google play store
Lazada
Wednesday, March 25, 2026
Komisyon sa Wikang Filipino Online Dictionary
Tuesday, March 24, 2026
"Beket Panitikan: Para sa Katwiran at Kalikasan"
Ang tema ng pagdiriwang ngayong 2026 ay "Beket Panitikan: Para sa Katwiran at Kalikasan". Hango ang “bekët” sa mga Agutaynë́n ng Palawan at nangangahulugan ito ng pagkakaisa at pagbibigkis.
Bekët
Panitikan: Para sa Katwiran at Kalikasan
Kumukuha ng katutubong lakas ang tema ngayon ng Buwan ng
Panitikan para itanghal ang kapangyarihan ng panitikan na pagkaisahin ang
bayan. Hango ang “bekët” sa mga Agutaynë́n ng Palawan at nangangahulugan ito ng pagkakaisa at
pagbibigkis.
Sa ganitong paraan, kinikilala ng “Bekët Panitikan” ang
mahalagang ambag ng katutubong haraya sa pagbuo ng panitikang pambansa. Dahil
ang bayan ay binubuo ng iba’t ibang pamayanan ng mambabasá’t manunulat na
patuloy na yumayabong ang ugnayan. Itinatanghal din nito ang panitikan bilang
mahalagang bigkis sa haraya, gunita, at intelektuwal na pag-unlad ng bayan.
Ang subtema
Mahalagang pinaglalaanan ng pokus ang pagkakaisa na itinataguyod
ng panitikan. Sa pagdiriwang na ito binibigyang-pansin ang pangangailangan
upang pagkaisahin ang lakas para sa katwiran at kalikasan. Ang katwiran, at ang
pananaig nito sa bayan, ay noon at noon pa idinambana ng mga bayaning manunulat
ng bayan para marating ang minimithing ginhawa at kalayaan. Mahalaga rin ang
pagbibigkis para sa kalikasan upang maging maláy pa lalo ang mamamayan sa
kanilang gampanin na pangalagaan ito. Dahil bahagi lamang sila nito at
kailanma’y hindi makatataas sa kalikasan.
Bekët hindi?
Sa dulo, isang pang pamilyar na tanong ang aalingawngaw kapag
binigkas ang katutubong pamana ng mga Agutaynë́n:
Bakit hindi panitikan? Dahil nasa ikalawang dekada na ng implementasyon ang
pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan mula nang ilabas ang Proklamasyon Blg. 968
noong 2015, patuloy ang panawagan para sa pagpapahalaga at patuloy na pagpapayaman
pa ng tangkilik sa panitikan ng bansa. Dahil sa hulí, ang panitikang pambansa
rin ang magpapakita ng ating malalim na ugnayan sa isa’t isa bilang kapuluan ng
mga wika, bilang kapuluan ng mga tekstong patuloy na nabubuhay.
#buwangpanitikan
#panitikan
#wika
#kwf
#ncca
#nbdb
#kultura

