hindi na kumibo si Twinkle at nanatili na lang nakayuko sa harap ng galit na binata.
Nang talikuran siya nito ay saka lamang niya binasa ang mensahe sa kanya ni Yanni.
" Twinkle bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko? Hindi ka rin makontak ni Bokyo. Nasa panganib si Aling Toyang. Sabi ni Bokyo kinuha siya ng mga tauhan ni Pinunong Max kagabi. Anong gagawin natin?" basa ng dalaga sa nilalamam ng mensahe.
"Si nanang ang pinagbalingan nila!"
Mabilis ang naging desisyon ni Twinkle. Walang paalam at walang lingon likod siyang umalis sa poder ni Lucas.
Bumalik sa kuwarto si Lucas. Naghubad ito para magpalit ng damit. Nang may mapansin ito sa kanyang dibdib.
Lumapit siya sa whole body mirror at pinakatitigan ang tila mga butlig na nasa dibdib.
"A-anong mga ito?"
Nakaramdam ng pag-aalala ang binata nang maabot din ng tingin niya ang mga butlig na nasa kanya ring likuran.
Agad niyang idinayal sa cellphone ang numero ng kaibigang doktor.
Dumiretso si Twinkle sa kakahuyan kung saan naroon ang tahanan ng kanilang pinuno na si Max.
Inaasahan na ni Max ang kanyang pagdating.
Halos madurog ang puso ni Twinkle nang makitang nakagapos ang magkabilang kamay ng ina sa sa kanan at kaliwang bahagi ng dalawang malaking kahoy.
"NANANG!"
patakbo itong nilapitan ng dalaga.
"Nanang anong ginawa nila sa'yo?"
"O-okay lang ako... Ginawa lang nila akong pain para makuha ka nila.. Hindi mo na dapat ako inalala..."
"Alam mong hindi pwedeng hindi ako mag-alala sa'yo nanang!"
Hinarap ni Twinkle si Max.
"Pakawalan nyo ang nanang ko. Handa na akong tanggapin ang kaparusahan ko!" matapang niyang sabi.
"Magaling, tama ang naging desisyon mo Twinkle. Hindi na sana nadamay pa ang iyong ina kung nagdesisyon ka lang agad ng ayon sa batas ng ating lahi at hindi nagpasyang tumakas!"
"Batas na hindi makatarungan. Hindi natin dapat ginagamit sa kasamaan ang ating mga kaalaman sa kulam pinuno, iniligtas ko ang isang inosenteng tao na biktima ng pangungulam ni Alyanna dahil iyon ang alam kong tama!"
"Huwag kang magmalinis Twinkle. Lahi tayo ng mga mangkukulam na ang kaalaman ay hindi ibinigay ng Diyos kundi nagmula sa itim na kapangyarihan. Gagamitin natin ito ayon sa personal nating pangangailangan at hindi ayon sa kalooban ng pinaniniwalaan nilang Diyos. Gumawa tayo ng sarili nating batas upang mapangalagaan lamang ang mga sarili nating interes at ang ating lahi, hindi para sa kapakanan ng ibang tao. Iyan ang ipasok mo sa kukote mo! " galit na sabi ni Max.
Alam ng dalaga na kahit anong sabihin niya ay walang makikinig sa kanya sa pagkakataong iyon. Kaya't upang mailayo sa kapahamakan ang ina ay tatanggapin na lang niya ang kanyang kaparusahan.
" Max, parang awa mo na, ako na lang, ako na lang ang parusahan nyo huwag na ang anak ko!" sigaw na pagsusumamo ni Aling Toyang.
Gabi.
Sa tanglaw ng malamlam na liwanag ng buwan ay iginapos nila ang mga kamay ni Twinkle sa isang malaking puno. Ang porma niya ay patalikod sa kanila at payakap sa puno.
Sa harap ng kanyang ina at mga kalahi ay tatanggapin ni Twinkle ang limampung hampas ng latigo sa kanyang likuran.
Napapikit si Twinkle sa unang dampi pa lang ng latigo sa likod niya.
Napayuko sina Yanni at Bokyo sa awa sa kaibigan. Napalunok naman ang kambal na mangkukulam na nagkanulo sa kanya habang si Alyanna ay maluwang ang pagkakangisi na siyang dahilan ng kanyang kaparusahan.
Pero wala nang mas hihigit pa sa sakit na nararamdaman ni Aling Toyang. Bawat sugat na nililikha ng latigo sa katawan ng anak ay sumusugat din sa kanyang puso bilang isang ina.
"AAAHHHH!" hindi na napigilan ni Twinkle ang mapasigaw sa labis na sakit at kirot na dulot ng paghagupit ng latigo sa kanyang balat. Halos mawasak ang damit niya. Sunud sunod ang naging pagpatak ng mga luha sa kanyang pisngi pabagsak sa tigang na lupa.
Samantala.
Iniabot ng doktor ang resulta ng naging pagsusuri niya sa ikinonsulta ni Lucas kaninang umaga.
Napakunot ang noo ni Lucas.
"So what does it mean?"
"Meaning, wala kaming nakitang problema."
"WHAT?"
Hinila si Lucas ng kaibigang doktor palayo sa mga kasamahan at mahina ang boses na may isinuggest dito.
"So anong sinasabi mo, na maaaring kinukulam ako?" kunot noong tanong ni Lucas.
"Lucas, before I became a doctor, naging biktima na rin ako ng kulam. Kaya sa aminin ko man at hindi sa iba, naniniwala ako na totoo 'yon."
Hindi nakakibo ang binata. Isa lang ang tao na naiisip niyang maaaring gumawa sa kanya no'n.
Si Twinkle! Iyon ang idinidikta ng isip niya. Pero may bahagi sa puso niya na nagsasabing hindi iyon magagawa ng dalaga.
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 7)
Alang-alang sa kaligtasan ng ina ay nagpasya si Twinkle na tanggapin na ang parusang nakalaan sa kanya.
Dahil sa pagsabotahe niya sa gawain ng kapwa mangkukulam ay tinanggap niya ngayon ang limampung ulit na paglatigo sa kanyang likod.
Tiniis niya ang bawat hagupit na nagdudulot ng sakit at hapdi sa kanyang katawan.
