Lazada

Sunday, July 14, 2019

WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG FILIPINO

Language! Philippines! Mother Tongue!
Language Month!

Tema ng Buwan ng Wikang Pambansa


WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG FILIPINO


Mungkahing piyesa para Sabayang Pagbigkas para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019.
Sabayang Pagbigkas para sa lahat

Sabayang Pagbigkas!

Maaaring gamitin ng mga paaralan.


WIKANG KATUTUBO: TUNGO SA ISANG BANSANG PILIPINO
JENNIFOR AGUILAR

Hinuhubog, Binubuo, nilililok
Bansang sa panahon ay sinubok
Napakaraming dayuhan ang sa ati’y sumakop
Niyurakan, nilapastangan, tayo’y inilugmok

Namangha sa kagandahang binubuo ng mga pulo
Sa angkin nating yamang puro’t dalisay na ginto
Maging sa mga wikang iba-iba at katutubo
Taglay ng mamamayang matitikas at tribo-tribo

Hinati-hati, pinagwatak-watak, ginrupo-grupo
Nagsipangalat mga katutubong Pilipno
Itinaguyod kani-kaniyang tribo
Nalimot ang pagkalahing iisang dugong Pilipino

Nilapastangan ng mga dayuhan, binihisan ng pagbabago
Relihiyon at edukasyon pilit sa ating pinasubo
Niyurakan ang kultura’t winasak ang pagkatao
Nilihis ang landas ng lahing Pilipino

Ivatan, Itneg, Ibanag, Ilocano
Tagalog, Bicolano, Waray at Cebuano
Ilan sa mga katutubong wikang bumubuo sa Filipino
Pinipigil, sinusupil, pinapatay ng pagbabago

Binabansot, nililimot, unti-unting naglalaho
Wikang banyaga’y, lumalaki’t lumalago
Ikinikintal sa utak ng mga Pilipino
Wika ng Bayan ko, saan kaya magtatagpo?

Linangin, payabungin, pagyamanin ang wikang Filipino
Ibatay sa mga Wikang umiiral sa bayan ko
Mga wikang angkin, mga wikang katutubo
Tungo sa pagtataguyod ng isang bansang Pilipino

Paunlarin at suportahan MTB-MLE sa bawat baryo
Wikang katutubo ang gamitin sa pagtuturo
Buwagin at ibasura CMO-20 sa Kolehiyo
Ibalik ang mga asignaturang Filipino

Patatagin ang bansa sa pamamagitan ng wika
Wikang gamit sa komunikasyon at pag-unawa
Wikang nakaugat pagkalahi nati’t kultura
Upang mapag-isa minamahal nating bansa

Mga wikang katutubong maliliit man at iba-iba
Hitik naman sa yaman ng gawi nati’t kultura
Kung bibigyang pansin at pahahalagahan ng madla
Mabisang kasangkapan upang maging isang Pilipinong Bansa

Wednesday, July 10, 2019

Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.

Buwan ng Wika 2019


Matutunghayan sa mga elemento ng poster para sa Buwan ng Wika 2019 ang tema sa darating na pagdiriwang na Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.


Sa gitna ng disenyo, matatagpuan ang baybayin na “ka” sa loob ng logo ng KWF. Pagtatanghal at pagpaparangalan ito ng KWF sa mga katutubong wika na malaking bahagi ng kaakuhang Filipino.


Sumasagisag rin sa pangkating katutubo ang paggamit ng mga habing matatagpuan sa Filipinas. Sumisimbulo naman ang sarikulay ng parol sa minimithing kaisahan at epektibong pag-uugnayan sa mga katutubong wika sa bansa.


Sa tala ng KWF, may 130 katutubong wika sa Filipinas na dapat pangalagaan bilang pamanang pangkultura o intangible heritage. Pakikiisa rin ito sa pagtatalaga ng UNESCO sa 2019 bilang taon ng mga katutubong wika sa buong daigidig.


Inaanyayahan ang lahat na ipaskil ang mga poster sa prominenteng pook sa kani-kanilang gaya ng mga paaralan at tanggapan bilang pakikiisa sa buong buwang pagdiriwang ng mga wika ng Filipinas.