Lazada

Sunday, July 14, 2019

WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG FILIPINO

Language! Philippines! Mother Tongue!
Language Month!

Tema ng Buwan ng Wikang Pambansa


WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG FILIPINO


Mungkahing piyesa para Sabayang Pagbigkas para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019.
Sabayang Pagbigkas para sa lahat

Sabayang Pagbigkas!

Maaaring gamitin ng mga paaralan.


WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG PILIPINO
JENNIFOR AGUILAR

Hinuhubog, Binubuo, nilililok
Bansang sa panahon ay sinubok
Napakaraming dayuhan ang sa ati’y sumakop
Niyurakan, nilapastangan, tayo’y inilugmok

Namangha sa kagandahang binubuo ng mga pulo
Sa angkin nating yamang puro’t dalisay na ginto
Maging sa mga wikang iba-iba at katutubo
Taglay ng mamamayang matitikas at tribo-tribo

Hinati-hati, pinagwatak-watak, ginrupo-grupo
Nagsipangalat mga katutubong Pilipno
Itinaguyod kani-kaniyang tribo
Nalimot ang pagkalahing iisang dugong Pilipino

Nilapastangan ng mga dayuhan, binihisan ng pagbabago
Relihiyon at edukasyon pilit sa ating pinasubo
Niyurakan ang kultura’t winasak ang pagkatao
Nilihis ang landas ng lahing Pilipino

Ivatan, Itneg, Ibanag, Ilocano
Tagalog, Bicolano, Waray at Cebuano
Ilan sa mga katutubong wikang bumubuo sa Filipino
Pinipigil, sinusupil, pinapatay ng pagbabago

Binabansot, nililimot, unti-unting naglalaho
Wikang banyaga’y, lumalaki’t lumalago
Ikinikintal sa utak ng mga Pilipino
Wika ng Bayan ko, saan kaya magtatagpo?

Linangin, payabungin, pagyamanin ang wikang Filipino
Ibatay sa mga Wikang umiiral sa bayan ko
Mga wikang angkin, mga wikang katutubo
Tungo sa pagtataguyod ng isang bansang Pilipino

Paunlarin at suportahan MTB-MLE sa bawat baryo
Wikang katutubo ang gamitin sa pagtuturo
Buwagin at ibasura CMO-20 sa Kolehiyo
Ibalik ang mga asignaturang Filipino

Patatagin ang bansa sa pamamagitan ng wika
Wikang gamit sa komunikasyon at pag-unawa
Wikang nakaugat pagkalahi nati’t kultura
Upang mapag-isa minamahal nating bansa

Mga wikang katutubong maliliit man at iba-iba
Hitik naman sa yaman ng gawi nati’t kultura
Kung bibigyang pansin at pahahalagahan ng madla
Mabisang kasangkapan upang maging isang Pilipinong Bansa

2 comments:

  1. Daang taon na ang nakalilipas simula ng sakupin tayo ng mga dayuhang lumaspatangan at nag-iwan ng yurak sa ating lupang Sinilangan. Ito ay nagdulot ng pagkakawatak-watak ng dugong Pilipino na mula sa hubo't hubad nating anyo ay nabigyang bihis ng pagbabago. Pagbabagong nag-iwan ng permanenteng bahid sa ating mga balat. Tila ba'y isang martilyong pamukpok na siyang bumabansot sa atin. Ang naiwang diwa ng mga kanluranin na siyang nanalaytay at patuloy na nananalaytay sa isipan ng mga Pilipino. Ngunit magakakaiba man tayo, huwag nating isantabi na ang wikang Filipino ay simbolo ng ating pagka-Pilipino. Nahati man tayo sa iba't ibang pulo, nagmula man sa Luzon, Visayas, o Mindanao, ang mga wika at dayalekto natin ang nagbibigay kulay at tulay upang magkaroon ng ugnayan at pagkakaisa. Ito ang patunay na hitik at sagana sa kultura ang Pilipinas.

    Bilang isang Pilipino, suportahan natin ang pagpapayabong ng ating wika, ibasura ang CMO NO. 20 na nagpipigil sa wikang dapat ay nagpapalaya 'pagkat ang wika ay humihinga at may diwa, wika itong kaluluwa. Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga obserbasyon, at halaga ng kanyang katangian, bagkus ay sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto at larangan sa ating komunidad kung saan sumisimbolo sa pambansang kaunlaran. Ang kaisipang dayuhang mapangwasak katulad ng buhangin sa dagat, tayo ay natatangay sa pagbabago. Pagbabagong naghahangad ng pag-unlad ngunit nagbibigay daan din para isakripisyo ang isang napakahalagang bahagi ng ating pagkatao at pagkakakilanlan.

    Ibandera natin ang sariling wika. Magsama-sama at ipaglaban kung ano ang tama. Huwag nating hayaang tuluyang mawalan ng hininga ang wika. Ipaglaban! tayo'y umaksyon at kumilos upang magbatid ng panibagong pag-asa. Ang wika mo, ay wika ko rin, wikang Filipino hanggang kamatayan.

    ReplyDelete
  2. Iisa man ang ating lahi, tayo naman ay kumpulan ng mga iba't-ibang magagandang kultura. Bilang Pilipino, masakit isipin na ang mga ito ay pilit na ibinubura at pinapalitan ng kultura ng mga nanakop sa atin. Ang pagliban sa kulturang Pilipino sa larangan ng edukasyon ay isang biro. Hindi ito nararapat at dapat natin itong aksiyonan! Ibasura ang CMO no. 20 at panatilihin ang Filipino sa ating mga silid-aralan!

    ReplyDelete