Hindi iyon matagalan tingnan ni Aling Toyang. Pumikit ito at nanalangin sa Diyos na matapos na at malampasan na ng anak ang malupit na senaryong iyon sa kanilang buhay.
Habang sakay ng kotse ay nag-iisip si Lucas. Kung totoo na kinukulam siya ay sino naman ang gagawa nito sa kanya?
Pag-uwi ng bahay ay agad niyang ipinatawag si Twinkle kay Lhei.
"E Sir Lucas, wala na po si Twinkle!"
"Anong wala, umalis siyang hindi nagpapaalam sa'kin?"
"Basta po after mo po siyang mapagalitan kanina nung natapunan ka ng juice sa polo mo, umalis na po siya agad-agad. Sinenyasan lang po niya ko nung nalingunan niya ko sa bintana tapos nanakbo na siya. Parang nagmamadali."
Ang sinabing iyon ni Lhei ay nakadagdag sa palaisipang gumugulo sa isip ngayon ni Lucas.
" Kung nagdamdam siya dahil napagalitan ko siya...siya kaya ang kumukulam sa'kin?... pero nung oras ding 'yon nakita ko ang mga butlig sa katawan ko, alangan namang agad agad niya kong nakulam? Imposible!" naguguluhang tanong ni Lucas sa sarili.
"Hindi, baka nagkamali lang ang kaibigan kong doktor. Magpapa-second opinion ako sa iba."
Nang matapos ang parusa kay Twinkle ay halos mapugto ang hininga niya. Nagmamadali siyang nilapitan ng kanyang ina habang kinakalag naman ni Bokyo ang tali sa mga kamay niya.
Gumitna si Max at pasigaw na nagsalita.
" Kayong lahat na narito at nakasaksi sa kaparusahang tinanggap ni Twinkle, siguro naman ay magtatanda na kayo kung ayaw nyong sapitin ang sinapit niya?"
"Opo pinuno." sabay sabay na sagot ng mga mangkukulam na ang karamihan ay nakayuko at takot.
Kinapitan ni Wella si Wenna.
"Wenna, natatakot ako, baka malaman ni pinuno na..." bulong nito.
"Shunga ka ba, noong una plano lang natin na siraan si Twinkle, malay ba nating totoo pala na siya talaga ang may kasalanan. Ang lucky natin diba, kaya huwag kang magguilty diyan." mahinang sagot ni Wenna.
Habang pauwi ay inaalalayan nina Aling Toyang at Yannie sa paglalakad si Twinkle.
"E Aling Toyang, gusto nyo bang buhatin ko na lang siya?" si Bokyo.
"Naku Bokyo, kaya mo ba?" tanong ng matanda.
"Oo naman po, para hindi na siya mahirapang maglakad."
Papasan ang ginawa ni Bokyo para hindi madale ang mga sugat ni Twinkle sa likod.
Okay na sana eh, malapit na sila sa bahay nila Twinkle nang biglang mapatid ang binata sa nakakalat na bato at...
"AAAHHHH!" sabay sabay nilang sigaw nang mawalan ng balanse si Bokyo at tuluyan silang bumagsak ni Twinkle sa daan. Dahil nasa pababang bahagi sila ng kalsada kung kaya't nagpagulong gulong pa sila. Habol sila nina Yanni at Aling Toyang.
"TWINKLE, BOKYO!" Ang sigaw ng dalawa.
Sa wakas ay nakarating din sila sa bahay ng mag-ina.
Inihiga nila nang patagilid si Twinkle sa papag na sinapinan ng comforter.
"Ahm, mudra, hindi po ba natin dadalhin sa ospital si Twinkle?" tanong ni Yanni.
"Hindi na. Ako na ang bahalang gumamot sa mga sugat niya. At saka tutulungan mo naman ako diba?"
"Oo naman po, para ano pa't naging nurse ako kung hindi ko matutulungan ang bestfriend ko sa kalagayan niya ngayon."
"Salamat Yanni."
"Ahm, Aling Toyang, Yanni, kung anuman po ang maitutulong ko huwag po kayong mahihiyang magsabi sa'kin!" singit ni Bokyo.
"Pwede ba Bokyo, manahimik ka na nga lang diyan, sa halip na makatulong ka e lalo pang nadisgrasya sa'yo si Twinkle, hindi na nga halos makagalaw dahil sa mga sugat e babalian mo pa!" inis na sabi ni Yanni.
"Sorry na, hindi ko naman sinasadya eh...madilim ang daan, napatid lang talaga ko sa bato at nawalan ng balanse..." nakayukong sabi ni Bokyo."
" Oo nga. Alam ko namang mabuti ang intensyon mo Bokyo, sadyang malas ka lang." ani Aling Toyang.
" Aray ko naman po 'nay, minalas hindi malas." hirit pa ng binata.
"N-nanang, Yanni, Bokyo... Salamat ha, salamat sa pagtulong nyo sa'kin." ani Twinkle sa nanghihinang boses.
"Walang anuman beshy, magpagaling ka agad. Bukas babalik ako para itsek ang mga sugat mo."
"Ako rin babalik bukas para..." naputol ang sasabihin pa ni Bokyo nang sabay siyang tingnan nina Aling Toyang at Yanni.
"Hindi na pala ko babalik bukas, sa ibang araw na lang pag medyo magaling ka na." iyon na lang ang idinugtong nito.
Nang makaalis na sina Yanni at Bokyo ay sinimulan nang gamutin ni Aling Toyang ang mga sugat ng anak.
" Bukas ay mangunguha pa'ko ng maraming dahon para sa mas mabilis na paghilom ng mga sugat mo." aniya sa nahihimbing na si Twinkle.
Kinumutan niya ito.
Pagkatapos ay lumapit sa bintana si Aling Toyang at tumingala sa buwan.
"Huwag kang mag-alala anak. Sa oras na mapasa'yo ang itim na bato, wala ng makakapanakit pa sa'yo. Kahit pa ang pinuno ng mga mangkukulam."
Hindi maintindihan ni Lucas kung bakit tila nababalisa siya sa pag-alis ni Twinkle.
Tinawagan niya si Brian.
"Samahan mo ako bukas, may pupuntahan tayo."
"Saan bro?"
"Basta."
