Lazada

Saturday, July 29, 2023

Paliwanag sa tema ng Buwan ng Wika 2023


Buwan ng Wika 2023

Filipino at mga Katutubong Wika:


Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan


Sa napakaraming bansa sa mundo, bukód tanging Pilipinas lámang ang may nakalaang gintong panahon taón-taón upang gunitain, pahalagahan, at alayan ng pagdakila ang wikang Pambansa. Ang gawaing itó ay pinasimulan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noóng 26 Marso 1954 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 12 na nagtatadhana sa pagdiriwang ng linggo ng wika tuwing 29 Marso–4 ng Abril bílang pagbibigay parangal sa kaarawan ni Francisco Balagtas na isa sa mga nagbigay prestihiyo sa wikang Tagalog. Subalit makalipas lámang ang mahigit isang taón, noóng 23 Setyembre 1955, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 186 ay pinalitan ang petsa ng pagdiriwang ng linggo ng wika tungong 13-19 Agosto bílang pagbibigay-pugay sa kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na malaki ang naging hirap tungo sa pagkakaroon natin ng Wikang Pambansa.


Ang mga batas na nabanggit ang siyang dahilan kung bakit nakalakihan na nating lahat ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika magmula elementarya hanggang kolehiyo na mas pinaigting pa ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noóng 1997 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041 na nagtatakda sa buóng buwan ng Agosto taón-taón bílang Buwan ng Wika kalakip ang tagubilin sa iba’t ibang sangay at tanggapan ng pamahalaan partikular na sa mga paaralan na ipagdiwang ang naturang okasyon sa pamamagitan ng mga gawaing kababakasan ng kalinangan ng lahing Pilipino.


  Filipino at mga Katutubong Wika

Ang tema ng Buwan ng Wika 2023 ay pagkilala sa katotohanan ng pagiging linguistically diversed ng Pilipinas na pinatutunayan ng pag-iral ng napakaraming wika na ayon kay Emma H. Santos-Castillo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas at Linguistic Society of the Philippines (2008) ay nasa “70 to 120 languages/dialects depending on who is counting and what criteria are used for counting.” Para sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nasa 134 ang bílang ng mga wika sa bansa kasama ang Filipino Sign Language (FSL) sa bisa ng Batas Republika Blg. 11106 na kapuwa kinikilala sa Early Years Act (Batas Republika Blg. 10410) at ng Enhanced Basic Education Act (Batas Republika Blg. 10533).


Ang pag-iral ng dibersidad pangwika sa Pilipinas ay indikasyon ng pagkakaroon nitó ng isang masiglang linguistic ecosystem. Nakamamangha kung paano napanatiling buháy at matatag ng ibá’t ibáng pangkat etniko sa bansa ang kani-kanilang ugnayang kultural sa kabila ng katoto- hanang dumaan itó sa napakahabang yugto ng pananakop ng mga Español (333 taón), Americano (halos 50 taón), at mga Japones (humigit-kumulang 5 taón).


Ang mga wika sa pagtataguyod ng kapayapaan


Ang kapayapaan, katarungan, at pagpapalakas sa mga institusyon ang isa sa dakilang tunguhin ng Sustainable Development Goal ng United Nations (UN) na may lunggating maging malaya ang mamamayan saan mang panig ng mundo laban sa lahat ng uri ng karahasan at magkaroon ng kapanatagan anuman ang kanilang lahi, pananampalataya, at oryentasyong pangkasarian. Kinikilala ng UN na “Ang mataas na antas ng karahasan at kawalang-seguridad ay may mapaminsalang epekto sa pagsulong ng isang bansa. Ang mga karahasang seksuwal, krimen, pagsasamantala, pagpapahirap ay laganap sa mga lugar na may kaguluhan at walang umiiral na batas.” 


Anupa’t napakahalaga ng pagtutulungan ng bawat pamahalaan, mga samahang sibiko, at iba’t ibang komunidad tungo sa pagtatamo ng pangmatagalang solusyon sa mga kaguluhan at kawalan ng kapanatagan o seguridad. Binigyang-diin pa ng UN na Strengthening the rule of law and promoting human rights is key to this process, as is reducing the flow of illicit arms, combating corruption, and ensuring inclusive participation at all times.


