José Corazon de Jesús Mga Pilìng Tula
Ang Hulí Kong Alaala (11 Marso 1916)
ni Virgilio S. Almario
Paraluman: Ang tulang ito’y pinakabatì ko na sa inyong
pakikipag-isang pusò sa táong lalong mapalad marahil
kaysa akin. . .
Nagsasayá sa bahay mo. May awitan. May sayawang
ang kasaliw ay orkestang nabibigay kagalakan;
may makatang tumutula’t bumabatì nang magálang
sa bago mong tatamuhing maligayang pamumuhay . . .
Ikaw Talà ay masayá sa gayong mong kalagayan,
ang damit mo’y kulay putî, may korona kang asahar,
ang lambong mo’y kakulay din ng damit mong pinagyaman,
ano pa nga’t putîng-putî ang suot mo paraluman.
Sa tapat ng tahanan mo’y nakahinto ang karwaheng
maghahatid sa simbahan sa iyo’t sa iyong kási;
sa simbahan, ang dambana’y kay ningning ng palamuti’t
ang maugong na batingaw ay para pang nagpupuri;
para manding sa palad ko’y siyáng tanging nagsasabing
ikaw aking paraluma’y di na sa aking sarili;
ikaw ngayon ay ibá na’t may ibá nang kinakási,
at akong naging giliw mo’y iiwan nang naduhagi.
At hindi nga nalauna’y nanaog na kasáma mo
ang laláking nagkapalad na lubusang maging iyo!
Siyá’t ikaw sa sasakya’y payapà nang patutungo
sa dambanang nag-aantay upang pag-isahin kayó.
Mga abay, panauhi’t marami pang mga táo
ang ibig na makasaksi sa gagawing kasal ninyo;
ako lámang yaong tanging walâng layàng makisálo
sa lahat ng nangyayáring luwalhating inyong-inyo.
At dumatíng sa simbahan, ang sasakyan nagtutulin,
kasintulin ng paglayô ng nagmaliw mong paggiliw.
Siyá’t ikaw ay nanaog at nások na mataimtim
sa luhurang naroroo’y lumuhod na magkapíling . . .
At ang Parì’y pinag-isa kayóng dalawa sa turing,
kayó naman bawat isa’y sumumpang di magmamaliw.
Ay! Naganap ang kasalan, sa bahay mo’y nagbalik din,
ang lahat ng nagsiabay at sumaksing panauhin.
Samantálang nagsasayá sa bahay mong aliwalas
ay may isang diwa namang nilalason ng pahirap,
isang pusò naman yaong nilulunod ng bagabag
at natiráng nag-iisa sa malungkot na pagtawag . . .
At ang diwang nahahapis at ang pusòng nawakawak
ay sa akin lámang giliw lubusan mong mamamalas.
Ang matá ko pahirin ma’y may luha ring nalalaglag
at warìng sa katwaan mo, ang pusò ko’y ayaw mayag.
Ngunit ako ay hulí na! Ginang ka nang tatawagin
na hindi na mangyayáring sa asawa ay magmaliw . . .
Hindi na nga maaari ang ikaw pa’y kausapin
pagkat bakâ pa magálit ang bago mong ginigiliw.
Ang titig mo, ang lambing mo’t ang pusò mo’y di na akin,
may bago nang nag-aaring lalong mapalad marahil . . .
Samantálang ako ngayon . . . ni dangal ma’y walâ na rin,
palibhasa’y inibig mong ako’y iyong ulilahin.
Hindi kitá sinisisi sa lubos mong pagtalikod
sa pusò kong umaasang ako’y di mo malilímot;
hindi ako naghahangad ng masamâng pagkatápos
ng bago mong kapalaran sa píling ng bagong irog . . .
Kung bagama’y lalo ko pang ninanasà ang malubos
ang tuwâ mo, ang sayá mo’t ang galak ng iyong loob
at nang sa ganito man lang ay akin ding maihandog
sa ilalim ng yapak mo ang batì kong sakdal lungkot.
Magsayá ka paraluman! Tumáwa ka . . . magalak ka!
Ako man ay nagagalak pagkat ikaw’y nagsasayá.
Ngunit akin lámang bilin kayó sánang mag-asawa’y
magsidalo sa libing kong inyo na rin makikíta;
ako nga ay papayapà nang kayó ay lumigaya,
bakâ dahil pa sa akin tuwâ ninyo ay magbawa.
Walâng tigil ang batingaw pagkat kayó’y nakasal na
dapwat ang susunod diya’y ang malungkot kong plegarya.
ctto
#josecorazondejesusmgapilìngtula
#virgiliosalmario
#panitikan
#buwanngpanitikan
#buwanngwika
# sananselmopublicationsinc