Gagawaran
ng Komisyon sa Wikang Filipino si Suzettte S. Doctolero ng KWF Dangal ng
Panitikan 2023 sa KWF Araw ng Parangal na gaganapin sa 27 Abril 2023, 10:00
nu–12:00 nt, Grand Ballroom, Hotel Lucky Chinatown, Binondo, Lungsod Maynila.
Ang
kaniyang kontribusyon at hindi matatawarang ambag sa larangan ng telebisyon na
nagtampok sa iba’t ibang kulturang Pilipino gamit ang wikang Filipino ay
natunghayan ng mga Pilipino sa kaniyang mga obra gaya ng Encantadia, Amaya,
Indio, Sahaya, Legal Wives, at Maria Clara at Ibarra. Bílang eskperto sa
larangan ng malikhaing pagsulat ng iba’t ibang obra ay patuloy niyang isinulong
at pinasigla ang Panitikan Pilipino sa telebisyon at industriya ng pelikula.
Nakapagbigay
rin siya ng mga panayam sa iba’t ibang institusyong pang-akademiko bilang
kaniyang adbokasiya na makapagbahagi ng kaalaman sa mga estudyante hinggil sa
iba’t ibang aspekto ng pagsusulat sa telebisyon at pelikula.
Ang
Gawad Dangal ng Panitikan ay ang mataas na pagkilála sa naiambag sa panitikang
Pilipino o lifetime achievement award. Binibigyang-pagpupugay nitó ang
natatanging manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at
kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at ibá pang
wikang panrehiyon o panlalawigan.###
#buwanngpanitikan
#suzettedoctolero
#dangalngpanitikan2023
#komisyonsawikangfilipino
No comments:
Post a Comment