Lazada

Sunday, June 27, 2010

Filipino Literature From Filipino Youth

Books ! Books ! Books !

Read! Read! Read! Do you want to read books but you don't have time to visit bookstore and buy your favorite Filipino literature?

Are you wondering if the new generations can write Poems...Short stories...Novels... and other genre..

YES! The Filipino youth can contribute their own masterpieces because they are talented, creative and imaginative.

LUMULUHANG MGA MATA
by Chrisginald De Vera


verse I:
nakatitig sa kawalan
hindi maaninag ng lumuluhang mga mata
hawak ang kamay ng isang dalagita
hindi malaman kung saan pupunta

verse II:
hindi matanggap mga pangakong binitawan
pagkuha sa bituin at buwan
hanggang dito na lamang ba
kanta nating dalawa

chorus:
bakit inilihim?
bakit katotohan'y ayaw alamin?
bakit hindi sinabi?
sana'y natapos na ang lahat ng ito oh

verse III:
hindi malaman paano aayusin
mga nasirang kaibigan
at pusong manhid na sa sakit
ayaw ko nang lumuha pa

chorus:
bakit inilihim?
bakit katotohan'y ayaw alamin?
bakit hindi sinabi?
sana'y natapos na ang lahat ng ito oh

bridge:
natatakot sa iyong anino
sundan ako hanggang sa pagtulog oh


nakatitig sa kawalan
hindi maaninag ng lumuluhang mga mata

NAAMANIT SI KUPIDO SA PANAGINIP
by Earl Justin Pingol



Isang binibini ang nagtuturo sa amin,

pili ang indak na pinipilit paangkin.

Bibilangan ang galaw naming nakikinig,

atensyon ng madla'y nasa kanyang alituntunin.

Isang bagay lamang ang hindi niya napapansin,

sa bawat indak nya'y sampung beses ang tama sa akin.

Pagsalungat sa alituntunin akin pang pipillin,

maging personal lang ang pagturo sa akin.

Estado sa buhay akin munang lilimutin,

maging kanyang manliligaw palihim kong sisirain.

Madaanan ng mata'y minsan nama'y maangkin,

o kahit palihim akin syang lilingunin.

Pagtakas sa realidad aking pipiliin,

anupama't doon sya'y magiging akin.

Kahit wag nang gumising aking ihahabilin,

huwag lang maputol doon kami'y magkapiling.

Habambuhay mang sya'y palihim na iibigin,

sapat nang sa akin sya'y nasa paningin.

Pagtulog ko sana iyo namang patagalin,

dahil sa realidad imposible syang maging akin.

MARAPATIN by Earl Justin Pingol

Sakaling ako'y mapadpad sa ulanan,

ihabilin mo 'ko sa silong ng unan,

Upang sa paglalakad lalong maramdaman..

bigat ng tubig an una'y pasansan..

Sakaling ako'y mapadpad sa damuhan

humimlay panandali ako'y iyong hayaan..

nang kung pano ang lupa'y mabilad sa arawan..

ipasa sa akin at maranasan naman....

Kung ako'y mapapadpad sa iyong tahanan..

tubig aking pakiusap ako'y iyong alayan..

At sa oras na ika'y sa amin naman...

Tubig na inalay pag ibig naman...

Kung ako'y mapapadpad sa dalampasigan...

Hilingin mong ganap lakas ng alunan..

Pagdaka'y lumampas sa aking katauhan..

Sa iyo'y patututunayang pipiliting malampasan..

Sakaling ako'y mapapadpad...

Sakaling ako'y mapapadpad...

Ni isa rito'y huwag mong tutugunan..

Dahil pansinin ka'y hindi ko pahihintulutan...

