Lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021
Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang lahat na lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021. Ang tema ng pagdiriwang sa taóng ito ay “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Pangungunahan ng KWF ang pagdiriwang alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing 1–31 Agosto.
Tampok sa serye ng webinar ang mga dalubhasa sa wika, panitikan, at kultura. Ang unang serye ay gaganapin sa 2 Agosto na may paksang “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo” na ang magiging tagapanayam ay si Prop. Patrocinio V. Villafuerte, isang retiradong propesor at ginawaran ng Dangal ng Panitikan (2020) ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Para sa interesadong lumahok, mangyaring sagutan ang pomularyo ng rehistrasyon https://forms.gle/K4qZ7qt34X31mArr8