Lazada

Sunday, August 2, 2020

Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya

Ang akdang ito ay maaaring gamitin nang libre para sa online learning o anumang kaugnay na gawain.

Sabayang bigkas online


Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika,
Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya”

Hiligaynon, Sebwano, Bikol, at Pampanggo,
Mga wikang dapat ipinagmamalaki mo
Pangasinan, Tagalog, Waray, at llokano
Patuloy itong gamitin, ito ang hámon ko sa iyo.

Lahat ng wika sa bansa ay dapat pahalagahan
Tausug, Yogad, at Sambal ay patuloy na pangalagaan
Huwag ikahiya ang iyong wika na sa iyo ay pamána
Kinaray-a, Kankanaey, at Cuyonon ay ipagmalaki sa buong bansa.

Ang mga wika sa bansa ay may hatid na karunungan
Chavacano, B’laan, at Ibanag huwag husgahan
Makikita ang tradisyon, kultura, at pananampalataya
Kalanguya, Ga’dang at Itawis ay kasama sa mga talâ.

Ang kasaysayan ay naaalala dahil sa wika
Wikang sinambit ng mga bayani ng ating bansa
Silá rin ay lumaban sa mga nakalipas na pandemya
Bayaníhan at wika ang kanilang naging sandata.

Dayuhang wika ang tinatangkilik ng mga kabataan
Mga pelikulang Korean ang kinasasabikan
Kasama pa si nanay at tatay sa internet nakatututok
Ang katutubong wika ay hindi itinuro kayâ ito ay binubukbok.

Senador, congressman, alkalde, at konsehal
Marami sa kanila ay wikang dayuhan ang gamit
Gumagamit lámang ng Filipino kapag gustong mahalal
Kapag nanalo sa eleksiyon, wikang dayuhan na ang sinasambit

Katutubong wika ay yaman ng bawat Filipino
Huwag hayaang mamatay ang yaman na ito
Ayta mag-indi, Manobo Kalamansig, Binatak, at Irungdungan
Tungkulin ng bawat Filipino na ito ay pangalagaan

Mandaya, Adasen, Higaonon, Ibatan, at Teduray
Ituring itong ginto at huwag hayaang mamatay
Ang mga ito ay pamana na hindi mapapalitan ng pera
Tiyakin na sa susunod na henerasyon ito ay maipamana

Huwag hayaan na ang wika ng iyong ninuno ay maglaho
Tiyak susumbatan ka ng mga kabataang Filipino
Dahil wala kang ginawa pára ito ay maipreserba
Ang wikang pamana ay tuluyan mong ibinasura

Hindi pa hulí ang lahat aking kababayang Filipino
Patuloy mong gamiting ang katutubong wika
Mapunta ka man sa Amerika, Hongkong o Canada
Tiyakin na yakap at gamit mo ng wika ng iyong ninuno

Mga katutubong wika ay gamitin sa edukasyon
Ang mga guro at magulang ay dapat magtulong-tulong
Gamitin sa mga teksbuk at mga babasahin
Tiyak ang literasi ay makakamit natin

Sa panahon ng pandemya, bayahinan ang kailangan
Katutubong wika ay susi upang sakit ay maiwasan
Wikang dayuhan ay hindi naman naiintindihan
Kung sakít na COVID-19 at kalusugan ang pinag-usapan

Bayanihan, bayanihan, gamitin ang wika sa bayanihan
Ang paggamit ng katutubong wika ay dapat isakatuparan
Tiyak ang bayanihan kung nagkakaintindihan
Pandemya ay mabilis at epektibong mapagtatagumpayan

Ikaw, Ako, Tayong lahat ay may tungkulin
Katutubong wika ay dapat pagyabungin
Isama ito sa mga iba’t ibang uri ng publikasyon
Gamitin sa social media, IG, YouTube, at Twitter

Huwag iasa sa dayuhan ang pag-aaral sa ating mga wika
Tayong mga Filipino ang dapat gumawa ng mga hakbang
Gumawa ng ortograpiya ng mga katutubong wika
Gamitin sa mga paaralan at gamitin nang tama.

Katutubong wika ay ipagsigawan sa buong sanlibutan
Ito ay yaman ng ating kultura na dapat pangalagaan
Isang pagtataksil ang talikuran ang wika ng iyong ninuno
Kayâ kumilos at gamitin ang mga katutubong wika.

No comments:

Post a Comment