Jeepney Drive
Chris Angelica S. Siete


Kahapon lamang ay kasuno kita sa jeep. Magkatapat na naman tayo sa bandang hulihan. Ngunit hindi tulad ng dati, wala nang biruan at ang masayang tawanan. Sinubukan kitang ngitian. Ngunit laman ng iyong mga mata, " Ayokong makausap ka.".
Natatandaan mo pa ba ang silid - aralan kung saan nabuo ang ating pagkakaibigan? Ang tawagan na Kuya at Ineng? Mga kantiyawan? Ilang pagtatalo na nauuwi din naman sa biruan? Ang hindi natin makakalimutan na pagkain ng fish balls at kikiam sa labas ng gate at ang panglilibre sa isa't - isa? Natatandaan mo pa ba ang mga pangarap na sabay nating binuo? Ang pagiging magkasosyo natin sa negosyo pagkatapos ng kolehiyo? At ang pagbaba ng isa sa atin sa jeep sabay sabi ng, "bye bye. Ingat ka ha. Good night. Sweet dreams. God bless. I love you. Mwaah!"
Lumipas lamang ang konting panahon na tayo ay nagkalayo. At ngayon, muli na naman tayong pinagtagpo. Ngunit iba ang ikaw na nakikita ko ngayon. Hindi ang ikaw na masayahin, makwento at laging may ngiti sa mga labi. Nakikita kita ngunit hindi ikaw ang matalik kong kaibigan mula pa nung grade 2. Hindi na kita kilala ngayon. Nakikita kita ngunit patay ang iyong kaluluwa. Nasaan na ang dating kaibigan ko?
Ipinikit ko ang aking mga mata at hiniling na sa aking pagmulat ay ang totoong ikaw na ang aking makikita. Ngunit habang ako'y nakapikit, biglang nanariwa ang huling pagkakataon na tayo'y nagkasama. Ang init ng hawak at mga yakap mo. Ang mga mumunting tubig na namumuo sa iyo at aking mga mata. Ang mga huling salita bago tayo ay pinaglayo ng tadhana, " HIndi na talaga pwede!" At ang huli ay ang paghihiwalay ng ating mga kamay at ang pagtalikod sa isa't- isa.
Naguguluhan ang isipan na ako'y naglakad- lakad sa may dalampasigan. Nakabibingi ang katahimikan. Tila gusto ko nang magpatangay sa mga alon ng dagat at kalimutan na lang ang lahat mula sa pinakaumpisa. Magandang panoorin, ngunit tila ang araw na papalubog ay nakikiramay din sa akin. Ngunit bakit nga ba hindi na maaari? Bakit nga ba naging bawal? Ang mga katanungan na pilit kong hinahanapan ng kasagutan ay alam kong maiiwan lamang na nakabitin dahil hindi ko masasagot kung wala ka dito sa tabi ko. Ang mga nararamdaman ko ay patuloy lamang na maiiwan at matatabunan sa bawat alon ng dagat at takbo ng orasan. Ang mga salita na gusto ko mang iyong marinig ay itatago na lamang at kahit kailan ay hidi mo na maririnig. At ngayong ako ay muling nagpunta sa lugar na ito, gagawin ko na ang matagal na hamon. Nagawa mo akong kalimutan. Ngayon ay papatayin na rin kita sa puso ko at ang mga alaala mo sa aking buhay ay isasama ko na lamang sa paglubog ng araw sa dapit- hapon.
Ibinukas ko ang aking mga mata. At sa pagtingin ko sa iyong kinauupuan ay nakita ko ang dati kong kaibigan na kasama ko mula pa noong kabataan ko. Biglang tumigil ang kakaibang pagpintig ng aking puso. Gumalaw ang iyong mga labi. Pumorma ng isang matamis na ngiti at sabay sabing, " Kumusta na? Tagal na nating hindi nagkita ah!". Bigla akong natauhan. Ngayon alam ko na, nagbalik na ang matalik kong kaibigan. At sa paghinto ng jeep, kasama kong bumaba ang iyong matamis na ngiti. Na habangbuhay ay mananatiling ngiti, ngiti ng pagbabalik ng isang matibay na pagkakaibigan.

Isang linya lamang
-kath


Isa lamang akong ordinaryong nilalang
Isang nilalang na kung saan-saan makikita
Sabi ng ilan, ako daw ay mahalaga
Sabi rin naman ng iba, karaniwan lang yan
Ako daw yung tipong laging ginagamit
At kapag wala nang silbi ay tinatapon na lang
May ilan pa nga na nagagalit sa akin
Kasi pag nagkamali ako, hindi na daw maaalis
Kasalanan bang magkamali
Kaya nga nandiyan ang salitang pag-iingat
Minsan, kinukumpara nila ako sa iba
Kasi daw yung iba, kaya nilang burahin ang pagkakamali nila
Eh ano naman ngayon, sabi ko sa sarili ko
Permanente ako, hindi tulad nila na pansamantala lang
Isa pa, hindi lang ako isang nilalang na laging ginagamit
At sa isang araw ay itatapon
Nagbibigay din ako ng leksyon sa iba
Na sa lahat ng bagay, dapat ay nag-iingat
At marunong magdahan-dahan
At kung magkamali man, dapat marunong kumontrol ng sarili mo, at,
burahin ang pagkakamali ng isang linya lamang.