Kinabukasan.
Matapos magpasecond opinion kasama si Brian ay nagdiretso sila sa paghahanap kay Twinkle. Madali naman nila itong natunton dahil swerteng ang napagtanungan nila ay si Bokyo.
Ipinarada ni Lucas ang kotse sa tabi ng isang malaking puno. Bumaba siya sa sasakyan kasunod si Brian.
Tahimik ang buong paligid. Maging ang bahay ay tila walang katao-tao. Pagaspas ng mga dahon lamang ang naririnig nilang ingay dulot ng malakas na hangin.
"Lucas, nakakatakot naman dito, parang bahay ng mangkukulam eh!"
"Shut up, bakit hindi ka na lang kumatok?"
"Sige na nga."
"TAO PO! TAO PO!"
Walang tugon.
Kakatok pa sana ulit si Brian nang biglang bumukas ang pinto.
"Oh bukas naman pala eh... T-teka, baka pagpasok natin bigla itong sumara ah, alam mo 'yon, parang haunted house na maraming nakatirang multo?"
"Puro ka kalokohan, e malaki pa ang banyo ko sa bahay na 'yan, tingin mo magiging happy ang multo na tumira dyan, siguradong mabobored lang sila, tara na nga sa loob!"
Pagpasok ni Lucas ay natigilan siya.
"O bakit?" nag-aalalang tanong ni Brian.
"Wala... Parang may iba lang akong naramdaman..."
"Ayan na nga bang sinasabi ko eh, tara na kaya umalis na tayo rito!"
"Sandali, dito ka lang, titingnan ko kung may tao sa kuwarto."
"Hoy Lucas, kumatok ka ha, baka may nagbibihis diyan!"
Hindi kumatok si Lucas. Sa halip ay marahan niyang binuksan ang dati ng nakaawang na pinto ng silid.
"Twinkle?"
Walang tugon pero batid niyang ang dalaga ang nakahiga ng patagilid sa papag. Hindi niya kita ang mga sugat nito dahil balot ng kumot ang katawan.
Nagdalawang isip siyang lapitan ang dalaga pero nanaig pa rin ang kagustuhan niyang makausap ito.
"Twinkle..."
Subalit nanatiling nakapikit ang dalaga.
Lumapit pa ng konti si Lucas.
Saglit niyang namasdan ang maamong mukha nito na tulad sa isang anghel. Kaya't ano ba ang pumasok sa isip niya para isipin na ito ay isang mangkukulam?
"Hindi, hindi dapat kita pinag-isipan ng ganon."
Pumihit pabalik si Lucas at nagpasya nang lumabas ng silid nang makita niyang akmang babambuhin ng pamalo ng matandang babae si Brian habang nakatalikod ito.
"NO!" sigaw ni Lucas
Natigilan si Aling Toyang. Nagulat naman si Brian nang malingunan ito.
"S-SINO KAYO, ANONG GINAGAWA NYO SA BAHAY KO?" tanong ni Aling Toyang na mahigpit pa rin ang hawak sa pamalo.
"Kalma lang po, gusto lang ng boss friend ko na makausap ho si Twinkle!" si Brian.
"Ang anak ko?"
"Yes po. I-I just want to ask kung bakit siya biglang umalis sa bahay ko?"
Kumalma si Aling Toyang nang malamang ito ang may-ari ng bahay na pansamantalang tinuluyan ni Twinkle.
"Ikaw pala... Naikuwento ka nga niya sa'kin."
"I'm sorry if.."
"O teka bakit ka nagsosorry, magpapasalamat nga ako sa'yo dahil pinatira mo ang anak ko sa inyo, sabi niya ang bait bait mo raw sa kanya, lagi pa nga raw kayo nagkukuwentuhan at feeling niya e close na raw kayo."
Nagulat si Lucas. Nagkatinginan sila ni Brian.
"S-sinabi niya po 'yon?" tanong pa ni Lucas.
"Oo bakit, hindi ba totoo?" tanong ni Aling Toyang.
"No. I mean, n-nagulat lang po ako..." ani Lucas na sinang-ayunan na lang ang matanda.
" Pasensya na at muntik ko ng mabambo itong driver mo, kotse nyo yung nasa labas diba? "
Napakamot sa ulo si Brian.
" Yes po. But he's not my driver, he's my friend Brian and I'm Lucas."
"Ah gano'n ba, ako naman si Toyang, nanay ni Twinkle. Buti pa maupo na muna kayo at ipagtitimpla ko kayo ng kape. Si Twinkle hindi kayo mahaharap niyan ngayon kasi ano... Ah, may sakit siya. May lagnat."
"Ganon po ba?"
"Pero pwede naman kayong bumalik sa ibang araw. Ako na ang magsasabi sayo kung bakit siya umalis sa bahay nyo. Nagkaroon lang kami ng emergency sa kamag-anak pero okay na ngayon kaso nga lang ayan nilagnat siya."
Hindi kumbinsido si Lucas sa dahilang sinabi ni Aling Toyang pero masaya siya na mabuti ang pagpapakilala ni Twinkle sa kanya kahit hindi siya naging mabuti rito.
Pabalik na sila ng kotse nang mamataan sila ni Alyanna.
" Hmm, ang gwapo niya at galing siya kina Twinkle... No, sa akin siya dapat mapunta. Gagawa ako ng paraan para mapasaakin ang lalaking 'yon..." may talim ang tingin at nakangising sabi ni Alyanna sa isip.
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 8)
Nahagip ng mga mata ni Alyanna sina Lucas at Brian habang palabas ito ng bahay nina Twinkle. Nagningning ang mga mata niya para kay Lucas.
"Mapapasa'kin ka kahit na sa anong paraan."
Bulong niya sa sarili.
Bago pa makasakay sa kotse ang dalawang lalaki ay nakaisip na agad siya ng paraan para mapansin siya ng mga ito.
"ARAAAY!" sigaw niya.
Napalingon sa kanya ang dalawa.
"Miss, anong nangyari?" tanong ni Brian.
"A-ang paa ko, m-may naipit yatang ugat!"
"Brian, I have no time for this. Mauuna na'ko, just give her some help." mahinang sabi ni Lucas.
"What, teka ba't ako?"
