Mga Leksikograpo at Lingguwista, Bubusiiin ang Pagbuo ng Diksiyonaryo ng Wikang Filipino
Bubusiiin ng mga dalubhasa sa wika ang pagbubuo ng diksiyonaryo ng Wikang Filipino at mga wika sa Filipinas sa isang simposyum na pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Dadaluhan ng mga leksikograpo, lingguwista, at eskolar sa wika ang libreng Simposyum para sa Leksikograpiya na gaganapin sa 23–24 Nobyembre 2016, 8:00nu-5:00nh sa Benitez Theater, Kolehiyo ng Edukasyon, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
Tatalakayin ni KWF Komisyoner Dr. Purificacion G. Delima, edukador at lingguwista, ang kasaysayan ng mga diksiyonaryo sa Filipinas at ang iba’t ibang mahalagang isyu hinggil nito.
Ipaliliwanag ni Dr. Anicia del Corro, isang lingguwista at manunulat sa wikang Kapampangan, ang kahalagahan ng leksikograpiya bilang isang disiplina sa lingguwistika.
Ipakikilala ni Dr. Nina Christina Lazaro-Zamora, isang lingguwista, mananaliksik-wika, awtor at konsultant ng teksbuk, at edukador ang iba’t ibang pamamaraan ng pagbigkas at pagsulat ng mga Filipino sa paksang varayti at varyasyon ng wika.
Ibabahagi ni Dr. Arthur P. Casanova, manunulat at edukador, ang iba’t ibang karanasan at praktika sa pagbuo ng espesyalisadong diksiyonaryo, partikular na ang pagbuo ng monolingguwal na diksiyonaryo. Samantala, ilalatag naman ni Dr. Christian George C. Francisco ang mahahalagang karanasan hinggil sa pagbuo ng diksiyonaryo ng print at broadcast media.
Magbabahagi ng importanteng karanasan at praktika sa pagbuo ng diksiyonaryong Waray-Filipino-English si Prop. Evelyn A. Lanuza; diksiyonaryong Pangasinan-Ilokano-Filipino-En glish si Dr. Joselito D. Daguison; at diksiyonaryong Mindanao-Sulu-Palawan si Dr. Rosario B. Dizon.
Tampok din sa simposyum si Dr. Tereso S. Tullao, Jr., isang ekonomista, propesor sa ekonomiks mula sa De La Salle University-Manila, at awtor ng teksbuk at diksiyonaryo sa ekonomiks, na tatalakay hinggil sa diksiyonaryo sa larang ng ekonomiks.
Komprehensibong tatalakayin ni Dr. Benjamin Mendillo, Punò ng Sangay ng Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang mahahalagang termino hinggil sa batas at hurisprudensiya.
Tampok sa gawaing ito ang pagbuo ng balangkas sa iba’t ibang modelo at pagbuo ng diksiyonaryo.
Para sa iba pang detalye, maaaring makipag-ugnayan kay Victoria G. Corrige-Casoy sa mga telepono blg. 2439855, 0998-3280515, 0915-8465459, o mag-email sa may20_72ma.victoria@yahoo. com kung may tanong o paglilinaw.