kape-adik!
GARUCHA, KAREN CLAIRE S


Pagising sa umaga hinahanap-hanap sya..
Diretso sa kusina't kukuha ng kutsara,
Isusunod ang thermos, asukal at tasa,
Kapag lahat ay handa na sya'y ititmpla

Isang kutsarang asukal, isang kutsarang kape
Lagyan ng tubig na mainit at haluing mabuti
Mabubuhay ang dugo sa aromang napakatindi
Amu'y- amuyin mo pa't sa pakiramda'y napakaigi

Hep! Hep! Hep! Kaibigan, tikman mo't baka matabang,
Dila'y pagkaingatan, mainit yan dahan-dahan lang!
Sa unang supsop ng itinimpla'y iinit ang pakiramdam,
Hahagod sa lalamunan, aabot hanggang tiyan.

Ano ang iyong masasabi sa iyong unang tikim?
Ikaw ba'y nalalasap at ito'y hinahanap- hanap?
Kaibigan patay ka! ikaw ay tinamaan na..
Kape-adik! Kape-adik! patay ka! sayo'y buhay na!

Hinto
Beverly M. Recluta

Simula pagkabata,
kahirapan ang nakita,
namulat sa walang rangya,
sarili'y napuno ng hiya.

Nag-aral sa pampubliko,
iniwasan ang gulo,
sa sarili ay nakuntento,
hindi nagpadala sa uso.

Damit ay laging luma,
di makabili pagkat walang pera,
umiwas sa barkada
para di maalila.

Pag-aaral ay hininto,
kahit ito'y di gusto,
sa hirap ng buhay
kelangan tulungan si Nanay!

Apat na taong nahinto,
naranasan ang magtrabaho
ngunit nangarap umasenso
kaya't pinilit magkolehiyo.

Ngayo'y walang pinagsisisihan,
pagpasok sa kolehiyo'y nahuli man,
patuloy pa ring lumalaban,
mananalig sa Diyos magpakailanman!

GOS NG MUWANG ni: Junalyn Jardin

Sa pagkakataong ito,
Ako’y nakaupo
Minimasdan ang ilog
Sabay ang awit nito

Bawat hampas ay buhay
Bawat agos ay dalisay
Ngunit mayroong tinataglay
Pawang may nais na isaysay

Ako’y isang bata lang
Walang muwang sa mundo
Ngunit may tanong ako
Sana ay masagot mo

Nang akin ngang minamasdan
Ilog sa may daan
Bakit parang ito’y patay,
Pinagkaitan ng buhay?

Ako’y biglang nalungkot
Nang lumapit ako roon
Tanong ko’y nasagot
Ngunit puso’y may poot

Akin ngang namasdan
Taong napadaan
Bitbit niyang sisidlan
Inihagis na lamang.

Awa ba’y nasa ’yo?
Bakit iyo’y ginawa mo?
Talino ba’y nasa ‘yo?
O makitid lang ang ulo mo?

Di mo ba nakikinggan,
Malungkot na ang tugtugan?
Muka ng ilog ay masdan
Puno ng muta at luhaan.

Noon, Ngayon at Bukas

tula ni Daisy Jennifer Degones

Noon, maberdeng kapaligiran ating matatanaw
Matataas na puno, mga dahon animo'y sa hangi'y sumasayaw
Mga ibon sa himpapawid ay nagagalak ngang tunay
Pagkat ang Amang Lumikha sa atin ito'y inialay.


Tubig ay malinaw, umaagos ng kay payapa
Mga isda’y nagdiriwang, lubos ang pasasalamat
Sa likas na yaman tayo’y di naging salat
Bumuhos ang biyaya, sa ati’y nag-umapaw pa.


Ngayon pagmasdan animo’y naglahong parang bula
Maberdeng tanawin hindi na masulyapan
Solusyon sa problema ay hindi mahanapan
Mga kababayan ngayo’y gulat at tulala.


Sino nga ba ang dapat sisihin? Di ba’t tayo rin
Hirap at pagdurusa atin ngayong sinasapit
Naranasan ang galit, natikman ang lupit
Ngunit ‘wag mag-alala tayo’y agad patatawarin.


Bukas babangon ng may buong pag-asa
At ang kaginhawa’y atin ng matatamasa
Kalimutan ang hapdi’t bakas ng kahapon
Ngunit ang aral ay huwag itatapon.