Wala ng nagawa si Brian nang sumakay na sa kotse si Lucas at iwan siya roon.
Napakunot naman ang noo ni Alyanna nang makita iyon.
Agad na nilapitan ni Brian ang babae.
"Miss, kaya mo bang maglakad, kung gusto mo tatawag na lang ako ng tricycle para ihatid ka sa pinakamalapit na clinic or hospital?"
Biglang umunat ng tayo si Alyanna.
"NO THANKS HMP!" sabay irap nito at talikod sa lalaki.
"Huh? Ano 'yon prank lang, sayang ang ganda pa naman." napapakamot sa ulong ani Brian sa sarili.
"MISS TEKA, NAME AT NUMBER MO?"
Ni hindi na siya nilingon nito.
Pagdating ni Lucas sa bahay ay agad niyang inutusan si Lhei.
"Send fruits and flowers sa address na'to. Don't put any details from sender, just leave it blank. Ok?"
"Yes po sir."
Nang tumalikod na si Lucas ay napaisip si Lhei.
"Hmmm, para kanino kaya, mukhang inlababo si sir?"
Nang matanggap ni Aling Toyang ang fruits and flowers ay si Lucas lang ang nasa isip niya.
"Siya lang naman ang galing dito e... Pero bakit pa-mystery effect pa?"
Inilagay niya ang bulaklak sa lamesitang malapit sa higaan ni Twinkle at ang prutas naman ay inilapag din sa tabi niyon.
"Nanang saan po galing ang mga 'yan?"
"Sa palagay ko' y sa true love mo. Pinuntahan ka niya rito pero hindi kita ipinakausap. Sabi ko'y bumalik na lang sa ibang araw."
"S-si Sir Lucas?" gulat na tanong ni Twinkle.
"Bakit may iba ka pa bang sir?"
"Wala na po."
"Twinkle, sa tingin ko'y unti-unti na kayong magkakalapit ng forever mo, pero may kailangan kang unahin."
"Alam ko po nanang, ang batong itim."
"Tama. Malakas ang kutob ko na may masamang pinaplano ang grupo ni pinuno sa araw ng paligsahan. Dapat tayong maging alerto."
"Nanang, kung meron man po silang maitim na balak, hindi naman po siguro hahayaan ng langit na sila ay magtagumpay. Kung marami pong masasamang mangkukulam, naniniwala ako na mas higit na nakararami ang mabuting mangkukulam tulad natin."
"Kaya magpagaling ka agad anak, kailangan mo ng magpokus sa pagsasanay sa iba't-ibang kaalaman sa pangungulam. Nang sa gayon ay ikaw ang magwagi sa laban na ito."
Hindi na kumibo si Twinkle at tumitig na lamang sa sariwang bulaklak na mga pulang rosas.
Naalarma si Lucas nang makita ang dumaraming butlig niya sa katawan.
" Sir, baka kailangan nyo na pong magpaconfine sa ospital." suggest ni Lhei.
" No. Ang kailangan ko ay isang albularyo."
"Albularyo, naniniwala ka ro'n sir?"
"Nagpa-second opinion na'ko, pero pareho silang walang nakita. Unless kung sasalang pa'ko sa mas matagal na pagsusuri."
"E kung desidido po kayo na magpatawag ng albularyo, may kakilala po ako."
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Lucas. Agad niyang pinapunta ang albularyong sinasabi ni Lhei.
Tahimik na isinagawa ng albularyo ang pag-oorasyon gamit ang puting kandila.
Kumunot ang noo nito sa kinalabasan ng hugis ng mga patak ng kandila sa plangganitang may tubig.
" Dyosporsanto!" sabay antanda nito.
"Bakit po?" nag-aalalang tanong ni Lucas.
"Isang malakas na mangkukulam ang yumayari sa'yo. Kung makikita mo, may mga parang alon sa paligid nitong mga patak ng kandila, ito ay sumisimbolo sa tubig, ito naman ay bato, at ito, ang malaking imahe na ito ang mangkukulam na tumitira sa'yo."
Napaisip si Lucas.
" Tubig, bato? Ang resort kaya ang tinutukoy nito? "
" Hindi imposible. Sapagkat ang resort na itinatayo sa dating bakanteng lote ng mga Agoncillo ay napapaligiran ng lahi ng mga mangkukulam. Maaaring hindi nila nais na magkaroon ng resort doon!"
"Hindi ko pwedeng ihinto ang project na 'yon, may iba po bang paraan para malabanan ko ang kulam?"
"Meron. Makipag-usap ka sa kanilang pinuno. Pero hindi ko sigurado kung makikipag-usap siya sa' yo, sapagkat ang kanilang samahan ay lihim lamang na pinaiiral sa lugar na ito."
"Then what shoud I do?"
Wala ng naisagot ang albularyo maliban sa lugar na isinulat niya sa kapirasong papel.
Magdadapit hapon na nang sadyain ni Lucas ang kakahuyang sinabi ng albularyo.
"Pinuno, kung sino ka mang pinuno ng mga mangkukulam, harapin mo ako, kausapin mo ako!"
Ilang ulit pang sumigaw si Lucas pero ni anino ni Max ay hindi nagpakita. Sa halip ay lumabas mula sa pinagkukublihang puno si Alyanna.
"Anong ginagawa ng isang gwapong lalaki sa nakakatakot na kakahuyang ito?"
"Ikaw yung babae na nagkunwaring nasaktan, ikaw ba ang pinuno ng mga mangkukulam?"
"Teka naman, grabe ka sa'kin, one by one lang ang tanong. Sa unang question, yes, sa pangalawa no. Happy?"
"Wala akong oras para makipagbiruan, nasaan ang pinuno ng mga mangkukulam?"
"Sshhh, 'wag kang masyadong mag-ingay, baka mabulabog mo sila, mahalaga pa naman ang pagpupulong na nagaganap ngayon. Ano bang kailangan mo?"
Natigilan si Lucas.
"Kung ganon, totoo nga na may samahan ng mga mangkukulam dito?"
"Duh, hindi ka naman siguro pupunta rito kung hindi ka naniniwala noh, ano ba talagang sadya mo?"
Nanlaki ang mga mata ni Alyanna nang angatin ni Lucas ng konti ang damit niya. Subalit agad na may ideyang pumasok sa isip ng dalaga.
