Lazada

Thursday, August 8, 2013

Mga Tula ng mga Eskolar ng Bayan



KASAMA KA
ni Maricar Ceribo


Saan nga ba pupunta?
Kung ikaw at ako ang magkasama?
Hawak kamay tayong dalawa
maglalakbay upang magsaya.

Saan nga ba pupunta
kung ksama ka?
Sa karagatang masigla o
sa harding nakakahalina?

Sa ibang bansa't makipagsapalaran o
sa bayang pinagmulan?
Sa piyestang nagkakasiyahan o
taimtim na magdasal sa simbahan?
  
Lasapin ang hangin o
panuorin ang bituin?
Sabay maghabi o
makinig sa musika ng magkatabi?

Kasi kung tayong dalawa ang magkasama?
Masasabi ko lang na,
kay sarap nga namang mabuhay
kung kasama kita HABANG BUHAY.


Unang Pagibig
ni  Marscello Tripulca

I
O! Kay tamis nang unang pagkikita
Mga labi ko'y punung-puno ng mga pagsinta
Laging gustong aninagin ng mapupungay na mata
Ang iyong alindog na nakalantad sa madla

II

Nais kong amuyin ang samyo ng iyong buhok
Upang maihalintulad sa mga rosas sa bundok
Kahit pukpukin ng martilyo sa aking taluktok
Ikaw ay hahanapin saan mang pook

III

Saan ko ba maihahambing ang gayuma mo hirang?
Sa bulaklak bang namumukod tangi sa parang
O sa isang talang nakahimlay sa likod ng kalangitan
Ano kaya'y sa perlas sa gitna ng karagatan

IV

Anupat ang sarili'y napabayaan,
Dahil sa iyong kariktan na aking nababanaag
Kayat nawa'y itong aking handog ay kalugdan
Dahil sa paghanga sa iyo ng lubusan

V

Dila ko'y tila namimilipit,
Hinahatak nang aking hiya tulad ng isang kalawit
Sa aking kaba doo'y naiipit
Kahit nakasuot pa ng isang magarang damit

VI

Kaya't dilidilihin mo , O aking Mahal
Ang unang pag-ibig na ikinubli ng pagpapagal
Kayat iyong tanggapin sapagkat sa akin ay sakdal
Ang puso kong nabihag na tila sinasakal


Munting Paraiso
Ni  Marilou Bomediano

Bago ako matulog
Muntik pang mauntog
Sa silid na kay kipot
Ako’y namamaluktot

Ang higa’y di tuwid
Mga paa ay nakapinid
Bawal ang magaslaw
Ang di sanay ay aayaw


Ito ay aking paraiso
Tinanggap ng buong puso
Ito man ay walang sinabi
Hindi ko isasantabi

Di man ito kagandahan
Wala mang pamantayan
Ito ang aking tahanan
Mahal ko’t ipaglalaban


Yeng
Ni: Marilou Bomediano
  
Ang kanyang buhok ay kulay pula
At ang boses niya ay kay ganda
Yeng Constantino ang ngalan niya
Ang paborito kong manganganta
  
Mga awiting kanyang naisulat
Magaganda at dapat ikalat
Kung ang paghanga ay di pa sapat
Handa akong harangin ang sibat

Taglay niya ang tinig na magpapakabog
Sa pusong mahimbing na natutulog
Tunay ngang kakaiba alay niyang tunog
Kay suwerte ng kanyang iniirog

 Iyan ang aking iniidolo
Mahusay umawit at totoo
Bagaman ako ay ordinaryo
Siya ang bida sa puso ko


Pagkakataon
Ni: Marilou Bomediano
  
Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi
Hirap ding tanggapin ang pagkakamali
Magsaya sa umpisa at mawili
Sa bandang huli, sa hikbi nauwi
  
Sabi nga’y huwag magmamadali
Tumubong sungay agad sanang mabali
Sapagkat ang batang di mapakali
Sa pagkasugat tiyak mauuwi
  
Hindi lahat ay umaamin
Sa kanilang sala na nasa rin
Silang mahilig magpasaring
Ay tiyak nagkakasala rin
  
Tayong lahat ay may pagkakataon
Na sa pagkakamali ay bumangon
Huwag nating sayangin ang panahon
Di sa lahat ng oras ay umaambon


PARA SA KABATAAN
ni: Camille Ann L. Vistan
  
Kabataan ay pag-asa ng bayan
‘Yan ang noon pa sati’y iminulat
Ating dinala hanggang sa kasalukuyan
Paghubog ba ay naging sapat?

 Hindi mo kailangan sisihin ang sinuman
Ikaw lamang ang may hawak ng iyong kabuuan
Ikaw rin ang magsisimula nitong pagbabago
Para sa lahat, para rin sa iyo
  
Ikaw nga ba’y pag-asa nitong ating bayan?
Nagawa mo nga ba iyong dapat gampanan?
Ikaw ba’y magiging produktibong mamamayan?
O iaasa na lamang ang bukas kay Batman?

Sana ika’y magising hangga’t maaga pa
Maging inspirasyon at huwaran sa iba
Ikaw lamang ang susi tungo sa iyong tagumpay
Dahil ikaw ang namamahala ng iyong sariling buhay.