Ang mga wika sa pagtataguyod ng seguridad


Mabisang maipararating sa taumbayan ang kahandaan sa pagharap sa anumang sakuna kung ang bawat pabatid o komunikasyon ukol dito ay nasa wikang gágap at madaling nauunawaan ng publiko. Mahalaga itó sa pagbibigay katuparan sa The National Disaster Risk Reduction and Management Plan NDRRMP 2011–2028 na “adopt a disaster risk reduction and management approach that is holistic, comprehensive, integrated, and proactive in lessening the socio- economic and environmental impacts of disasters including climate change, and promote the involvement and participation of all sectors and all stakeholders concerned, at all levels, especially the local community.”

 


Hinggil sa usapin ng seguridad o kaligtasan, kasalukuyan may mga nakahaing panukalang batas sa Senado ng Pilipinas gaya ng:

 

1)   Senate Bill No. 859: An Act Requiring Disaster-Related Information to be Stated in Accessible Language to Ensure Public Understanding Thereof to Protect Public Health and safety ni Senador Ramon Revilla Jr.

2)   Senate Bill No. 834: An Act Requiring Disaster-Related Information to be Stated in Accessible Language to Ensure Public Understanding Thereof ni Senadora Loren Legarda

3)   Senate Bill No. 680: An Act Requiring Disaster-Related Information to be Stated in Accessible Language to Ensure Public Understanding Thereof to Protect Public Health and Safety ni Senador Jinggoy Estrada

4)   Senate Bill No. 275: An Act Mandating the Language Accessibility of Disaster- Related Information ni Senador Lito Lapid

Mahalaga ang nabanggit na mga panukalang batas para sa pagtitiyak ng pagpapahusay ng serbisyo publiko at pagtataguyod sa kaligtasan o seguridad ng publiko sa panahon ng trahedya o sakuna at hangad ng KWF ang pagiging ganap na mga batas ng mga nabanggit.



Ang mga wika sa ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan

 

Ang katarungang panlipunan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng sapat na representasyon ng lahat ng mamamayan sa dominyo ng batas na para kay dáting Pangulong Quezon ay nangangahulugan ng pag-akdâ o pagbalangkas ng mga panukalang batas at kapasiyahang súkat makita sa mga batas na kasalukuyang umiiral, at nang sa ganito’y maisaayos at malunasan ang mga katiwalian at kaapihang nananaig pa sa bayan. Ganito rin ang patuloy na panawagan sa likod ng tinaguriang Magsaysay Credo mula kay dating Pangulong Ramon Magsaysay na “Those who have less in life should have more in law.” Sadyang napakabigat at hindi na puwedeng basta na lamang ipagwalang-bahala ng pamahalaan ang pagbibigay lunas sa mga suliraning kinakaharap ng bansa lalo’t binanggit nina Yeban at Corcega (2005) na "One phenomenon in today's politics is the increasing incapacity of governments to address adequately economic and social problems. Political powers traditionally exercised by governments dominated by few elite are now seen as indicative of bad governance." 


Sa kasalukuyan may mga nakahaing panukalang batas sa Kongreso at Senado ng Pilipinas na naglalayong bigyang ng aktibo at malawak na representasyon at partisipasyon ang mamamayan gaya ng:


 

1)   House Bill No. 4902, An act requiring the use of plain writing in all government documents to enhance citizens' access to government information and services and for other purposesni Kongresista Gus S. Tambunting

2)   House Bill No. 5418, “An act to enhance citizens’ access to government information and services by establishing a system in which government documents issued to the public must be written in plain language and translated to the local language or dialects if necessary, and for other purposes” ni Kongresista Patrick Michael D. Vargas

3)   House Bill No. 5465, “An act requiring the use of plain language in all government issued public advisories, notices, announcements and similar documents intended for public dissemination and distribution” ni Kongresista Ernesto M. Dionisio Jr.