"Ah 'yan ba, madali lang 'yan, halika akong bahala sa'yo." sabay hila ni Alyanna sa kamay ni Lucas.
"Wait, where are we going?"
"Relax, pasasalamatan mo ako mamaya!"
Samantala.
Pakiramdam ni Twinkle ay nababawi na niya ang lakas niya. Kahit may konting sakit pa siyang nararamdaman sa katawan ay hiniling niya sa kanyang ina na dalhin siya sa kubo kung saan naroon ang kanilang kawa.
" Anak, sigurado ka ba na kaya mo na?"
"Opo nanang. Hindi na naman masyadong makirot ang mga sugat ko. Salamat po sa pag-aalaga nyo. Hihintayin ko lang ang mas matingkad na liwanag ng buwan bago ako magsimula."
"Sige, ikaw ang bahala. Basta isapuso mo at isaisip ang iyong gagawin para hindi ka magkamali."
"Tatandaan ko po nanang."
Nang mapag-isa na sa kubo ay kinuha ni Twinkle ang isang maliit na kahon mula sa lumang cabinet sa loob ng kubo. Maingat niyang binuksan ang kahon at mula sa loob niyon ay dinampot ang kuwintas na nagpapaalala sa kanya sa nakaraan nila ng malapit sa puso niyang kaibigan na si Angelito. Ang kuwintas na napulot nito noon sa ilog na may pendant na may nakasulat na "No other love".
"Yung sa kanya kaya, naingatan din kaya niya?" tanong ni Twinkle sa isip.
"Angelito, nasaan ka mang lupalop ng mundo, sana naaalala mo rin ako... Sana malaman mo na sa kabila ng mga taon na nagdaan, hindi pa rin kita nakakalimutan. Kahit hindi mo alam ang hitsura ko dahil bulag ka, umaasa ako na sa sandaling magkita tayong muli, makikilala ako ng puso mo...at itong gagawin ko, kahit hindi mo alam na mangkukulam ang lahi namin, gagawin ko ito para sa'yo. Lilinisin ko ang tingin ng mga tao sa mga mangkukulam na gaya ko... Para sa muli nating paghaharap, hindi mo ako ikahiya, hindi mo ako katakutan. Dahil gusto ko na pagnagkita ulit tayo, isa lang ang mararamdaman mo para sa'kin, iyon ay tulad ng nararamdaman ko para sa'yo, ang pagmamahal. Tanging pagmamahal lang." kausap ni Twinkle sa hawak na kuwintas. Pagkasabi niyon ay dinala niya sa kanyang dibdib ang kuwintas na parang niyakap. Dinala sa labi at hinagkan at saka isinuot sa kanyang leeg.
" Ikaw ang gagawin kong inspirasyon. "
Matingkad na ang liwanag ng buwan.
Maya-maya pa ay sinimulan na ni Twinkle ang kanyang gawain na magsasanay sa kanyang kaalaman at kakayahan sa kulam.
Sa bahay ni Alyanna.
"Look, ang dami kong award, mula 'yan sa mga beauty pageant na sinalihan ko." pagmamalaki ng dalaga habang itinu-tour si Lucas sa loob ng bahay.
"Alyanna, right?"
"Yes!"
"Alyanna, let me just remind you that I' m here for cure and not for anything about you."
"Grabe ka talaga sa'kin, o sige na nga, lika na gagamutin na kita. Pero may kailangan kang ipangako sa'kin."
"What is it?"
"Walang dapat makaalam ng gagawin kong pagtulong sa'yo, or else, dodoblehin ko ang kulam na bumabalot sa katawan mo ngayon!"
"Ok fine, I promise!"
"Good."
Lingid kay Lucas ay may iba pang plano si Alyanna. Ito ay ang makuhanan siya ng buhok para maisagawa ang lihim na gayuma.
"Matapos kitang gamutin, magkakaroon ka ng utang na loob sa'kin, kasabay niyon ay unti-unti ka ring mahuhumaling sa'kin dahil sa gagawin kong gayuma." sa isip ni Alyanna.
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 9)
Desidido si Alyanna sa maitim niyang balak kay Lucas. Malakas ang loob niyang lumabag sa batas ng mga mangkukulam dahil alam niyang abala ang lahat sa nalalapit na pagpili sa karapat dapat na magtataglay ng batong itim. Kampante rin siya na siya ang magwawagi sa laban dahil sa sobrang laki ng tiwala niya sa sarili. Sa pagkakaalam niya ay wala sa mga mangkukulam na sasali sa pagpipilian ang nakahihigit sa mga nalalaman at kakayahan niya.
Matapos timplahan ang langis ng iba't-ibang dahon ay dinasalan ito ni Alyanna.
Maya-maya pa ay dinala na niya ito kay Lucas na naghihintay sa salas.
"Dyaraaan!"
"Ano 'yan?" kunot noong tanong ni Lucas.
"Ito na ang gamot sa mga butlig dyan sa katawan mo. Ipapahid mo lang sa bawat butlig!"
Iniabot ito ni Alyanna kay Lucas.
Inamoy-amoy ni Lucas ang laman ng botelya.
"Are you sure about this?"
"Alam mo Lucas you need to trust me or else mas lalala pa 'yang kulam sa' yo, tingin ko dyan malakas na mangkukulam ang may gawa. Gusto niyang unti-unting bumigay ang katawan mo nang sa gayon ay hindi ka na makakilos hanggang sa ikamatay mo."
Napalunok si Lucas sa sinabi ng babae.
"Kapag ginawa ko, kailan ito eepekto?"
"Mas mabilis pa kaysa inaasahan mo." sabay haplos ni Alyanna sa buhok ni Lucas at pasimple itong kinuhanan ng isang hibla ng buhok.
Pagkaalis ng binata ay inilagay niya ang hibla ng buhok nito sa isang maliit na kahon na kasinglaki lang ng lalagyanan ng singsing.
" Pansamantala, dito ka muna babe, babalikan kita bukas ng gabi. Swerteng araw at gabi kasi sa'kin ang martes para magtimpla ng gayuma. Mas higit itong magiging epektibo at pangmatagalan ang epekto nito." nakangising ani Alyanna sa isip.