 
SA LOOB NG SILID
ni: Camille Ann L. Vistan

Mayroong mga maiingay
Mayroon din nman mga tahimik
Bawat isa’y may kani-kaniyang buhay
‘Di pa rin matitiis ang hindi umimik

Sa loob ng iisang silid
Espasyo sa isa’t isa’y kikitid
Oras na kayo’y magkakwentuhan
Pakikitungo sa isa’t isa’y gagaan
  
Iisang klase, iisang seksiyon
Nag-aaral at natututo ng iisang leksiyon
Dumating man mga takda at proyekto
Kakailanganin ang bawat isa, matapos lamang mga ito
  
Mga panahon ay lilipas
Sa inyong samaha’y wala nang tutumbas
Hindi mamamalayan bawat dadaang oras
Kayo na pala’y tutungo sa kani-kaniyang landas


KAMI’Y MULA SA PUP
ni: Camille Ann L. Vistan
  
Iskolar ng bayan,
‘Yan ang bansag sa amin
Buwis ng sambayanan
Malaking tulong para sa amin

Bahay at paaralan,
‘Yan lagi aming ruta
Buhay na ito’y isang sanayan
Para sa tulad naming maralita
  
Pinahahalagahan bawat oras at Segundo
Makatapos lamang sa paaralang ito
Anuman ay aming pagsisikapan
Para din ito sa aming kinabukasan

Mura man ang aming matrikula
Mayroon din naman kaming maibubuga
Mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Pamantasang Utak ang Puhunan, kailanma’y ‘di kukupas.


Hanggang sa susunod na Bukas (para kay Jenny Rose Nagpiing)
ni: Camille Ann L. Vistan

 Ikaw ang naging ingay sa katahimikan
Kasiyahan sa mga kaguluhan
Ikaw ay laging nariyan lamang
Walang lugar sa ‘tin ang puwang

Sa ating unang pagkikita
Sa isa’t isa’y naging linta
Sabi nila’y ‘di na tayo naghiwalay
Aba syempre! Kaibigan kitang tunay

 Ni minsa’y ‘di pa naging mapait
Bawat araw ko’y saya ang kapalit
‘Pagkat sa klase tayo ay magkasangga
Pag-aaral pa rin ang ating inuuna
  
Alam mo naman aking mga sikreto
Ating samaha’y tapat at totoo
Salamat sa lahat ng ating mga oras
Sana’y magpatuloy pa hanggang sa susunod na bukas.


ULAN
ni: Camille Ann L. Vistan

Andyan ka na naman
Nagtatatalon sa aming bubungan
Umiiyak ka na naman kaibigang langit
Tanong ko lamang sa ‘yo at bakit?
 
Sa tuwing ika’y dumarating
Nais kong sabihin nadarama’t mga daing
Doon sa sulok ng aking kwarto
Kay raming nais sabihin sa iyo

Sa piling mo, ako’y ligtas
Pagluha lamang, tangi kong paraan
Bigat ng damdami’y nais ilabas
Sa iyo’y ramdam ko itong paghagkan

Dating tuwa’t saya ay nagbabalik
Sarili’y nagising, tila may pumitik
Liwanag ata sa bintana ay dumungaw
Kasama pala muling pagsikat ni Haring Araw.


Para kay Kate
ni: Camille Ann L. Vistan

 Akala ko masungit ka
Akala ko’y isang isnabera
Nang ika’y biglang nakasalamuha
Mali pala aking hinuha

Kung minsa’y di maintindihan
Dahil dito, nabuksan aking isipan
Higit pa sa kaibigan itong aming turingan
Siya’y naging kapatid na aking maaasahan

Hindi sapat sa akin ang minsan
Sakto na ang walang hanggan
Isang tawag, isang kalabit
Ako’y narito, kahit walang kapalit

 Salamat sa iyo, salamat sa lahat
Mahal kong kapatid, wala kang katapat
Tunay na saya, sa iyo’y aking nadama
Pangako’y hanggang dulo, ako’y  iyong makakasama.



5 comments:

  1. kay ganda ng mga nagawang tula. nkaka inspire,tska kahanga hanga ang pag gamit ng mga malalalim na salita at pagbuo sa bawat linya. halatang may pinaghuhugutan..hehe.. nakakagaan sa pakiramdam,talagang kay galing ng mga naging inspirasyon ninyop sa likod ng mga tulang ginawa ninyo. magaling..nakaka proud!!classmates ko yn.. hehe. goodluck at godbless :)

    BSED MT 2-1N JENNA RAAGAS (LHADY FAST 13)

    ReplyDelete
  2. ang gaganda ng mga nagawang tula :))

    ReplyDelete
  3. Nakatutuwang makita ang ilan sa aking mga likhang tula sa blog na ito. Nawa'y mabasa rin ito ng ilan pang mga kabataan at sila'y masiyahan. Maging inspirasyon rin sana ang mga ito sa iba pang mambabasa tulad ng "Para sa Kabataan" at "Kami'y mula sa PUP".

    ReplyDelete
  4. Nakakatuwang basahin ang mga akda lalo na yung mga simpleng bagay na ginagawa nilang sentro ng kanilang tula. Patunay lang ito na mayroon tayong malikhaing pag-iisip at kailangan lang ay gamitin at pagyamanin pa.

    ReplyDelete