 

Mahalagang maipaunawa sa sambayanan na ang Filipino at mga katutubong wika ay mabisang kasangkapan upang maipahayag ng isang Pilipino ang kaniyang katangian at identidad partikular sa usapin ng pakikipagkapuwa na makatutulong upang maabot ang pambansang kaunlaran na pakikinabangan ng buóng sambayanan sa lahat ng aspekto ng lipunan kabílang ang hanapbúhay, edukasyon, siyensiya, ekonomiya, atbp.

 

Ang paggamit ng wika ay dapat palaging nakaangkla sa usapin ng kapuwa upang matamasa ang ninanais na pag-unlad na masaklaw o ingklusibo sapagkat kasama ang maka-Pilipinong konsepto ng kapuwa kabilang ang pakikitungo, pakikisalamuha, pakikilahok, pakikibagay, pakikisama, pakikipagpalagayang-loob, pakikisangkot, at/o pakikiisa.

 

Ang ibon bílang pangunahing sagisag sa poster ng BnW 2023





Napakahalaga sa ingklusibong pag-unlad at pagpapatupad ng katarungang panlipunan ang pagbibigay-priyoridad sa agrikultura sapagkat sa sektor na itó nagmumula ang pagkaing pinagsasaluhan sa hapag ng pamilyang Pilipino. Itó rin ang pangunahing kuhanan-salukan ng materyales na nagsisilbing sangkap sa pagbuo ng produkto ng iba’t ibang industriya. Importante ang masiglang agrikultura sa masiglang ekonomiya ng bansa kayâ para sa taóng itó ay naglaan ang pamahalaan ng PHP42,844,114,000 pondo sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) sa hangaring lalo pang pasiglahin ang agrikultura at gawin itóng pangunahing tagapagtaguyod ng kaunlaran at kabuhayan sa bansa. Ayon pa sa Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (2023):

 

Kasama sa mga programang ito ng Department of Agriculture (DA) ang National Rice Program, National Corn Program, National Livestock  Program, National High-Value Crops Development Program, Promotion and Development of Organic Agriculture Program, at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program. Layon ng mga nasabing programa na tugunan ang food security sapat na suplay ng pagkain at kahirapan, at makamit ang sustainable growth sa pagpapaigting ng farm income at productivity. 


Kailangan ng sambayanan ang maigting na pagbibigay-priyoridad ng mga mambabatas sa Kongreso at Senado na puspusang isulong ang country side development tulad ng pagpapatayo ng mas maraming paaralan, paglulunsad ng mga gawaing pangkabuhayan o cottage industries sa kanayunan, pagpapatayo ng irigasyon at farm to market roads, mga impraestrakturang gaganyak sa mga mámumuhunán g

aya ng telecommunication system upang mapasigla ang kabuhayan sa mga lalawigan. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang mandayuhan sa kalakhang Maynila ng maraming Pilipino at lumayo sa kanilang mga mahal sa búhay para lámang may mapagsaluhan sa hapag ang pamilyang Pilipino.

 

Ang pagpapaunlad sa mga kanayunan ay hindi lámang nangangahulugan ng pagsulong ng lokal na ekonomiya kundi mabisang daan itó sa pagbubuklod o solidaridad ng bawat pamilya sa loob ng bawat komunidad-wika. Isipin na lámang natin ang laki ng naisasakripisyo ng isang angkan sa tuwing ang isa sa mga kasapi nitó o mismong ang buong pamilya ay mandarayuhan dahil sa ekonomikal na pagsasaalang-alang. Ano ang garantiya o pagtitiyak na madadala nila sa pook na lilipatan ang kanilang kultura, nakagawiang ugnayang panlipunan, at ang wikang siyang bantayog ng kanilang etnisidad? Ayon pa kina Victoria N. Anderson at James N. Anderson (2007):


High rate of marriages outside the language group, substantial out migration or immigration from other groups all threatens a community’s cohesiveness, and therefore, hamper a language chances for survival.

 

Language fare better when they have political, sociocultural or other public recognition. Even if a language is used in only a subset of interactions, it may survive if those interactions are culturally important.


No comments:

Post a Comment