Nang makauwi sa bahay ay agad ipinahid ni Lucas ang langis sa katawan.
"Kapag gumaling ako, hahanapin ko ang mangkukulam na gumawa nito sa'kin, maghahanap ako ng paraan para magantihan siya.!" sa isip ni Lucas.
Tila pagod na pagod naman si Twinkle mula sa magdamag na pagsasanay sa sariling kakayahan. Kaya tinanghali na siya ng gising.
Nakaalis na ang kanyang ina para maglako ng biko.
Nasulyapan niya ang bulaklak na mula kay Lucas. Nasa ibabaw pa rin ito ng mesa at nakalagay sa garapong nilagyan lang ng tubig.
Napangiti siya nang di niya namamalayan.
"Sir Lucas, salamat, kasi kahit ang sungit sungit mo sa'kin, marunong ka rin palang mag-alala.
Kinuha ni Twinkle ang isang tangkay ng rosas at inamoy amoy.
" Sana ikaw na lang si Angelito..."
Samantala.
Sa bahay ng kambal na mangkukulam.
" Wella, ano ka ba naman, ang hirap hirap mong matuto, paano tayo mananalo niyan?" inis na sabi ni Wenna habang nagsasanay din silang magkapatid.
"E Wenna, hindi naman natin kailangan ang batong itim na 'yon eh. Pwede naman tayong mabuhay ng maayos at payapa kahit wala 'yon." nakayukong sabi ni Wella.
"Shunga ka talaga eh noh, hindi mo ba alam kung gaano tayo mabubuhay ng sagana sa oras na mapasaatin ang pinakamalakas na kapangyarihan ng mga mangkukulam?"
"A basta kahit ano pa ang sabihin mo, mas pipiliin ko pa rin ang simpleng buhay!"
"EEEEE Nakakainis ka talaga!"
Dahil sa malakas na pagsigaw ni Wenna ay pumutok ang ilaw at agad na kumalat ang dilim sa loob ng kanilang bahay.
"ALYANNAAA!" malakas na tawag ni Bokyo sa dalaga.
Pupungas pungas na binuksan ni Alyanna ang pinto.
"O, anong kailangan mo"
"Ang sabi kasi ni pinuno nasa sa'yo raw ang mga imibitasyon para sa mga pulang mangkukulam. Kailangan ko itong maihatid sa kanila ngayon."
"Sige pasok ka, kukunin ko lang sandali sa kuwarto."
Habang naghihintay ay gumagala ang tingin ni Bokyo.
"Hmmm, sa lahat ng mga dalagang mangkukulam, itong si Alyanna ang feeling social talaga eh!" sa isip ni Bokyo.
"Uy teka, ang ganda naman no'n!"
Nilapitan ni Bokyo ang pangdisplay na nakita niya sa mesa ni Alyanna. Isang babasaging manika ng mangkukulam.
Pagdampot niya rito ay natabig niya ang kahon na naglalaman ng hibla ng buhok ni Lucas.
"OOOPPPSS!"
Nagmamadali niyang dinampot ang kahon at ibinalik ang takip nito.
"Akala ko kung ano na..." aniya.
Siyang dating naman ni Alyanna.
"O, heto ang mga imbitasyon. Hindi ko maintindihan si Pinunong Max kug bakit kailangan pa niyang imbitahan ang mga pulang mangkukulam. E sa pagkakaalam ko, sila ang mga mangkukulam na ubod ng sasama, tsk tsk!" napapailing na sabi ni Alyanna.
"Oo nga, sa palagay ko'y..." hindi na naituloy ni Bokyo ang sasabihin nang pigilan siya ng dalaga.
"Sshhh. Ok na, pwede ka ng umalis. Tsupi! I don't have time to listen." sabay irap at talikod nito sa binata.
"Sshh ok na, pwede ka na umalis. Tsupi! I don't have time to listen." pabaklang ulit ni Bokyo sa maarteng pagkakasabi ni Alyanna.
Gulat na gulat si Lucas nang sa muli niyang paggising ay wala na ang mga butlig sa katawan niya.
"Oh God, this is a miracle!" aniya habang nakaharap sa whole body mirror sa loob ng kanyang silid.
Hindi siya makapaniwala.
Sa kabila nito ay naroon pa rin ang pagnanais niyang makaganti.
Maya-maya lang ay tinawagan niya si Brian.
"O bro, napatawag ka?" tanong ni Brian sa kabilang linya.
"May ipagagawa ako sa'yo."
"Business ba?"
"No. Gusto kong alamin mo kung sino-sino ang mga mangkukulam sa paligid ng itinatayo nating resort."
"Ha? Teka, ang hirap naman no'n, boss friend baka mapahamak ako diyan!"
"Kaya nga sa'yo ko pinagagawa eh, dahil malaki ang tiwala ko sa'yo."
"Walang nagawa si Brian sa kabilang linya kundi ang sumangayon.
" Argh, ok fine, ang dali no'n ha! " anito.
Makalipas lang ang ilang araw.
Pinuntahan ni Brian si Lucas.
" O, kumusta 'yung pinapatrabaho ko sa' yo? " bungad na tanong ni Lucas nang makita ang kaibigan habang papasok ito sa loob ng bahay.
Pabagsak na naupo si Brian sa sofa.
" Labsmabo boss friend. Mukhang nagtatakipan ang mga tagaro'n."
"Ano?"
"Halos lahat sila sinasabing wala silang kilalang mangkukulam na naninirahan doon. May unity sila pagdating sa pagprotekta sa lahi nila!"
"Gano'n?"
"Yes bro, but don't worry, mas importante pa sa ipinapagawa mo sa'kin ang nalaman ko mula sa isang reliable source ko!"
"Hindi ba fake news 'yan?"
"Makinig ka muna, so ito na nga, sa pagbilog daw ng buwan sa biyernes, ang mga mangkukulam na 'yan ay magkakaroon ng pagtitipon sa kakahuyan!"
Napakunot noo si Lucas sa sinabi ni Brian.
"Anong klaseng pagtitipon?"
"E hindi na sinabi nung rs ko, pero hindi na importante 'yon, ang mahalaga, sa pagtitipong iyon ay tiyak dadalo kung sinuman ang mga mangkukulam na 'yon o baka nga lahat sila!"
