Sa pangunguna ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); at Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat (National Book Development Board – Philippines), isinasagawa tuwing buwan ng Abril ang Buwan ng Panitikan alinsunod sa Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan noong 2015.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikan 2022 sa temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan” bilang paghihikayat at paraan ng pagpapasigla ng interes ng kasalukuyan at nakaraang henerasyon pagdating sa pag-aaral, muling pagtuklas, at pangangalaga sa mga kuwento at karunungang-bayan at ng iba’t iba nitong mga porma at anyo.
Sa mga nakalipas na taon, ang Buwan ng Panitikan ay ipinagdiwang na sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Bunsod ng mabisang pakikipagugnayan sa iba’t ibang institusyong pansining at pangakademiko, gayun din ang iba pang organisasyong nagtataguyod ng panitikan, iba’t ibang mga grupo na ang nagpakita ng interes sa pakikiisa at ang ilan ay nagsasagawa na ng kanikaniyang programang pampanitikan tuwing buwan ng Abril.
Bagaman nagkaroon ng malaking pagbabago bunsod ng pangmalawakang sitwasyong pagkalusugan na hatid ng Covid-19 virus, nagpapatuloy parin ang mga programang pampanitikan sa iba’t ibang online platforms mula noong 2020
Abangan ang iba’t ibang mga programang pampanitikan ngayong Abril!
#NLM2022
#BuwanNgPanitikan2022
Mula sa NCCA