"Tama ka..." nag-iisip na tugon ni Lucas.
Muli ay nakarinig sila ng mga kakaibang tunog na iyon na nakapangingilabot.
"Brian, hindi kaya sa mga mangkukulam sa kakahuyan nagmumula ang tunog na 'yon?"
"Hindi imposible..."
"Maghanda ka. Aattend tayo ng party nila."
"Ha sure ka ba, kung ganon dapat magbaon tayo ng maraming bawang at asin!"
"Brian, mga mangkukulam sila hindi aswang!"
Sa mga sandaling 'yon ay ganap nang naisagawa ni Alyanna ang gayuma na gamit ang hibla ng buhok ni Lucas na inilagay niya sa kahon.
"Ngayon, magsisimula ka ng makaramdam ng pag-ibig sa akin Lucas!"
(ITUTULOY)
WITCH'S CRAZY LOVE
Story by Geraldine Monzon
Art by Rozel Siena
(Chapter 10)
Matagumpay na naisagawa ni Alyanna ang gayuma na inilaan niya para kay Lucas. Gamit ang hibla ng buhok ay sinigurado niya na wala ng kawala ang binata sa kanya. Tinapangan niya ng husto ang gayuma.
"Mula ngayon unti-unti ka nang mahuhumaling sa'kin Lucas, kahit hindi mo na inumin ang gayumang ito basta't nakababad ang hibla ng buhok mo rito ay mananatili kang inlab sa'kin. At kahit mawala na sa pagkakababad, hanggat nakakapit sa hibla ng buhok mo ang gayuma ay walang makakapigil sa'yo na mahalin ako! "
Ang sinabing iyon ng dalaga ay sinundan niya ng malalakas na paghalakhak. Dahilan para maglayuan ang mga kuliglig sa paligid ng bahay niya.
Sa bahay ni Lucas.
" Bro, ano ba talagang balak mo pag nandoon na tayo sa pagtitipon nila? " tanong ni Brian.
" Kailangan lahat ng nandoon ay makuhanan natin ng picture. We have to expose them sa media. Nang sa gayon ay matigil na ang masasamang gawain nila."
"Ha, pero, diba delikado 'yon, baka balikan nila tayo at hindi lang mga butlig ang magkaro'n tayo, baka gawin pa tayong palaka ng mga mangkukulam na'yon!"
"You know what, hindi nakakatulong ang mga sinasabi mo. Just follow my instructions pagdating natin do'n."
Sa isip ni Brian, buti pa ay hindi na niya sinabi kay Lucas ang nalaman. E di wala sana siyang pinangangambahan ngayon! Ano kaya kung bawiin niya at sabihin niyang hindi na pala matutuloy ang pagtitipon ng mga mangkukulam? Pero si Lucas ang tipo ng tao na alam kung alibi na lang ang sinasabi mo o hindi.
Ready na si Twinkle.
"Anak, basta gawin mo lang ang best mo. Isipin mo na hindi ito pagganti sa sinapit mo, kundi para sa pagbabagong hinahangad ng mga mabubuting mangkukulam. Para sa mabuting kinabukasan ng ating lahi."
"Opo nanang. Gagawin ko po lahat ang makakaya ko para sa laban na'to. Para sa ating lahi at higit sa lahat, para sa'yo nanang. Alam ko na matagal mo na ring hinahangad ito. Pero hindi ka manalo nalo dati."
"Salamat anak pero aray ko naman sa pagpapaalala mo. Talagang pinaalala mo pa na isa akong talunan dati."
"Charrr lang nanang, haha!"
Hatinggabi.
Sa pusod ng kakahuyan nakatakdang maganap ang pagtitipon ng mga mangkukulam para sa tagisan ng lakas. Lahat ay naghahangad na makuha ang batong itim na nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan ng isang mangkukulam.
Bawat isa sa mga kalahok ay may kanya-kanyang dahilan sa pagnanais ng kapangyarihang pinakaaasam ng lahat
Nakahanda na ang mga bilog kung saan pupuwesto ang mga kalahok. Bawat bilog ay may kanya-kanya na ring mga gamit na pwedeng gamitin ng mga mangkukulam para sa ipapakita nilang kakayahan.
Isa-isa ng nagdadatingan ang mga kalahok gayundin ang mga sasaksi lang. Naroon na rin si Pinunong Max. Maging ang mga pulang mangkukulam na inimbitahan.
Lingid sa lahat ng naroon ay nakapwesto na rin sa kanilang kublihan sina Lucas at Brian.
"Tama nga ang sinabi mo. At mukhang hindi lang ito basta pagtitipon." nanlalaki ang mga matang pabulong na sabi ni Lucas.
"Oo nga, mukhang may thrill na magaganap, ayos 'to!" napalakas na sabi ni Brian.
"Ssshhh, hinaan mo ang boses mo. Hindi nila tayo pwedeng makita rito." mahinang saway naman ni Lucas.
"Ok fine."
Sa mga sandaling iyon ay hindi pa nakakaalis ng bahay si Bokyo. Napakainit ng kanyang pakiramdam na tila sinisilaban ang kanyang kalamnan.
"Ano ba naman 'yan, bakit ngayon pa yata ako lalagnatin..."
Tumingin si Bokyo sa harap ng salamin.
"Bakit parang iba ang tingin ko sa sarili ko, parang ibang tao ako... Parang may gusto akong makita na hindi ko mawari... T-teka, hindi maaari ito!"
Tinawagan niya si Yanni.
"Yanni, kailangan kita!"
"Bokyo, ngayon talaga? Otw na'ko sa kakahuyan, magkita na lang tayo roon."
"O-ok sige... Ingat"
"Ikaw din. See you."
Halos magkasunod lang na dumating sa kakahuyan sina Yanni at Bokyo.
"O Bokyo ano ba 'yung kailangan mo sa'kin?"
"Ah 'yon ba, bigla kasing sumama ang pakiramdam ko kanina, pero medyo ok na'ko ngayon."
Sinalat ni Yanni ang noo at leeg ni Bokyo.
"Mukhang ok naman ang temperature mo. Baka napepressure ka lang kasi obligado tayong mga single na magpakita ng kakayahan kahit pa alam na natin kung sinu-sino lang ang matitira na magtatagisan sa huli."
"B-baka nga..."
"Teka, bakit ba ang tagal ni Twinkle?"
"Ewan ko, sunduin ko na kaya?"
"Huwag na. Sigurado namang kasama niya ang nanang niya." ani Yanni.
Maya-maya pa.
"O ayan na pala si Twinkle my labs eh!" ani Bokyo nang matanaw ang dalaga.
Papalapit na sa kanila si Twinkle kasama ang ina.
Mula sa pinagkukublihan nina Lucas at Brian, habang abala sa pagkuha ng litrato na walang flash ang huli ay nanlaki naman ang mga mata ng una nang mamataan si Twinkle.
" S-si Twinkle...isa rin siyang mangkukulam?" hindi makapaniwala si Lucas.
"Huh?" napatingin din si Brian.
"Boss friend, diba nung pinuntahan natin 'yang si Twinkle e sabi ng nanay niya nilalagnat siya?"
"Oo."
"Ang sabi kasi ng lola ko dati, may mga mangkukulam daw na matapos magsagawa ng kulam ay nilalagnat, hindi kaya si Twinkle ang nangulam sa' yo, e diba kasi lagi mo siyang sinusungitan, tapos basta na lang siya umalis sa bahay mo nung huling mapagalitan mo siya dahil natapunan ka niya ng juice! "
Kumunot ang noo ni Lucas sa sinabi ni Brian.
" Kung siya nga ang kumulam sa'kin, hindi ko siya mapapatawad!" napalakas ang boses ni Lucas kaya't siya naman ang sinaway ni Brian.
" Konting hina bro, baka madale nila tayo rito! "
" Brian, marami ka na bang kuha?"
"Oo, pero mamaya ka na magwalked out boss friend, kailangan nating makuhanan ang highlight ng gabing ito para kumpleto ang maireport natin sa social media."
Hindi na kumibo si Lucas. Deep inside ay nagpupuyos ang kalooban niya. Nakatitig siya kay Twinkle habang inaayos nito ang itim na mahabang kasuotan na siyang gagamitin sa paligsahan.
"Pagkatapos ng gabing ito, magtutuos tayong dalawa Twinkle." ani Lucas sa sarili.
Samantala.
Tinawag ni Max ang isang tauhan niya.
"Nakahanda na ba ang lahat?"
"Opo pinuno."
"Ang mga pulang mangkukulam?"
"Narito na rin po silang lahat."
"Si Ka Upeng?"
"Nasa kubol na niya pinuno. Naghahanda na siguro para sa pagpapalaya niya sa itim na bato."
"Mabuti. Kung gano'n simulan na ang paligsahan."
"Masusunod po pinuno."
Matapos ang ilang seremonya ay nag-umpisa na ngang magpakita ng kanilang kakayahan ang nasa isangdaang mangkukulam. Bawat magkamali ay agad inaalis sa kanilang bilog.
Hanggang sa matira na lang ang sampu.
Kabilang sa sampu sina Alyanna, Yanni, ang kambal na sina Wenna at Wella at si Twinkle.
Sumunod na natanggal ay si Yanni. Nagkatinginan sila ni Twinkle at nagtanguan. Sumenyas pa si Yanni kay Twinkle na kayang kaya nito, na nginitian naman ng huli.
Nang lima na lang silang natitira ay kailangan na nilang ipakita ang kakayahan nila sa pinakamahihirap na talento ng isang mangkukulam.
Ang una ay ang paglikha ng gayuma. Ang pinakamabagal ang siyang maaalis. Dito natanggal ang isa sa lima.
Ang natitira na lang ay apat, sina Wenna, Wella. Alyanna at Twinkle.
Nang ang pagsubok ay dumako sa pagpapagalaw ng mga bagay, dito na sumablay si Wenna. Nadaig pa siya ng kakambal na si Wella na inaakala niyang mas mahina sa kanya. Kaya hindi niya maiwasa na hindi magngitngit.
Ang sumunod na pagsubok ay ang orasyon sa pagpapalabas ng mga paniki sa pamamagitan ng kanilang tinig.
Halos lahat ay nagtakip ng teynga dahil sa nakabibingi at nakakakilabot na tinig ng tatlong natitirang mangkukulam.
Tinakpan din nina Lucas at Brian ang mga teynga nila.
Mabilis na nakapagpalapit ng paniki sa kanyang bilog si Alyanna. Bagay na nakaya ring gawin ni Twinkle kahit muntik na itong sumablay. Pero hindi ito kinaya ni Wella kaya out na rin siya.
Twinkle versus Alyanna ss pinakamahirap na pagsubok.
"Makinig kayong lahat. Humantong na tayo sa pinakadulo ng paligsahan na ito. Alyanna versus Twinkle. Kung sinuman sa kanilang dalawa ang matitirang nakatayo, ang siyang tatanghaling panalo, ang magtataglay ng itim na bato at kikilalanin bilang pinakamalakas at pinakamakapangyarihang mangkukulam sa ating lahi, sabik na ba kayong masaksihan ang huling tunggalian? "
" OO, SIMULA NA 'YAN! " ang nakabibinging hiyawan ng mga mangkukulam.
Sa isang sulok ay nagdarasal naman si Aling Toyang para sa kaligtasan ng anak.
" Lord, alam nyo naman po na may pagkatuso ang Alyannang 'yan kaya't ikaw na po ang bahalang magprotekta sa anak ko. Amen."
Sabay na hinawakan nina Alyanna at Twinkle ang kani-kanilang mahabang walis.
"Huwag ka ng umasa Twinkle, bata pa ko ginagawa ko na'to, samantalang kailan mo lang natutunan!" nang-aasar na sabi ni Alyanna.
"Huwag kang magpakasiguro, kadalasan, kung ano ang inaasahan, ang siyang hindi nangyayari!"
Matalim na inirapan ni Alyanna si Twinkle na nginitian lang ng huli.
Sa saliw ng tambol at pagbilang ni pinuno ay mabilis na kumilos ang dalawa.
Kapwa pumaimbulog paitaas.
Napatingala at natulala si Lucas sa nasaksihan.
(ITUTULOY)
No comments:
Post a Comment